Paghahanap ng Isang Lugar na Masasabi Nilang Kanila
“Hamak man ito, wala nang hihigit pang lugar kaysa sa tahanan.”—John Howard Payne.
UNANG naganap ang digmaan, isang digmaang hindi na nagwakas. Pagkatapos ay nagkaroon ng tagtuyot, isang tagtuyot na hindi na natapos. Di-nagtagal matapos ang tagtuyot ay nagkaroon naman ng taggutom. At ginawa ng mga tao ang tanging bagay na magagawa nila—iniwan nila ang kanilang tahanan sa paghahanap ng tubig, pagkain, at trabaho.
Libu-libo ang dumating sa himpilan sa hangganan ng bansa. Ngunit nitong nakalipas na mga taon ay isang milyong lumikas na ang tinanggap, at ang karatig na bansa ay ayaw nang tumanggap pa. Tiniyak ng mga pulis sa hangganan na may hawak na mga batuta na walang sinuman ang makatatawid.
Tahasang inilarawan ng isang lokal na opisyal sa pandarayuhan ang mga dahilan sa pagpapatigil sa lumalaking pagdagsa ng mga lumikas. “Hindi sila nagbabayad ng mga buwis. Sinisira nila ang mga daan. Pinuputol nila ang mga punungkahoy. Inuubos nila ang tubig. Ayaw na namin ang karagdagan pa.”a
Ang gayong kalunus-lunos na mga eksena ay nagiging palasak na. Natutuklasan ng mga taong lumikas sa loob ng bansa na pahirap nang pahirap ang makasumpong ng isang lugar na masasabi nilang kanila. “Habang tumataas ang bilang ng mga taong naghahanap ng mapagkakanlungan, tumitindi rin ang pag-aatubili ng mga estado na maglaan ng kanlungan,” ang paliwanag ng isang ulat ng Amnesty International kamakailan.
Ang mga mapalad na nakapasok sa kampo ng mga lumikas ay maaaring makasumpong ng waring kaligtasan, ngunit bihirang ito’y maging katulad ng kanilang lugar. At ang mga kalagayan sa kampo ay maaaring hindi kaayaaya.
Ang Buhay sa mga Kampo ng mga Lumikas
“Maaaring mamatay ka [sa iyong tahanan] dahil sa bala, ngunit dito [sa kampo ng mga lumikas] ang iyong mga anak ay mamamatay dahil sa gutom,” ang reklamo ng isang lumikas na taga-Aprika. Gaya ng natuklasan ng desperadong ama na ito, maraming kampo ang dumaranas ng patuloy na kakapusan sa pagkain at sa tubig gayundin ang kawalan ng kalinisan at sapat na masisilungan. Simple lamang ang mga dahilan. Ang papaunlad na mga bansa na biglang dinagsa ng libu-libong lumikas ay maaaring nakikipagpunyagi na para lamang mapakain ang kanilang sariling mga mamamayan. Wala silang gaanong maitutulong sa karamihan na nagnanais makapasok sa kanilang bansa. At ang mas mayayamang bansa, na napapaharap sa kanilang sariling mga problema, ay maaaring bantulot na tumulong upang matustusan ang maraming lumikas sa ibang mga bansa.
Nang mahigit sa dalawang milyon katao ang tumakas sa isang bansa sa Aprika noong 1994, ang mga kampo ng mga lumikas na madaliang itinayo ay walang pagsalang kulang sa tubig at angkop na sanitasyon. Bunga nito, isang biglang paglitaw ng kolera ang pumatay sa libu-libo bago ito tuluyang nakontrol. Ang masama pa nito, nakihalo ang armadong mga sundalo sa mga lumikas na sibilyan at agad na kinontrol ang pamamahagi ng mga tulong. Karaniwan na ang problemang ito. “Ang pagkanaroroon ng mga armadong elemento sa gitna ng mga lumikas na mamamayan ay naghantad sa mga sibilyan sa higit na mga panganib. Dahil dito ay naging madali silang mapadala sa pananakot, panliligalig at sapilitang pangangalap,” ang sabi ng isang ulat ng United Nations.
Ang lokal na mga tao ay maaaring magdusa rin mula sa malaking pagdagsa ng gutóm na mga lumikas. Sa rehiyon ng Malalaking Lawa sa Aprika, ganito ang reklamo ng ilang opisyal: “Sinira [ng mga lumikas] ang aming mga reserba ng pagkain, sinira ang aming mga bukirin, ang aming bakahan, ang aming likas na mga parke, nagdulot [sila] ng taggutom at nagpalaganap ng mga epidemya . . . [Sila] ay nakikinabang mula sa tulong na pagkain samantalang wala kaming nakukuha.”
Magkagayunman, ang pinakamaselang problema ay maaaring ang bagay na maraming pansamantalang kampo ng mga lumikas ang nagiging permanenteng mga pamayanan. Halimbawa, sa isang bansa sa Gitnang Silangan, mga 200,000 lumikas ang pinagkasya sa isang kampo na dating itinayo para lamang sa sangkapat ng bilang na iyon. “Wala kaming mapuntahan,” ang may kapaitang sinabi ng isa sa kanila. Ang mga lumikas na ito na matagal nang nagtitiis ay napapaharap sa matinding mga paghihigpit sa trabaho sa bansang kumupkop sa kanila, at sindami ng 95 porsiyento ang ibinibilang na walang trabaho o walang sapat na trabaho na nababagay sa kanilang kakayahan. “Talagang hindi ko alam kung paano [sila] nakararaos,” ang pag-amin ng isang opisyal ukol sa mga lumikas.
Ngunit kung tila masama ang mga kalagayan sa mga kampo ng mga lumikas, maaaring mas masama pa ang mga kalagayan para sa mga taong lumikas na hindi makaalis sa kanilang sariling bansa.
Ang Kahapisan ng Paglikas
Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees, “ang tindi at lawak ng problemang ito, ang pagdurusa ng tao na sanhi nito, gayundin ang epekto nito sa internasyonal na kapayapaan at katiwasayan, ay talagang nagpapangyaring maging isang isyu na dapat ikabahala ng buong daigdig ang pagkakalikas sa loob ng bansa (internal displacement).” Dahil sa ilang kadahilanan, ang mga taong ito na walang tahanan ay kadalasang mas mahina kaysa sa mga lumikas.
Walang internasyonal na organisasyon ang nangangalaga sa kapakanan ng mga taong lumikas sa loob ng bansa, at ang kanilang kawawang kalagayan ay kadalasang nakakakuha lamang ng kaunting atensiyon mula sa media. Ang kani-kanilang sariling pamahalaan, na napasadlak sa iba’t ibang labanang militar, ay maaaring hindi handa o hindi kayang ipagsanggalang sila. Ang mga pamilya ay kadalasang nagkakahiwa-hiwalay sa kanilang pagtakas mula sa mga lugar ng panganib. Palibhasa’y madalas na napipilitang maglakbay nang naglalakad, ang ilang taong lumikas sa loob ng bansa ay hindi man lamang nakatatagal sa paglalakad patungo sa isang lugar na may higit na katiwasayan.
Marami sa mga taong ito na lumikas sa loob ng bansa ang humahanap ng kanlungan sa mga lunsod, kung saan ay nabubuhay na lamang sila sa mahihirap na kalagayan sa mga barung-barong o abandonadong mga gusali. Ang iba ay nagtitipun-tipon sa pansamantalang mga kampo, na kung minsan ay nakararanas ng armadong mga pagsalakay. Kadalasan, ang dami ng namamatay sa kanila ay mas mataas kaysa sa anumang ibang grupo sa bansa.
Maging ang may mabuting intensiyon na mga pagbibigay ng tulong na inorganisa upang maibsan ang pagdurusa ng mga taong ito na lumikas sa loob ng bansa ay maaaring magkaroon ng masamang epekto. Ang The State of the World’s Refugees 2000 ay nagpapaliwanag: “Noong huling dekada ng ika-20 siglo, ang mga organisasyong pangkawanggawa na kumikilos sa mga bansang ginigiyagis ng digmaan ay nakapagligtas ng libu-libong buhay at malaki ang nagawa ng mga ito upang maibsan ang pagdurusa ng tao. Gayunman, ang isa sa mahahalagang aral ng dekadang iyon ay na sa mga kalagayang may labanan, madaling kontrolin ng mga naglalabanang panig ang mga pagkilos sa pagkakawanggawa, at bunga nito ay maaaring di-sinasadyang mapalakas ang katayuan ng mga awtoridad na responsable sa mga paglabag sa mga karapatang pantao. Gayundin, ang mga suplay na pantulong na inilaan ng mga organisasyon sa pagkakawanggawa ay maaaring sumuporta sa ekonomiya ng mga bansang may digmaan, na tumutulong upang matustusan at humaba ang digmaan.”
Ang Paghahanap Para sa Mas Mabuting Istilo ng Pamumuhay
Maliban sa mga lumikas at mga taong lumikas sa loob ng bansa, may lumalaking bilang ng mga lumikas dahil sa kabuhayan. May ilang dahilan dito. Ang agwat sa pagitan ng mayayamang bansa sa daigdig at ng mahihirap na bansa ay patuloy na lumalaki, at araw-araw na ipinangangalandakan ng mga programa sa telebisyon ang mararangyang istilo ng pamumuhay ng ilang bansa sa harapan mismo ng ilan sa pinakamahihirap na mamamayan sa daigdig. Naging mas madali nang maglakbay sa buong daigdig at pumasok sa mga hangganan. Ang mga gera sibil gayundin ang mga pagtatangi sa lahi at sa relihiyon ay naglaan din ng matibay na pangganyak sa mga tao upang lumipat sa mas mauunlad na lupain.
Ngunit bagaman ang ilang nandayuhan—lalo na yaong may mga kamag-anak na sa industriyalisadong mga bansa—ay naging matagumpay sa paglipat, nasira naman ang buhay ng iba. Yaong mga nahuhulog sa mga kamay ng kriminal at ilegal na mga negosyante ay napapaharap sa partikular na panganib. (Tingnan ang kalakip na mga kahon.) Dapat na maingat na isaalang-alang ng isang pamilya ang mga panganib na ito bago mandayuhan dahil sa mga kadahilanang pangkabuhayan.
Noong 1996, isang lumang barko ang tumaob sa Dagat Mediteraneo, at 280 katao ang nalunod. Ang mga biktima ay mga nandayuhan mula sa India, Pakistan, at Sri Lanka na nagbayad ng mula $6,000 hanggang $8,000 para sa kanilang pagpasok sa Europa. Bago ang pagkawasak ng barko, nagbata na sila ng maraming linggo ng gutom, uhaw, at pisikal na pang-aabuso. Ang kanilang “paglalakbay tungo sa kasaganaan” ay nauwi sa isang bangungot na nagwakas sa trahedya.
Halos bawat lumikas, taong lumikas sa loob ng bansa, o ilegal na nandayuhan ay may sariling masamang karanasan na mailalahad. Anuman ang dahilan kung bakit lumikas ang mga taong ito mula sa kanilang tahanan—ito man ay digmaan, pag-uusig, o kahirapan—ang kanilang pagdurusa ay nagbabangon ng mga katanungan: Malulunasan pa kaya ang problemang ito? O patuloy na lamang bang lalakí ang bilang ng mga lumikas?
[Talababa]
a Ang kalagayang inilarawan sa itaas ay naganap noong Marso 2001 sa isang bansa sa Asia. Ngunit ang katulad na mga problema ay bumangon din sa ilang bansa sa Aprika.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Ang Kalagayan ng Ilegal na mga Nandayuhan
Maliban sa mga lumikas at mga taong lumikas sa loob ng bansa, mayroong halos 15 milyon hanggang 30 milyong “ilegal na nandayuhan” sa buong daigdig. Karamihan sa mga ito ay mga taong umaasang matatakasan nila ang kahirapan—at marahil maging ang pagtatangi at pag-uusig—sa mas mayayamang bansa.
Yamang bumaba ang mga posibilidad para sa legal na pandarayuhan nitong nakalipas na mga taon, isang bagong ilegal na bentahan ng mga nandayuhan ang lumitaw. Sa katunayan, ang ilegal na bentahan ng mga nandayuhan ay naging isa na ngayong negosyo na malakas ang kita para sa internasyonal na mga sindikato ng krimen. Tinataya ng ilang imbestigador na ito’y kumikita ng $12 bilyon bawat taon, na kakaunti lamang ang panganib para sa ilegal na mga negosyante. Tinawag ito ni Pino Arlacchi, isang pangalawang kalihim-panlahat ng United Nations, na “ang pinakamabilis na lumagong merkado para sa mga kriminal sa daigdig.”
Ang ilegal na mga nandayuhan ay sadyang walang proteksiyon ng batas, at ang kanilang pasaporte ay laging kinukumpiska ng ilegal na mga negosyante. Ang gayong mga nandayuhan ay maaaring matagpuan sa maliliit na pagawaan na mababa ang pasahod, nagtatrabaho bilang katulong sa bahay, sa industriya ng pangingisda, o magsasaka. Ang ilan ay nagiging mga patutot. Kapag sila ay nahuli ng mga awtoridad, malamang na sila’y pababalikin nang walang kapera-pera. Kapag sila’y tumanggi sa malupit na mga kalagayan nila sa pagtatrabaho, maaari silang bugbugin o seksuwal na abusuhin o bantaan pa nga ng karahasan ang kanilang mga pamilya sa kanilang lugar.
Kadalasan ay inaakit ng kriminal na mga gang ang potensiyal na mga mandarayuhan sa pamamagitan ng pangakong mga trabaho na mataas ang pasahod. Bunga nito, baka isangla ng kapos-palad na pamilya ang lahat ng kanilang ari-arian upang maipadala lamang ang isang miyembro ng pamilya sa Europa o sa Estados Unidos. Kapag hindi mabayaran ng nandayuhan ang mga nagastos niya, siya’y aasahang magtatrabaho upang makabayad sa pagkakautang, na maaaring umabot ng sinlaki ng $40,000. Ang ‘bagong buhay’ na ipinangako sa kaniya ay lumilitaw nang dakong huli na sapilitang pagtatrabaho pala.
[Larawan]
Ilegal na mga lumikas sa Espanya
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Sinira ang Pagiging Walang Muwang
Ang pamilya ni Siri ay naninirahan sa mga burol ng Timog-silangang Asia, kung saan sinasaka ng kaniyang mga magulang ang kanilang palayan. Isang araw ay sinabi ng isang babae sa kaniyang mga magulang na maikukuha niya si Siri ng trabaho na malaki ang suweldo sa lunsod. Ang kaniyang alok na $2,000—isang napakalaking halaga ng salapi para sa mga magsasaka sa burol—ay mahirap tanggihan. Gayunman, di-nagtagal at natagpuan ni Siri ang kaniyang sarili na nakakulong sa isang bahay-aliwan. Sinabi ng mga may-ari nito sa kaniya na upang makalaya siya, kailangan niyang bayaran sila ng $8,000. Si Siri ay 15 taóng gulang nang panahong iyon.
Imposibleng mabayaran ni Siri ang utang na ito. Napilitan siyang makipagtulungan dahil sa pambubugbog at seksuwal na pang-aabuso. Hangga’t napapakinabangan siya, hindi siya kailanman palalayain. Ang malupit na katotohanan ay na maraming gayong patutot ang pinalalaya sa dakong huli—ngunit upang bumalik lamang sa kanilang nayon para mamatay sa AIDS.
Isang katulad na kalakalan ang umuunlad sa ibang bahagi ng daigdig. Tinataya ng isang ulat noong 1999 na pinamagatang International Trafficking in Women to the United States na mula 700,000 hanggang 2,000,000 babae at bata ang ilegal na ibinibenta bawat taon, marami sa kanila ay para sa prostitusyon. Ang ilan ay maaaring nalinlang, ang iba ay kinidnap lamang; ngunit halos lahat sa kanila ay sapilitang pinagtatrabaho nang laban sa kanilang kalooban. Isang tin-edyer mula sa Silangang Europa na nailigtas mula sa isang gang ng prostitusyon ang nagsabi hinggil sa mga bumihag sa kaniya: “Hindi ko kailanman inisip na mangyayari ito. Mga hayop ang mga taong ito.”
Ang ilang di-pinalad na mga biktima ay kinuha sa mga kampo ng mga lumikas, kung saan ang ipinangakong mga trabaho at malaking pasahod sa Europa o sa Estados Unidos ay mahirap tanggihan. Para sa di-mabilang na mga babae, ang paghahanap para sa mas mabuting buhay ay umakay sa kanila tungo sa pagbebenta ng aliw.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]
Tayahin ang Halaga Bago Mandayuhan Dahil sa mga Kadahilanang Pangkabuhayan
Dahil sa maraming kriminal na gang ang kasangkot sa pagbebenta ng mga nandayuhan at sa hirap ng legal na pandarayuhan sa mga bansa sa maunlad na bahagi ng daigdig, dapat na maingat na isaalang-alang ng mga asawang lalaki at mga ama ang sumusunod na mga tanong bago gumawa ng pasiya.
1. Ang amin bang kalagayan sa kabuhayan ay talagang wala nang pag-asa anupat ang isang miyembro o ang buong pamilya ay dapat lumipat sa isang bansa kung saan mas mataas ang mga pasahod?
2. Gaano kalaki ang magiging pagkakautang namin upang matustusan ang biyahe, at paano mababayaran ang pagkakautang na iyon?
3. Sulit ba na magkahiwa-hiwalay ang pamilya dahil sa mga bentaha sa kabuhayan na maaaring di-makatotohanan? Maraming ilegal na nandayuhan ang nakasumpong na halos imposibleng makakuha ng regular na trabaho sa mauunlad na bansa.
4. Dapat ko bang paniwalaan ang mga kuwento tungkol sa matataas na pasahod at mga benepisyong panlipunan? Sinasabi ng Bibliya na “sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
5. Anong garantiya ang taglay ko na hindi namin mailalagay ang aming sarili sa mga kamay ng kriminal na organisasyon?
6. Kung ang nagsaayos nga ng paglalakbay ay ang gayong kriminal na grupo, nauunawaan ko ba na ang aking asawa—o ang aking anak na babae—ay maaaring mapilitang magtrabaho bilang isang patutot sa dakong huli?
7. Natatanto ko ba na kung papasok ako sa isang bansa bilang isang ilegal na nandayuhan, maaaring hindi ako makakuha ng permanenteng trabaho at maaari akong pabalikin, anupat nasayang ang lahat ng salapi na ipinuhunan ko sa paglalakbay?
8. Gugustuhin ko bang maging isang ilegal na nandayuhan o bumaling sa di-matapat na mga hakbang upang makapasok sa isang mas mariwasang bansa?—Mateo 22:21; Hebreo 13:18.
[Dayagram/Mapa sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglipat ng mga Lumikas at mga Manggagawang Nandayuhan
Ang mga lugar na may malalaking populasyon ng mga lumikas at mga taong lumikas sa loob ng bansa
→ Pangunahing mga nililipatan ng mga manggagawang nandayuhan
[Credit Lines]
Pinagmulan: The State of the World’s Refugees; The Global Migration Crisis; at World Refugee Survey 1999.
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Naghihintay ng matitirhan ang isang lumikas na nawalan ng tahanan
[Credit Line]
UN PHOTO 186226/M. Grafman