Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/8 p. 4-8
  • Lumaganap ang AIDS sa Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lumaganap ang AIDS sa Aprika
  • Gumising!—2002
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS
    Gumising!—2004
  • Lunas sa AIDS—Kailangang-kailangan!
    Gumising!—2004
  • Aids—Kung Paano Lalabanan Ito
    Gumising!—1998
  • “Ang Pinakanakamamatay at Pinakamalaganap na Epidemya sa Kasaysayan ng Tao”
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/8 p. 4-8

Lumaganap ang AIDS sa Aprika

“Tayo’y napapaharap sa isang uri ng malawakan at kapaha-pahamak na kalagayan.”

IPINAKIKITA ng mga salitang iyon ni Stephen Lewis, pantanging sugo ng UN para sa HIV/AIDS sa Aprika, ang pagkabahala ng marami hinggil sa kalagayan ng AIDS sa mga lupain sa timog ng Sahara sa Aprika.

Maraming salik ang nasasangkot sa paglaganap ng HIV. Pinalulubha naman ng AIDS ang iba pang problema. Ang mga kalagayang umiiral sa ilang lupain sa Aprika at sa iba pang panig ng daigdig kung saan lumalaganap ang AIDS ay kadalasang nauugnay sa sumusunod.

Moralidad. Yamang ang pakikipagtalik ang pangunahing paraan upang mahawa ng HIV, maliwanag na pinalalaganap ng kawalan ng malinis na mga pamantayang moral ang sakit. Gayunman, inaakala ng marami na hindi praktikal na itaguyod ang hindi pagtatalik para sa mga walang asawa. “Hindi magtatagumpay ang basta babalaan ang mga tin-edyer na huwag makipagtalik,” ang sulat ni Francois Dufour sa The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, Timog Aprika. “Araw-araw silang nalalantad sa seksuwal na mga larawan ng kung ano dapat ang maging hitsura nila at kung paano sila dapat gumawi.”

Waring pinatutunayan ng paggawi ng mga kabataan ang pagsusuring ito. Halimbawa, ipinakikita ng surbey sa isang bansa na mga sangkatlo ng mga kabataan sa pagitan ng edad na 12 at 17 ang nakipagtalik na.

Ang panghahalay ay inilarawan na isang pambansang krisis sa Timog Aprika. Binanggit ng isang ulat sa balita sa pahayagang Citizen sa Johannesburg na “napakalaganap nito anupat nalampasan nito ang lahat ng iba pang panganib sa kalusugan ng mga kababaihan sa bansang ito at, lalo na, sa mga bata.” Sinabi ng artikulo ring iyon: “Dumoble ang panghahalay sa mga bata nitong kalilipas na mga panahon . . . Waring ginagawa ang mga ito upang mapanatili ang alamat na gagaling ang isang tagapagdala ng HIV kapag nanghalay ng isang birhen.”

Sexually transmitted disease (STD). Mataas ang bilang ng may STD sa rehiyon. Ganito ang sabi ng South African Medical Journal: “Ang pagkakaroon ng STD ay nakadaragdag sa panganib na mahawahan ng HIV-1 nang 2 hanggang 5 ulit.”

Kahirapan. Maraming bansa sa Aprika ang nakikipagpunyagi sa kahirapan, at lumilikha ito ng isang kapaligirang pabor sa paglaganap ng AIDS. Kung ano ang maituturing na pangunahing mga pangangailangan sa mayayamang bansa ay wala sa karamihan ng mahihirap na lupain. Walang kuryente at malinis na tubig na maiinom ang malalaking pamayanan. Kulang o hindi pa nga umiiral ang mga daan sa mga lugar sa kabukiran. Maraming residente ang dumaranas ng malnutrisyon, at kulang ang mga pasilidad sa paggamot.

May masamang epekto ang AIDS sa negosyo at industriya. Habang mas maraming empleado ang nahahawa, nararanasan ng mga kompanya sa pagmimina ang paghina ng produksiyon. Pinag-iisipan ng ilang kompanya na gumamit ng mga makina bilang kapalit ng mga manggagawa. Tinataya na sa isang minahan ng platino noong taóng 2000, halos dumoble ang bilang ng mga kaso ng AIDS sa mga empleado, at halos 26 na porsiyento ng mga manggagawa ang nahawahan.

Ang isang malungkot na resulta ng AIDS ay na maraming bata ang naulila nang mamatay ang kanilang mga magulang dahil sa sakit. Bukod pa sa pagkamatay ng mga magulang at kawalan ng pinansiyal na seguridad, dapat batahin ng mga anak na ito ang kahihiyang kaakibat ng AIDS. Ang mga miyembro ng pinapamilyang kamag-anak o mga pamayanan ay kadalasang nagdarahop para tumulong o talagang ayaw tumulong. Maraming ulila ang huminto sa pag-aaral. Ang ilan ay bumabaling sa prostitusyon at sa gayo’y lalo pang pinalalaganap ang sakit. Maraming bansa ang nagtatag ng mga programang suportado ng pamahalaan o ng pribadong sektor upang tulungan ang mga ulilang ito.

Kawalang-alam. Marami sa mga nahawahan ng HIV ang hindi nakababatid na mayroon sila nito. Marami ang ayaw magpasuri dahil sa kahihiyang iniuugnay sa sakit. “Ang mga taong mayroon o pinaghihinalaang may HIV ay maaaring hindi gamutin sa mga pasilidad na nangangalaga sa kalusugan, pagkaitan ng pabahay at trabaho, itaboy ng kanilang mga kaibigan at mga kasamahan, hindi sagutin ng seguro o hindi papasukin sa mga bansang banyaga,” ang sabi ng balitang inilabas ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS). Ang ilan ay pinaslang pa nga nang matuklasang sila’y may HIV.

Kultura. Sa maraming kultura sa Aprika, ang mga kababaihan ay karaniwang wala sa katayuang magtanong sa kanilang mga kabiyak tungkol sa pagkakaroon nito ng iba pang babae, tumangging makipagtalik, o magmungkahi ng mas ligtas na pakikipagtalik. Karaniwang ipinababanaag ng mga paniniwala sa kultura ang kawalang-alam at hindi pagtanggap sa katotohanan tungkol sa AIDS. Halimbawa, ang karamdaman ay maaaring isisi sa pangkukulam, at sa gayo’y hingin ang tulong ng mga albularyo.

Kulang na mga pasilidad sa paggamot. Ang mga pasilidad sa paggamot na limitado na nga ay lalo pang napabibigatan dahil sa AIDS. Dalawang malalaking ospital ang nag-ulat na mahigit sa kalahati ng mga pasyente sa ospital ay positibo sa HIV. Ang pangunahing opisyal na manggagamot sa isang ospital sa KwaZulu-Natal ay nagsabi na 140 porsiyentong gamít na gamít ang mga kuwarto ng pasyente sa kaniyang ospital. Kung minsan, dalawang pasyente ang magkasama sa isang kama, at ang ikatlo ay nasa sahig sa ilalim nito!​—South African Medical Journal.

Bagaman kalunus-lunos na ang kalagayan sa Aprika, may mga pahiwatig na maaari pa itong lumala. “Nasa mga unang yugto pa lamang tayo ng epidemya,” ang sabi ni Peter Piot ng UNAIDS.

Maliwanag na gumagawa na ng mga pagsisikap sa ilang bansa upang lunasan ang karamdaman. At sa kauna-unahang pagkakataon, noong Hunyo 2001 ang United Nations General Assembly ay nagdaos ng isang pantanging komperensiya upang talakayin ang HIV/AIDS. Magtagumpay kaya ang mga pagsisikap ng tao? Kailan mapahihinto sa wakas ang mabilis na paglaganap ng AIDS?

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

ANG GAMOT SA AIDS NA “NEVIRAPINE” AT ANG PROBLEMA NG TIMOG APRIKA

Ano ba ang nevirapine? Ayon sa peryodistang si Nicole Itano, ito ay “isang gamot na antiretroviral na ayon sa mga pagsusuri ay makababawas nang kalahati sa posibilidad na mailipat ang AIDS [mula sa ina] tungo sa kaniyang anak.” Isang kompanya sa Alemanya ang nag-alok na magtutustos nito sa Timog Aprika nang walang bayad sa susunod na limang taon. Subalit, noong Agosto 2001, hindi tinanggap ng pamahalaan ang alok. Ano ang problema?

May 4.7 milyon katao sa Timog Aprika na positibo sa HIV, mas marami kaysa sa anumang bansa sa daigdig. Iniulat ng The Economist ng London noong Pebrero 2002 na si Presidente Thabo Mbeki ng Timog Aprika ay “nag-alinlangan sa karaniwang pangmalas na ang HIV ang sanhi ng AIDS” at “naghinala siya sa halaga, kaligtasan at kapakinabangan ng mga gamot na laban sa AIDS. Hindi niya ipinagbawal ang mga ito, subalit pinipigilan niya ang mga doktor sa Timog Aprika na gamitin ito.” Bakit dapat labis itong ikabahala? Sapagkat libu-libong sanggol ang isinisilang taun-taon sa Timog Aprika na may HIV at 25 porsiyento ng mga nagdadalang-tao ang may virus.

Dahilan sa magkasalungat na mga pangmalas na ito, isang legal na kaso ang isinampa sa mga hukuman upang pilitin ang pamahalaan na ipamahagi ang nevirapine. Inilabas ng Hukumang Pangkonstitusyon ng Timog Aprika ang pasiya nito noong Abril 2002. Ayon kay Ravi Nessman, sumusulat sa The Washington Post, ipinasiya ng hukuman na “dapat ipamahagi ng pamahalaan ang gamot sa mga institusyong pangkalusugan na may kakayahan sa pagbibigay ng gamot.” Samantalang inialok ng pamahalaan ng Timog Aprika na ipagamit ang gamot sa 18 lugar sa buong bansa, ang bagong alituntuning ito ay sinasabing nagbigay ng pag-asa sa lahat ng nagdadalang-tao sa bansa na positibo sa HIV.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

NILILITO NG TUSONG “VIRUS” ANG SELULA

Pumasok tayo sandali sa napakaliit na daigdig ng human immunodeficiency virus (HIV). Isang siyentipiko ang nagsabi: “Pagkaraan ng maraming, maraming taon ng pagsusuri sa pagkaliliit na virus sa pamamagitan ng mikroskopyong elektron, namamangha pa rin ako at labis na natutuwa sa pagiging tumpak at masalimuot na disenyo ng isang bagay na ubod nang liit.”

Ang isang virus ay mas maliit pa sa isang baktirya, na mas maliit naman sa isang katamtamang selula ng tao. Ayon sa isang awtoridad, napakaliit ng HIV anupat “230 milyong [partikula ng HIV] ang magkakasiya sa tuldok sa dulo ng pangungusap na ito.” Hindi makapagpaparami ang isang virus malibang pasukin nito ang isang selula at kontrolin nito ang pinagmumulan ng selula.

Kapag sinalakay ng HIV ang katawan ng tao, dapat itong lumaban sa maraming depensa na ginagamit ng sistema ng imyunidad.a Isang sistema ng depensa na binubuo ng mga puting selula ng dugo ang ginagawa sa utak ng buto. May dalawang pangunahing uri ng lymphocyte sa mga puting selula ng dugo, ang tinatawag na mga selulang T at mga selulang B. Ang iba pang mga puting selula ng dugo ay tinatawag na mga phagocyte, o “mga kumakain ng selula.”

Ang iba’t ibang kategorya ng mga selulang T ay may magkakaibang atas. Yaong tinatawag na katulong na mga selulang T ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa estratehiya ng digmaan. Ang katulong na mga selulang T ay tumutulong upang makilala ang sumasalakay na virus at naglalabas ng mga tagubilin para sa paggawa ng mga selula na sasalakay at pupuksa sa kaaway. Sa pagsalakay nito, partikular na pinupuntirya ng HIV ang katulong na mga selulang T. Ang pumapatay ng mga selulang T ay pinakikilos upang sirain ang mga selula ng katawan na nasalakay na. Ang mga selulang B ay gumagawa ng mga antibody na kinakalap upang labanan ang mga impeksiyon.

Isang Tusong Estratehiya

Ang HIV ay inuuri bilang isang retrovirus. Ang henetikong plano ng HIV ay nasa anyong RNA (ribonucleic acid) at hindi DNA (deoxyribonucleic acid). Ang HIV ay kabilang sa isang espesipikong grupo ng mga retrovirus na kilala bilang mga lentivirus sapagkat maaari itong maging tulóg sa loob ng mahabang panahon bago lumitaw ang malulubhang sintomas ng sakit.

Kapag nakapasok ang HIV sa isang selula, nagagamit nito ang mekanismo ng selula upang maisakatuparan nito ang kaniyang layunin. “Muling pinoprograma” nito ang DNA ng selula upang gumawa ng maraming kopya ng HIV. Subalit bago ito magawa, dapat gumamit ng ibang “wika” ang HIV. Dapat nitong baguhin ang sarili nitong RNA at gawin itong DNA upang mabasa ito at maunawaan ng makinarya ng selula. Upang magawa ito, ang HIV ay gumagamit ng isang viral enzyme na tinatawag na reverse transcriptase (binabago nito ang RNA at ginagawang DNA na mababasa ng selula). Sa kalaunan, pagkatapos gumawa ng libu-libong bagong mga partikula ng HIV, saka namamatay ang selula. Hinahawahan ng bagong mga partikulang ito ang iba pang mga selula.

Pagkatapos umunti nang husto ang bilang ng katulong na mga selulang T, hindi na matatakot na sumalakay sa katawan ang ibang puwersa ng HIV. Ang katawan ay sumusuko sa lahat ng uri ng sakit at mga impeksiyon. Ang nahawahang indibiduwal ay nagkakaroon na ngayon ng lahat ng sintomas ng AIDS. Nagtagumpay ang HIV sa pagpinsala sa buong sistema ng imyunidad.

Ito ang pinasimpleng paliwanag. Dapat nating isaisip na marami pang hindi nalalaman ang mga mananaliksik, kapuwa tungkol sa sistema ng imyunidad at kung paano kumikilos ang HIV.

Sa loob halos ng dalawang dekada, pinagbuhusan ng pag-iisip at lakas ng nangungunang mga imbestigador sa medisina sa buong daigdig ang maliit na virus na ito, na pinagkagastusan ng malaking salapi. Bunga nito, marami ang natutuhan tungkol sa HIV. Ganito ang komento ni Dr. Sherwin B. Nuland, isang siruhano, mga ilang taon na ang nakalipas: “Ang dami ng impormasyon na . . . natipon tungkol sa human immunodeficiency virus at ang pagsulong para makagawa ng pandepensa laban sa mga pagsalakay nito ay talagang kagila-gilalas.”

Gayunpaman, patuloy pa rin ang nakababahalang mabilis na paglaganap ng AIDS.

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 2001, pahina 13-15.

[Larawan]

Sinasalakay ng HIV ang mga “lymphocyte” sa sistema ng imyunidad at muling pinoprograma ang mga ito upang gumawa ng HIV

[Credit Line]

CDC, Atlanta, Ga.

[Larawan sa pahina 7]

Libu-libong kabataan ang nanghahawakan sa mga pamantayan ng Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share