Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/8 p. 4-6
  • Kapag Dinukot ng mga Di-kilala ang mga Bata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Dinukot ng mga Di-kilala ang mga Bata
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakatatakot na Masamang Panaginip
  • Masisisi ba ang Lipunan?
  • Protektahan ang Anak Mo Laban sa Pornograpya
    Tulong Para sa Pamilya
  • Seksuwal na Pagsasamantala sa mga Bata—Isang Pandaigdig na Problema
    Gumising!—1997
  • Pornograpya—Di-nakapipinsala o Nakalalason?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/8 p. 4-6

Kapag Dinukot ng mga Di-kilala ang mga Bata

“PAKISUYONG TULUNGAN NINYO KAMING HANAPIN SIYA. PAKISUYO, PAKISUYONG TULUNGAN NINYO SI SARA!”

Ang makabagbag-pusong panawagang ito ng dalawang nahahapis na mga magulang ay ipinalabas sa telebisyon sa buong Estados Unidos sa isang pagsisikap na makuhang muli ang kanilang 12-taóng-gulang na anak, si Sara Ann Wood. Siya’y kinidnap tatlong linggo na samantalang siya’y nagbibisikleta pauwi ng bahay sa kahabaan ng daan sa lalawigan kung saan siya nakatira.

ISANG sistematikong paghahanap ang ginawa sa mga kakahuyan, kabukiran, at sa kalapit na mga lawa sa paghahanap ng mga palatandaan ng nawawalang batang babae. Halos kasabay nito, si Tina Piirainen, isa pang nagdadalamhating magulang sa isang kalapit na estado, ay lumabas din sa telebisyon na nananawagan para sa kaniyang nawawalang anak na babae. Nabighani sa kahabaan ng isang makahoy na landas, ang sampung-taóng-gulang na si Holly ay naglaho nang wala pang isang oras. Nang maglaon ang kaniyang mga labí ay natagpuan sa isang bukid.

Ang buhay para sa mga magulang ng nawawalang mga bata ay isang napakasakit at nakapangingilabot na karanasan. Araw-araw sila’y nakikipagbaka sa kawalang-katiyakan kung baga ang kanilang anak ay buháy pa, marahil ay sinaktan o hinalay, o patay na, gaya ng kaso ng batang si Ashley. Si Ashley ay sumama sa kaniyang pamilya upang panoorin ang kaniyang kapatid na lalaki na lalahok sa isang laro ng soccer. Bagót na sa panonood, siya’y nagtungo sa palaruan​—at naglaho. Nang maglaon, ang bangkay ni Ashley ay natagpuan sa kalapit na parang. Siya’y sinakal.

Nakatatakot na Masamang Panaginip

Taun-taon, sa Estados Unidos, mula 200 hanggang 300 pamilya ang makararanas ng nakatatakot na masamang panaginip na madukutan ng isang anak at pagkatapos marahil ay hindi na kailanman makitang muli ang bata na buháy. Bagaman ang bilang ay tila kaunti kung ihahambing sa ibang marahas na mga krimeng nagaganap, ang takot at sindak na kumakalat sa buong mga pamayanan ay nakaaapekto sa libu-libong tao. Sa pagkasindak sila’y nagtatanong, ‘Paano maaaring mangyari ang trahedyang iyon dito? Susunod naman kaya ang aking anak?’

Sa Estados Unidos, ang taunang bilang ng iniulat na mga kaso ng mga batang dinukot ay sa pagitan ng 3,200 at 4,600. Dalawang-katlo o higit pa nito ay hinalay. Si Ernest E. Allen, pangulo ng National Center for Missing and Exploited Children, ay nagsabi: “Ang pangunahing dahilan ng pagdukot sa mga bata ay seksuwal, ang pangalawang dahilan ay ang layong pagpatay.” At, ayon sa Kagawaran ng Katarungan, mahigit na 110,000 iba pang mga pagdukot ang tinatangka taun-taon, karamihan ay ng mga motorista, karaniwan ng mga lalaki, sinisikap na akitin ang bata sa kanilang kotse. Nararanasan din ng ibang bansa ang karahasang ito laban sa mga bata.

Masisisi ba ang Lipunan?

Tungkol sa pagpatay ng bata, isang mananaliksik na taga-Australia ang nagpapakita na ito ay “hindi isang nagkataon lamang na pangyayari.” Sa kaniyang aklat na Murder of the Innocents​—Child-Killers and Their Victims, binabanggit ni Paul Wilson na “kapuwa ang mga mamamatay-tao at ang taong pinatay ay nasisilo sa isang masamang siklo na gawa mismo ng lipunan.”

Maaaring kakatwang isipin na ang lipunan ay maaaring may pananagutan sa, o sa paano man ay nakatulong sa, trahedyang ito, yamang nasusumpungan ng karamihan ng mga tao ang pagsasamantala at pagpatay sa mga bata na nakasisindak na mga gawa. Gayunman, ang industriyalisadong mga lipunan, at kahit na sa maraming hindi gaanong maunlad na mga lipunan, ay punô ng mga pelikula, mga produksiyon sa TV, at mga babasahing lumuluwalhati sa sekso at karahasan.

Mayroon na ngayong parami nang paraming pornograpikong mga pelikulang nagtatampok ng mga bata at maging ng mga adultong nagdaramit upang magtinging mga bata. Detalyadong inilalarawan nito ang sekso at karahasan na nagsasangkot ng mga bata. Binanggit pa ni Wilson sa kaniyang aklat na may mga titulo ng pelikula na gaya ng Death of a Young One, Lingering Torture, at Dismembering for Beginners. Gaano karami ang nanonood ng sadistang karahasan at pornograpya? Ito’y isang multibilyon-dolyar na negosyo!

Ang detalyadong karahasan at pornograpya ay may malakas na impluwensiya sa mga buhay niyaong nagsasamantala sa mga bata. Isang nahatulang manghahalay na pumatay ng limang batang lalaki ang umamin: “Ako’y isang homoseksuwal na pedophile na nahatulan sa salang pagpatay, at ang pornograpya ang salik ng aking pagbagsak.” Ipinaliliwanag ni Propesor Berit Ås, ng Oslo University, ang epekto ng pornograpya ng bata: “Nakagawa tayo ng malaking pagkakamali sa katapusan ng dekada ng 1960. Inakala natin na ang pornograpya ay maaaring humalili sa mga krimen sa sekso sa pamamagitan ng paglalaan ng isang paraan upang magbigay-kasiyahan sa mga nagkakasala sa sekso, at inalis natin ang mga paghihigpit sa pornograpya. Ngayon ay nalalaman natin na tayo’y nagkamali: ang pornograpyang iyon ay nagpapatunay sa mga krimen sa sekso. Ito’y umaakay sa nagkasala na mag-isip, ‘Kung maaari kong panoorin ito, kung gayon ay ayos lang kung gawin ko ito.’ ”

Ang pagnanasa ng isang adulto para mapukaw sa seksuwal na paraan ay tumitindi habang siya’y nagiging sugapa sa pornograpya. Bunga nito, ang ilan ay handang gumamit alin sa pamimilit o karahasan upang makuha ang mga bata para sa kanilang mahalay na pagsasamantala, kabilang na ang panghahalay at pagpatay.

May iba pang mga dahilan ng mga pagdukot sa bata. Sa ilang bansa ito ay dumami dahil sa masamang kalagayan ng ekonomiya. Naaakit ng malaking halaga ng pantubos na perang ibabayad ng mayayamang pamilya, tinatarget ng mga kidnaper ang mga bata. Taun-taon maraming sanggol ang ninanakaw at ipinagbibili sa mga sindikatong nag-aampon at inilalabas ng bansa ang mga bata.

Sino ang bumubuo sa malaking bahagi ng nawawalang mga bata? Ano ang nangyayari sa kanila? Susuriin ng susunod na dalawang artikulo ang bagay na ito.

[Kahon sa pahina 6]

Milyun-milyong Batang Patutot

Ayon sa United Nations, halos sampung milyong bata, karamihan ay sa nagpapaunlad na mga bansa, ang sapilitang nalugmok sa prostitusyon, marami sa kanila ay kinidnap. Ang masamang hanapbuhay na ito ay dumami sa Aprika, Asia, at Latin Amerika kasabay ng pagdami ng turismo ng dayuhan. Sa ilang lugar, sa milyun-milyong turista, lalo na mula sa mas mayayamang bansa, halos dalawang-katlo ay “mga turistang naghahanap ng seksuwal na katalik.” Subalit may araw ng pagtutuos, yamang ang mga krimen ng tao ay “hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin,” ang Diyos na Jehova.​—Hebreo 4:13.

[Larawan sa pahina 5]

Isang nakatatakot na masamang panaginip kapag ang isang bata ay dinukot

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share