Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 9/1 p. 5-9
  • Ang Pag-aani ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pag-aani ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahasik ng mga Binhi ng Pagkakabaha-bahagi
  • Mga Kristiyano ba o Makalahing Europeo?
  • Nag-astang mga Hari sa Aprika
  • Ang mga Digmaang Pandaigdig
  • Mga Paniwala ng Aprikano na Minana sa Ninuno
  • Espirituwal na Liwanag Para sa “Madilim na Kontinente”?
    Gumising!—1994
  • Paggawa ng Tunay na mga Alagad Ngayon
    Gumising!—1994
  • Ang Inihasik ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Pakanluran Tungo sa Europa
    Gumising!—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 9/1 p. 5-9

Ang Pag-aani ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika

ANG pangarap ni Charles Lavigerie na makumberte ang Algeria sa isang “bansang Kristiyano” ay nauwi sa ganoon na lamang​—isang pangarap. Sa ngayon, 99 porsiyento ng populasyon ng Algeria ay mga Muslim, at ang Sangkakristiyanuhan ay humina sa malalaking bahagi ng Hilagang Aprika. Subalit kumusta naman ang natitirang bahagi ng kontinente?

“Ang Kristiyanismo,” sabi ni Dr. J. H. Kane, sa A Concise History of the Christian World Mission, “ay lalong maraming nakumberte sa Itim na Aprika kaysa lahat ng natitirang bahagi ng Ikatlong Daigdig pagsamahin man.” Subalit, ang mga nakumberte bang ito ay talagang mga Kristiyano? “Isa sa malaking panganib sa iglesyang Aprikano,” inamin ni Dr. Kane, “ay ang Kristopaganismo.” At, isang maling pagkakapit ng salita ang kaniyang pananalitang “iglesyang Aprikano.” May literal na libu-libong simbahang Aprikano, bawat isa ay may kaniyang sariling paraan ng pagsamba. Bakit?

Paghahasik ng mga Binhi ng Pagkakabaha-bahagi

Ang mga binhi ng pagkakabaha-bahagi ay inihasik kahit na bago pa sinimulan ng mga misyonero ang paglalayag patungong Aprika. Ang London Missionary Society ay kumuha ng mga miyembro sa iba’t ibang iglesya, at mainitang pagtatalu-talo tungkol sa doktrina ang naganap sa pagitan ng mga misyonero sa pagbibiyahe nila patungo sa kanilang mga destino. Ang alitan ay lalong lumubha matapos na sila’y makapagtatag ng tirahan sa kanilang mga mission station.

“Ang mga misyonero,” ayon sa isinulat ni Propesor Robert Rotberg sa kaniyang aklat na Christian Missionaries and the Creation of Northern Rhodesia 1880-1924, “ay nakipagbaka nang puspusan sa isa’t isa at sa kanilang mga direktor sa ibayong dagat, kadalasan ay sa ikasisira ng kanilang mga layuning ebangheliko. . . . Waring ang mga misyonero ay gumugol ng malaking panahon at lakas sa pagsulat tungkol sa mga awayang ito kung ihahambing sa pagsisikap na magampanan nila ang pangungumberte.”

Kung minsan, ang mga awayan ng mga misyonero ay nagbunga ng pagtatatag ng magkakaribal na mga misyon. Ang mga misyong Katoliko at Protestante ay nagkaroon ng matitinding kompetensiya sa pangungumberte. Ang ganito ring kakulangan ng pagkakaisa ay makikita sa kanilang mga nakumberte. Nang sumapit ang panahon milyun-milyong mga Aprikano ang nagsialis sa mga iglesya ng misyon at nagtatag ng kani-kanilang sariling iglesya.

“Ang mga Aprikanong Iglesyang Independiyente,” isinulat ng misyonerong historyador na si Dr. Kane, “ay masusumpungan sa buong Aprika . . . Lahat-lahat ay may mga pitong libong bukud-bukod na mga grupo sa kilusang ito.” Hindi lamang ang kompetisyon sa gitna ng mga misyonero na may nagkakasalungatang paniwala ang dahilan nito. Sa kaniyang aklat na The Missionaries, ipinaliliwanag ni Geoffrey Moorhouse na ang isa pang dahilan ng “repormasyon ng mga itim” ay “ang pagkagalit sa pagmamataas ng mga puti.”

Mga Kristiyano ba o Makalahing Europeo?

“Ang mga misyonero,” inaamin ni Dr. Kane, “ay may paniwalang sila ang mataas.” Sila’y “naniniwala na ang relihiyong Kristiyano ay kailangang kasama ng kulturang Europeo at lideratong Europeo,” ang sabi ni Adrian Hastings sa kaniyang aklat na African Christianity.

Ang Pranses na si Charles Lavigerie ay isang lider misyonero na may ganitong pananaw. Ang isa pa ay si John Philip, superintendente ng mga misyon ng London Missionary Society sa timugang Aprika. “Ang aming mga misyonero,” ang pangangalandakan niya noong 1828, “ay . . . nagpapalawak ng mga intereses ng Britanya, ng impluwensiya ng Britanya, at ng imperyo ng Britanya. Saanman simulan ng misyonero ang paghahanap ng mga makukumberte sa di-sibilisadong tribo, ang kanilang mga maling palagay laban sa kolonyal na gobyerno ay pumapanaw; ang kanilang pagkadepende sa kolonya ay pinalalaki sa pamamagitan ng paglikha ng artipisyal na mga pangangailangan; . . . ang industriya, pangangalakal, at agrikultura ay biglang sumusulpot; at bawat tunay na nakumberte sa gitna nila . . . ay nagiging kaalyada at kaibigan ng kolonyal na gobyerno.”

Kataka-taka ba kung nakita ng mga pamahalaan sa Europa ang gayong mga misyonero bilang magagamit na mga ahente para sa pagpapalawak ng kolonya? Kung para sa mga misyonero, tinanggap nila ang kolonyal na pananakop sa Aprika. Gaya ng kanilang ipinahayag sa 1910 Pandaigdig na Komperensiya ng mga Misyonero sa Edinburgh: “Magiging . . . imposibleng lagi na maglagay ng isang tagapaghating guhit sa pagitan ng layunin ng misyonero at ng layunin ng Gobyerno.”

Nag-astang mga Hari sa Aprika

Upang ipadama ang kanilang kapangyarihan, ang ibang mga misyonero ay umasa sa kolonyal na lakas ng militar. May mga bayan sa baybaying dagat na kung minsan ay iginigiba ng mga boke de gerang Britano sapagkat ang mga mamamayan ay tumangging tanggapin ang autoridad ng mga misyonero. Noong 1898, si Dennis Kemp, isang misyonerong Wesleyan sa Kanlurang Aprika, ay nagpahayag ng kaniyang “matatag na paniniwalang ang Hukbong Panlupa at Pandagat ng Britanya ay ginagamit ngayon ng Diyos sa ikagaganap ng Kaniyang layunin.”

Pagkatapos na itatag ang kanilang sarili, kung minsan ay mga misyonero na ang gumaganap ng sekular na kapangyarihan ng mga punò ng tribo. “Ang mga misyonero ng London,” isinulat ni Propesor Rotberg, “kalimitan na ay gumagamit ng lakas upang maipatupad ang kanilang batas teokratiko. Ang isang paboritong instrumento na ginagamit upang maipaalam nila ang di-pagsang-ayon ay ang cikoti, isang mahabang latigo na yari sa kinulting balat ng hippopotamus. Sa pamamagitan nito, ang mga Aprikano ay ginugulpi nang walang pag-aatubili sa anumang dahilan.” “Isang Aprikanong nakumberte,” ang banggit ni David Lamb sa kaniyang aklat na The Africans, “ang nakaalaala ng isang misyonerong Anglicano sa Uganda na tinatawag na Bwana Botri na kalimitang bumababa sa kaniyang pulpito sa oras ng serbisyo upang hambalusin ang mga Aprikanong náhuhulí.”

Sa kabiglaanan sa gayong pakikitungo, isang misyonero, si James Mackay, ang nagharap ng isang reklamo sa mga direktor ng London Missionary Society. “Sa halip na ituring na ang mga puti na naghatid sa kanila ng mabuting balita ng pag-ibig ng Diyos,” ang babala niya, “kami ay napapatanyag at kinatatakutan.”

Ang mga Digmaang Pandaigdig

“Sa loob ng isang siglo at higit pa,” ang sabi ng aklat na The Missionaries, “[ang mga Aprikano] ay pinagsabihan nang walang humpay at buong diin na ang digmaan at lahat ng kabagsikan na dala nito ay kapuwa walang saysay at ubod samâ.” Pagkatapos, noong 1914, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I sa pagitan ng tinatawag na mga bansang Kristiyano ng Europa.

“Ang mga misyonero sa halos lahat ng bansa ay nahimok na sumangkot sa Dakilang Digmaan,” ang paliwanag ni Moorhouse. Sa kanilang kahihiyan, hinimok ng mga misyonero ang kanilang mga nakumberteng Aprikano na sumangkot sa digmaan. Ang ibang mga misyonero ay nanguna pa sa mga tropang Aprikano sa digmaan. Ang epekto ng digmaan ay ipinaliwanag ni Propesor Stephen Neill sa kaniyang History of Christian Missions: “Ang mga bansa sa Europa, sa kabila ng kanilang pangangalandakang sila lamang ang nagtataguyod ng Kristiyanismo at ng sibilisasyon, ay nabubulagan at nalilitong dumaluhong sa pagsangkot sa isang gera sibil na mag-iiwan sa kanila na nagdarahop sa kabuhayan at walang bahagya mang dangal.” “Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” patuloy ni Neill, “ay tumapos lamang sa nagawa na ng una. Ang mga pagkukunwari tungkol sa moral ng Kanluran ay napatunayan na isang pagbabalatkayo; ang ‘Sangkakristiyanuhan’ ay napabunyag na isa lamang palang bukambibig. Hindi na ito masasabing ‘ang Kristiyanong Kanluran.’ ”

Mauunawaan, kung bakit ang repormasyon ng mga itim ay patuloy na bumilis pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Subalit kumusta naman ang mga Aprikano na hindi nagsihiwalay sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan? Sila ba pagkatapos ay tinuruan ng katotohanan buhat sa Bibliya?

Mga Paniwala ng Aprikano na Minana sa Ninuno

Ang mga kinaugaliang relihiyoso ng mga Aprikano ay tinuligsa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, tulad halimbawa ng pagkonsulta sa mga manghuhula upang payapain ang kanilang namatay nang mga ninuno. Kasabay nito, iginiit ng mga misyonero na lahat ng tao ay may kaluluwang di-namamatay. Sila’y sumamba rin kay Maria at sa “mga santo.” Ang mga turong ito ay nagpatunay sa paniwalang Aprikano na buháy ang kanilang namatay nang mga ninuno. At, sa pamamagitan ng pagsamba sa relihiyosong mga imahen, tulad halimbawa ng krus, binigyang katuwiran ng mga misyonero ang paggamit ng mga Aprikano ng anting-anting bilang proteksiyon sa masasamang espiritu.

Si Propesor C. G. Baëta ay nagpapaliwanag sa kaniyang aklat na Christianity in Tropical Africa: “Posible na ang isang Aprikano ay umawit nang buong sigla sa Simbahan, ‘Wala na akong ibang kanlungan’, samantalang may nakasabit pa rin sa kaniya na anting-anting, o paglabas sa Simbahan ay deretso na sa kaniyang manghuhula, nang hindi nag-iisip na mayroon siyang nilalabag na simulain.”​—Ihambing ang Deuteronomio 18:10-12 at 1 Juan 5:21.

Maraming misyonero ang nagsabi sa mga Aprikano na ang kanilang mga ninunong pagano ay pinahihirapan sa isang maapoy na impiyerno at ganiyan din ang kanilang daranasin kung tatanggihan nila ang mga turo ng mga misyonero. Subalit ang doktrina ng walang-hanggang pagpaparusa ay labag sa simpleng pangungusap na nasa mismong Bibliya na pinaghirapang isalin ng mga misyonero sa mga wikang Aprikano.​—Genesis 3:19; Jeremias 19:5; Roma 6:23.

Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ang makasalanang kaluluwa ng tao ay namamatay at “ang mga patay . . . ay wala nang nalalamang anuman.” (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Tungkol sa mga Aprikano na hindi nagkaroon ng pagkakataon na makapakinig ng katotohanan sa Bibliya, sila’y may pag-asang makasali sa darating na “pagkabuhay-muli ng kapuwa matuwid at ng di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang gayong mga bubuhayin ay tuturuan ng tungkol sa paglalaan ng Diyos na kaligtasan. Pagkatapos, kung sila’y tutugon nang may pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos, sila’y gagantimpalaan ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.​—Awit 37:29; Lucas 23:43; Juan 3:16.

Sa halip na ituro ang kahanga-hangang mga katotohanang ito ng Bibliya, iniligaw ng Sangkakristiyanuhan ang mga Aprikano sa pamamagitan ng mga kasinungalingang turo at relihiyosong pagpapaimbabaw. Tunay, ang ginagampanang papel ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa kolonyal na pananakop sa Aprika ay walang alalay buhat sa Bibliya. Bagkus, sinabi ni Jesus na ang kaniyang Kaharian “ay hindi bahagi ng sanlibutang ito” at na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay “hindi [rin] bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 18:36) Ang sinaunang mga Kristiyano ay mga embahador ni Jesu-Kristo, hindi ng makasanlibutang mga pamahalaan.​—2 Corinto 5:20.

Kung gayon, ang pag-aani ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika sa kabuuan ay nakalulungkot, taglay nito ang nakagugulantang na pagkakabaha-bahagi, kawalang-tiwala, at “Kristopaganismo.” Ang karahasan na nasasaksihan sa maraming “Kristiyanong” mga bahagi ng Aprika ay tunay na hindi kasuwato ng mga turo ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Ang bunga ng gawain ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika ay tuwirang kabaligtaran ng mga salita ni Jesus tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod. Sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, hiniling ni Jesus na “sila’y malubos sa pagkakaisa, upang makilala ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin.”​—Juan 17:20, 23; 1 Corinto 1:10.

Ibig bang sabihin na lahat ng gawaing misyonero sa Aprika ay nabigo? Hindi naman. Ang mainam na bunga ng tunay na pagmimisyonerong Kristiyano sa Aprika at sa buong daigdig ay tatalakayin sa mga artikulo na nagsisimula sa pahina 10.

[Larawan sa pahina 6]

Ang mga lider na misyonero noong huling siglo, tulad ni John Philip, ay naniwala na ang sibilisasyong Europeo at ang Kristiyanismo ay iisa at magkapareho

[Credit Line]

Cape Archives M450

[Larawan sa pahina 7]

Pinasigla ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang mga paniniwala ng Aprikano na minana sa ninuno sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga turong wala sa Bibliya, tulad halimbawa ng pagkawalang kamatayan ng kaluluwa

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Africana Museum, Johannesburg

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share