Pagmamasid sa Daigdig
Kabiguan ng UN
“Ito’y hindi lamang kabiguan para sa United Nations; ito’y isang kabiguan para sa pamayanang pandaigdig. At lahat tayo ay may pananagutan sa kabiguang ito,” ang pagdadalamhati ng kalihim-panlahat ng UN na si Boutros Boutros-Ghali na bumabanggit tungkol sa pagpaslang sa Rwanda. “Ito’y sadyang pagpaslang sa isang lahi na isinagawa kailanman. Mahigit na 200,000 katao ang pinaslang at ang pamayanang pandaigdig ay patuloy pa ring nag-uusap kung ano ang dapat gawin.” Gaya ng iniulat noong Mayo 26, sinabi ng kalihim-panlahat na siya’y sumulat na sa mahigit na 30 pinuno ng Estado at nagsumamo sa kanila na magpadala ng mga hukbo at siya’y gumawang kasama ng iba’t ibang organisasyon sa isang pagsisikap na makasumpong ng isang solusyon. “Nakalulungkot,” sabi pa niya, “ako’y nabigo. Ito’y isang kahihiyan. Ako ang unang-unang magsasabi nito.” Kakaunting bansa sa Aprika ang may kakayahang gumastos sa pagpapadala ng mga hukbo, lalo na yamang naantala ang UN sa pagsasauli ng nagugol dahil sa sarili mismong mga problema nito sa pananalapi. Karamihan sa mga bansa sa Kanluran ay tumangging masangkot, at binanggit ng pangulo ng E.U. na si Bill Clinton na hindi mabibigyang-katuwiran ang paggamit ng puwersang militar ng Amerika dahil sa mga interes na nasasangkot. Ibinunton ni G. Boutros-Ghali ang sisi sa “nakahahapong paghingi ng donasyon,” yamang ang mga bansa na nagtutustos ng mga tao at salapi ay hinihilingang magdonasyon para sa 17 iba’t ibang kilusan ng United Nations ayon sa The New York Times.
Hindi Maipaliwanag ng Tao
“May anuman bang bagay ang makapagpapaliwanag sa biglang nakatatakot na pagdanak ng dugo sa Rwanda?” tanong ng The Economist ng London. “Maging ang malaon nang [etnikong] hidwaan ay hindi makapagpaliwanag sa walang-awang pagpaslang na ito.” Bagaman maaaring hindi magkahawig ang mga Tutsi at Hutu, sila’y namuhay sa loob ng daan-daang taon na magkasama at nagsalo sa iisang wika at kultura. Inihahambing ng artikulo ang pagkakaiba ng kanilang tribo sa pagkakaiba sa pagitan ng mga taga-Scotland at Ingles. “Subalit ngayon sila’y nagkakasalungatan sa isa’t isa, hindi sa pamamagitan ng walang buhay na mga kanyon o malayo ang naaabot na mga baril kundi ng mga itak, asarol, pambambo at ng mga kamay. Ang magkakapit-bahay ay nagpapatayan, maging ang dating mga magkababata. Ang mga lalaki, babae at mga bata ay pare-parehong pinaslang. Bakit? Walang sinuman ang waring makapagsabi.”
Nagbibigay Babala ang Kamatayan ng Ibon
Bagaman ang mga uri ng ibon na may malalakas na katawan—mga maya, mynah, uwak—ay dumarami sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, ang karamihan sa mga ibon sa mundo ay hindi naman mabuti ang kalagayan. Sa 9,600 uri ng ibon, 70 porsiyento ang nababawas at 1,000 uri ang maaaring malipol sa malapit na hinaharap. “Ang bagay na nakababahala ay, sa kabila ng tuwirang mga pagkamatay na nagaganap, na ang mga ibon, di tulad ng maraming ibang anyo ng buhay, ay lubhang mabubuting tagapagbabala sa kalusugan ng ibang uri ng buhay—at ng buong sistema ng ekolohiya,” sabi ng magasing World Watch. “Ang bagay na ating nakikita ay hindi babala lamang ng napipintong malubhang kalagayan, kundi bahagi ng malubhang kalagayan mismo—ang pagkasira ng ekolohikal na kaayusan na nagpapangyari sa pagiging timbang ng mabuting kalagayan ng planeta.” Nasusupil ng mga ibon ang hayop at mapanirang mga insekto, tumutulong sa polinasyon ng mga halaman, at tumutulong sa pagtatanim sa kagubatan sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga buto ng puno sa kanilang mga dumi. Subalit ang buhay ng mga ito ay nanganganib at nasisira ang tirahan ng mga ito habang binabago ng mga tao ang anyo ng lupa—pinuputol ang mga puno sa kagubatan, ginagamit ang mga damo para sa pagpapastol at pagbubungkal, pinatutuyo ang mga latian, at inaalis ang malalawak na lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng malalaking proyekto ng prinsa—huwag nang banggitin pa ang tuwirang pagpatay sa mga ito sa pamamagitan ng pangangaso, labis na paggamit ng mga kimikal, nakalalasong mga basura, at natapong mga langis. “Ang bilis ng pagkalipol ng mga ibon—kalakip na ang ibang mga hayop at halaman—ay waring mabilis na tumataas,” sabi ng artikulo.
Mga Inang Tin-edyer
Sa bawat taon mahigit na 15 milyong babae sa pagitan ng mga edad na 15 at 20 ang nagsisilang sa buong mundo, ang pagtantiya ng Populi, isang magasin ng United Nations Population Fund. Hindi kalakip sa bilang na ito ang mga babaing mas bata pa sa 15, ni kalakip man ang mga aborsiyon o pagkalaglag. Sa Aprika lamang halos 28 porsiyento ng lahat ng babae ang nagsilang bago pa sila sumapit sa edad na 18. Sinasabi ng mga mananaliksik na lakip sa mga dahilan ng dumaraming pagdadalang-tao ng mga tin-edyer sa kontinenteng iyan ay ang kawalang-alam tungkol sa mga bagay sa sekso, maagang pag-aasawa, at kahirapan sa buhay na nagbubuyo sa kabataang mga babae na pumatol sa mas matatanda, mayayamang lalaki sa mga relasyong sugar-daddy. “Hindi lamang nakakaharap ng mga babaing tin-edyer, sa katamtaman, ang dalawang ulit na panganib ng pagkamatay sa pagdadalang-tao o pagsisilang kaysa mga babaing nasa edad na 20-34,” sabi ng Populi, “kundi ang mga sanggol ng mga inang tin-edyer ay mas malamang na mamatay rin.”
Computer na Pantulong sa mga Bingi
Isang bagong napaunlad na sistema sa computer ang malapit nang makatulong sa mga bingi upang matutong makapagsalita nang normal. Para sa mga bingi, ang pagkatutong magsalita ay halos katulad na rin ng pagkatuto ng isang banyagang wika. Ang bagay na ito ang nagpasigla sa pagpapaunlad ng programa ng Research Centre of Language Technologies sa University of Edinburgh, sa Scotland. Sinabi ng isang ulat ng paglilingkod sa balita ng Agence France-Presse na inaanalisa ng sistema ng computer ang pagsasalita ng estudyante at dagling nagpapakita ng mga pagtutuwid at mga pagbabago na kinakailangan para sa tamang pagbigkas. Karagdagan pa, ang programa ay naglalakip ng serye ng mga aralin na nilayon upang unti-unting matulungan ang mga bingi na mapasulong ang tono at ritmo ng kanilang pagsasalita. Ang sistemang ito ay isasagawa rin sa pagtuturo ng banyagang mga wika sa mga estudyanteng bingi.
Tren na Nadiskaril ng Labí ng Digmaang Pandaigdig I
Nadiskaril ng isang labí ng Digmaang Pandaigdig I ang ipinagmamalaki ng Pambansang Daang-bakal ng Pransiya, ang TGV (High-Speed Train) nito, sa bagong kabubukas na linya ng daang-bakal nito na Paris-Valenciennes sa hilaga ng Pransiya. Iniulat ng pahayagang Le Monde ng Paris na naganap ang aksidente nang ang dating di-natuklasang mga taguan sa ilalim ng lupa sa ilalim ng riles ng TGV ay biglang bumagsak. Ang lugar ng aksidente ang pinangyarihan ng isa sa pinakamadugong mga labanan ng 1914-18 digmaan, ang Digmaan ng Somme. Bagaman ang mga ito ay halos imposibleng matutop mula sa ibabaw, ang mga daan, nakabaong trintsera, at mga butas ng bomba sa ilalim ng lupa—mga labí ng labanan sa trintsera ng unang digmaang pandaigdig—ang bumutas sa buong lugar. Ang mga tauhan na may kaalaman sa teknolohiya ang ipinadala upang suyuring mabuti ang pinakasahig ng daang-bakal upang ang iba pang maaaring maging mapanganib na mga lugar sa daang-bakal ay matuklasan at mapatibay.
Ang Nakamamatay na Gamit ng mga Baril
Gaano karaming tao ang napatay dahil sa mga baril noong 1992? Sa Australia ay 13, sa Britaniya ay 33, sa Canada ay 128, sa Hapón ay 60, sa Sweden ay 36, sa Switzerland ay 97, at sa Estados Unidos ay may nakagugulat na bilang na 13,220, ayon sa pinakahuling inilabas na estadistika. Gaya ng iniulat ng International Herald Tribune, 38,317 katao ang napatay sa pamamagitan ng mga armas sa mga pagpatay, pagpapatiwakal, at mga aksidente sa Estados Unidos noong 1991—mahigit na 100 ang namamatay sa bawat araw. Binanggit ng pangulo ng E.U. na si Bill Clinton ang isang ospital kung saan ang bilang ng mga ipinasok dahil sa mga sugat ng tama ng baril ay tumaas mula 449 tungo sa 1,220 sa loob lamang ng limang taon. Sa kabila ng pagpaslang, ang mga may pagawaan ay gumagawa ng bagong baril tuwing 20 segundo.
Mga Takas na Oso
Hindi lamang mga tao ang naghahanap ng kanlungan mula sa mga kapinsalaan ng digmaan. “Dahil sa natatakot sa patuloy na digmaan sa dating Yugoslavia, ang kulay kayumangging oso ay lumilisan sa napakalawak na luntiang mga kagubatan ng Bosnia at nagtutungo pahilaga sa Italya,” sabi ng New Scientist. “Ang mga dalubhasa sa kapaligiran sa Italya at Slovenia ay nagsanib ng kanilang mga lakas upang pangalagaan ang takas na mga oso.” Gayunman, nakaharap ng mga oso ang ibang panganib mula sa mga tao. Ang ilan sa nandarayuhang oso ay napatay ng mga kotse sa mga daanan ng sasakyan sa Italya at Slovenia. Ang iba ay napatay rin pagkatapos sumalakay sa mga hayupan o napatay ng ilegal na mga mangangaso. Ang mga magbubukid sa Slovenia ay pinahihintulutan ng batas na pumatay ng mga hayop na sumisira sa kanilang mga pananim o sumasalakay sa kanilang hayupan. Nangingilak ngayon ng salapi upang tustusan ang pagkain ng mga oso at sa gayon ay tulungan ang mga ito na manatili sa mga lugar na pinangangalagaan.
Mga Takas na Labis na Pinagmamalupitan Saanman
Noong 1993 ay nagkaroon ng napakalaking pagdami sa bilang ng mga takas sa daigdig na umabot sa mahigit na 20 milyon, sabi ni Sadako Ogata, komisyonado ng United Nations High Commission for Refugees. Mayroon lamang 15 milyong takas noong 1991, nang siya’y nanungkulan. Ang pulitikal na kaligaligan at etnikong mga hidwaan ang pangunahing mga dahilan sa pagdagsa ng mga takas, ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Gayunman, waring ang mga takas ay labis na pinagmamalupitan saanman. Bakit? Sapagkat sa bagong mga bansa na tumanggap sa kanila, ang sabi pa ng komisyonado, kalimitan ang mga takas ay higit at higit na nagiging puntirya ng karahasan. Ang pagkamuhi sa lahi at pag-aalipusta sa mga banyaga ay naging palasak, ang sabi niya.
Mapanganib na Pagsasaya
“Ang bilang ng mga pagpatay ay tumaas nang 58 porsiyento sa panahong may karnabal,” ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil. Sa São Paulo, “nagkaroon ng 79 na pagpatay at 124 na tangkang pagpaslang.” Karagdagan pa may 2,227 pagnanakaw (277 noong 1993) at 807 pagsalakay (282 noong 1993) sa limang araw na iyon, habang ang “mga magnanakaw ay sumalakay sa mga bahay, tindahan, mga industriya, mga tao sa kalye.” May naganap din na 37 pagpapatiwakal at 25 panghahalay. “Sa Rio de Janeiro, iniulat ng Civil Police na ang karahasan ay tumaas nang 14 na porsiyento kung ihahambing noong 1993 na karnabal. May 63 pagpatay, mahigit sa 10 kaysa nakaraang taon.” Nang sumulat tungkol sa “mga panganib sa karnabal” sa pahayagang Jornal do Brasil, si Dom Eugênio de Araújo Sales, kardinal arsobispo ng Rio de Janeiro, ay nagsabi: “Ang Simbahan ay hindi laban sa karnabal bilang isang libangan at kapahayagan ng kagalakan, kapuwa totoong nakatutulong sa pagiging timbang ng isipan ng mga tao. Hinahatulan ng Simbahan, oo, ang mga paglabag sa batas sa moral, kung saan tayo’y sumasailalim, ibig man natin o hindi.”