Hoarfrost—Sino ang Nasa Likuran ng Pagkamasining Nito?
KAPAG ang hangin na punung-puno ng singaw (water vapor) ay lumamig sa gabi, hindi na nito kaya na dalhin pa ang lahat ng tubig. Ang kalabisan nito ay bumabagsak bilang mga hamog. Subalit kapag ang temperatura ng hangin ay bumaba pa sa antas ng pagyeyelo, ang labis na tubig ay nadadalisay—alalaong baga, nilalaktawan nito ang yugto ng pagiging likidong hamog at namumuo bilang yelo. Ang yelong mga kristal na nabuo ay susun-suson at kahawig ng mga kristal na niyebe. Nagpapatung-patong sa mga salamin ng bintana ng mga bahay, ang mga ito’y hinahangaan dahil sa kaakit-akit na geometrikong mga disenyo at tila puntas na hugis nito. Totoong masining.
Subalit may isa pang higit na kabigha-bighaning anyo ng yelong mga kristal na kilala bilang hoarfrost. Ang mga ito’y may anim na sulok na hungkag na tila mga sibat na yelo na nakaungos, at kapag nagsama-sama sa labas, ang mga ito’y nagiging napakagandang pagtatanghal at angkop na tinatawag na mga bulaklak na yelo. Maaga isang maaraw na umaga sa Yosemite National Park, California, ang mga bulaklak na yelong ito ay nasumpungan na napakarami sa tuktok ng batuhan sa mga tubig ng Ilog Merced na umaagos patungo sa Yosemite Valley. Isa pa itong tunay na napakasining, at gawa ng pisikal na mga batas na itinatag ng Maylikha ng sansinukob. “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”—Apocalipsis 4:11.