Yosemite National Park—100 Taóng Gulang
NAGMAMANEHO patungo sa kabundukan mula sa Merced, California, E.U.A., hindi ka handa sa kasindak-sindak na tanawin na babati sa iyo paglabas mo mula sa isang tunel sa haywey. Walang anu-ano magugulat ka sa laki at sukat ng Libis ng Yosemite, na may pagkatataas at tulis-tulis na mga tuktok na nagtataasan sa ibabaw ng sahig ng libis, na sa ganang sarili ay 1,200 metro sa ibabaw ng antas ng dagat. Sa kaliwa, ang El Capitan ay umaabot sa taas na 1,100 metro; sa kanan naman ang talón ng Bridalveil, na ang taas ng nahuhulog na tubig nito ay 190 metro; sa unahan pa sa kanan ay ang napakalaking bato ng Half Dome, ang taas ay umaabot ng 2,698 metro. Ang tanawing ito ay biglang-bigla at makapigil-hininga. Ang mga salitang nagbabalik sa alaala ay: “Ang Bato [si Jehova], ang kaniyang gawa ay sakdal.”—Deuteronomio 32:4.
Angaw-angaw na mga tao mula sa buong daigdig ay nasisiyahan sa kagandahan at kadakilaan ng Yosemite National Park mula nang ideklara itong pambansang parke ng Kongreso ng E.U. noong 1890. Kasing-aga ng 1864, ang Libis ng Yosemite ay ibinigay ng Kongreso sa California bilang isang parkeng pampubliko. Ngayon, sa kasukdulan ng panahon, ang Yosemite ay punô ng tao. Ngunit kung nais mong mapag-isa, maaaring lakas-loob mong sugurin ang High Sierra at tingnan ang buong tanawin mula sa punto-de-vista ng isang agila.