“Ang Pinakanakamamatay at Pinakamalaganap na Epidemya sa Kasaysayan ng Tao”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
“Walang digmaan sa balat ng lupa ang mapangwasak na gaya ng malaganap na epidemya ng AIDS.”—KALIHIM NG ESTADO SA ESTADOS UNIDOS NA SI COLIN POWELL.
ANG unang opisyal na ulat tungkol sa AIDS (acquired immunodeficiency syndrome) ay lumitaw noong Hunyo 1981. “Hindi man lamang sumagi sa isip namin na humawak sa problemang ito nang nagpapasimula ang Aids noon ang magiging lawak ng epidemyang ito,” ang sabi ni Peter Piot, ehekutibong direktor ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS). Sa loob ng 20 taon, ito ang naging pinakamalaganap na epidemya kailanman, at may mga pahiwatig na patuloy itong darami.
Tinatayang mahigit na 36 na milyon ang nahawahan na ng HIV (human immunodeficiency virus), at 22 milyon pa ang namatay na dahil sa mga epekto ng AIDS.a Noong taóng 2000, tatlong milyon ang namatay sa buong daigdig dahil sa AIDS, ang pinakamataas na kabuuang bilang sa isang taon sapol nang magsimula ang epidemya. Ito’y sa kabila ng terapi na gumagamit ng gamot na antiretroviral (kombinasyon ng mga gamot na panlaban sa virus), lalo na sa mas mayayamang bansa.
Lumaganap ang AIDS sa Aprika
Ang mga lupain sa timog ng Sahara sa Aprika, na may tinatayang 25.3 milyon na ang nahawahan, ang dakong lalo nang naapektuhan ng malaganap na epidemyang ito. Sa rehiyon na ito lamang, 2.4 milyon ang namatay mula sa mga epekto ng AIDS noong taóng 2000, na 80 porsiyento ng kabuuang bilang sa buong daigdig. Ang AIDS ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa rehiyon.b
Ang Timog Aprika ang may pinakamataas na bilang ng mga taong nahawahan sa alinmang bansa sa daigdig, na tinatayang 4.7 milyon. Dito sa Timog Aprika, 5,000 sanggol ang isinisilang na positibo sa HIV sa bawat buwan. Sa kaniyang pahayag sa 13th International AIDS Conference, na ginanap sa Durban noong Hulyo 2000, sinabi ng dating presidente ng Timog Aprika na si Nelson Mandela: “Nagitla kaming malaman na sa Timog Aprika, 1 sa 2, yaon ay kalahati ng bilang ng aming mga kabataan, ang mamamatay dahil sa AIDS. Ang lubhang nakatatakot na bagay ay na ang lahat ng mga pagkahawang ito, na sinasabi sa amin ng mga estadistika, at ang kaakibat na paghihirap ng tao . . . ay maaari sanang naiwasan, at maiiwasan.”
Pagsalakay ng AIDS sa Ibang Bansa
Ang porsiyento ng mga taong nahawahan ay mabilis ding dumarami sa Silangang Europa, Asia, at sa Caribbean. Sa pagtatapos ng 1999, ang bilang ng nahawahan sa Silangang Europa ay 420,000. Sa pagtatapos ng taóng 2000, ang bilang na iyan ay maingat na tinayang tumaas at naging 700,000.
Isiniwalat ng isang surbey na isinagawa sa anim na malalaking lunsod sa Amerika ang 12.3 porsiyentong pagdami ng mga nahawahan ng HIV sa homoseksuwal na mga kabataang lalaki. Karagdagan pa, 29 na porsiyento lamang ng mga positibo sa HIV ang nakaaalam na sila ay nahawahan. Ganito ang sabi ng epidemiologo (dalubhasa hinggil sa pagsawata ng kumakalat na sakit) na nanguna sa surbey: “Labis kaming nasiraan ng loob na malaman na iilang kalalakihan na positibo sa HIV ang nakaaalam na sila’y nahawahan. Nangangahulugan iyan na walang kamalay-malay na naililipat ng mga taong bago pa lamang nahawahan ang virus.”
Sa isang miting ng mga dalubhasa hinggil sa AIDS sa Switzerland noong Mayo 2001, ang sakit na ito ay ipinahayag na “ang pinakanakamamatay at pinakamalaganap na epidemya sa kasaysayan ng tao.” Gaya ng nabanggit, ang pagsalakay ng AIDS ay lalo nang matindi sa timog ng Sahara sa Aprika. Isasaalang-alang ng aming susunod na artikulo kung bakit.
[Mga talababa]
a Ang mga bilang na ginamit ay mga tantiya na inilathala ng UNAIDS.
b Tingnan ang Gumising! ng Pebrero 22, 2001, pahina 14-15.
[Blurb sa pahina 3]
“Ang lubhang nakatatakot na bagay ay na ang lahat ng mga pagkahawang ito . . . at . . . paghihirap ng tao . . . ay maaari sanang naiwasan, at maiiwasan.”—NELSON MANDELA
[Larawan sa pahina 2, 3]
Maraming tao na nahawahan ng HIV ang hindi nakaaalam na mayroon sila nito
[Picture Credit Line sa pahina 3]
UN/DPI Photo 198594C/Greg Kinch