Kung Paano Mapabubuti ng Masustansiyang Pagkain ang Iyong Kalusugan
ANONG laking kagalakang makita ang isang malusog na bata! Gayunman, ang isang malusog na bata ay hindi nagkataon lamang. “Ang simple subalit masustansiyang pagkain ay laging pangunahing bagay sa aming pamilya hindi lamang dahil sa aming pinansiyal na badyet kundi rin naman dahil sa panahon na ginugugol sa pagluluto at pagtatamasa nito nang sama-sama,” gunita ni Kate, isang taga-Canada na nakatira sa Brazil. “Sapagkat ang nanay ko ay hindi nagtatrabaho sa labas ng bahay, pagdating namin sa bahay galing sa paaralan araw-araw ay naaamoy namin ang masasarap na pagkaing niluluto at marahil ang isang pie o cake na kaniyang hinurno.”
Gayunman, sa halip na matustusan ng masustansiyang pagkain, “humigit-kumulang 780 [milyong] tao sa mahihirap na bansa, isa sa lima ng kanilang populasyon, ang hindi nagkakaroon ng sapat na makakain,” ayon sa The Economist. “Kasindami ng 2 bilyong tao na nasasapatan ang kanilang gutom ang gayunma’y kulang ng mga bitamina at mineral na kailangan nila.” Ang isa na kulang ng pagkain ay hindi lamang mahina kundi siya rin naman ay hindi gaanong kapaki-pakinabang sa iba. Kaya nga, tungkol sa mga batang kulang ng pagkain, ang dalubhasa sa ekonomiyang si Eduardo Giannetti da Fonseca ng São Paulo University, Brazil, ay sinipi na nagsasabi: “Itong [pag-aaksaya ng yaman ng tao] ay masahol pa kaysa anumang bagay. . . . Naniniwala akong sa gitna ng mga batang ito ay may mga talino at mga kakayahan na nananatiling hindi nalilinang dahil sa karukhaan. Sa gitna nila, sa ilalim ng ibang mga kalagayan, maaaring bumangon ang isang Albert Einstein.” Ang magasing Veja ay nagsasabi: “Ang bansa ay nawawalan ng potensiyal na produktibong mga tao na nanghihina dahil sa hindi mabuting pagkain at naiwawala ang isang potensiyal na mapagkukunan ng katalinuhan, pagkamapanlikha, at enerhiya.” Kaya nga, sa kabila ng mataas na halaga ng pamumuhay, binibigyan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak ng matibay na pundasyon sa pamamagitan ng pamumuhunan sa masustansiyang pagkain.
Isang Matalinong Puhunan
Ang “mamuhunan” ay nangangahulugang “gamitin ito para sa mga pakinabang o bentaha sa hinaharap.” Paano ka mamumuhunan sa pagkain? Kung kinakailangang mamili, iyo bang tatalikuran ang mga luho o mga bagay na nagbabadya ng prestihiyo at gamitin ang iyong limitadong badyet upang bumili ng masustansiyang pagkain?
“Ang mga pandamdam ay hindi nananatiling tulóg hanggang ang mga ito ay biglang pakikilusin sa pagsilang; ipinakikita ng katibayan na ang mga sistema ng pandamdam ay kumikilos bago pa ang pagsilang,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Kaya nga, ang huwarang paraan upang simulang pakanin ang isang bata ay magkaroon ng isang malusog na ina. Ang susunod na hakbang—pagkasilang—ay pasusuhin ang sanggol sa ina, yamang ang gatas ng tao ay nagbibigay ng kompletong nutrisyon at nagbibigay pa nga ng imyunidad laban sa karaniwang mga sakit. Ganito ang sabi ng Facts for Life, isang publikasyon ng United Nations: “Sa unang ilang buwan sa buhay ng isang sanggol, ang gatas ng ina lamang ang pinakamabuting posibleng pagkain at inumin. Ang mga sanggol ay nangangailangan ng ibang pagkain, karagdagan pa sa gatas ng ina, kapag sila ay apat-hanggang-anim na buwang gulang na.”
Bagaman totoong malakas, ang katawan ng tao ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Mahalaga na palakasin ito sa pamamagitan ng masustansiyang pagkain mula sa pagkabata. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Pagdating ng isang tao sa gulang na 6 na taon, naabot na ng utak ang ganap na timbang nito na halos 3 libra (1.4 kilo). Karamihan ng mga selula sa utak ay naroroon na sa pagsilang, kung kaya ang pagbigat ay pangunahing nangyayari mula sa pagdami ng mga selula. Sa loob ng anim-na-taóng yugtong ito, ang isang tao ay pinakamabilis na natututo at nagkakaroon ng bagong mga huwaran ng paggawi sa buong buhay niya.” Kaya nga, kahit na kung ang bata ay nagtatamasa ng mabuting pagkain pagkatapos ng ikaanim na taon nito, iilan lamang karagdagang mga selula sa utak ang magagawa. Ganito ang sabi ni Kate: “Ang nakalulusog, masustansiyang pagkain ay isa sa pinakadakilang kaloob na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak. Kahit na kung marami sa tinatawag na mga pangangailangan sa buhay, na kadalasa’y mga luho lamang, ay hindi maibibigay, ang mga magulang na namumuhunan sa mental at pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak ay nagbibigay sa kanila ng isang simula sa buhay mula sa pagkasanggol na hindi kailanman mapapalitan.”
Bakit Kailangang Magkaroon ng Sarisaring Pagkain?
Ang isang bata ay nangangailangan ng pagkaing mayaman-sa-protina upang lumaki sa pisikal at sa mental na paraan. Ang hindi mabuting pagkain ay nagpapabagal sa mental na pag-unlad ng isang bata sa paaralan, at ang bata ay maaaring maging walang-sigla at pagód, hindi makapagtuon ng pansin o makatanda kung ano ang itinuro. Di-kukulanging 25 iba’t ibang sakit ang bunga ng kakulangan ng isa sa mahahalagang nutriyente—protina, mga bitamina, mahalagang taba, o iba pang nutriyente.
Isaalang-alang ang kaso ni Joaquim. “Mahirap ang aming pamilya,” aniya. “Ngunit may lupa kami at itinatanim namin ang halos lahat ng aming kinakain. Sa bawat pagkain ay mayroon kaming tinapay na gawa mula sa butil ng mais o senteno (rye), at iyan ay nakatulong sa mabuting nutrisyon. Halos araw-araw ang nanay ko ay gumagawa ng sopas na naglalaman ng sarisaring gulay, kasali na ang mga balatong, at ito’y nagtutustos ng marami sa aming nutrisyonal na mga pangangailangan. Wala kaming gaanong karne, subalit mayroon kaming isda, karaniwan na’y tamban, bakalaw, at tunsoy.” Susog pa niya: “Ang aking nanay ay may limang anak, at hindi ko natatandaan na sinuman sa amin ay nagkasakit maliban sa sipon at trangkaso. Sa palagay ko iyan ay dahil sa aming timbang na mga pagkain.” Isang ina ng pitong anak ang nagpapaliwanag: “Kailangan naming maglaan ng masustansiyang pagkain sa mababang halaga. Kaya gumawa kami ng isang taniman ng mga gulay, na, bagaman maliit, ay naglaan ng sapat para sa aming pangangailangan.” Sabi pa niya: “Ang aming mga anak ay hindi kailanman nagkasakit nang malubha at laging lubhang matagumpay sa kanilang gawain sa paaralan.”
Ang iyong katawan ay nangangailangan ng 22 sa 103 opisyal na kilalang kemikal na mga elemento bilang nutriyente. Bagaman imposibleng matiyak ang eksaktong dami ng mga bitamina, mineral, at protina na kailangan mo bilang isang indibiduwal, ang isang timbang na pagkain ay maglalaan ng iyong mga pangangailangan. Isang awtoridad ang nagsabi: “Ang susi sa mabuting nutrisyon ay ang sarisaring pagkain na kinabibilangan ng lahat ng uri ng nutriyente.”
Kumusta naman kung ayaw ng iyong mga anak ang ilang pagkain, gaya ng mapapait na gulay? Ayon sa isang may karanasang kusinero, ang mga magulang ay dapat maghain ng “iba’t ibang gulay na mayroon sa kanilang rehiyon. Maraming malalaki na ang hindi kumakain ng mga gulay sapagkat hindi sila pinakain nito nang sila’y mga bata pa. Yamang ang mga gulay ay nagbibigay ng hibla at marami sa mga bitaminang kailangan natin at hindi magastos, dapat laging pakanin ng mga magulang ang kanilang mga anak nito.” Kaya bakit hindi mag-aral ng bagong mga resipe na gumagamit ng sariwang mga gulay at mga prutas, marahil ay iniluluto ito sa isang masarap na soufflé o nilaga? Tungkol naman sa tinatawag na mga pagkaing walang calorie o walang nutriyente, mungkahi niya: “Ang mga magulang ay hindi dapat magkaroon ng mga matamis sa kanilang bahay maliban na lamang kung espesyal na mga okasyon. Kung wala nito [ang mga bata], hindi sila kakain nito.”
Bagaman ang pagkain nang sapat na dami ng wastong pagkain ay nakababawas sa panganib ng malnutrisyon, ang ilang tao ay lumilikha ng mga problema sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagkain nang labis. Ang labis-labis na pagkunsumo ng mga calorie na higit sa kinakailangan ng katawan ay maaaring humantong sa sobrang taba, na nauugnay sa diabetes at sakit sa puso.a Yamang alinman sa gamot o pisikal na gawain ang makahahalili sa wastong mga ugali sa pagkain, ang isang mabuting mungkahi ay bawasan ang pagkain ng taba, matatamis, maaalat, at alak. At, sabi ng isang ensayklopidiya, “kailangang gumawa ng mga hakbang upang bawasan ang gutom, kalumbayan, panlulumo, pagkayamot, galit, at pagod, na ang bawat isa nito ay nakagaganyak sa pagkain nang labis.”
Isang Timbang na Pangmalas Tungkol sa Pagkain at Kalusugan
Ang Bibliya ay hindi isang manwal tungkol sa nutrisyon; gayunman, ito’y tumutulong sa atin na maging timbang sa mga bagay na may kinalaman sa kalusugan. Si apostol Pablo ay nagbabala laban sa mga nag-uutos sa iba na “umiwas mula sa mga pagkain na nilalang ng Diyos upang tanggapin nang may pagpapasalamat niyaong mga may pananampalataya at nakaaalam nang may-katumpakan sa katotohanan.” (1 Timoteo 4:3) Nais ng Diyos na tayo’y maging kontento at gamitin kung ano ang mayroon tayo. “Maigi ang kaunti na may pagkatakot kay Jehova kaysa saganang panustos na may kalituhan.”—Kawikaan 15:16.
Walang sinuman sa ngayon ang nagtatamasa ng sakdal na kalusugan. Kaya bakit hindi maging makatuwiran, hindi nagiging pabaya o labis na nababalisa? Ang sobra o may pagkapanatikong interes sa mga bagay may kinalaman sa pagkain at kalusugan ay maaaring magpangyari sa atin na mawalan ng pagkakatimbang.
Sa kabila ng mga pagsisikap na pangalagaan ang ating kalusugan, dahil sa mga bagay sa kasalukuyan, tayo sa wakas ay tumatanda at namamatay. Nakatutuwa naman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang malnutrisyon at sakit. Bagaman ang mga plano ng tao na alisin ang gutom ay nabigo, makaaasa tayo sa isang daigdig na may saganang masustansiyang pagkain para sa lahat.—Awit 72:16; 85:12.
[Mga talababa]
a “Inaakala ng ilang dalubhasa na ikaw ay sobrang taba kung ikaw ay labis sa ‘kanais-nais’ na timbang . . . para sa iyong taas, katawan at edad nang mahigit na 20 porsiyento.”—The American Medical Association Family Medical Guide, pahina 501. Tingnan din ang Gumising! ng Mayo 8, 1994, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Papayat?” at Mayo 22, 1989, “Natatalo ba ang Pagpapapayat?”
[Kahon sa pahina 7]
MGA MUNGKAHI UPANG TULUNGAN ANG INYONG ANAK NA MAGKAROON NG MABUTING KAUGALIAN SA PAGKAIN
◻ Magpakita ng isang mabuting halimbawa.
◻ Huwag hayaan ang mga bata na kainin lamang ang gusto nila.
◻ Iwasan ang pagkakaroon ng basurang pagkain o matatamis sa bahay.
◻ Sanayin ang mga bata na magpahalaga sa iba’t ibang uri ng pagkain.
◻ Magkaroon ng tiyak na oras para sa pagkain, pati na sa almusal.
◻ Huwag hayaang maimpluwensiyahan ng anunsiyo sa TV ang kakanin ninyo.
◻ Huwag hayaan ang mga bata na kunin mismo ang pagkain mula sa repridyireytor.
◻ Sanayin ang mga bata na tumulong sa paghahanda ng pagkain.
◻ Linangin ang pagiging mapagpasalamat sa araw-araw na mga paglalaan.