Mula sa Aming mga Mambabasa
Panganib sa Pagmamaneho Ang pagbabasa ng balitang “Pagod Habang Nagmamaneho?” (“Pagmamasid sa Daigdig,” Pebrero 22, 1994) ang nagbalik ng aking mga alaala nang ako’y isang tsuper ng lorry (trak) 20-mahihirap na taon na ang nakalipas. Nagmamaneho ako pauwi pagkatapos ng napakahabang araw sa manibela nang ako’y nakatulog. Walang anu-ano, isang malakas na pagbangga ang gumising sa akin, at sa pagkasindak ko ako’y nagmamaneho na sa maling panig ng daan. Nabangga ko ang gilid ng bangketa, pero walang mga kotse o mga nagdaraan ang nasa malapit. Nakaligtas ako nang walang pinsala, subalit ito’y naging aral para sa akin na hindi ko kailanman makalilimutan. Maaaring nakapatay sana ako dahil lamang sa hindi ako nagpahinga nang kailanganin ko ito. Ang payo ko? Basahin ang balitang iyon sa artikulo sa Gumising!, at sundin ito!
M. Y., Inglatera
Labis ang Timbang Ibig ko na pantangi kayong pasalamatan sa artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ng Abril 22, 1994, “Bakit Napakataba Ko?” Ako’y 13 taóng gulang at lagi kong iniisip na ako’y mataba, bagaman isinasaad ng tsart ng timbang na ako’y katamtaman lamang. Dahil sa aking saloobin, naiwala ko ang buong pagtitiwala ko sa aking sarili at nakaranas ako ng panlulumo. Minsan pa nga ay hiniling kong sana’y mamatay na ako. Parang ito’y isang kabaliwan, pero iyan ang nadama ko. Dahil kay Jehova at sa artikulo, nakakayanan ko nang mas mabuti ang aking panlulumo.
C. S., Alemanya
Kabataang may Sakit na Kanser Dahil sa kababasa ko pa lamang ng artikulong “Kapag Mahirap ang Buhay,” gaya ng inilahad ni Kathy Roberson, talagang masasabi ko na totoong nabagbag ang aking damdamin. (Agosto 22, 1994) Kailangan kong sumulat at magpahayag ng aking masidhing pagpapahalaga dahil sa napakagandang artikulong iyon. Ako’y 14 na taóng gulang at ako’y nakaranas ng pag-uusig sa paaralan dahil sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang kalagayan ko ay hindi kasinghirap kay Kathy Roberson, subalit ang maunawaan kung paano siya tinulungan ni Jehova sa buong panahon ng kaniyang paghihirap ay isang bagay na nakapagpapatibay-loob.
C. G., Estados Unidos
Anong galing na artikulo! Ako rin ay nagkasakit nang malubha nang ako’y siyam na taóng gulang at sa dakong huli ay gumugol ng maraming buwan sa ospital. Gayunman, bumuti muli ang aking kalusugan sa panahong ako’y pumasok sa high school. Anong hirap nga para kay Kathy Roberson na harapin ang paulit-ulit na paglitaw ng kaniyang sakit. Ang kaniyang saloobin at kalakasan ang tumulong sa akin na magkaroon ng higit na positibong kaisipan.
D. V., Estados Unidos
Pagpapasuso sa Ina Ako’y malapit nang manganak sa loob ng tatlong buwan sa ikalawa naming anak. Kaya nang aking tanggapin ang Agosto 22, 1994, labas ng Gumising! at nang nabuksan ko ang artikulo tungkol sa “Mahahalagang Bagay Tungkol sa Pagpapasuso,” ako’y tuwang-tuwa. Totoong nakagiginhawa na makabasa ng artikulo na nagbibigay ng karapat-dapat na karangalan at papuri sa Pinagmulan ng buhay. Hindi ko maintindihan kung paano maikakaila ng sinuman na may isang pantas at mapagmahal na Maylikha kapag isinaalang-alang ng isa kung paano ang isang ina ay totoong may kaginhawahang nasangkapan upang magpasuso sa kaniyang sanggol.
L. K., Estados Unidos
Natitiyak ko na makatatanggap kayo ng maraming sulat ng pasasalamat sa artikulong ito. Sa aking paggunita sa nakaraan, naunawaan ko kung gaano kalaking pagpapala at kung gaano kapraktikal ang pasiya namin na pagpapasuso-sa-ina sa lahat ng aming tatlong anak. Batid ko na ang artikulong ito ang makahihimok sa mga ina at sa mga magiging ina.
C. S., Estados Unidos
Napakabisang Larawan Lumukso sa kagalakan ang aking puso nang makita ko ang larawan ng pagkabuhay-muli sa labas ng Hunyo 8, 1994. Ang aking pagpapahalaga sa kamangha-manghang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay higit pang lumalim. Totoong walang mga salita ang makapaghahayag ng aking kagalakan kapag makita ko na ang aking mas nakababatang kapatid na babae sa hinaharap sa Paraiso.
M. U., Hapón
Pag-ibig sa Salapi Salamat sa artikulong “Pag-ibig sa Salapi—Ugat ng Maraming Kasamaan.” (Marso 22, 1994) Sa aking bansa napakaraming pandarambong, pagnanakawan, at panliligalig sa publiko—pawang dahil sa salapi. Kaya naman ang magasin na ito ay napapanahon at angkop, at nasumpungan ko ang malaking kagalakan na magpasakamay ng labas na ito sa iba. Sa katunayan, ang ilang nagtitinda ng tinapay ay nag-agawan sa mga ito nang hindi ako nagkaroon ng sapat na mga kopya!
A. F. S., Kanlurang Aprika