Ikaw ba’y Isang Maingat na Tsuper?
ANG iyong saloobin samantalang nagmamaneho ng kotse ay maaaring lubhang makaimpluwensiya sa iyong kakayahan sa pagmamaneho. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na isinagawa ng British Automobile Association na sa bawat taon 22 porsiyento ng mga lalaking Britano sa pagitan ng 17 at 20 taóng gulang ay nasangkot sa hindi kukulanging isang aksidente sa daan.
Ano ang susing mga salik sa kanilang hindi maingat na mga ugali sa pagmamaneho? Bukod sa alak, pabagu-bagong kalooban, at malakas na musika, ang kinatawan ng panlahat na patnugot ng Automobile Association, si Kenneth Faircloth, ay nagsabi: “Marami ang naimpluwensiyahan ng kanilang mga kasama na magmaneho nang walang ingat.” Bunga nito, iminumungkahi ng Automobile Association na ang pagsasanay ay ituon nang higit sa mga saloobin ng tsuper at hindi gaano sa rutinang pamamaraan ng pagmamaneho.
Halimbawa, tanungin ang iyong sarili: ‘Sinisikap ko bang pahangain ang mga pasahero sa aking kotse sa pamamagitan ng wala sa loob na pagbabakasakali? Tinitiyak ba ng aking kalooban ang aking paggawi samantalang nagmamaneho? Minamalas ko ba ang ibang tsuper sa daan bilang mga hadlang na dapat madaig?’ Ang mga sagot sa mga tanong na iyon ay magsisiwalat kung anong uri ka ng tsuper.
Lalaki man o babae, bata o matanda, magkaroon ng saloobing pakikipagkapuwa samantalang nagmamaneho. “Pakitunguhan ang ibang tao kung paanong gusto mong pakitunguhan ka nila.” (Mateo 7:12, Phillips) Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na magmaneho nang maingat.