Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 11/22 p. 20-23
  • Hindi Na Isang Bato o Isang Pulo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Na Isang Bato o Isang Pulo
  • Gumising!—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa Aking Tahanan
  • Bumalik ang Saksi
  • Nilalang Upang Umibig at Ibigin
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Pamilyang Tunay na Nagmahal sa Akin
    Gumising!—1995
  • Mas Malalâ sa AIDS
    Gumising!—1989
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 11/22 p. 20-23

Hindi Na Isang Bato o Isang Pulo

GANITO ang sabi ng isang taludtod ng isang awit noong mga taon ng 1960: ‘I am a rock/I am an island/And the rock feels no pain/And an island never cries.’ Ang awiting ito ay paborito ko dahil sa ganito ang aking pamumuhay. Kailanman ay hindi ko natatandaang nadama ang mga bagay na sinasabi ng iba na nadarama nila, gaya ng pag-ibig, pagkahabag, at awa. Daramhin ko kunwari ang mga damdaming iyon at inaakala ko na gayundin ang ginagawa ng iba. Hindi ko kailanman matandaang ako’y umiyak bilang isang adulto. At narito ako​—sa gulang na 50 taon at naglilingkod bilang isang matanda sa isang kongregasyong Kristiyano, nag-iisa sa aking tahanan, humihikbi dahil sa isang aklat na binabasa ko. Paano ito nangyari sa akin?

Ako’y isinilang noong 1936 sa isang arabal ng Boston, ang ikaapat sa walong anak. Ang aking ama at ina ay mga alkoholiko. Hindi namin pinag-uusapan ang mga damdamin, hindi kami nagyayapos, o nagpapahayag ng pag-ibig sa anumang paraan na magugunita ko. Nang ako’y anim na buwang gulang, may naglagay sa akin sa bathtub, sinarhan ang paagusan ng tubig, binuksan ang tubig, at umalis. Nasumpungan ako ng tagapangalaga ng bahay at iniligtas ang buhay ko. Ang tanging mga bagay na nadama ko bilang isang bata ay takot, sindak, matinding galit, at kirot ng katawan.

Ito ang itinuro sa akin ng aking ama na magsisiklab sa galit at halos walang pagsalang ipahahayag ito sa aking munting katawan sa pamamagitan ng kaniyang mga kamao at paa. Ang hitsura ng kaniyang mukha sa mga panahong iyon ay laging sumasagi sa aking isip pagkalipas ng limampung taon. Sa kalakhan ng buhay ko naniniwala akong ang mga pagbugbog na iyon ay dahilan sa ako’y isang salbaheng bata, subalit ngayo’y batid ko na ang kaniyang matinding galit sa akin ay walang kaugnayan sa aking pagiging mabait o salbahe.

Nang ako’y lima o anim na taon, ako’y seksuwal na inabuso ng doktor ng pamilya. Nang ako’y magsimulang mag-aral, kami’y nakatira sa isang lungsod ng 250,000 WASP (white Anglo-Saxon Protestants o mga Protestanteng Puting Anglo-Saxon), at ako’y pinahirapan ng aking mga kaklase at hinahabol ako, ang munting batang Judio. Kapag nahuli ako ng mga gang na ito ng 10 o 12 bata, huhubaran nila ako ng damit, bubugbugin ako, at ihahagis ang aking mga damit sa tuktok ng mga puno. Kailangan kong umakyat sa mga puno nang hubad upang kunin ang aking mga damit.

Isang buwan bago ang aking ika-18 kaarawan, ako’y sumama sa militar upang umalis ng bahay. Hanggang noong sandaling iyon ay hindi pa ako kailanman nakatikim ng alak, subalit halos karaka-raka ay nagsimula akong uminom at naging sugapa kapagdaka. Nanatili ako ng 20 taon sa militar at ako’y lasing kailanma’t makapanghihingi, makahihiram, o makapagnanakaw ako upang may ipambili ng alak. Ako’y nag-asawa sa gulang na 24 at nagkaroon ng isang anak na lalaki, subalit ang aking asawa at anak na lalaki ay nakatira sa isang tahanan na dominado at kontrolado ng isang alkoholiko​—ako—​na minamalas sila bilang isang pasanin at isang di-kinakailangang gastos.

Ako’y nagretiro mula sa militar noong 1974 at sinubok kong magnegosyo sa sandaling panahon, subalit di-nagtagal ay itinigil ko iyon. Hindi na ako umiinom, yamang hindi na kaya ng katawan ko ang anumang alak. Nagwawala ako pagkatapos makainom ng isa o dalawang bote ng beer. Ngayon ako’y sugapa na sa mga droga​—kadalasa’y marijuana, gayundin ang ibang narkotiko kung may makukuha. Ginawa nitong imposible para sa akin na makapanatili sa anumang uri ng trabaho, kaya’t nanatili ako sa bahay at ako ang gumagawa ng gawain sa bahay samantalang ang aking asawa, si Donna, ang nagtrabaho.

Dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa Aking Tahanan

Isang umaga ang aking asawa ay paalis patungo sa trabaho. Alas–7:30 noon, at ako ay lango na. Ikinagalit niya ito. Paglabas niya ng pinto sa harap inihagis niya sa akin ang isang karatula at sumigaw: “Sana’y buwisitin ka nila hanggang kamatayan.” Ang karatula ay yaong isa na lagi niyang ikinakabit sa bintana at na kababasahan, sa malalaking titik, “NO JW’S” (Bawal ang mga Saksi ni Jehova). Inilagay ko ito sa basura. Kinabukasan dalawang babae ang kumatok sa aking pinto. Sila’y mga Saksi ni Jehova.

Nang panahong ito ay sinusunod ko ang kaugalian ng Budismo bilang relihiyon ko. Malaon ko nang tinanggihan ang Bibliya dahil sa pagpapaimbabaw ng aking Judio at Katolikong mga magulang. Matagal ko nang hinanap ang Diyos subalit inihinto ko na ang paghanap, ipinalalagay na walang Diyos. Naniwala ako sa ebolusyon at inaakala ko na napatunayan kong walang Diyos sa pamamagitan ng pagtayo sa labas noong panahon ng bagyo na may kidlat at tumitingala at tinatawag ang Diyos ng lahat ng masamang pangalan na maisip ko at sinasabi: “Kung talagang umiiral ka, tamaan mo ako ng kidlat nang mamatay ako.” Kung ako nga lang ang Diyos, ay ginawa ko na iyon. Yamang hindi niya ako pinatamaan ng kidlat at pinatay, ang naging konklusyon ko ay na walang Diyos. Naiisip ko na ang daigdig ay malapit nang magwakas dahil sa kawalan ng kakayahan ng tao na ihinto ang pagwasak dito, at inaasahan kong mapanonood ko ang lahat ng ito na nangyayari sa TV samantalang ako’y lango.

Gaya ng nangyari, kinabukasan ay dumating ang dalawang babae. Ako’y lango at naghahanap ng libangan. Walang saysay ang aming pag-uusap sa loob ng halos 20 minuto, nagwawakas sa kanilang pag-aalok ng isang maliit na asul na aklat sa halagang 25 cents. Napagwari ko na ang 20 minutong paglilibang ay sulit sa halagang 25 cents kaya kinuha ko ang aklat at inihagis ito sa ibabaw ng mesa nang walang interes.

Kinaumagahan ako’y naghahanap ng isang bagay na mababasa upang maiantala ko ang paghitit ng marijuana sumandali. Nakita ko ang maliit na asul na aklat at dinampot ito, inaasahan kong malilibang ako nito sa loob ng isang oras o higit pa. Pagkalipas ng apat na oras ay natapos kong basahin ang aklat at ako’y lubusang kumbinsido na ito nga ay gaya ng sinasabi ng pamagat nito: Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Mayroon akong mga droga sa bahay at batid ko na pagkatapos kong basahin ang aklat ako ay magpapakalango at wawaling-bahala ang lahat ng nabasa ko. Ang huling pahina ay nag-alok ng isang Bibliya sa halagang isang dolyar lamang, kaya’t naglagay ako ng isang dolyar sa isang sobre at inihulog ito sa koreo, sinasabi sa Diyos​—kailanman ay hindi pa ako nanalangin sa buong buhay ko​—“Diyos, iyan lamang ang magagawa ko, kayo na ang bahala sa iba pa.” Inihulog ko ito sa koreo, nagpakalango, at niwalang-bahala ang lahat ng bagay na lubhang nakaantig sa akin.

Ang Bibliya ay dumating mula sa koreo, subalit isinaisang-tabi ko lamang ito. Di-nagtagal, dumating ang dalawang Saksi at nag-alok na makipag-aral ng Bibliya sa akin, at ako’y sumang-ayon. Ang mga pag-aaral ay kasiya-siya subalit hindi sumusulong sapagkat karaniwan nang sinikap kong pahangain sila sa aking kaalaman tungkol sa pilosopya. Isa pa, gumagamit ako ng droga pagkaalis na pagkaalis nila, at buburahin nito ang anumang pagsulong na nagawa ko nang araw na iyon.

Sa wakas, pagkalipas ng isang taon, isa sa mga Saksi, si Jim, ay dumating at hiniling sa akin na basahin ko ang Ezekiel 33:9. Gayon ang ginawa ko, binabasa: “Ngunit, kung iyong binabalaan sa kaniyang lakad ang taong balakyot upang humiwalay sa kaniyang lakad ngunit hindi humiwalay sa kaniyang lakad, siya ay mamamatay sa kaniyang sariling kasamaan, subalit iniligtas mo ang iyong sariling kaluluwa.” Pagkatapos ay tinanong niya ako kung ano sa palagay ko ang kahulugan nito. Ako’y sumagot: “Ito’y nangangahulugan na hindi ka na babalik at na ako’y mamamatay.” Sabi niya, “Tama iyan,” at siya’y umalis.

Bumalik ang Saksi

Ako’y natutuwang sabihin na natuklasan kong may budhi pa rin ako​—inaakala ko na malaon ko na itong pinatay. Yamang nakadama ako ng pananabik sa hinaharap na nakita ko sa Bibliya, ipinasiya kong iwasan ang droga. Sinikap kong gawin ito sa ganang sarili ko sa loob ng ilang linggo subalit hindi ako nagtagumpay. Isang gabi’y iminungkahi ng aking asawa na tawagan ko ang “kaibigang iyon,” tinutukoy ang Saksi, si Jim. Sinabi ko sa kaniya na sinabi ni Jim na hindi na siya babalik, at na hindi ko alam ang numero ng kaniyang telepono. Ako’y nakadama ng labis na kawalan ng pag-asa.

Kinabukasan, nasumpungan namin ang isang Bantayan na nakasingit sa aming pinto sa harap na nakasulat dito ang numero ng telepono ni Jim. Iniwan ito ng kaniyang asawa sa “walang kadahilanan.” Tinawagan ko siya at ipinagtapat ko sa kaniya ang aking problema sa alak at sa droga at tinanong ko siya kung maaari niya akong tulungan. Sinabi niya sa akin na kung hihintuan ko ang paggamit ng droga, siya’y pupunta at makikipag-aral sa akin araw-araw.

Ito ang pasimula ng isang yugto ng masidhing pag-aaral na umubos ng lahat ng panahon ko araw at gabi. Hindi lamang siya nakipag-aral sa akin araw-araw kundi binigyan din niya ako ng mga aklat ng pag-aaral sa Bibliya at mga artikulo sa Bantayan. Apat na oras lamang ang itinutulog ko sa gabi​—isang karaniwang problema sa mga alkoholiko​—at lahat ng iba kong panahon ay itinalaga ko sa pag-aaral ng Bibliya. Palibhasa’y wala na ang droga, lahat ng natutuhan ko sa nakalipas na taon, pati na ang lahat ng natututuhan ko sa pag-aaral ng mula 18 hanggang 20 oras bawat araw, ay tumimo agad sa akin.

Karagdagan pa, nagsimula akong dumalo sa lahat ng mga pulong ng mga Saksi. Sa loob lamang ng ilang linggo, ako’y sumulong sa punto na sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko ako’y nanalangin, na siya ring panalangin ko ng pag-aalay. Nagsimula akong magbahay-bahay at mangaral sa lahat ng kakilala ko. Pitong pag-aaral ang nasimulan, at lima rito ang sumulong hanggang sa bautismo, kasama na ang aking asawa at anak na lalaki. Ako’y nabautismuhan sa isang pansirkitong asamblea noong Mayo 23, 1976, tatlong buwan lamang pagkatapos kong tawagan sa telepono ang “kaibigang iyon.” Ako’y nagsimulang magpayunir (buong-panahong pangangaral) at nagpatuloy sa loob ng 13 taon.

Dinadala ako nito pabalik kung saan ko sinimulan ang kuwentong ito​—50 taóng gulang, nakaupo sa bahay na nag-iisa, at umiiyak sa isang aklat. Ang mga aklat para sa personal na pagsulong ay napakapopular noong mga taon ng 1980, at binasa ko ang isa sa mga ito. Sa totoo, ang pagtulong-sa-sarili na bahagi nito ay hindi nakatulong sa akin. Hindi ko sinunod ang makasanlibutang pag-iisip na iniaalok nito. Subalit ipinaunawa sa akin ng aklat sa kauna-unahang pagkakataon kung paanong ang napinsalang mga taon ng aking pagkabata at ang pagkauhaw ko sa emosyonal na mga pangangailangan ng pag-ibig ang sumira sa aking damdamin. Ang mga luhang dumaloy ay kapuwa mga luha ng kagalakan dahil sa nauunawaan ko na ngayon kung bakit ako laging walang kakayahang makadama ng anumang damdamin, at mga luha rin ng dalamhati dahil sa malaking kawalan na dinanas ko sa loob ng 50 taon bilang isang taong may damdamin na hindi makatugon sa emosyon. Ipinaliwanag nito ang maraming pakikipagpunyagi laban sa panlulumo na dinanas ko sa buong buhay ko.

Unti-unti, nagkakaroon ako ng mga damdamin kapag nababasa ko sa Bibliya ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang pag-ibig, kahit na sa akin, na hindi ko personal na nadama noon. Ang pag-ibig sa aking asawa at sa aking anak, sa aking mga kapatid na lalaki at babae sa loob ng kongregasyon ng Diyos, at gayundin sa mga tao na pinangangaralan ko ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, nang sila rin ay magkaroon ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran ni Jehova dito sa lupa.

Nilalang Upang Umibig at Ibigin

Tayo ay nilalang upang umibig at ibigin. Kapag ang isang bata ay isinilang, kailangan niya ang pag-ibig na ito, at kailangan niyang madama ang pagtanggap. Kapag ang bata ay hindi nakadarama ng pag-ibig at pagtanggap buhat sa kaniyang mga magulang, nadarama niyang siya’y hindi iniibig at walang halaga sa sarili. Nang ako’y bata pa, pinanabikan kong ako’y buhatin, kargahin, haplusin. Natatandaan ko kahit na ngayon na kapag dumadalaw ang mga bisita sa bahay, titingnan nila ako sa aking kuna, at ako’y umaasang bubuhatin nila ako. Kailanman ay hindi nila ako binuhat, at ako’y iiyak sapagkat walang sinuman ang kumarga sa akin.

Ang gayong mga pilat ng damdamin sa pagkabata ay nakapinsala sa akin sa papel ko bilang asawang lalaki at bilang ulo ng pamilya at pinangyari rin nito na ako ay hindi makapaniwala na ako’y maaaring mahalin ni Jehova, ang makalangit na Ama. Ang katotohanan tungkol kay Jehova ay unti-unting bumago sa akin, inilipat ang pagkakilala ko sa kaniya mula sa aking ulo tungo sa aking puso, at ngayon batid ko na ako’y walang pasubaling minamahal ni Jehova. Batid ko rin na walang anumang paraan upang makamit natin ang pag-ibig na iyon. Ito’y isang di-sana nararapat na kabaitan mula sa Diyos na Jehova, ang Diyos ng pag-ibig.

Ang pinakamahalaga rito ay na dahil sa mga pagpapala ni Jehova, kami ng asawa ko ay may mabuting buhay ngayon. Kami ngayon ay naglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian, kasama ang isang maliit na maibiging kongregasyon sa isang magandang munting bayan sa kabundukan ng Arizona. Ako’y naglilingkod bilang punong tagapangasiwa ng kongregasyon, nagdaraos ng isang pag-aaral ng aklat ng kongregasyon, at isa ring kagalakan ko na magdaos ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ako’y may maliit na negosyo ng paglilinis ng bintana na sapat na karagdagan sa aking pensiyon anupat mayroon kami ng kailangan namin sa materyal na paraan at sapat na panahon para sa aming ministeryo at sa iba pa sa aming paglilingkod sa ating maibiging makalangit na Ama.

Ginugunita kung saan ako naroon nang umagang iyon nang ihagis ng asawa ko ang karatulang “NO JW’S” sa akin, ako’y lubos na nagpapasalamat sa ating makalangit na Ama sa kaniyang ginawa sa akin. Mula sa isang sugapa na hindi makapanatili sa isang trabaho at umaasa lamang na makita ang lahat ng iba pa na mapatay na kasama ko, ako ngayon ay isang miyembro ng nakikitang organisasyon ni Jehova sa lupa at nakatalagang ipaalam hangga’t maaari sa pinakamarami ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang tanging pag-asa para sa daigdig. Pinunô rin ni Jehova ang aking buhay ng mga taong nagbigay sa akin ng ninanais ko sa tuwina: pag-ibig, pagtitiwala, at pagtanggap.

Hindi na ako nagsisikap na maging isang “bato” na hindi nakadarama ng kirot o isang “pulo” na hindi kailanman umiiyak.​—Gaya ng inilahad ni Larry Rubin.

[Larawan sa pahina 23]

Si Larry Rubin at ang kaniyang asawa, si Donna

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share