Tayo’y Ginawa Upang Masiyahan sa mga Parke
KARAMIHAN sa atin ay nakadarama ng kapayapaan at kasiyahan kapag tayo ay lumalayo sa magulong buhay sa lungsod upang masiyahan sa kagandahan ng kalikasan. Si John Muir, isang kilalang tagapangalaga ng kalikasan noon, ay nagsabi: “Ang mga parke at mga reserbang lupa sa bundok ay kapaki-pakinabang hindi lamang bilang mga pinagmumulan ng kahoy at patubigan ng mga ilog, kundi bilang mga bukal ng buhay.”
Kaya hindi dapat makagulat sa atin na pinaglaanan ng ating Maylikha ang unang mag-asawang tao ng isang magandang tulad-harding parke na pinaka-tahanan. Sakop nito ang isang bahagi ng rehiyon na tinatawag na Eden kaya’t ito’y tinawag na “ang halamanan ng Eden.” Napakalaki ng tulad-harding parke na ito. Ito’y pinatutunayan ng bagay na isang ilog na dumidilig dito ay nabahagi at nagsanga ng apat na malalaking ilog at na “lahat ng punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabubuting kanin” ay masusumpungan sa hardin.—Genesis 2:8-10, 15.
Hanggang nitong kasalukuyang siglo, karamihan ng sangkatauhan ay nakatira kung saan sila ay napananariwa ng gayong “mga bukal ng buhay.” Subalit ang mga tao ay nagsiksikan sa malalaking lungsod, ang mga iláng ay napinsala at ipinapahamak pa nga ng tao. Samakatuwid, ang ideya na magbukod ng mga lugar bilang pambansang mga parke ay wastong matatawag na “isang dakila at hindi kapani-paniwalang ideya.” Kailan at paano nagsimula ang paniwalang ito?
Ang Unang Pambansang mga Parke
Ang pasimula nito ay maaaring sabihin na noong 1870. Pagkatapos galugarin ang rehiyon ng Yellowstone ng Estados Unidos, isang ekspedisyon ng mga lalaki ay nagtipun-tipon sa paligid ng campfire isang gabi at nirepaso nila ang pambihirang mga tanawin na nakita nila. Isa sa kanila, si Cornelius Hedges, nang maglaon ay isang gobernador ng Montana Territory, ay nagmungkahi na ang rehiyon ay pangalagaan bilang isang pambansang parke para sa kapakinabangan ng mga salinlahi sa hinaharap. Ang iba ay masiglang sumang-ayon. Pagkalipas ng dalawang taon ang ideya ay nagtamo ng pagsang-ayon, at noong 1872, nilagdaan ng Pangulong Ulysses S. Grant ang panukalang-batas na gumagawa sa Yellowstone na ang kauna-unahang pambansang parke ng daigdig.
Nang dakong huli, tinutularan ang halimbawa ng Yellowstone, isang likas na santuwaryo sa New South Wales, Australia, ang itinatag na ngayo’y kilala bilang ang Royal National Park. Saka 13 taon lamang pagkatapos mapasinayahan ang Yellowstone, ang ikatlong pambansang parke ay itinatag sa Alberta, Canada. Kawili-wili kung paano ito nangyari.
Ang Canada noon ay isang bagong bansa na iniuugnay ng isang riles ng tren mula sa Rocky Mountains hanggang sa Baybaying Pasipiko. Isang araw noong Nobyembre 1883, tatlong manggagawa sa riles ng tren na nanggalugad sa iláng malapit sa Fort Calgary ang nakasumpong ng mainit na mineral na tubig na bumubulubok mula sa lupa. Ang halaga ng mga bukal na ito ay natalos, at sumunod na ang mga labanan sa hukuman upang itatag ang karapatan sa pagmamay-ari nito.
Gayunman, hindi nagtagal, nakialam na ang pamahalaan ng Canada. Nakikita nito na ang lugar ay may potensiyal na umakit ng mga turista, at hindi nito ibinigay ang karapatan ng pagmamay-ari sa kaninumang pribadong kompaniya. Kaya, noong 1885, ipinasa ng gobyerno ang isang kautusan-sa-konseho na nag-uutos na ang lugar ay ibukod para sa “pakinabang ng publiko” at “ireserba mula sa pagbibili o sa paninirahan o sa pag-iiskuwat.” Ang orihinal na 26-kilometro-kuwadradong dako ay pinalaki pa upang maging bahagi ng 6,641-kilometro-kuwadradong reserbang lupa na kilala bilang Banff National Park.
Ang Canada ngayon ay may 30 gayong mga parke sa buong bansa, na ang sukat ng lupa ay katumbas niyaong sa Inglatera. Ang Estados Unidos ay may mahigit na 300 gayong mga lugar sa National Park Systems nito, na may kabuuang sukat ng lupa na mahigit doble ng Inglatera. Sa buong daigdig, ang “dakila at hindi kapani-paniwalang ideya” na pagkakaroon ng pambansang mga parke ay naging popular anupa’t may mahigit na 2,000 protektadong mga lugar sa halos 120 iba’t ibang bansa.
Isang Pagbabago sa Pagdiriin
Dati-rati, ang dako ng Banff ay, sa katunayan, isang spa (bakasyunan na may mineral na bukál) para sa ilang natatanging tao. “Yamang hindi natin mailuwas ang tanawin,” sabi ng isang unang tagapagtaguyod, “kailangang mag-angkat tayo ng mga turista.” At dumating nga ang mga turista. Sa katunayan, inapawan ng mga turista ang ilang pambansang parke anupa’t hindi ka makapaniwalang ito ay siksikan at nagsisikip sa tao. “Ang napakaraming tao,” sabi ng isang pamilya pagkatapos dumalaw sa Yellowstone, “ay nakadismaya sa amin—para itong mga lansangan sa Manhattan [New York City].” Ang mga ranger (tagapangalaga sa kagubatan o parke) sa ilang parke ay kailangang sanayin sa mga pamamaraan ng pulisya at sa pagsawata ng narkotiko.
Gayunman, kamakailan ay nagkaroon ng higit na mga pagsisikap na pangalagaan ang likas na katayuan ng mga parke. Halimbawa, sa Yosemite, isang kilalang parke sa California, ang pag-alis ng mga pasilidad na gaya ng komersiyal na garahe, mga tindahan, ice rinks, laruan ng golf, tennis courts, at mga swimming pool ay naging isang isyu. Ang mga manedyer ng parke ay nagsisikap na maglaan ng pasilidad sa paglilibang na kasuwato ng pangmatagalang pangangalaga sa likas na mga kayamanan.
Totoo ito sa Canada, gaya ng pinatutunayan ng Parks Canada Policy ng 1979. Binabanggit nito na ang pambansang mga parke ay idinisenyo ‘upang pangalagaan sa lahat ng panahon ang kinakatawang likas na mga dako at iwan itong hindi sira para sa hinaharap na mga salinlahi.’
Ang isa sa pangunahing tungkulin ng maraming parke ay pangalagaan ang mga hayop. Sa Italya ang Gran Paradiso National Park, na ginawa noong 1922, ay nangangalaga sa ibex, dati’y pinangaso hanggang sa bingit ng pagkalipol. At ang Gir Wild Life Sanctuary na ginawa noong 1965 sa India ay nangangalaga sa huling mga leon ng Asia na minsa’y gumagala-gala sa bansa. Tinatayang 60 milyong bison, o buffalo, ang dati’y gumagala sa Hilagang Amerika, subalit noong 1900 ang bison ay muntik nang malipol. Ngayon, bunga ng mga hakbang sa pangangalaga, libu-libo sa mga ito ang masusumpungan sa gayong mga dako na gaya niyaong malawak na Wood Buffalo National Park.
Tunay, ang pagdalaw sa pambansang mga parke, paglalakad sa mga dakong iláng, at pagmamasid sa mga hayop sa kanilang likas na kapaligiran ay nakarirepresko sa espiritu. Ito ay, sa pakiwari, isang bukál ng buhay. Subalit may mga panganib na dapat ninyong malaman.