Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mga Kausuhan—Ano ang Pang-akit Nito?
ANG kabataang si Avery ay isa sa libu-libo—marahil ay milyun-milyon—na mga kabataan na nadala sa agos ng popular na kausuhan ng pagsusuot ng mga T-shirt na may sawikain. Mangyari pa, ang mga T-shirt na may sawikain ay malaon nang umiral; marahil ay nakapagsuot ng gayon din ang iyong mga magulang noong sila’y bata pa. Gayunman, ayon sa magasing Newsweek, may isang bagong pitak ang kausuhang ito. Ang ilang kabataan ngayon ay “pinagpaparangalan ang mga T-shirt na nagpapakita ng mga mensaheng tuwirang mula sa malalaswang bagay.”
Ang bagong mga T-shirt ay nagtataglay ng mga sawikain na, karamihan nito’y, totoong nakasisindak. Ang mga ito’y mula sa pag-alipusta sa lahi hanggang sa magagaspang na komento tungkol sa kababaihan. Ang mga sumusunod sa kausuhang ito ay waring walang gaanong pakundangan sa kung ano ang nadarama ng iba—pati ng kanilang mga magulang—tungkol sa malalaswang sawikain. Nang tanungin ng 18-taóng-gulang na si Andrea ang isang kabataan kung bakit ito nagsusuot ng T-shirt na totoong may napakalaswang sawikain, “hindi niya alam ang sasabihin niya, basta kung anu-ano na lamang ang idinahilan niya gaya ng, ‘Okay kasi ito’ at ‘Kahit sino ay nagsusuot nito.’ ”
Sa nakalipas na mga dekada, nabihag ng napakaraming kausuhan ang pansin ng mga kabataan. Ang isa sa pinakapopular—at pinagkakakitaan—na kausuhan sa lahat ng panahon ay ang Hula-Hoop na pinagkaguluhan sa Estados Unidos noong nakalipas na dekada ng 1950. Balikan ang ilang taóng nakalipas, at ang paglulon ng goldfish at ang pagkakita ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa isang booth ng telepono ay naging popular. Sa nakalipas na mga taon, ang break dancing, kupas na mga pantalong maong, mga skateboard, at “streaking” (pananakbong nakahubad sa madla) ay nagkaroon ng panandaliang popularidad. Isang manunulat ng Bibliya ang nagsabi: “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Sa ngayon, ang napakaraming kausuhan—ang ilan mula sa napakahangal hanggang sa napakapanganib na bagay—ang nauuso sa ngayon sa mga kabataan.
Ang mga Kabataan at ang Kanilang Usong Kasuutan
Halimbawa, isaalang-alang ang kasuutan. Ayon sa magasing Time, ang musikang rap (kalimitang tinatawag na hip-hop) “ang sa ngayon ang pinakamatagumpay na iniluluwas ng bansang Amerika pagkatapos ng microchip, na lumalaganap, totoong namamayani, sa kultura ng kabataan sa buong daigdig.” Subalit, gaya ng nalalaman mo, ang rap ay higit pa kaysa musika lamang. Ganito pa ang sabi ng Time: “Ang rap ay isa ring pambuong daigdig na produkto ng moda ng damit. Ang lokal na pagkasari-sari ng pangunahing panlansangang damit sa Amerika—ang maluluwang na pantalon, mamahaling mga gomang sapatos, mga sweatshirt na may talukbong, mapasikat na mga alahas—ay makikita saanman.” Ang labis-labis na pagpapalaganap ng kilalang mga mang-aawit—at sa pamamagitan ng musikang video—ang gumatong sa dumaragsang kahilingan para sa mga istilong hip-hop.
Ang usong damit na napakaluwang ay napakagastos—ang high-cut na de-gomang mga sapatos na lamang ay kalimitang napakamahal! Subalit inaakala ng maraming kabataan na ito’y sulit sa presyo. Ayon sa isang kabataan na nagngangalang Marcus, “kung hindi ka magsusuot ng maluluwang na damit, hindi ka hip hop.”
Iyan ay ayos lamang para sa mga kabataang ang pinipili ay nakahilig sa popular na hitsurang “nanlilimahid.” Ang punit-punit na pantalong maong at guhit-guhitang mga T-shirt na nagpapakilala sa kinahuhumalingang pananamit na ito ay pinauso ng ilang ipinagbabawal na mga banda ng rock sa Amerika. Tinagurian ng isang manunulat ang kasuutang “nanlilimahid” bilang “pagkukunwaring karukhaan.” Totoong ito’y isang pagkukunwari. Ang burarang pananamit ay magastos. Pagkatapos nariyan ang tinatawag na “retro-chic.” Ayon sa magasing Maclean’s sa Canada, ang mga ito ay “mga modang damit na bumubuhay muli sa mga kausuhan mula sa pagtatapos ng dekada ng 1960 at sa pagpapasimula ng dekada ng 1970.” Gayon na lamang ang pagkabigla ng mga adulto habang ang mga kabataan ay nagbabayad nang napakamahal para sa mga gamit na ito—gaya ng mga sapatos na makakapal at matataas ang suwelas at mga pantalong parang kampana ang laylayan—na wari bang pinaglipasan ng panahon gaya ng musikang pan-disco.
Modernong Teknolohiya Modernong Kausuhan
Ang elektronikong mga pocket pager, o mga beeper, ay isa pang halimbawa kung paano magagawa ng mapanlikhang mga kabataan ang anumang bagay na maging nasa uso. Dati-rati’y ginagamit ito ng mga doktor at iba pang mga propesyonal na palaging tinatawagan, ang mga kagamitang ito di-nagtagal ay naging popular sa gitna ng mga negosyante ng droga sa lungsod. Ginawang madali ng mga beeper para sa mga negosyante ng droga ang pagsasaayos ng mga pakikipagkita sa posibleng mga parokyano. Ayon sa The New York Times, “napakapalasak ng gamit nito anupat ang [mga pocket pager] ay naging palatandaan na may kaugnayan sa droga.” Kaya naman, hindi kataka-taka na ipagbawal ng mga namamahala sa paaralan sa buong bansa ang paggamit ng maliliit na kagamitang ito sa paaralan!
Gayunman, wala ring nangyari sa pagbabawal. Ang mga beeper ay lalong naging popular sa mga kabataan sa lungsod. Ginamit ng ilan ang mga ito para sa talagang layunin nito, bilang kagamitan sa pakikipagtalastasan, nagpapangyari sa kanilang magulang na higit na matunton ang kanilang kinaroroonan o makipag-ugnayan sa kanila sa panahong may di-inaasahang pangyayari. Subalit para sa ibang kabataan, ang kagamitan ay isang usong palamuti lamang. Ayon sa Times, “isinusukbit ng mga tin-edyer ang mga beeper sa kanilang mga bag na isinasakbat, mga bulsa ng amerikana at sinturon. May mga beeper na relo, beeper na pangkurbata, beeper na pansulat, asul, kulay rosas at pulang beeper, at ang simple at dati nang itim at kulay kayumangging mga beeper.” Bagaman kusang iniuugnay pa rin ng ibang may gulang ang mga beeper sa paggamit ng droga, isang opisyal ng pulisya sa New York City ang nagsabi: “Mabiling-mabili ang mga gamit na ito. Ang ilan sa mga kabataang nagtataglay nito ay nagdodroga, subalit ang karamihan ay hindi naman. Uso lamang ito.”
Mga Kausuhan—Nakabibigla at Mapanganib
Bagaman ang pinakamabuting masasabi sa nauusong mga damit ay na ito’y mapagpaparayaan at ang pinakamasama ay na ito’y napakasagwa, ang popular na kausuhan ay waring lumalabag sa lahat ng alituntunin ng pagkamakatuwiran. Upang matamo ang balingkinitang hitsura ng ilang kilalang modelo, maraming kabataang babae ang nakikiuso sa pagdidiyeta—na hindi gaanong nag-iisip tungkol sa mga kahihinatnan ng kanilang kalusugan at kapakanan. “Ang pagdidiyeta ay pangkaraniwang kinahuhumalingan,” sulat ni Alvin Rosenbaum. “Suriin mo na lamang ang anumang talaan ng 10 pinakamabiling mga aklat at karaniwan mong makikita na nakatala ang aklat tungkol sa diyeta.” Ipinakita ni Rosenbaum na marami sa kilalang aklat na ito ay nag-aanunsiyo ng mga diyeta na nakapag-aalinlangan ang pagkamabisa. Ibinubunton ng maraming dalubhasa ang sisi sa pagkahumaling sa pagiging payat dahil sa nakababahalang pagdami ng mga sakit na nauugnay sa pagkain—gaya ng anorexia nervosa—sa gitna ng mga kabataan.a
Ang iba pang nasa usong mga paraan ng pagpapaganda ng personal na hitsura ay maaaring mapanganib din—at di-pangkaraniwan. Ayon sa isang artikulo sa Newsweek, “ang paglalagay ng tatú, ang sining ng sinaunang mga tao at mga salarin, ay patuloy na lumalaganap sa kalakaran ng kausuhan.” Dahil sa pinasigla ng mga halimbawa ng sikat na mga artista at mga musikero ng heavy-metal rock, hinahangad ng ilang kabataan ang pagkakataon na magkaroon ng maadornong mga tatú na permanenteng nakakapit sa mga katawan mismo nila. Ang mga babala ng mga doktor tungkol sa mga panganib ng pagkakaroon ng hepatitis at mga alerdyi sa mga tinta ng pantatú ay waring hindi nakababahala sa kanila.
O kumusta naman ang tungkol sa kakatuwang kausuhan na tinatawag na pagbubutas sa katawan? Kung paano ang pagbubutas sa mga tainga ay maaaring maging pangkaraniwan sa kababaihan sa ilang kultura, ang ilan ay lumampas pa sa lubos na pagkamakatuwiran at nagpabutas sa kanilang mga dila at mga pusod kung saan kanilang inilalawit ang marangyang alahas. Para sa sinumang kabataan na sadyang ibig na inisin ang kanilang mga magulang, wala nang tatalo pa sa naglalakihang singsing sa ilong para lamang sa kakatuwang paninindak.
Mga Kausuhan—Ano ang Nasa Likuran Nito?
Binigyang kahulugan ng aklat na Adolescents and Youth ang kausuhan bilang “isang pana-panahong di-nagtatagal na kausuhan na nahahawig sa kulto. Ang kausuhan ayon sa kahulugan ay pansamantala at di-matiyak, at ang mga ito ay lalo nang palasak sa gitna ng mga tin-edyer.” Subalit ano ba ang nagpapangyari sa milyun-milyong kabataan na biglang magsuot ng maluluwang na pantalon o magdala ng mga beeper? Ang mga may pagawaan at mga nag-aanunsiyo ay masisiyahan na maglaan ng makasiyentipikong kasagutan sa tanong na iyan. Inamin ng isang artikulo sa magasing The Economist sa Britaniya: “Ang kalakaran at kausuhan ay waring sumasalungat sa makatuwirang paliwanag.”
Gayunman, ang aklat na Adolescents and Youth ay naglakas-loob na magpaliwanag, na nagsasabi: “Ang iba’t ibang salik ang makapagpapaliwanag sa popularidad ng kausuhan: ang pagnanais na umakit ng pansin; ang simbuyo na umayon sa pinahahalagahan ng mga kasama; ang pangangailangan para sa pagkakakilanlan bilang mga indibiduwal at sa mga grupo ng kaedad; at ang pagkahalina sa di-pangkaraniwang bagay.” Isang tin-edyer na lalaki ang nagsabi nang ganito: “Ang high school [sekundaryang paaralan] ang mabuting panahon na kumilos ka na para bang hibang at talagang ilabas mo ito.”
Hindi hinahatulan ng Bibliya ang kabataang pag-uugali. Sa katunayan, sinasabi nito: “Mga kabataan, magsaya ka sa iyong kabataan. Magsaya ka habang ikaw ay bata pa. Gawin mo ang ibig mong gawin, at sundin ang naisin ng iyong puso.” Gayunman, sinundan ng Bibliya ang payong iyan ng ganitong babala na: “Subalit tandaan na hahatulan ka ng Diyos sa anumang bagay na iyong ginagawa.” (Eclesiastes 11:9, Today’s English Version) May kaugnayan sa makatotohanang payo na ito, paano dapat na tumugon ang isang Kristiyanong kabataan sa pinakabagong uso? Dapat bang ikaw ang unang sumunod sa uso? Ang aming susunod na artikulo sa seryeng ito ay magbibigay ng ilang makatutulong na payo sa bagay na ito.
[Talababa]
a Para sa impormasyon tungkol sa mga sakit na nauugnay sa pagkain, tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1990. Tingnan din ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ng Abril 22 at Mayo 8, 1994 para sa timbang na impormasyon tungkol sa pagbabawas ng timbang.
[Blurb sa pahina 14]
“Ang mga T-shirt na ito . . . Kahit na sino ay nagsusuot ng mga ito.” 17-taóng-gulang na si Avery
[Larawan sa pahina 15]
Ang pagpapabutas sa katawan at pagpapatatú ay lubusang nauuso