Ang Canary Islands—Kaayaayang Klima, Kaakit-akit na Tanawin
NG KABALITAAN NG “GUMISING!” SA ESPANYA
SA IBAYO ng dagat, di-umano, sa likod ng mga Haligi ni Hercules, ay matatagpuan ang mahiwagang mga isla. Napakataba ng lupa, totoong kaayaaya ang klima, anupat ang anuman at lahat ng bagay ay maaaring tumubo roon. Ang mga ito ay ang Fortunate Islands. Kilala natin ang mga ito sa ngayon bilang ang Canary Islands, ang “Canary” ay halaw sa salitang Latin na canis, tumutukoy sa malalaki, mababangis na aso na minsang naglipana roon.
Ang romantikong pagsasama ng totoong bagay at bungang-isip, na ginawang huwaran ng Romano at Griegong mga manunulat, ay nakasalig sa mga kuwento ng iilang malalakas-loob na magdaragat na naglayag sa Atlantiko bago ng panahon ni Kristo. Sa ngayon, ang turista ang tumatalunton muli sa mga hakbang ng sinaunang mga marinerong iyon. Ang mga isla ay totoo naman, bagaman ang ilan sa nakabibighaning katangian nito at karamihan sa hiwaga nito ay naglaho na. Ang klima ng mga ito ay tunay na kaayaaya, totoong kabigha-bighani upang umakit ng milyun-milyong panauhin na naghahanap ng sandaling ginhawa mula sa matinding taglamig sa Hilagang Europa.
Ang banayad na klima ay hindi siyang tanging pang-akit. Ang mga isla ay nagtataglay ng pantanging pagkasari-sari ng tanawin at pananim na higit pang nagbibigay-katuwiran sa pagkalikha ng pambansang mga liwasan sa apat sa pitong pangunahing mga isla.
Tenerife—Isang Batuhang Halamanan sa Itaas ng mga Ulap
Ang pinakamalaking isla, ang Tenerife, ay pinangingibabawan ng Pico de Teide, isang natutulog na bulkan na pagkataas-taas na umaabot sa mga ulap na mula sa Atlantiko. Masusumpungan sa napalilibutang pinakasimboryo ng bulkan ang pagkalaki-laking ampiteatro, na nasa tuktok ng bundok, kung saan kasama ang kahanga-hangang bulkan ay siyang bumubuo sa Pambansang Parke ng Teide. Ang parke ay napakayaman sa naiibang mga halaman na nabubuhay sa pagtatapos ng tagsibol at sa maagang bahagi ng tag-araw kapag sinasamantala ng mga halaman ang natipong halumigmig mula sa mga niyebe ng taglamig. Walang anu-ano ang buong lupain ng bulkan ay nagiging isang batuhang halamanan na nagniningning sa mga kulay.
Ang dalawa sa pinakadi-pangkaraniwan sa mga bulaklak sa parke ay hindi kailanman masusumpungan saanman sa daigdig. Ang mga ito ay ang pulang tajinaste at ang Teide violet. Ang pulang tajinaste ang di-mapag-aalinlanganang pinakamagandang halaman sa kapuluan—ang di-mabilang na kumpol ng pulang mga bulaklak na tumutubo sa masinsing mga ikid sa palibot ng nag-iisang tangkay na umaabot sa taas na anim na talampakan o higit pa. Ang matataas na bulaklak ay nagtitinging pulang tsiminea ng mga bulaklak na nagpupugay sa bughaw na bughaw na kalangitan.
Ang Teide violet, na siyang nagpapalamuti sa dalisdis ng bulkan na tila kuwintas ng lila na bulaklak, ay kapansin-pansin dahil sa pagiging matibay nito. Ito’y tumataas ng ilang metro lamang mula sa 3,700 metrong taas ng bundok, kung saan walang ibang halaman ang nabubuhay.
La Palma—Ang Luntiang Tila Kawa ng Bulkan
Ang La Palma ang nagtataglay ng isa sa pinakamalaking hukay sa daigdig. Ang pinakalabi nito ay may diyametro na halos 27 kilometro at halos 2,400 metro ang taas. Ang pagkalaki-laking hukay sa ilalim, na siyang sumasakop sa pinakapusod ng isla, ay isang bumagsak na bulkan na sa loob ng napakaraming taóng nakalipas ay wari bang nililok ng hangin at ulan upang magtinging gaya ng pagkalaki-laking kaldero. Kaya naman ang salitang Kastila na caldera (Kastila para sa kaldero), ang salitang ikinakapit sa katulad na mga hukay sa buong daigdig.a
Ang caldera, na ang kabuuan ay naging pambansang liwasan ngayon, ay halos lubusan nang natakpan ng marikit na kagubatan ng punong pino. Ang Canary pine, ang nangingibabaw na puno, ang pawang tumatakip sa pinakamatatarik na dalisdis, na siyang nag-iingat sa pinakatabiki ng caldera laban sa higit pang pagguho ng lupa. Halos hiwalay na mula sa labas ng daigdig dahil sa kalayuan nito, ang di pa napipinsalang caldera ay isang kanlungan ng karilagan at kapayapaan para sa mahihilig sa kalikasan na naglalakas-loob na pumasok dito.
Gomera—Isang Tuntungang-Bato sa Amerika
Mula sa nakakubling islang ito naglayag si Columbus tungo sa di-kilalang daigdig. Kasasakop pa lamang ng mga Kastila rito, at si Columbus ay humimpil sa maliit na daungan ng San Sebastián upang kumuha ng tubig at mga panustos.
Noong panahon ni Columbus, ang mga nakatira sa isla, ang mga Guanche, ay namumuhay pa rin sa sinaunang paraan, subalit sila’y madaling makibagay na mga tao. Dahil sa bulubunduking kalikasan ng lupa, sila’y nagkaroon ng kakaibang wika na binubuo ng mga sipol na nagpapangyari sa kanila na mag-usap sa isa’t isa mula sa mga tagaytay ng bundok na may layong ilang kilometro o higit pa. Bagaman ganap nang nalimutan, ang “telesipol” na paraang ito ay ginagamit pa rin ng matatanda kapag ibig nilang mabilisang maghatid ng mga balita. Hindi miminsan lamang narinig ng mga Saksi ni Jehova habang sila’y nangangaral sa nabubukod na mga nayon ang mensaheng “Naririto ang mga Saksi!” na isinipol mula sa kaitaasan ng mga burol.
Sa mas matataas na dalisdis ng isla ay isang pambansang liwasan na nilikha upang ingatan ang kagubatan ng unang panahon. Ang napakadilim na looban nito, totoong napalilibutan ng ulap at tigib ng palikaw-likaw na mga sanga na nababalutan ng mabalahibong mga linta, ang gumigising sa ating mga alaala ng nabaon na sa limot na mga kuwentong engkantada. Bagaman tila ito’y di-pangkaraniwan, karaniwang umuulan dito sa ilalim ng mga puno. Ang mga ulap na nagtutumuling dumaraan sa kagubatan dahil sa umiiral na hangin sa kahilagaan ay “nagagatasan” ng kanilang tubig ng mga puno. Sa gayon, sa ilalim ng mga puno ay karaniwang may patuloy na pag-ambon, samantala sa labas ay hindi man lamang umuulan.
Ang mga labí ng mga fossil ay nagpapahiwatig na ang kilalang kagubatan na ito (tinatawag na laurisilva) ay minsang umiral sa buong rehiyon ng Mediteraneo. Subalit ang pagbabago sa klima sa lumipas na mga milenyo ang lubusang nagpapababa sa kabundukan nito na maging iilang burol na lamang sa Canary Islands.
Lanzarote—Isang Disyertong Isla na Naiiba
Ang Lanzarote ay isang disyertong isla na, bagaman hindi pinabayaan, tunay na gaya ng disyerto. Halos walang ulan dito. Ang buhay rito ay laging mahirap para sa kakaunting mga tao, subalit sa nakalipas na dalawang daang taon ang sunud-sunod na pagsabog ng bulkan ang nagpabago sa kaanyuan ng isla. Ang mga bulkan ang nagdulot ng kamatayan at buhay. Kamatayan, sapagkat ang sangkapat ng isla ay nabaon sa mga agos ng lava na nagdulot ng biglang pagkawasak ng maraming nayon at mga homisted. Buhay, sapagkat mula sa mga abo ng mga bulkan ang mga tagaisla ay nagkaroon ng kabuhayan.
Dahil sa napakaraming graba mula sa bulkan na punô ng maliliit na butas, ang nalabí mula sa mga pagsabog, ang mga tagaisla ay nakapagtatanim ng prutas at mga gulay kahit na hindi umulan sa loob ng mga buwan. Ang kabukiran ay natatabunan ng apat na pulgadang suson ng graba na hindi lamang nag-iingat sa halumigmig ng ilalim ng lupa kundi talagang nagtitinggal ng halumigmig mula sa maumidong hangin sa gabi at dinadala ito sa ilalim ng lupa. Ang mga ubasan, mga punong igos, kamatis, mais, at ibang tanim ang sumisibol nang di-inaasahan mula sa itim na graba.
Kalakip sa Pambansang Parke ng Timanfaya ang kahanga-hangang mga hukay at napakalawak na kapaligiran na tinabunan ng lava na inilabas nito. Ang kalagayang tulad disyerto ang nag-ingat sa tumigas na lava na halos buung-buo pa, at ang bumibisita na namamasyal sa parke ay makapag-iisip na parang kahapon lamang huminto ang mga pagsabog. Ang kahanga-hangang tanawin ng bulkan, pati na ang nakalulugod tingnang puting mga nayon, ang nagbibigay sa isla ng tunay na sariling kagandahan nito.
Walang alinlangan ang kahali-halinang mga islang ito ng bulkan ay isang papuri dahil sa pagkamadaling bumagay ng mga nakatira rito at sa pananim na tumutubo rito. Higit sa lahat, ang likas na kagandahan ng mga ito ang nagpapakilos sa isang mapitagang bisita na magbigay ng papuri sa Maylikha ng gayong pagkasari-sari.
[Talababa]
a Ang Crater Lake sa Oregon, E.U.A., ay isang kilalang caldera na totoong punô ng tubig.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]
Mga Hayop at Halaman ng Canary Island
Ang canary. (1) Isinunod sa pangalan ng kapuluan, ang mga ibong ito ay napakarami pa rin, bagaman, sa iláng, ang mga ito ay hindi kasingmakulay ng kilalang nakahaulang mga ibon na ang matitingkad na kulay ay bunga ng mahigit sa apat na siglong pili na pagpaparami.
Ang mga uring Aeonium. (2) Mahigit sa dalawang dosenang klase ang natuklasan sa buong kapuluan, marami ang tumutubo sa mabatong mga bangin. Ang ilan, gaya ng Aeonium lancerottensis, (3) ay tumutubo pa nga sa tumigas na lava.
Ang Teide violet. (4) Ang maseselan na bulaklak na ito ay nabubuhay sa mahirap na kalagayan ng bulkan na halos 3,700 metro mula sa taas ng antas ng dagat.
Ang halamang saging. (5) Ang mga saging ay itinanim sa Canary Islands sa loob ng daan-daang taon na. Dinala ang mga ito ng mga nanakop na Kastila sa Caribbean di-nagtagal pagkatapos na matuklasan ang Amerika.
Ang pulang tajinaste. (6) Mga kumpol ng maliliit na pulang bulaklak na lumalaki sa mga ikid sa palibot ng nag-iisang tangkay na kalimitang umaabot sa taas na mahigit sa anim na talampakan.
Ang dragon tree. (7) Ang pinakakakaiba at pinakakinagigiliwang puno sa mga isla, ang uring ito di-umano’y tatlong libong taon na. Ang sinaunang mga ispesimen gaya ng isang ito ay maingat na inaalagaan sa mga liwasan sa munisipyo.
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
La Palma
Tenerife
Gomera
Hierro
Lanzarote
Fuerteventura
Grand Canary
[Mga larawan]
Ang Tenerife ay pinangingibabawan ng Pico de Teide, isang natutulog na bulkan
1. The Canary.
2. Aeonium species.
3. Aeonium lancerottensis
4. The Teide violet.
5. The banana plant.
6. The red tajinaste.
7. The dragon tree.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1. Granadillo
2. Tabaiba Majorera
3. Verol dulce
4. Ercila
5. Hierba blanca
6. Teide violet