Ang Kagandahan ng mga Pambansang Parke sa Alpino
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
ANG sinlinaw ng kristal na tubig na umaagos sa isang hugusan, ang banayad na kaluskos ng mga dahon sa hihip ng hangin, ang maaliwalas na langit sa itaas, ang liwanag ng araw na lumalagos sa mga punungkahoy. Ito ang nakalulugod na tanawin at tunog na sumalubong sa amin, at nakatitiyak kami na ang mga ito ay pasimula lamang ng isang napakagandang araw. Nasaan ba kami? Nasa Écrins National Park, sa Dauphiné Alps, Pransiya.
Sa isa sa mga pasukan ng parke sa Ailefroide, sa gilid ng kagubatan, ipinakikita ng nakapaskil na impormasyon na bawal ang ilang gawain sa parke, gaya ng pagkakamping o pagsisiga. Kami’y hinilingan na iuwi namin ang anumang basura, at napansin namin na bawal ang mga aso, yamang tinatakot o ginagambala ng mga ito ang katutubong mga hayop.
Ang Kanilang Layunin
Subalit ano nga ba ang isang pambansang parke, at ano ang layunin nito? Ang unang parke, ang Yellowstone National Park, sa estado ng Wyoming, ay nalikha noong 1872 sa Estados Unidos. Mula noon, marami ang nabuksan sa bawat kontinente. Sa Pransiya, may pitong pambansang parke, tatlo rito ang nasa hugis-suklay na rehiyon ng alpino, na umaabot mula sa Pransiya hanggang sa Austria. Ang unang pambansang parke sa Europa ay nilikha noong 1914 sa estado ng Graubünden (Grisons), Switzerland. Pagkatapos, noong 1922, nabuksan ang Gran Paradiso National Park, sa Italya. Ang iba pang pambansang parke na kasama sa hugis-suklay na rehiyon ng alpino ay ang Berchtesgaden, sa Alemanya; ang Hohe Tauern, sa Austria; Stelvio, sa Italya; at Triglav, sa Slovenia. Ang unang pambansang parke sa Pransiya ay ang Vanoise, na nilikha noong 1963.
Ang pangunahing layunin ng mga pambansang parke ay upang pangalagaan ang likas na mga halaman at hayop. Dapat ding pansinin na marami pang ibang parke na wala pa sa pambansang kalagayan na may gayunding tunguhin. Kabilang sa mga ito ang Vercors Regional Park, sa Pransiya, at ang Karwendel Reserve, sa Austria. Subalit, ang mga pambansang parke ay may pantanging kalagayan na nagkakaloob ng isang awtoridad sa kanilang mga bantay. Sila’y awtorisadong pagmultahin yaong mga hindi sumusunod sa mga alituntunin ng parke. Halimbawa, ang pagdadala ng isang aso sa isang parke sa Switzerland ay maaaring magbunga ng isang multa ng hanggang 500 Swiss franc ($350, U.S.).
Baka isipin ng ilan na sobra naman yata iyan. Subalit may mga dahilan ng ilang pagbabawal o mga multa. Isaalang-alang ito. Minsan samantalang nasa Mercantour National Park, sa Maritime Alps sa timog-silangan ng Pransiya, nakatagpo namin ang isang munting chamois. Waring ito’y nag-iisa at talagang napakahina. Subalit, hindi namin hinipo ito, yamang inaakala naming ang aming amoy ay maaaring humadlang sa ina nito na tanggapin itong muli. Subalit isipin na lamang kung may kasama kaming aso! Matatakot ang kawawang chamois, lalo na kung magsimulang tumahol ang aso.
Nangangahulugan ba ito na ang mga bantay ay mga pulis lamang sa parke? Aba, hindi. Ipinakita sa amin ng isang bantay na nakilala namin sa Mercantour Park ang dako kung saan kadaraan pa lamang ng pangkat ng mga chamois, na nag-iwan ng kanilang mga bakas sa kahuhulog na niyebe. Itinuro niya kung paano nag-iiwan ng bakas ang kanilang paa. Tumulong ito sa amin na maunawaan na bilang karagdagan sa pagpapanatili sa likas na pagkakatimbang sa parke, ang papel ng mga bantay ay ang magbigay ng impormasyon at magturo.
Ang Saganang Pagkakasari-sari ng mga Nilalang sa Kalikasan
Sa dako pa roon ng aming dinaraanan, sa gilid ng burol sa kalayuan, nakita naming naglalaro ang mga chamois sa niyebe, sa mga parang ng niyebe. Namataan din namin ang dalawang marmot na naglalaro sa mabatong dalisdis. Ang ilan sa mga marmot na ito ay kamangha-mangha ang kaamuan, na lumalapit sa mga naglalakad, sa pag-asang mabibigyan ng pagkain.
Ang mga kawan ng ibex ay nakatira sa ilang parke sa alpino. Ang mga ito’y pinakamarami sa Gran Paradiso Park, sa Italya. Tuwang-tuwa rin kaming makakita ng ilan sa Mercantour. Ang gawing timog na parkeng ito sa alpino ay sagana sa buhay-hayop. Ang mga mouflon, isang uri ng tupang gubat, ay malayang gumagala-gala, at nito lamang ilang taon ay muling lumitaw ang mga lobo. Gayunman, hindi dapat mabahala ang mga dumadalaw, yamang ang mga lobo ay bihirang mangahas na lumapit sa mga landas na dinaraanan ng tao at lumalayo sila sa mga tao. Noon, ang mga oso ay gumagala rin sa Swiss Alps, subalit ang kahuli-hulihang osong nakita roon ay napatay noong 1904. Ang kulay-kapeng mga oso sa Kanlurang Europa ay masusumpungan ngayon sa Pyrenees, sa hangganan ng Pransiya at Espanya; sa Kabundukan ng Cantabrian, sa gawing hilaga ng Espanya; at sa Abruzzi National Park, sa sentro ng Italya. Sa kabilang dako naman, kung minsan ay maririnig mo ang isang stag na umuungal sa Swiss National Park, kung saan napakarami ng mga ito.
Gayunman, bukod pa sa malalaking hayop ay maraming maliliit na hayop na nakalulugod sa dumadalaw, gaya ng mga ermine at iba’t ibang kuneho, na pumuputi sa taglamig, gayundin ng mga sorra, marmot, at mga tapilak (squirrel). Bukod pa rito, laksa-laksang insekto, pati na ang maririkit na paruparo at masisipag na langgam, ay nakatira sa mga pook na ito. Tiyak na hindi mabibigo ang mahihilig sa ibon. Maaaring makakita ka ng isang agila na sumasalimbay sa iyong uluhan o maging, sa Swiss National Park at sa mga parke sa Vanoise at Mercantour, ng isang lammergeier, o ng buwitreng may balbas. Karaniwan na ring makarinig ng tunog ng tuka ng karpenteros (woodpecker) na humahampas sa katawan ng punungkahoy sa paghahanap ng mga insekto. Marami ang nagtatanong kung paano naliligtasan ng mga nakatirang ito sa bundok ang taglamig sa Alps. Ang mga hayop na ito ay nasanay na nang husto sa kapaligirang ito, bagaman ang matinding mga kalagayan ay nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga maysakit at ng matatanda na.
Mga Pananim sa Alpino
Maging ang mga halaman ay pinangangalagaan sa mga parke. Dahil dito, bawal ang pumitas ng mga bulaklak, pati na ang magagandang liryong kulay kahel, na tumutubo sa kahabaan ng landas na aming nilalakaran. Marahil ay nagtataka ka kung bakit. Ang ilang halaman—gaya ng kilalang edelweiss, ang anemone ng alpino, ang rosas ng alpino, ang mountain bluet, at ang ilang uri ng gentian—ay bihira, at mahalagang pangalagaan ang mga ito upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Ang sarisaring bulaklak ay talagang kahanga-hanga.
Ang kagandahan ng kalikasan ay makikita rin sa mga punungkahoy na nagpapaganda sa mga parke. Ginagayakan ng ginintuang kulay ng mga larch ang kagubatan sa taglagas. Sa kabilang dako naman, waring nilalabanan ng arolla, o Swiss pine ang bagsik ng taglamig, na nagtutustos ng walang-tigil na pinagmumulan ng pagkain ng mga ibong karaniwang kilala bilang nutcracker. Inihahatid ng ibong ito ang nakuha nitong mga buto ng pino sa butsi nito at pagkatapos ay ibinabaon ang mga ito para sa hinaharap na gamit. Sa paggawa nito, nakatutulong ito sa pagkalat ng mga puno ng pino sa mga lugar na hindi nararating. Walang alinlangan, maaari naming gugulin ang maghapon sa pagmamasid sa kagandahan na nakapaligid sa atin. Subalit kung gusto naming marating ang cabin sa bundok, dapat kaming magpatuloy sa paglakad.
Nagpatuloy kami sa aming paglakad at di-nagtagal ay narating namin ang mas mahirap na landas. Waring naghihintay na sa amin sa kagubatan ang mga chamois, at nakunan namin ito ng ilang litrato. Gayunman, habang papalapit kami, nagtakbuhan ang magagandang nilalang na ito, na maliwanag na natakot sa aming paglapit. Pinag-isipan namin ang kamangha-manghang pangako ng Diyos na nakatala sa Isaias 11:6-9: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. . . . Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal.” Tayo’y nagsasaya sa pag-asa na hindi na magtatagal ang buong lupa ay magiging isang pagkalaki-laking tulad-parkeng paraiso, kung saan ang mga tao at mga hayop ay walang takot na mamumuhay na magkasama.
[Larawan sa pahina 13]
Isang chamois na palagay na palagay sa French Alps
[Larawan sa pahina 14]
Isang maingat na marmot sa Vanoise National Park, Pransiya
[Larawan sa pahina 14]
Isang agila sa Mercantour National Park, Pransiya
[Larawan sa pahina 15]
Ang chamois na umaakyat sa French Alps
[Larawan sa pahina 15]
Isang batang chamois
[Larawan sa pahina 16]
Rosas ng alpino
[Larawan sa pahina 16]
Ligaw na artichoke
[Larawan sa pahina 16]
Ancolie des Alpes
[Larawan sa pahina 16]
Ibex
[Larawan sa pahina 17]
Liryong kulay-kahel
[Larawan sa pahina 17]
Turk’s-cap lily
[Larawan sa pahina 17]
Panicaut des Alpes
[Larawan sa pahina 17]
Marmot