Ang mga Taong Naghahanap ng Katiwasayan
“Ang pagtatapos ng ika-20 Siglo ay hindi nagdulot ng wakas sa pagdanak ng dugo at pag-uusig na pumipilit sa mga tao na tumakas upang mabuhay. Sinalubong ng sampu-sampung milyon katao ang bagong milenyo sa mga kampo ng mga lumikas at sa iba pang pansamantalang mga tirahan, takót na sila’y papatayin kapag nagtangka silang bumalik sa kanilang mga tahanan.”—Bill Frelick, U.S. Committee for Refugees.
MAY pangarap si Jacob. Nananabik siya sa isang lugar kung saan ang mga tao ay makapamumuhay sa kapayapaan, kung saan hindi papatayin ng mga bomba ang mga kambing ng kaniyang pamilya, at kung saan makapag-aaral siya.
Sinabi sa kaniya ng mga tao sa kaniyang bayan na talagang umiiral ang gayong lugar, bagaman napakalayo nito. Sinabi ng kaniyang ama na ang paglalakbay ay napakamapanganib, yamang ang ilan ay namatay sa uhaw at gutom sa daan patungo roon. Ngunit nang ang isang kapitbahay, na napatay ang asawang lalaki, ay maglakbay kasama ng kaniyang dalawang anak, nagpasiya si Jacob na maglalakbay siya nang mag-isa.
Si Jacob ay walang dalang pagkain ni damit, at sa unang araw, tumakbo lamang siya nang tumakbo. Nagkalat ang mga bangkay ng tao sa daan patungo sa kaligtasan. Kinabukasan, nakatagpo niya ang isang babae na nagmula sa kaniyang bayan na nagsabing maaaring sumama si Jacob sa kaniya at sa kaniyang mga kasama. Naglakad sila sa loob ng maraming araw, na dinaraanan ang tiwangwang na mga nayon. Sa isang pagkakataon ay kinailangan nilang bagtasin ang isang lugar na may nakatanim na mga bomba, kung saan napatay ang isang kasama nila sa grupo. Upang makaraos, kumain sila ng mga dahon.
Pagkalipas ng sampung araw, nagsimulang mamatay ang mga tao dahil sa gutom at pagod. Di-nagtagal pagkatapos nito, binomba sila ng mga eroplano. Sa wakas, nakatawid si Jacob sa hangganan at nakarating sa kampo ng mga lumikas. Pumapasok na siya ngayon sa paaralan, at hindi na siya natatakot sa ugong ng eroplano. Ang lahat ng eroplano na nakikita niya ngayon ay nagdadala ng pagkain sa halip na mga bomba. Ngunit hinahanap-hanap niya ang kaniyang pamilya, at nais na niyang umuwi.
May milyun-milyong “Jacob” sa buong daigdig. Marami sa kanila ang nagkatrauma dahil sa digmaan at dumaranas ng gutom at uhaw. Iilan lamang ang nakaranas ng normal na buhay pampamilya, at marami ang hindi na makababalik pa sa kanilang tahanan. Sila ang pinakadukha sa mga dukha sa daigdig.
Inuuri ng United Nations High Commissioner for Refugees ang mga kapos-palad na mga palabuy-laboy na ito sa dalawang grupo. Ang lumikas (refugee) ay binigyang katuturan bilang isa na tumakas sa kaniyang bansa dahil sa takot sa pag-uusig o karahasan na may matibay na saligan. Ang taong lumikas sa loob ng bansa (internally displaced) ay napilitan ding iwan ang kaniyang tahanan dahil sa digmaan o sa katulad na malulubhang panganib, ngunit naninirahan pa rin sa kaniyang sariling bansa.a
Walang nakatitiyak kung gaano karaming lumikas at mga taong lumikas sa loob ng bansa ang nagagawang mabuhay sa pansamantalang mga kampo o kung gaano karami ang walang magawa kundi magpalabuy-laboy sa iba’t ibang lugar sa paghahanap ng katiwasayan. Ayon sa ilang pinagmumulan ng impormasyon, ang kabuuang bilang sa buong daigdig ay maaaring mga 40 milyon, at kalahati sa mga ito ay mga bata. Saan nanggaling ang lahat ng ito?
Isang Problema sa Ating Panahon
Ang problema hinggil sa mga lumikas ay nagkaroon ng bagong mga aspekto at mas malawak na saklaw sa pagtatapos ng unang digmaang pandaigdig. Pagkatapos ng digmaang iyon, gumuho ang mga imperyo at pinag-usig ang etnikong mga minorya. Bunga nito, milyun-milyong Europeo ang humanap ng kanlungan sa ibang mga bansa. Ang ikalawang digmaang pandaigdig—na mas mapangwasak kaysa sa nauna rito—ay naging dahilan upang tumakas ang milyun-milyon pa mula sa kanilang tahanan. Mula noong 1945, ang mga digmaan ay kadalasang nagaganap na lamang sa lokal na mga lugar, ngunit ang mga ito ay nakakatrauma rin sa mga sibilyan na naiipit sa armadong labanan.
“Bagaman laging may lumilikas dahil sa digmaan, nito lamang ikadalawampung siglo nakaapekto ang internasyonal na mga labanan sa lahat ng mamamayan ng naglalabanang mga bansa,” ang paliwanag ni Gil Loescher sa kaniyang aklat noong 1993 na Beyond Charity—International Cooperation and the Global Refugee Crisis. “Ang pag-aalis sa pagkakaiba ng mga sundalo at sibilyan ay naging dahilan ng malaking bilang ng mga lumikas na desperadong takasan ang mga pinsalang dulot ng walang-patumanggang karahasan.”
Karagdagan pa, marami sa mga labanan sa ngayon ay mga gera sibil na pumapatay hindi lamang ng napakaraming lalaki na sapat na ang edad para magsundalo kundi gayundin ng mga babae at mga bata. Palibhasa’y pinag-alab ng malalim-ang-pagkakaugat na mga hidwaang etniko at relihiyoso, ang ilan sa mga labanang ito ay waring wala nang katapusan. Sa isang bansa sa Aprika, kung saan ang kasalukuyang yugto ng gera sibil ay umabot na ng 18 taon, may apat na milyon kataong lumikas sa loob ng bansa, samantalang daan-daang libo pa ang tumakas sa ibang bansa.
Sa tuwina, ang tanging paraan upang makatakas sa karahasan ang mga taong pagód na sa digmaan ay ang lisanin ang kanilang tahanan. “Iniiwan ng mga lumikas ang kanilang tinubuang-bayan at humihiling na makapasok sa ibang bansa hindi dahil sa pinili nila ito o para maging maalwan sila, kundi dahil sa kailangang-kailangan ito,” ang paliwanag ng aklat na The State of the World’s Refugees 1997-98. Gayunman, sa ngayon, maaaring hindi ganiyan kadaling makapasok sa ibang bansa.
Noong dekada ng 1990, ang kabuuang bilang ng mga lumikas sa buong daigdig ay bumaba mula sa mga 17 milyon tungo sa 14 na milyon. Gayunman, ang waring pagbuti na ito ay nakalilinlang. Tinataya na noong dekada ring iyon, ang bilang ng mga taong lumikas sa loob ng bansa ay umabot ng mula 25 milyon hanggang 30 milyon. Ano ba ang nangyayari?
Ang pagkuha ng opisyal na pagkilala bilang isang lumikas ay naging mas mahirap dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Ang mga bansa ay maaaring bantulot na tumanggap ng mga lumikas, ito man ay dahil sa hindi na nila makayanan ang pagdagsa o dahil sa totoong nababahala sila na ang isang malaking populasyon ng mga lumikas ay makapagdudulot ng kawalang-katatagan sa kabuhayan at pulitika. Gayunman, kung minsan ang takót na mga sibilyan ay wala man lamang lakas, pagkain, o salapi upang makapaglakbay nang malayo patungo sa hangganan. Ang kanilang tanging mapagpipilian ay lumipat sa isang mas ligtas na lugar sa loob ng kanilang sariling bansa.
Ang Lumalaking Pagdagsa ng mga Lumikas Dahil sa Kabuhayan
Karagdagan pa sa milyun-milyong tunay na mga lumikas ang milyun-milyong iba pang kapos-palad na mga tao na nagsisikap na bumuti ang kanilang kalagayan sa buhay sa tanging paraan na alam nila—sa pamamagitan ng paglipat sa isang bansa kung saan mas mabuti ang mga kalagayan sa buhay.
Noong Pebrero 17, 2001, isang kinakalawang na barko ang sumadsad sa baybayin ng Pransiya. Kabilang sa mga kargamento nito ang halos isang libong lalaki, babae, at bata, na naglayag sa laot sa loob ng halos isang linggo nang walang pagkain. Nagbayad sila ng $2,000 bawat tao para sa mapanganib na paglalakbay na ito, nang hindi man lamang nababatid kung saang bansa sila patungo. Ang kapitan at ang mga tripulante ay kaagad na naglaho di-nagtagal matapos isadsad ang barko. Ngunit mabuti na lamang at ang nahintakutang mga pasahero ay nasagip, at ang pamahalaan ng Pransiya ay nangako na isasaalang-alang ang kanilang kahilingan para magkanlong doon. Milyun-milyong gaya nila ang nagtatangka sa katulad na mga paglalakbay taun-taon.
Karamihan sa mga nandayuhang ito dahil sa kabuhayan ay handang humarap sa matitinding kagipitan at kawalang-katiyakan. Sa paanuman, nakaipon sila ng salapi para sa biyahe dahil sa kanilang lugar ay waring walang pag-asa ang buhay bunga ng kahirapan, karahasan, diskriminasyon, o mapaniil na mga rehimen—at kung minsan ay kombinasyon ng lahat ng apat na ito.
Marami ang namatay sa kanilang pagtatangkang makasumpong ng mas mabuting buhay. Noong nakalipas na dekada, mga 3,500 nandayuhan ang nalunod o naglaho habang tinatangkang tawirin ang Strait of Gibraltar mula sa Aprika patungong Espanya. Noong taóng 2000, limampu’t walong nandayuhang Tsino ang hindi nakahinga habang nakatago sa isang trak na magdadala sa kanila mula sa Belgium patungong Inglatera. Di-mabilang pang mga nandayuhan ang namatay sa Sahara dahil sa uhaw nang ang kanilang labis-ang-kargada at karag-karag na mga trak ay nasira sa gitna ng disyerto.
Sa kabila ng mga panganib, ang grupo ng mga lumikas dahil sa kabuhayan sa buong daigdig ay patuloy na dumarami. Mga kalahating milyon katao ang naipupuslit papasók sa Europa bawat taon; at karagdagan pang 300,000, sa Estados Unidos. Noong 1993, tinaya ng United Nations Population Fund na ang bilang sa buong daigdig ng mga nandayuhan ay 100 milyon, na mahigit na sangkatlo rito ay nanirahan sa Europa at sa Estados Unidos. Magmula noon, walang-alinlangang lubhang lumaki ang bilang na ito.
Marami sa mga nandayuhang ito ang hindi kailanman nakasumpong ng katiwasayan na kanilang hinahanap. At iilang lumikas ang nakasumpong ng ligtas at permanenteng kanlungan. Kadalasan, papalit-palit ang mga problema ng mga palabuy-laboy na ito. Susuriing mabuti ng susunod na artikulo ang ilan sa mga problemang ito at ang nakapaloob na mga dahilan.
[Talababa]
a Sa seryeng ito ng mga artikulo, kapag tinukoy namin ang mga taong lumikas sa loob ng bansa, hindi namin ibinibilang ang 90 milyon hanggang 100 milyon katao na sapilitang pinalikas dahil sa mga programa ukol sa pag-unlad gaya ng mga prinsa, pagmimina, pagkakahuyan, o mga programang pang-agrikultura.