Nakagigitlang mga Estadistika sa AIDS!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
SI Thembeka ay isang 12-taóng-gulang na batang babae na naninirahan sa isang nayon sa isang lalawigan ng katimugang Aprika. Namatay ang kaniyang mga magulang dahil sa AIDS, at siya ang naiwan na mag-aalaga sa kaniyang tatlong maliliit na kapatid na babae na ang edad ay sampu, anim, at apat. “Walang pinagkakakitaan ang mga batang babae at lubos na umaasa sa kabaitan ng mga kapitbahay . . . isang tinapay, at ilang patatas,” sabi ng isang tagapagbalita. Ang larawan ng apat na batang babaing naulila ay ipinakita sa harapang pahina ng isang pahayagan sa Timog Aprika na nag-ulat hinggil sa 13th International Aids Conference, na ginanap noong Hulyo 2000 sa Durban, Timog Aprika.
Milyun-milyung naulila dahil sa AIDS ang napapaharap sa situwasyong katulad niyaong kay Thembeka at ng kaniyang nakababatang mga kapatid na babae. Tinalakay sa komperensiya ang mga pamamaraan ng pagharap sa lumalaking krisis sa AIDS, tulad ng edukasyon hinggil sa pag-iwas sa AIDS sa pamamagitan ng paggamit ng mga kondom; ang paggamit ng murang panggamot sa AIDS, na makukuha na ngayon; at karagdagang pinansiyal na suporta sa paggawa ng mga bakuna para sa AIDS. Ang pagiging madaling mahawa ng mga babae, lalo na ang mga kabataang babae, ay binigyan din ng pansin.
Nakalulungkot, ang maraming naulila dahil sa AIDS ay hinahanap ng mga lalaki na naniniwalang ang pakikipagtalik sa isang birhen ay makapagpapagaling sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Karagdagan pa, maraming lalaki ang hindi magpapakasal sa isang dalaga hangga’t hindi pa ito nagkakaanak. Kaya ang paggamit ng mga kondom ay minamalas na isang balakid kapuwa sa pag-aasawa at sa pagiging ina.
Nakalulungkot, maraming kabataang babae ang walang alam sa panganib ng AIDS. Ang pahayagang Sowetan sa Timog Aprika ay nagkomento tungkol sa isang ulat na inilabas ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa komperensiya: “Natuklasan ng mga surbey ng Unicef na 51 porsiyento ng mga kabataang babae na ang edad ay 15 hanggang 19 sa Timog Aprika ang hindi nakaaalam na ang isa na mukhang malusog ay maaaring may HIV at maaaring maipasa ito sa kanila.”
Ang isa pang salik sa paglaganap ng AIDS ay ang seksuwal na pag-abuso sa mga babae. Si Ranjeni Munusamy, na dumalo sa komperensiya, ay nag-ulat sa Sunday Times ng Johannesburg, Timog Aprika: “Ang karahasan sa mga babae, ang pinakanakababahalang anyo ng kapangyarihan ng lalaki, ay nananatiling isang pangunahing balakid sa pag-iwas at pangangalaga sa HIV. Ang maraming anyo nito—panggagahasa, insesto, pambubugbog at seksuwal na pag-abuso sa asawang babae—ay nangangahulugan na ang pagtatalik ay kadalasang ipinipilit, na isa na mismong sanhi ng panganib na mahawahan ng HIV.”
Ang mga estadistikang inilabas sa komperensiya ay nakapanghihilakbot, gaya ng ipinakikita ng kalakip na tsart. Araw-araw, tinataya na 7,000 kabataan at 1,000 sanggol ang nahahawahan ng HIV. Sa loob ng isang taon, 1999, mga 860,000 bata sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika ang nawalan ng kanilang mga guro dahil sa AIDS.
Ayon sa isang surbey na inilathala ng Medical Research Council of South Africa, 4.2 milyon katao sa Timog Aprika ang may HIV, na kumakatawan sa 1 sa bawat 10 mamamayan. Mas malala pa ang kalagayan sa katabing mga bansa. Ang The Natal Witness ay nag-ulat hinggil sa isang pagtaya na ibinigay ng U.S. Census Bureau: “Di-magtatagal at bababa ang populasyon ng ilang mga bansa sa Aprika na sinalanta ng Aids habang milyun-milyon ang namamatay sa sakit na ito, at ang inaasahang haba ng buhay sa pagtatapos ng dekada ay babagsak sa humigit-kumulang 30.”
Ang trahedyang dulot ng AIDS ay karagdagang ebidensiya na nabubuhay ang sangkatauhan sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na inihula ng Bibliya na magaganap “sa mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga umiibig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay umaasa sa isang ganap at permanenteng solusyon sa AIDS at sa lahat ng iba pang problema na sumasalot sa sangkatauhan. Di-magtatagal, pangangasiwaan ng Kaharian ng Diyos ang mga gawain sa lupa. Sa bagong sanlibutan ng katuwiran, ang karalitaan at paniniil ay mawawala na. (Awit 72:12-14; 2 Pedro 3:13) Sa halip, isasauli ang sakdal na kalusugan sa mga naninirahan sa lupa, at walang sinuman sa kanila ang magsasabi kailanman: “Ako ay may sakit.”—Isaias 33:24.
[Blurb sa pahina 14]
Sa buong daigdig ay may mga 13,000,000 naulila dahil sa AIDS
[Chart/Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BILANG NG MGA ADULTO (EDAD 15 hanggang 49) NA MAY HIV/AIDS, SA PAGTATAPOS NG 1999
Hilagang Amerika 890,000
Caribbean 350,000
Latin Amerika 1,200,000
Kanlurang Europa 520,000
Silangan at Gitnang Europa 410,000
Hilagang Aprika at Gitnang Silangan 210,000
Timugang bahagi ng Sahara sa Aprika 23,400,000
Timog at Timog-silangang Asia 5,400,000
Silangang Asia at sa Pasipiko 530,000
Australia at New Zealand 15,000
[Credit Line]
Pinagmulan: UNAIDS
[Graph/Larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PORSIYENTO NG MGA ADULTO (EDAD 15 hanggang 49) NA MAY HIV/AIDS SA 16 NA BANSA SA APRIKA, SA PAGTATAPOS NG 1999
1 Botswana 35.8%
2 Swaziland 25.2
3 Zimbabwe 25.0
4 Lesotho 23.5
5 Zambia 20.0
6 Timog Aprika 20.0
7 Namibia 19.5
8 Malawi 16.0
9 Kenya 14.0
10 C.A.R. 14.0
11 Mozambique 13.2
12 Djibouti 11.7
13 Burundi 11.3
14 Rwanda 11.2
15 Côte d’Ivoire 10.7
16 Ethiopia 10.6
[Credit Line]
Pinagmulan: UNAIDS
[Larawan]
Si Thembeka kasama ang kaniyang mga kapatid na babae
[Credit Line]
Larawan: Brett Eloff