Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gaano Karaming Aborsiyon?
  • Pinakamabuting Lugar Upang Tirhan?
  • Mga Grupo ng Indian sa Brazil
  • Isang Matagumpay na Operasyon
  • Walang Natatanaw na Lunas Para sa AIDS
  • Mga Batang Naaapektuhan Nang Maaga sa Buhay
  • Maging Alisto Kapag Naglalakbay
  • Hindi Nilayong Makasakit
  • Edukadong mga Manunugtog ng Tipano
  • “Ang Pinakanakamamatay at Pinakamalaganap na Epidemya sa Kasaysayan ng Tao”
    Gumising!—2002
  • AIDS—Ang Kalunus-lunos na Pinsala Nito sa mga Bata
    Gumising!—1991
  • Mga Tagapagdala ng AIDS—Ilan ang Maaaring Mamatay?
    Gumising!—1988
  • Pagtulong sa mga May AIDS
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Gaano Karaming Aborsiyon?

“Sa daigdig halos 33 milyong legal na aborsiyon ang nagaganap taun-taon, at kung ang lahat ng ipinagbabawal na aborsiyon ay idaragdag pa rito, ang kabuuan ay nasa pagitan ng 40 milyon at 60 milyon,” sabi ng pang-umagang pahayagan sa Buenos Aires na Clarín. “Ang pitumpu’t anim na porsiyento ng populasyon sa daigdig ay nakatira sa mga bansa kung saan ang sapilitang aborsiyon ay legal.” Ang bilang ng mga buhay na nakitil sa pamamagitan ng aborsiyon ay mahigit pa sa populasyon ng Argentina at maihahambing sa paglipol sa buong populasyon ng isang bansa gaya ng Britanya, Ehipto, Pransiya, Italya, Timog Aprika, o Turkey bawat taon. Ito’y maihahambing sa bilang ng mga biktima ng buong anim na taon ng ikalawang digmaang pandaigdig, na tinatayang halos 50 milyon katao.

Pinakamabuting Lugar Upang Tirhan?

Ang Canada ang ipinasiya ng United Nations bilang ang pinakamabuting lugar sa daigdig upang tirhan. “Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng limang taóng naitala sa indise na ang Canada ang nanguna sa talaan ng 173 bansa,” ulat ng The Toronto Star. Gayunman, sinabi pa nito na “hindi nangangahulugan na ang mga taga-Canada ay nagtatamasa ng mataas na antas ng pamumuhay sa daigdig.” Bakit itinuring ang Canada na pinakamabuting lugar? Inuri ng ulat, inihanda ng UN Development Program, ang mga bansa ayon sa tatlong pinagsamang mga salik: ang katamtamang kita, naabot na edukasyon, at haba ng buhay. Ang mga taga-Canada ang nasa ikaanim na hanay sa haba ng buhay, na may katamtamang haba ng buhay na 77.2 taon. Ang Canada ay halos manguna pagdating sa salapi na ginugugol sa edukasyon at pangangalaga sa kalusugan, gayundin naman sa pagmamay-ari ng mga bagay na gaya ng mga set ng telebisyon at mga kotse.

Mga Grupo ng Indian sa Brazil

“Ang Brazil ay mayroon pa ring 59 na mga grupo ng Indian na lubusang nakabukod, o may paminsan-minsan at di-palakaibigang pakikipag-ugnayan sa mga puti,” ulat ng O Estado de S. Paulo. “Sa kabuuang ito, tanging siyam na grupo ang nakilala sapol nang pasimula ng dekada ng ’80 ng National Indian Foundation.” Ang mga bagong tribo ay patuloy na nasusumpungan sa mga kagubatan ng Amazon. Karamihan sa nabubukod na mga Indian ay namumuhay nang grupu-grupo na may tig-150 katao o wala pa. Ang Brazil ay may 532 mga lugar ng Indian, 180 iba’t ibang grupong etniko, at 260 libong mga Indian. Sila’y sumasakop ng kabuuang 909,705 kilometro kudrado​—halos 11 porsiyento ng teritoryo ng Brazil​—bagaman kalahati sa mga lugar na ito ay walang tiyak na mga hangganan. Sa isang pagsisikap na tulungan ang mga tribo na buklurin at iligtas sa panghihimasok ng makabagong daigdig, ang mga antropologo ay patuloy na nagtuturo sa mga miyembro ng tribo kung paano gumamit ng video camera upang kanilang mai-record ang mga kaugalian ng nayon at ibahagi ang mga tape sa ibang grupo na kalapit. Kamakailan, pagkatapos na mapanood ang mga pelikula ng bawat isa, ang Waiapi at Zo’é ay nagtagpo. Dahil sa nagsasalita ng parehong wika, tinalakay nila ang kanilang mga alamat at ritwal, gayundin ang kanilang mga pamamaraan ng pangangaso, pagpapagaling, pagluluto, at paghahabi.

Isang Matagumpay na Operasyon

Taglay ang “lubusang karapat-dapat na pagmamalaki,” iyan ang sabi ng pahayagan sa Italya na La Stampa, ang medikal na pangkat na nag-opera kay Papa John Paul II noong Abril ay nagsabi na ang operasyon sa balakang “ay mabuti ang kinalabasan.” Subalit ang mga pag-oopera na isinagawa sa kasalukuyang papa ay hindi laging nagkaroon ng pinakamabubuting resulta. Nang siya’y operahan pagkatapos ng tangkang pataksil na pagpatay noong 1981, si John Paul II ay nangailangang manatili sa ospital sa loob ng dalawang buwan upang gamutin dahil sa napakalubhang cytomegalovirus infection na dala ng mga pagsasalin ng dugo. Kaya, hindi kataka-taka na, bagaman sa pagkakataong ito, ayon sa La Stampa, “napakaraming dugo ang nawala,” walang isinagawang pagsasalin ng dugo. Sa halip, sabi ng pahayagan, “ang dugo ng Papa ay naisauli, nalinis muli, at naisaling muli sa panahon ng operasyon.”

Walang Natatanaw na Lunas Para sa AIDS

Inamin ng ika-10 Internasyonal na Komperensiya sa AIDS, ginanap sa Hapón noong Agosto nang nakaraang taon, na ang mga pagsisikap na lumikha ng mga bakuna upang maiwasan ang AIDS at gumawa ng droga na makagagamot dito ay lubusang bigo, at walang inaasahan sa katapusan ng dekada. “Nagpapasimula pa lamang tayo sa epidemiya ng H.I.V. sa daigdig,” sabi ni Dr. James Curran ng Centers for Disease Control and Prevention sa Atlanta, Georgia. Halos 17 milyon katao sa buong mundo ang di-umano’y nahawahan, 3 milyon ang kahigitan kaysa sinundang taon. Nakalulungkot, isang milyon sa bilang na ito ay mga bata. Kung ang gayunding bilang ay magpapatuloy, ang kabuuang mula 30 milyon hanggang 40 milyon katao ang mahahawahan sa taóng 2000, sabi ng World Health Organization. Ang malalang mga kaso ng AIDS ay tumaas ng 60 porsiyento sa loob ng 12 buwan, na sanhi ng kabuuang apat na milyon sa kalagitnaan ng 1994, lakip na ang mga namatay. Maaaring tumagal ng sampung taon sa pagitan ng pagkahawa mismo ng HIV at paglitaw ng mga sintoma ng AIDS. Dahil sa mabagal na pagsugpo sa lumalaganap na salot, ipinahayag na ang komperensiya sa AIDS ay gaganapin tuwing dalawang taon sa halip na taun-taon, na ang susunod na itinakdang pulong para sa Hulyo 1996 ay sa Vancouver, British Columbia, Canada.

Mga Batang Naaapektuhan Nang Maaga sa Buhay

“Ang kagawian ng isang bata may kaugnayan sa daigdig ay depende nang malaki sa antas ng pangangalaga na tinanggap niya bago ang edad na 3, na may epekto naman sa neurolohikal na paglaki at sa pagtitiwala at kakayahan ng bata na lumutas ng mga problema sa mapanlikhang paraan,” ulat ng The Globe and Mail ng Toronto. “Ang mga kabataan na nabubuhay nang kapos sa kabuhayan at panlipunang kalagayan ay walang gaanong pagkakataon na lumaking kapaki-pakinabang, mahusay makibagay na mga adulto.” Ayon kay Dr. Fraser Mustard, pangulo ng Canadian Institute for Advanced Research, ang gayong mga bata ay malamang na huminto sa pag-aaral at mahilig na bumaling sa karahasan kung lumulutas ng mga problema. “Kung gaano mo kahusay na napaunlad ang iyong kakayahan na makitungo sa mga problema ay may malaking epekto sa iyong kakayahan na makibagay sa lipunan,” aniya. Sinabi ng Globe na ipinakikita ng mga pagsusuri sa Yale University at sa University of Montreal na ang “makabuluhang pakikipag-ugnayan ng magulang sa mga anak ay isang malaking kapakinabangan sa pisikal, mental at emosyonal na paglaki ng mga bata.”

Maging Alisto Kapag Naglalakbay

Kapag naglalakbay, maging alisto sa nangyayari sa iyong kapaligiran. “Ang mga magnanakaw ng bagahe at mandurukot ay may di-mapigilang pagkahilig sa wala sa sariling mga naglalakbay,” ang pagbibigay-alam ng magasing Claúdia sa Brazil. Gayundin, “kung may bumangga sa iyo o nakatapon ng anuman sa iyong damit, maging alisto. Ang mga ito’y kilala nang panlalansi upang ilayo ang iyong atensiyon.” Isa pa, maging mapagbantay kung may sinuman na humihingi ng impormasyon o tulong. Ang bahagyang pang-aabala ay mangangahulugan ng pagkawala ng iyong mga bagahe. Ayon kay Adriano Caleiro ng Internasyonal na Paliparan ng São Paulo, ang pantanging pagbibigay-pansin ay kailangan kapag nagpapakita ng mga maleta habang nagtsi-check in sa paliparan, pumipirma ng mga papeles sa mga despatso ng pahiraman ng kotse, nagtsi-check in o umaalis ng otel, nagpapasakay ng mga bata sa taksi, namamasyal sa mga tindahan, o nagkakape. Ang magasin ay nagbababala sa iyo na magpalit agad ng mga kandado kung ang iyong mga susi ay ninakaw. Ang magnanakaw ay maaaring magsabi na kaniyang nakita ang iyong bagahe at baka ibalik pa nga ang lahat ng nawala, subalit baka siya ay may duplikadong mga susi para siya’y makasalakay sa inyong tahanan sa bandang huli.

Hindi Nilayong Makasakit

Ang mga panauhin na dumadalaw sa Hapón na nakakikita ng mga karatula na nagsasabing “Bawal ang mga Dayuhan” ay hindi dapat mainis at magalit, sabi ng Japan Helpline, na siyang sumusuri sa mga reklamo. Ang karamihan ng mga tanda ay inilalagay ng mga tao na talagang nagnanais na makatulong. Ang isang halimbawa ng ganitong paraan ng pag-iisip ay ang paliwanag na ibinigay ng isang may-ari ng maliit na tindahan ng elektronikong gamit sa lugar ng Akihabara sa Tokyo: “Yamang hindi ako makapagsalita ng anumang [wikang banyaga], napahihirapan ko ang maraming tao na hindi nakapagsasalita ng Hapón na pumupunta sa aking tindahan. Inaakala ko na ang pinakamagaling na bagay na magagawa ko ay maglagay ng gayong karatula upang ang mga tao ay hindi na maabala pa.” Ganito ang iniulat ng Asahi Evening News: “Sa karamihan ng mga kaso ang pagtatangi ay nagaganap sa mga tao na halos walang pakikipag-ugnayan sa mga banyaga at sa gayo’y nag-iisip na ang pagtanggi ang pinakamagaling na paraan upang pakitunguhan ang situwasyon.”

Edukadong mga Manunugtog ng Tipano

Dahil sa pag-aanunsiyo para mapunan ang 76 na bakanteng trabaho na ipinaskil para sa mga papatay ng daga, ang Bombay Municipal Corporation ay nagkaproblema. “Ang karamihan ng 40,000 aplikanteng may higit na kuwalipikasyon kaysa kinakailangan ay mga tapos sa pag-aaral, may matataas na pinag-aralan at mga huminto sa kolehiyo, samantalang ang kahilingan para sa isang papatay ng daga ay primaryang edukasyon lamang,” ulat ng Indian Express. “Paano namin maaatasan ang isang tapos ng pag-aaral bilang isang tagapatay ng daga?” tanong ng isang opisyal. Ang mga daga ay hinahagilap kung gabi at binabambo hanggang mamatay na ang bayad ay Rs.100 (mahigit na $3 lamang, U.S.) sa bawat 25 kapapatay lamang na daga. Ang korporasyon ay naghahanap ng “mas mabuting paraan ng pangangalap.” Subalit hindi lamang ito ang problema na nakakaharap ng mga awtoridad ng bayan. May relihiyosong problema rin sila. Ang mga miyembro ng relihiyong Jain, gayundin ang iba na humahatol sa pagpatay sa mga hayop, ay nagsusuhol sa mga manggagawa na kaawaan ang mga daga sa makataong dahilan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share