Aids—Kung Paano Lalabanan Ito
SA KASALUKUYAN, walang lunas para sa AIDS, at waring ang siyensiya ng medisina ay hindi makatutuklas nito sa lalong madaling panahon. Bagaman naaantala ng mga bagong paggamot ang paglala ng karamdamang ito, lalong higit na mabuting iwasang mahawa nito sa simula pa lamang. Subalit bago natin talakayin ang pag-iingat, talakayin muna natin kung paano naipapasa at hindi naipapasa ang virus (HIV) ng AIDS mula sa isang tao tungo sa iba.
Maaaring mahawahan ang isang tao sa pamamagitan ng apat na pangunahing paraan: (1) sa pamamagitan ng paggamit ng nahawahang karayom o heringgilya, (2) sa pamamagitan ng pakikipagtatalik (sa ari, puwitan, o bibig) sa isang taong may sakit nito, (3) sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo at mga produktong galing sa dugo, bagaman ang panganib na ito ay nabawasan sa mas maunlad na mga bansa kung saan sinusuri ngayon ang dugo para makita kung may mga HIV antibody, at (4) sa pamamagitan ng ina na may HIV, na makahahawa sa kaniyang sanggol alinman bago o sa panahon ng panganganak o samantalang nagpapasuso.
Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ipinakikita ng siyentipikong ebidensiya sa kasalukuyan na (1) hindi ka mahahawahan ng AIDS gaya ng pagkahawa mo sa sipon o trangkaso, (2) hindi mo ito makukuha dahil sa pag-upo na katabi ng isa na may AIDS o sa pamamagitan ng paghipo o pagyakap sa taong may ganitong sakit, (3) hindi mo ito makukuha sa pamamagitan ng pagkain na hinawakan, inihanda, o inihain ng isang taong nahawahan, at (4) hindi mo ito makukuha sa pamamagitan ng paggamit sa mga palikuran, telepono, damit, o mga kasangkapan sa pagkain at pag-inom. Isa pa, sinasabi ng CDC na ang virus ay hindi naikakalat sa pamamagitan ng mga lamok o ng iba pang kulisap.
Mga Susi sa Pag-iingat
Ang virus ng AIDS ay nasa dugo ng mga taong nahawahan. Kaya kapag iniiniksiyunan ang isang taong nahawahan, may dugo kasama ng virus na maaaring maiwan sa karayom o sa heringgilya. Kung ang iba ay iniksiyunan sa pamamagitan ng karayom na nahawahan, maaaring maipasa ang virus. Huwag matakot na magtanong sa doktor o sa nars kapag nag-aalinlangan ka sa isang karayom o heringgilya. May karapatan kang malaman; buhay mo ang nakataya.
Naroroon din ang virus ng AIDS sa semilya o sa likidong lumalabas sa ari ng mga taong nahawahan. Kaya naman, hinggil sa pag-iingat, ganito ang inirerekomenda ng CDC: “Ang abstinensiya ang tanging tiyak na proteksiyon. Kung ikaw ay nakikipagtalik, maghintay hanggang sa magkaroon ka ng isang pangmatagalan at tapat sa isa’t isa na kaugnayan, gaya ng pag-aasawa, sa isang kapareha na di-nahawahan.”
Pansinin na para maipagsanggalang ka, kailangang panatilihin ang “tapat sa isa’t isa na kaugnayan.” Kung tapat ka ngunit hindi naman tapat ang iyong kapareha, hindi ka ligtas. Kadalasan nang ito ay naghaharap ng isang mahirap na suliranin para sa mga babae na kabilang sa mga lipunan na doon sila’y pinangingibabawan sa seksuwal at umaasa sa mga lalaki para sa kanilang ikabubuhay. Sa ilang lupain, ang mga babae ay hindi pa nga pinapayagang talakayin sa mga lalaki ang tungkol sa sekso, lalo pa nga ang ipakipag-usap ang mas ligtas na mga paraan sa pakikipagtalik.
Gayunman, hindi naman lahat ng gayong babae ay wala nang magagawa. Ipinakita ng isang pag-aaral sa isang lupain sa Kanlurang Aprika na ang ilang babaing may pinansiyal na kakayahan ay nakaiiwas makipagtalik sa kanilang nahawahang asawa nang walang marahas na resulta. Sa New Jersey, E.U.A., ang ilang babae ay tumatangging makipagtalik kung ang lalaki ay ayaw gumamit ng condom. Sabihin pa, bagaman ang mga condom na yari sa latex ay makapagsasanggalang sa HIV at sa iba pang sakit na naililipat sa pagtatalik, kailangang gamitin nang wasto at palagian ang mga ito.
Kailan Magpapasuri
Si Karen, na nabanggit sa naunang artikulo, ay walang gaanong nagawa upang ingatan ang kaniyang sarili laban sa pagkahawa. Ilang taon nang nahawahan ang kaniyang asawa bago pa sila magpakasal, at nagpakasal sila noong ang epidemya at pagsusuri sa HIV ay nasa mga unang yugto pa. Subalit ngayon, ang pagsusuri sa HIV ay naging isa nang karaniwang hakbang sa ilang bansa. Kaya, kung ang isang tao ay nag-aalinlangan hinggil sa kaniyang kalagayan may kinalaman sa HIV, isang katalinuhan na magpasuri bago makipagkasintahan. Ang payo ni Karen: “Piliin nang may katalinuhan ang iyong mapapangasawa. Ang maling pagpili ay maaaring sumingil sa iyo nang malaki, baka pa nga ang mismong buhay mo.”
Ang pagsusuri ay makatutulong upang maipagsanggalang ang asawang pinagkasalahan sa mga kaso ng pangangalunya. Yamang baka hindi matuklasan ang HIV sa isang pagsusuri hanggang sa anim na buwan matapos mahawahan, baka kailanganin ang ilang pagsusuri. Kung itutuloy ang pakikipagtalik (sa gayo’y ipinahihiwatig na pinatawad na ang nangalunya), ang paggamit ng condom ay maaaring makatulong para hindi mahawahan.
Paano Makatutulong ang Edukasyon?
Kapansin-pansin na bagaman matagal nang isinulat ang Bibliya bago pa lumitaw ang AIDS, ang pamumuhay ayon sa mga simulain nito ay nakatutulong sa pag-iingat laban sa sakit na ito. Halimbawa, hinahatulan ng Bibliya ang pakikipagtatalik sa hindi asawa, iginigiit ang katapatan sa pagsasama, at sinasabi na ang mga Kristiyano ay dapat lamang mag-asawa sa nagkakapit din ng mga simulain sa Bibliya. (1 Corinto 7:39; Hebreo 13:4) Ipinagbabawal din nito ang lahat ng uri ng pag-aabuso sa sangkap at pagpapasok ng dugo sa katawan, na nagpaparumi sa katawan.—Gawa 15:20; 2 Corinto 7:1.
Isang katalinuhan na alamin ang mga pinsala at panganib na maaaring nasasangkot sa pakikipag-ugnayan sa mga taong positibong may HIV. Ang kaalaman tungkol sa AIDS ay tumutulong sa mga tao na maipagsanggalang ang kanilang sarili laban dito.
Ganito ang sabi ng AIDS Action League: “Ang karamihan sa mga kaso ng AIDS ay maiiwasan. Hangga’t hindi natutuklasan ang lunas, edukasyon ang pinakamabisa at hanggang sa ngayon, siyang tanging pananggalang [ng komunidad] laban sa AIDS.” (Amin ang italiko.) Makabubuti na tapatang ipakipag-usap ng mga magulang sa isa’t isa at sa kanilang mga anak ang tungkol sa AIDS.
Ano ang Mapagpipiliang Paggamot?
Ang mga sintoma ng karamdamang ito ay karaniwan nang hindi lumilitaw kundi sa anim hanggang sampung taon matapos mahawahan ng HIV ang isang tao. Sa loob ng mga taóng iyon, may nagaganap na labanan sa loob ng katawan. Dumarami ang indibiduwal na mga virus at pumapatay sa mga selula ng sistema ng imyunidad. Lumalaban naman ang mga selula ng sistema ng imyunidad. Sa dakong huli, habang bilyun-bilyong bagong virus ang nabubuo bawat araw, naigugupo ang sistema ng imyunidad.
Nakagawa ng iba’t ibang gamot upang sikaping matulungan ang sistema ng imyunidad, mga gamot na may masalimuot na mga pangalan na ipinakikilala sa pamamagitan ng mga letra—AZT, DDI, at DDC. Bagaman naniniwala ang ilan na ang mga gamot na ito ay inaasahang may malaking maitutulong at potensiyal na lunas pa nga, madaling napapawi ang gayong mga pag-asa. Hindi lamang nawawala ang bisa ng mga ito sa paglipas ng panahon kundi nagdudulot din ng mapanganib na mga epekto sa ilang tao—ang pagkaubos ng mga selula ng dugo, karamdaman sa pamumuo ng dugo, at pinsala sa nerbiyo ng mga kamay at paa.
Ngayon ay dumating ang isang bagong uri ng mga gamot: ang mga protease inhibitor. Ang mga ito ay inirereseta ng mga doktor sa kombinasyon ng tatlong gamot kasama ng iba pang gamot na panlaban sa virus. Ipinakikita ng mga pagsusuri na bagaman ang triple therapy na ito ay hindi pumapatay sa virus, napahihinto naman nito, o halos napahihinto ang pagdami ng virus sa katawan.
Ang triple therapy ay nagdulot ng malaking pagsulong sa kalusugan niyaong may karamdaman. Gayunman, naniniwala ang mga eksperto na pinakamabisa ang medikasyon kapag ginawa nang maaga sa mga taong nahawahan ng HIV, bago pa makita ang mga sintoma. Kapag nagawa ito, maaaring posible na hadlangan, marahil nang walang takda, ang pagkahawa bago maging malalang kaso ng AIDS. Yamang bago pa ang paggamot na ito, hindi pa nalalaman kung gaano katagal na mahahadlangan ng paggamot ang pagkahawa.
Magastos ang triple therapy. Ang katamtamang halaga ng tatlong gamot na panlaban sa virus pati na ang pagsusuri sa laboratoryo ay $12,000 sa isang taon. Bukod sa malaking gastos, ang isang pasyente na sumasailalim sa triple therapy ay kailangang magpabalik-balik sa refrigerator, kung saan dapat nakalagay ang mga gamot. Karaniwan, ang isang tao ay umiinom ng gamot nang dalawang beses sa isang araw at ang iba naman ay tatlong beses sa isang araw. Ang ilan ay dapat inumin kapag walang laman ang sikmura, ang iba naman ay kapag may laman ang sikmura. Nagiging lalong masalimuot ang paggamot kapag kailangang uminom ng karagdagang gamot upang malabanan ang marami pang ibang impeksiyon na madaling kumapit sa isang pasyente na may AIDS.
Ang isang ikinababahala nang husto ng mga doktor ay kung ano ang maaaring mangyari kung ititigil ng isang tao ang triple therapy. Maaaring magpatuloy ang mabilis na pagdami ng virus, at yaong mga virus na nakaligtas sa paggamot ay maaaring di na tablan ng gamot na dating iniinom ng isang tao para labanan ang mga ito. Ang mga uri ng HIV na di-tinatablan ng gamot ay maaaring maging mahirap gamutin. Isa pa, ang mga supervirus na ito ay maaaring ipasa sa ibang tao.
Mga Bakuna ba ang Sagot?
Naniniwala ang ilang mananaliksik sa AIDS na ang susi sa pagsugpo sa pambuong-daigdig na epidemya ng AIDS ay ang isang ligtas at mabisang bakuna. Ang mabibisang bakuna laban sa yellow fever, tigdas, beke, at rubella (German measles) ay gawa sa huminang mga virus. Karaniwan, kapag ang huminang uri ng virus ay ipinasok sa katawan, ang sistema ng imyunidad ay hindi lamang tumutugon upang lipulin ito kundi bumubuo rin ng mga depensa na matagumpay na daraig sa anumang pagsalakay ng tunay na virus.
Ipinahiwatig ng dalawang kamakailang eksperimento sa mga unggoy na ang suliranin sa HIV ay ang bagay na maging ang huminang virus ay maaaring makamatay. Sa ibang salita, ang bakuna ay maaaring maging sanhi ng karamdaman na dapat sana’y labanan nito.
Nakasisiphayo at nakapanlulumo ang paghahanap ng isang bakuna. Naiwan pa ring di-natitinag ang HIV sa kabila ng maraming eksperimentong timpladang tiyak na papatay sa mas mahihinang virus. Bukod dito, ang HIV ay nagbabago, na nagiging mailap upang puntiryahin ito. (Sa kasalukuyan, may di-kukulangin sa sampung uri ng HIV sa buong daigdig.) Dagdag pa sa suliranin, ang virus ay tuwirang sumasalakay sa mismong mga selula ng sistema ng imyunidad na dapat sana’y palakasin ng bakuna para sa depensa.
Gumaganap din ng papel sa pagsasaliksik ang ekonomiya. May umiiral na “mababang antas ng pananagutan mula sa pribadong industriya,” sabi ng International AIDS Vaccine Initiative na nakabase sa Washington. Ito ay isinisi sa mga pangamba na hindi magdudulot ng mga pakinabang ang isang bakuna, yamang karamihan sa mga ito ay ipagbibili sa di-gaanong mauunlad na bansa.
Sa kabila ng mga suliranin, ang mga mananaliksik ay nagpapatuloy na magsuri ng ilang pamamaraan sa paghahanap ng isang mabisang bakuna. Subalit sa kasalukuyan, waring malabo na magawa ang isang bakuna sa lalong madaling panahon. Kapag lumabas naman mula sa laboratoryo ang isang inaasahang bakuna, kasunod nito ang matrabaho, magastos, at potensiyal na mapanganib na pagsubok nito sa mga tao.
[Kahon sa pahina 5]
Sino ang Nahahawahan ng HIV?
Sa buong daigdig, mga 16,000 katao ang nahahawahan bawat araw. Sinasabi na mahigit sa 90 porsiyento ang nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa. Humigit-kumulang na 1 sa 10 ay isang bata na wala pang 15 taong gulang. Ang natitira ay mga nasa hustong gulang na mahigit sa 40 porsiyento ay mga babae at ang mahigit sa kalahati ay sa pagitan ng edad na 15 at 24.—World Health Organization at ang Joint United Nations Programme on HIV/AIDS.
[Kahon sa pahina 7]
Paano Mo Masasabi Kung Sino ang Nahawahan?
Hindi mo masasabi kung ang isang tao ay nahawahan sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kaniya. Bagaman ang mga may HIV na hindi kakikitaan ng mga sintoma ay mukhang malusog, maaari nilang maikalat ang virus sa iba. Maaasahan mo ba ang sinasabi ng isang tao na hindi siya nahawahan? Hindi naman. Marami sa nahawahan ng HIV ay hindi mismo nakababatid nito. Yaong mga nakababatid ay maaaring maglihim tungkol dito, o maaari silang magsinungaling. Isiniwalat ng isang surbey sa Estados Unidos na 4 sa 10 katao na may HIV ang hindi nagsabi sa kanilang katalik ng tungkol sa kanilang kalagayan.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ang Kaugnayan ng HIV at AIDS
Ang HIV ay kumakatawan sa “human immunodeficiency virus,” ang virus na unti-unting sumisira sa mga bahagi ng sistema ng imyunidad ng katawan na lumalaban sa sakit. Ang AIDS naman ay kumakatawan sa “acquired immunodeficiency syndrome.” Ito ang panghuli at mapanganib na yugto ng pagkahawa sa HIV. Inilalarawan ng pangalan kung paano napipinsala nang husto ng HIV ang sistema ng imyunidad, anupat ang pasyente ay madaling dapuan ng mga sakit na dapat sana’y labanan ng sistema ng imyunidad.
[Credit Line]
CDC, Atlanta, Ga.
[Larawan sa pahina 7]
Isang matalinong pasiya ang pagpapasuri sa HIV bago magbalak mag-asawa