Isang Daigdig Kung Saan May Dako ang Lahat
“Yamang ang mga lumikas ay isang pangglobong problema, ang paghahanap para sa mga solusyon ay kailangan ding pambuong-globo.”—Gil Loescher, propesor ng internasyonal na mga ugnayan.
UMALIS ang mag-asawang kabataan sa kadiliman ng gabi. Palibhasa’y nababahala sa kanilang kaligtasan, walang sinayang na sandali ang asawang lalaki, kahit na sila ay may maliit na anak. Nabalitaan niya na ang malupit na diktador ng bansa ay nagpaplanong sumalakay sa kanilang bayan upang pumatay. Matapos ang isang mahirap na paglalakbay ng mahigit sa isang daang kilometro, ang pamilya ay nakatawid din sa wakas sa hangganan tungo sa kaligtasan.
Ang hamak na pamilyang ito ay nakilala nang maglaon sa buong daigdig. Ang pangalan ng bata ay Jesus, at ang kaniyang mga magulang ay sina Maria at Jose. Ang mga lumikas na ito ay hindi umalis sa kanilang lupain upang humanap ng materyal na kayamanan. Sa halip, ang kanilang paglikas ay dahil sa kalagayang nagbabanta sa kanilang buhay. Aba, ang kanilang anak ang puntirya ng pagsalakay na iyon!
Tulad ng maraming iba pang lumikas, si Jose at ang kaniyang pamilya ay nagbalik nang maglaon sa kanilang bayang tinubuan nang bumuti na ang kalagayan sa pulitika. Ngunit walang-alinlangang ang kanilang napapanahong pagtakas ay nakatulong upang maligtas ang buhay ng kanilang maliit na anak. (Mateo 2:13-16) Ang Ehipto, ang bansang kumupkop sa kanila, ay may kasaysayan ng pagtanggap kapuwa ng mga lumikas dahil sa pulitika at sa kabuhayan. Maraming siglo maaga rito, nakasumpong ng kanlungan ang mga ninuno ni Jesus sa Ehipto nang isang taggutom ang nagdulot ng pagkatiwangwang sa lupain ng Canaan.—Genesis 45:9-11.
Ligtas Ngunit Hindi Nasisiyahan
Ang maka-Kasulatan gayundin ang makabagong panahong mga halimbawa ay nagpapatotoo na ang pagtakas sa ibang bansa ay maaaring mangahulugan ng buhay at ng kamatayan. Magkagayunman, isa pa ring traumatikong karanasan para sa sinumang pamilya na iwan ang kanilang tahanan. Gaano man kahamak ang isang tahanan, malamang na ito ay kumakatawan sa maraming taon ng pamumuhunan sa panahon at salapi. At ito ay maaari ring isang pamana ng pamilya na nagbubuklod sa kanila sa kultura at lupain nila. Karagdagan pa, iilang ari-arian lamang, kung mayroon man, ang madadala ng mga lumikas. Kaya, ang mga lumikas ay laging nababaon sa kahirapan, anuman ang kanilang dating mga kalagayan sa buhay.
Ang unang pagkadama ng ginhawa pagsapit sa lugar ng kaligtasan ay maaaring mabilis na maglaho kung ang tanging kinabukasan na nakikita ng isa ay ang mabuhay lamang sa kampo ng mga lumikas. At mientras nagtatagal ang kalagayan ng pagiging lumikas, higit na nagiging malupit ito, lalo na kung hindi siya napapasama sa mga tao sa lugar na iyon. Ang mga lumikas, tulad ng iba pang tao, ay nagnanais na magkaroon ng permanenteng dako sa isang lugar. Ang kampo ng mga lumikas ay tiyak na hindi isang kasiya-siyang lugar upang magkaroon ng pamilya. Darating pa kaya ang panahon kapag ang lahat ay magkakaroon ng lugar na maituturing na tahanan?
Ang Repatriasyon ba ang Kasagutan?
Noong dekada ng 1990, mga siyam na milyon kataong lumikas sa loob ng bansa ang nakabalik sa wakas sa kanilang tahanan. Para sa ilan sa mga taong ito, iyon ay isang maligayang okasyon, at buong-kasabikan silang nagpasimula sa muling pagtatatag ng kanilang buhay. Ngunit para sa iba, kawalang-pag-asa ang kanilang nadama. Sila’y nagbalik dahil lamang sa hindi na nila kayang tiisin ang kanilang kalagayan sa bansang kanilang pinagkanlungan. Ang mga problema na naranasan nila sa pagkakatapon ay napakalubha anupat nagpasiya sila na mas magiging mabuti pa ang kanilang kalagayan sa kanilang lugar, sa kabila ng kawalang-katiwasayan na walang pagsalang haharapin nila.
Maging sa pinakamabubuting kalagayan, ang repatriasyon ay nagsasangkot ng mga kahirapan sapagkat nangangahulugan ito na ililikas mong muli ang lahat-lahat sa ikalawang pagkakataon. “Kaakibat ng bawat paglipat ang pagkawala ng ikinabubuhay, gaya ng lupa, mga trabaho, tahanan at hayupan,” ang paliwanag ng The State of the World’s Refugees 1997-98. “At bawat paglipat ay nagtatakda ng pasimula ng isang mahirap na proseso ng pagsasauli.” Iniulat ng isang pag-aaral sa nakabalik na mga lumikas sa gitnang Aprika na “para sa mga lumikas na tumanggap ng tulong sa pagkakatapon, ang pagbabalik ay maaaring mas mahirap kaysa sa pagkaranas ng pagkakatapon mismo.”
Gayunman, mas nakapipighati pa ang kalagayan ng milyun-milyong lumikas na napilitang bumalik sa kanilang tinubuang bansa nang labag sa kanilang kalooban. Anong mga kalagayan ang naghihintay sa kanila? “Maaaring kailanganing mamuhay ng mga nagsibalik sa isang kalagayan kung saan ang kapangyarihan ng batas ay halos hindi umiiral, kung saan palasak ang mga panunulisan at marahas na krimen, kung saan ang mga sundalong wala na sa serbisyo ay bumibiktima sa populasyon ng mga sibilyan at kung saan makukuha ng karamihan sa populasyon ang maliliit na armas,” ang sabi ng isang ulat ng United Nations. Maliwanag, ang gayong napopoot na mga kapaligiran ay hindi nakatutugon maging sa pangunahing mga pangangailangan sa katiwasayan ng mga taong ito na lumikas sa loob ng bansa.
Pagtatayo ng Isang Daigdig Kung Saan ang Lahat ay Tiwasay
Ang sapilitan o atubiling mga repatriasyon ay hindi kailanman makalulutas sa mga problema hinggil sa mga lumikas kung ang pinakaugat na mga dahilan ay hindi natutugunan. Si Gng. Sadako Ogata, dating United Nations High Commissioner for Refugees, ay nagsabi noong 1999: “Ang mga pangyayari ng dekadang ito—at, sa katunayan, niyaong sa nakalipas na taon—ay napakaliwanag na nagpapakita na ang mga isyu hinggil sa mga lumikas ay hindi maaaring talakayin nang hindi binabanggit ang katiwasayan.”
At ang malubhang kawalan ng katiwasayan ay pumipighati sa milyun-milyon katao sa buong globo. Ganito ang paliwanag ni Kofi Annan, kalihim-panlahat ng United Nations: “Sa ilang bahagi ng daigdig, ang mga bansa ay bumagsak bunga ng mga labanan sa loob ng bansa at sa komunidad, na nagkakait sa kanilang mga mamamayan ng anumang epektibong proteksiyon. Sa iba pang lugar, ang katiwasayan ng tao ay isinasapanganib ng mga pamahalaan na tumatangging kumilos sa kapakanan ng lahat, na umuusig sa kanilang mga kalaban at pinarurusahan ang inosenteng mga miyembro ng mga grupong minorya.”
Ang mga digmaan, pag-uusig, at etnikong karahasan—ang pangunahing mga sanhi ng kawalang-katiwasayan na inilarawan ni Kofi Annan—ay kadalasang nag-uugat sa poot, pagtatangi, at kawalang-katarungan. Ang mga kasamaang ito ay hindi madaling mabubunot. Nangangahulugan ba ito na ang problema hinggil sa mga lumikas ay tiyak na lulubha pa?
Kung hahayaan ang mga bagay-bagay sa mga kamay ng tao, iyan ang walang-alinlangang magiging kahihinatnan. Ngunit sa Bibliya, nangangako ang Diyos na “pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:9) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, inilarawan din niya ang isang panahon kapag ang mga tao ay “tiyak na magtatayo . . . ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. . . . Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan; sapagkat sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga inapo na kasama nila.” (Isaias 65:21-23) Ang gayong mga kalagayan ay tiyak na mag-aalis sa problema hinggil sa mga lumikas. Matatamo kaya ang mga ito?
“Yamang ang mga digmaan ay nagsisimula sa isipan ng mga tao, sa mga isipan ng mga tao kailangang itatag ang mga pananggalang ng kapayapaan,” ang sabi ng preambulo ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization. Alam na alam ng ating Maylalang na kinakailangan ang pagbabago ng isipan. Ipinaliliwanag ng propeta ring iyon kung bakit ang lahat sa lupa balang araw ay tatahan sa katiwasayan: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Natuklasan na ng mga Saksi ni Jehova na ang kaalaman kay Jehova ay makapananagumpay sa pagtatangi at poot. Sa kanilang internasyonal na gawaing pangangaral, sinisikap nilang itaguyod ang mga Kristiyanong pamantayan na nagkikintal ng pag-ibig sa halip na poot, maging sa mga bansang ginigiyagis ng digmaan. Nag-aalok din sila ng anumang tulong na makatuwirang maibibigay nila sa mga lumikas.
Sa kabilang panig, natatanto nila na ang lubusang solusyon ng problema hinggil sa mga lumikas ay nakasalalay sa hinirang na Hari ng Diyos, si Jesu-Kristo. Tiyak na nauunawaan niya kung gaano kadaling sirain ng poot at karahasan ang buhay ng mga tao. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na siya ay hahatol sa mga maralita sa katuwiran. (Isaias 11:1-5) Sa ilalim ng kaniyang makalangit na pamamahala, ang kalooban ng Diyos ay magaganap sa lupa, kung paano sa langit. (Mateo 6:9, 10) Kapag dumating ang araw na iyon, walang sinuman ang kailangan pang maging isang lumikas. At ang lahat ay magkakaroon ng isang lugar na maituturing niyang tahanan.
[Kahon sa pahina 12]
Ano ang Kailangan Upang Malutas ang Problema Hinggil sa mga Lumikas?
“Ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga taong lumikas—kapuwa ang mga lumikas sa loob at labas ng bansa—ay mas masalimuot kaysa sa basta paglalaan ng panandaliang katiwasayan at tulong. Ito ay nagsasangkot ng pagtugon sa pag-uusig, karahasan at labanan na siya namang unang-una nang nagdudulot ng paglikas. Ito ay tungkol sa pagkilala sa mga karapatang pantao ng lahat ng lalaki, babae at bata na magtamasa ng kapayapaan, katiwasayan at dignidad nang hindi na kinakailangan pang tumakas sa kanilang tahanan.”—The State of the World’s Refugees 2000.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 13]
Anong Solusyon ang Inilalaan ng Kaharian ng Diyos?
“Saanman sa lupain ang katuwiran at katarungan ay magaganap. Sapagkat ang lahat ay gagawa ng matuwid, magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan magpakailanman. Ang bayan ng Diyos ay magiging malaya sa mga alalahanin, at ang kanilang tahanan ay magiging mapayapa at ligtas.”—Isaias 32:16-18, Today’s English Version.