Mga MisyoneroMga Ahente ng Liwanag o ng Kadiliman?—Bahagi 4
Espirituwal na Liwanag Para sa “Madilim na Kontinente”?
“WALA pang 100 taon ang nakalipas, ang Aprika ay tinawag na Madilim na Kontinente sapagkat maraming bagay tungkol dito ay di-alam ng mga Europeo.” Ang tinutukoy rito ng The World Book Encyclopedia ay hindi ang kadiliman ng Aprika kundi, ang kadiliman ng Europa—ang kakulangan ng kaalaman ng Europa tungkol sa lubhang hindi nagagalugad na kontinente. Kaya hindi isang pagsasalungatan na malaman na hinango ng Aprika ang pangalan nito mula sa salitang Latin na aprica, na nangangahulugang “maaraw.”
Gayundin, sa isa pang bahagi, ang Aprika ay nasa kadiliman—nasa kadiliman kung tungkol sa katotohanan ng Bibliya. Si Donald Coggan, dating Arsobispo ng Canterbury, ang tumawag sa Aprika at Asia na “ang dalawa sa malalaking kontinente kung saan binuhos ng mga Iglesya sa Kanluran ang kanilang tauhan at salapi sa loob halos ng dalawang dantaon.”
Marami sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang walang alinlangang taimtim. Sa pagtataguyod ng kanilang gawain, isinakripisyo pa nga ng ilan ang kanilang buhay. Ang kanilang epekto sa buhay sa Aprika ay malalim. Subalit sila ba, gaya ng ginawa ni Kristo, ay “nagpasikat ng liwanag . . . sa pamamagitan ng mabuting balita,” sa gayo’y pinapawi sa tinatawag na Madilim na Kontinente ang espirituwal na kadiliman nito?—2 Timoteo 1:10.
Pinasikat ng Katutubong mga Misyonero ang Unang Kislap ng Liwanag
Ang unang Kristiyanong naitalang nangaral sa Aprika ay isang Aprikano mismo, ang Etiopeng bating na binanggit sa Bibliya sa Mga Gawa kabanata 8. Isang Judiong proselita, siya ay pauwi mula sa pagsamba sa templo sa Jerusalem nang siya’y makumberte ni Felipe sa Kristiyanismo. Walang alinlangan, kasuwato ng sigasig ng unang mga Kristiyano, ang Etiopeng ito pagkatapos ay masigasig na nangaral ng mabuting balita na narinig niya, nagiging isang misyonero sa kaniyang sariling bayan.
Gayunman, ang mga mananalaysay ay hindi nagkakaisa kung baga ganito nga o hindi ganito natatag ang Kristiyanismo sa Ethiopia. Ang Iglesya Orthodoxo sa Ethiopia ay lumilitaw na noon pang ikaapat na siglo, nang isang estudyante ng pilosopya na taga-Siria na nagngangalang Frumentius ay maordena bilang isang obispo sa “mga Kristiyanong” Etiope ni Atanasio, isang obispo ng Coptic Church sa Alexandria.
Ang Coptic Church—ang Copt ay hango sa salitang Griego para sa “Ehipsiyo”—ay nag-aangkin na siyang nagtatag nito at ang unang patriyarka ay si Marcos na Ebanghelista. Ayon sa tradisyon, siya ay nangaral sa Ehipto bago ang kalagitnaan ng unang dantaon. Sa paano man, ang “Kristiyanismo” ay lumaganap sa Hilagang Aprika sa maagang petsa, sa pamamagitan ng mga lalaking gaya nina Origen at Augustine na naging tanyag. Isang paaralang katekista sa Alexandria, Ehipto, ang naging kilalang sentro sa kaalamang “Kristiyano” na si Pantaenus bilang ang unang pangulo nito. Subalit noong panahon ng kahalili ni Pantaenus, si Clemente ng Alexandria, ang apostasya ay maliwanag na nagkaroon na ng masamang epekto. Isinisiwalat ng The Encyclopedia of Religion na “itinaguyod [ni Clemente] ang muling pagkakasundo ng doktrinang Kristiyano at ng Bibliya sa pilosopyang Griego.”
Ipinagpatuloy ng Coptic Church ang isang malawakang misyonerong kampaniya, lalo na sa gawing silangan ng Libya. Ang mga paghuhukay ng mga arkeologo sa Nubia at gawing ibaba ng Sudan ay nagsisiwalat din ng impluwensiyang Coptic.
Dumating ang mga Misyonerong Europeo
Kaunti lamang misyonerong gawain ang ginawa ng mga Europeo sa Aprika bago ang ika-16 hanggang ika-18 siglo, ang panahon kung kailan natamo ng mga Katoliko ang isang sukat ng tagumpay. Ang mga relihiyong Protestante ay dumating lamang noong maaga ng ika-19 na siglo, nang ang Sierra Leone ang naging unang bansa sa Kanlurang Aprika na narating ng kanilang mga misyonero. Bagaman sinikap na mainam ng mga Protestante na pantayan ang tagumpay ng mga Katoliko, sa ngayon, maliban sa ilan, ang bawat bansa sa Aprika na nagmamaraling isang malaking “Kristiyanong” populasyon ay may higit na mga Katoliko kaysa mga Protestante.
Ang populasyon ng Gabon, halimbawa, ay 96 na porsiyentong Kristiyano sa pangalan. Sandaling panahon bago ang Digmaang Pandaigdig I, si Albert Schweitzer, isang Lutherano, ay nagtayo ng isang misyong ospital doon at pagkatapos ay nagdagdag ng isang kolonya ng mga ketongin. Sa kabila ng mahalagang epekto ng kaniyang 40-at-mahigit pang taon ng Protestanteng gawaing misyonero sa bansa, nahihigitan pa rin ng mga Katoliko ang bilang ng mga Protestante ng mahigit na 3 sa 1.
Gayunman, dahil sa dumaming pakikibahagi ng Protestante, ang gawaing misyonero sa Aprika ay sumidhi. Si Adrian Hastings ng University of Leeds ay nagpapaliwanag na “ang mahalagang pamana ng yugtong ito [ikalawang hati ng ika-19 na siglo] ay isang mahalagang pasimula sa pagsasalin ng Bibliya sa maraming wika ng Aprika.”
Ang mga salin ng Bibliya sa katutubong wika ay naglaan ng isang saligan para sa pagpalaganap ng “Kristiyanismo,” na dating wala ito. Maraming Aprikano ang naniniwala sa mga panaginip at mga pangitain, ipinalalagay nila ang mga sakit na bunga ng pangkukulam, at nagsasagawa sila ng poligamya. Ang pagkakaroon ng Bibliya sa katutubong wika ay nagbigay sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ng pagkakataon na pasikatin ang liwanag buhat sa Kasulatan sa mga sakop na ito. Gayunman, ayon kay Hastings “ang mga Aprikano ay kadalasang nananatiling hindi kumbinsido sa mga bagay na ito.” Ang resulta? “Mula sa wakas ng ikalabinsiyam na siglo katakut-takot na dami ng bukod na mga relihiyon ang nagsimulang bumangon, una sa Timog Aprika at Nigeria, pagkatapos ay sa maraming iba pang bahagi ng kontinente kung saan marami nang misyonero ang naroroon.”
Sa katunayan, sa ngayon mga 7,000 bagong mga kilusang relihiyoso, na may mahigit na 32,000,000 tagasunod, ang umiiral sa timog ng Sahara sa Aprika. Sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, “ang mga kilusang ito ay pangunahin nang bumangon sa mga lugar kung saan lubusang makakaharap ang mga pagsisikap ng Kristiyanong mga misyonero.” Maliwanag na hindi napagkaisa ng mga misyonero ang kanilang mga kumberte sa “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” na binabanggit ng misyonerong si Pablo.—Efeso 4:5.
Bakit? Ipinaliliwanag ng nabanggit na aklat na ito ay dahilan sa “kabiguan ng lokal na mga kumberte sa mga saligan at mga bunga ng Kristiyanismo . . . , ang nahahalatang pagkakabahagi sa mga relihiyon ng Kristiyanismo at ang kabiguan nitong matugunan ang lokal na mga pangangailangan [at] ang kabiguan ng misyon ng Kristiyanismo na alisin ang mga hadlang panlipunan at pangkultura at lumikha ng isang diwa ng pamayanan.”
Ang dami ng espirituwal na “liwanag” na ipinasikat ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa “Madilim na Kontinente” ay napakakaunti. Kaya napakahina nito upang alisin ang kadiliman ng kawalang-alam sa Bibliya.
Mga Ahente ng Kolonyalismo?
Sa kabila ng bagay na ang ilan sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nakagawa ng mabuti, ang The Encyclopedia of Religion ay napilitang umamin: “Kapuwa hinimok, at ginawang madali ng mga misyonero ang kolonyal na pananakop, anupat ang Kristiyanismo at ang kolonyal na pananakop ay para bang nagkakaisa sa layunin. Ang makabagong antikolonyalismo ay kadalasang binabansagan ang Kristiyanismo sa Aprika, na may ilang katotohanan, bilang isang kasapakat ng kolonyalismo.”
Ang The Collins Atlas of World History ay nagbibigay ng matalinong unawa nang ipaliwanag nito na ang mga bansa sa Kanluran ay naudyukan ng isang matibay na paniniwala na “ang paggawa ng mga kolonya ay magdadala ng liwanag ng katuwiran, demokratikong mga simulain at mga pakinabang ng siyensiya at medisina sa mga tribong iyon sa liblib na mga dako na inaakalang saunahin.” At ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Mahirap para sa mga misyong Romano Katoliko na ihiwalay ang kanilang sarili mula sa kolonyalismo, at maraming misyonero ang ayaw humiwalay.”
Makatuwiran, kung gayon, sa lawak na itinataguyod at pinupuri ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang mga pakinabang ng siyentipiko at medikal na pagsulong ng Kanluran, sila’y lumilitaw na mga ahente ng kolonyalismo. Minsang ang mga tao ay masiphayo sa mga kayarian sa kabuhayan, pulitika, at lipunan ng kolonyal na mga kapangyarihan, nawawalan din sila ng pananampalataya sa mga relihiyon ng Europa.
Pangangaral—Ang Inuuna?
Kailanma’t binabanggit ang mga misyonerong Protestante sa Aprika, ang pangalang David Livingstone ay karaniwang nababanggit. Isinilang sa Scotland noong 1813, siya’y naging isang medikal na misyonero at malawakang naglakbay sa buong Aprika. Ang kaniyang masidhing pag-ibig sa “Madilim na Kontinente” at ang katuwaan ng pagtuklas ay nagbigay sa kaniya ng karagdagang pangganyak. Ang The New Encyclopædia Britannica ay bumabanggit tungkol sa “Kristiyanismo, komersiyo, at sibilisasyon” bilang “ang trinidad na pinaniniwalaan niyang nakatalagang magbubukas sa Aprika.”
Marami ang nagawa ni Livingstone. Gayunman, maliwanag na ang inuuna niya ay hindi ang pangangaral ng ebanghelyo. Binubuod ng Britannica ang kaniyang 30 taon ng gawaing misyonero “sa gawing timog, sentral, at silangang Aprika—kadalasan sa mga lugar na walang Europeo ang naglakas-loob noon” dito: “Maaaring naimpluwensiyahan ni Livingstone ang mga saloobin ng Kanluran sa Aprika nang higit kaysa kaninuman bago o pagkatapos niya. Ang kaniyang mga tuklas—heograpiko, teknikal, medikal, at panlipunan—ay naglaan ng isang masalimuot na kalipunan ng kaalaman na ginagalugad pa rin. . . . Si Livingstone ay buong pusong naniniwala sa kakayahan ng Aprika na sumulong sa makabagong daigdig. Siya, sa diwang ito, ay tagapanguna hindi lamang ng Europeong imperyalismo sa Aprika kundi rin naman ng nasyonalismong Aprikano.” Si Livingstone ay nagpakita ng matinding pagkahabag sa mga Aprikano.
Yamang sinuportahan o sa paano man ay pinayagan ng ilang misyonero ang kalakalan ng alipin, hindi makatuwirang paratangan sila na ginawa nila iyon bilang isang grupo. Subalit kung baga ang pagkahabag na ipinakita ng marami sa kanila ay udyok ng isang pagnanais na itaguyod ang mga pamantayan ng Diyos ng pagkawalang kinikilingan at pagkakapantay-pantay o higit pa sa pamamagitan ng normal na mga damdamin ng personal na pagkabahala sa kapakanan ng mga indibiduwal ay mahirap matiyak.
Gayunman, ang huling banggit ay kasuwato ng mga bagay na inuuna ng karamihan ng mga misyonero. Kinikilala ng aklat na Christianity in Africa as Seen by Africans na walang “makakapantay sa kanilang rekord ng pagkakawanggawa.” Subalit ang pagtatayo ng mga ospital at mga paaralan ay nangangahulugan ng pag-una sa pisikal na mga pangangailangan ng tao kaysa pangangaral ng Salita ng Diyos sa pagsasagawa ng mga kapakanan ng Diyos. Ang ilang misyonero ay nagtayo pa nga ng mga kalakalang dako upang ang mga Aprikano ay magtamasa ng higit na materyal na mga panindang Europeo, sa gayo’y pinabubuti ang kanilang pamantayan ng pamumuhay.
Kaya naman, maraming Aprikano ang nagpapasalamat ngayon sa materyal na mga pakinabang na ginawang posible ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan. Gaya ng binabanggit ni Adrian Hastings: “Kahit na ang pinakamapunahin sa mga misyonero at mga relihiyon, madalas na pinasasalamatan ng Aprikanong mga pulitiko ang naitulong nila sa edukasyong sekondarya.”
‘Kung ang Liwanag na Nasa Iyo ay Kadiliman . . . ’
Ayon kay Hastings, hanggang nitong mga dantaon kamakailan lamang ang Aprika ay “isang kontinente kung saan ang Kristiyanismo ay nabigong gumawa ng nagtatagal na tagumpay.” Sa katunayan, noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, ang mga misyong Katoliko ay halos naglaho, na nagpangyari sa awtor na si J. Herbert Kane na mag-alinlangan kung paano nangyari ang “gayong kalaking kabiguan.” Ang isang dahilan, ang bilang ng mga namamatay na misyonero ay mataas. Ang isa pang salik ay ang pagkasangkot ng Portugal sa kalakalan ng alipin. Yamang ang lahat ng mga misyonerong Katoliko ay mga Portuges, ito ay “nagbigay ng hindi kanais-nais na impresyon sa relihiyong Kristiyano.” Subalit “higit na nauugnay sa paksa, at marahil higit na mahalaga,” susog ni Kane, “ay ang panlabas lamang na mga pamamaraang misyonero, na nagbunga ng mabilis na ‘mga pagkumberte’ at lansakang mga bautismo.”
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nabigong himukin ang mga Aprikano na palitan ang kanilang mga relihiyon ng mga doktrina ng mga misyonero. Ang pagkumberte ay nangahulugan ng pagpapalit ng mga pangalan ng relihiyon, ngunit hindi ng mga paniwala at paggawi. Ganito ang sabi ni Eleanor M. Preston-Whyte ng University of Natal: “Ang mga idea sa Zulu tungkol sa pinagmulan at kalikasan ng sansinukob ay isinama sa kaisipang Kristiyanong Zulu sa maraming tusong mga paraan.” At si Bennetta Jules-Rosette ng University of California sa San Diego ay nagsasabi na ang makabagong mga relihiyon sa Aprika ay “isinasama ang mga elemento ng tradisyunal na relihiyon sa Aprika doon sa ipinakilalang mga relihiyon, ang Kristiyanismo at Islam.”
Ayon sa Awit 119:130, “ang bukas ng iyong [sa Diyos] mga salita ay nagbibigay ng liwanag, nagbibigay ng unawa sa walang karanasan.” Yamang ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa kalakhang bahagi ay nabigong unahin ang paghahayag ng Salita ng Diyos, anong liwanag nga ang maibibigay nila? Ang mga walang karanasan ay nananatiling walang pang-unawa.
Ang “liwanag” na iniaalok ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan noong nakalipas na mga dantaon, ang kanilang “mabubuting gawa,” ay nagmula sa isang sanlibutang nasa kadiliman. Sa kabila ng kanilang mga pag-aangkin, sila’y hindi nagpapasikat ng tunay na liwanag. Sinabi ni Jesus: “Kung sa katunayan ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, kay laki nga ng kadilimang iyon!”—Mateo 6:23.
Samantala, kumusta naman ang mga misyonero sa Amerika, sa Bagong Daigdig? Sasagutin iyan ng Bahagi lima ng aming serye.
[Larawan sa pahina 25]
Sa pagtataguyod ng kanilang gawain, isinakripisyo pa nga ng ilang misyonero ang kanilang mga buhay
[Credit Line]
Mula sa aklat na Die Heiligkeit der Gesellschaft Jesu
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, gaya ni Livingstone, ay hindi laging inuuna ang pangangaral
[Credit Line]
Mula sa aklat na Geschichte des Christentums