Isang Eklipse ng Araw at ang Panghalina ng Astronomiya
ANG Mayo 10, 1994, ay isang pambihirang araw para sa ilang tao sa Hilagang Amerika. Ito ang okasyon ng hugis anilyong eklipse ng araw na ikinukubli ng buwan.a Sa loob ng ilang oras, angaw-angaw ang nagkaroon ng kabatiran sa kahali-halinang siyensiya ng astronomiya. Subalit ano nga ba ang isang eklipse?
Ang isang eklipse ay nangyayari kapag may “bahagya o lubusang pagkubli ng isang makalangit na bagay sa isa pang makalangit na bagay, depende sa posisyon ng nagmamasid.” (The American Heritage Dictionary of the English Language) Ang isang eklipse ng araw o ng buwan ay maaari lamang mangyari kapag ang lupa, araw, at buwan ay nasa halos tuwid na hanay. Kung baga may isang eklipse ng araw o ng buwan ay depende sa kung aling makalangit na bagay ang nakukubli. Kung minsan ang lupa ang naghahagis ng anino nito sa buwan, nagpapangyari ng isang eklipse ng buwan. Sa kabilang panig, noong Mayo ng nakaraang taon, ang buwan ang naghagis ng anino nito sa lupa, sa isang makitid na anino na mula 230 hanggang 310 kilometro ang lapad. Habang ang buwan ay unti-unting dumaraan sa pagitan ng lupa at ng araw, halos lubusang makubli nito ang araw. Ang landas ng anino ay dumaan sa Karagatang Pasipiko at pagkatapos ay sa Hilagang Amerika mula sa timog-kanluran tungo sa hilagang-silangan. Ang buwan ay para bang dahan-dahang dumaan sa harap ng araw. Sa katunayan, ang anino ay naglakbay sa ibabaw ng lupa humigit-kumulang 3,200 kilometro sa isang oras.
Lahat ng uri ng pamamaraan ay ginamit upang masdan ang eklipse nang hindi pinipinsala ang mga mata. Ang ilan ay tumitingin sa pamamagitan ng salamin sa mata ng manghihinang. Ang iba naman ay gumamit ng isang malakas na panala o pilter. Gayunman ang iba pa ay pinalitaw ang larawan ng eklipse sa papel sa pamamagitan ng isang butas ng aspili. Ipinahawak naman ng isang potograpo ang isang salaan, at habang dumaraan ang liwanag sa mga butas, ito’y lumikha ng mga larawan ng eklipse sa lupa. Gayunding mga epekto ay napansin habang ang liwanag ay nagdaraan sa mga dahon ng mga punungkahoy. Ang isa pang paraan ay paraanin ang liwanag sa mga largabista upang magkaroon ng dobleng larawan sa isang maitim na ibabaw.
Kasindami ng limang eklipse ng araw at hanggang tatlong eklipse ng buwan ang maaaring maganap sa isang taon. “Hindi kukulangin sa dalawang uri ng eklipse ng araw ang dapat maganap sa bawat taon,” sabi ng The International Encyclopedia of Astronomy. Gayunman, ang bawat isa ay makikita sa iba’t ibang dako. Kaya ang sinuman sa magkaratig na Estados Unidos na hindi nakita ang eklipse noong 1994 ay kailangang maghintay hanggang sa taóng 2012 para sa isa pang pagkakataon o maglakbay sa Peru, Brazil, o sa Siberia para sa isang mas maagang eklipse.b
Ang Misteryo ng Isang Ganap na Eklipse
Ang ganap na eklipse ng araw, kapag lubusang ikinukubli ng buwan ang araw, ay nagdulot ng takot at kaguluhan noong nakalipas na mga dantaon. Bakit gayon? Ganito ang sabi ng The International Encyclopedia of Astronomy: “Ang misteryo ng isang ganap na eklipse ay naragdagan dahil sa ang walang kabatiran ay hindi nagkaroon ng babala tungkol sa nalalapit na kakaibang panoorin habang ang Buwan ay hindi nakikitang lumalapit sa Araw.” Kabilang sa kakaibang panooring iyon ang mga bahaging ito: “Ang langit ay nagdidilim, kadalasan ay nakatatakot na luntiang kulay na lubhang hindi mailarawan at di-tulad ng pagdidilim na pinangyayari ng mga ulap. . . . Noong huling ilang segundo ng bahagyang pagtakip ng buwan sa araw ang liwanag ay mabilis na naglaho, kapansin-pansing naging mas malamig, ang mga ibon ay humapon, ang ilang talulot ng bulaklak ay nagsara, at ang hangin ay waring humina. . . . Dumilim sa lalawigan.”
Sa kaniyang aklat na The Story of Eclipses, si George Chambers ay nag-uulat tungkol sa “isa sa pinakabantog na eklipse noong panahon ng Edad Medya . . . , nakita bilang isang ganap na eklipse sa Scotland,” na naganap noong Agosto 2, 1133. Si William ng Malmesbury ay sumulat: “Ang Araw nang araw na iyon noong ika-6 na oras ay nagtakip ng maluwalhating mukha nito, . . . sa nakasisindak na kadiliman, pinakaba ang mga dibdib ng mga tao sa pamamagitan ng isang eklipse.” Ang sinaunang Anglo-Saxon Chronicle ay nagsabi na “ang mga tao ay lubhang nasindak at natakot.”
Itinala rin ni Chambers ang detalyadong paglalarawan ng isang eklipse ng buwan na nangyari noong Setyembre 2, 1830, iniulat ng dalawang manlalakbay sa Aprika: “Nang ang Buwan ay unti-unting nakubli, nalipos ng takot ang lahat. Habang lumalaki ang eklipse sila’y lalong natakot. Ang lahat ay tumakbo dahil sa matinding pangamba upang ipagbigay-alam sa kanilang pinuno ang tungkol sa kalagayan, sapagkat wala man lamang ulap upang pangyarihin ang gayong kadiliman, at hindi nila maunawaan ang kalikasan o ang kahulugan ng isang eklipse.”
Kamakailan lamang, nabawasan ng pag-aaral tungkol sa astronomiya ang takot ng sangkatauhan tungkol sa isang eklipse ng araw—alam natin na ang araw ay muling lilitaw.
Kung Paano Ginamit ng mga Jesuita ang Isang Eklipse ng Araw
Noong 1629, ang mga misyonerong Jesuita sa Tsina ay nagkamit ng pabor ng emperador sa pamamagitan ng isang eklipse ng araw. Paano nila nagawa iyon?
Napansin ng mga Jesuita na “ang kalendaryong lunar ng mga Intsik ay mali, gaya ng pagiging mali nito sa loob ng mga dantaon. Ang mga Astronomo ng Imperyo ay paulit-ulit na nagkamali sa paghula sa eklipse ng araw . . . Ang malaking pagkakataon para sa mga Jesuita ay dumating nang isang eklipse ay inasahan noong umaga ng Hunyo 21, 1629. Inihula ng mga Astronomo ng Imperyo na ang eklipse ay magaganap sa 10:30 at tatagal ng dalawang oras. Inihula naman ng mga Jesuita na ang eklipse ay hindi darating hanggang 11:30 at tatagal lamang ng dalawang minuto.” Ano ang nangyari?
“Noong napakahalagang araw na iyon, habang ang 10:30 ay dumating at nagdaan ang araw ay sumikat nang buong ningning. Ang mga Astronomo ng Imperyo ay mali, ngunit tama kaya ang mga Jesuita? Pagkatapos, noong 11:30, nagsimula ang eklipse at tumagal sa loob ng maikling dalawang minuto, gaya ng inihula ng mga Jesuita. Nakamit nila ngayon ang pagtitiwala ng Emperador.”—The Discoverers, ni Daniel J. Boorstin.
Astronomiya sa Bibliya
Ang impormasyon tungkol sa astronomiya ay inilalaan pa nga sa Bibliya. Ang pangalan ng ilang konstelasyon ay binanggit sa aklat ng Job. Isa pa, inanyayahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na suriin ang kalangitan, hindi para sa pag-aaral ng astrolohiya o ibang huwad na pagsamba, kundi upang pahalagahan ang kadakilaan ng kaniyang mga nilalang. Si Isaias ay kinasihang sumulat: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.”—Isaias 40:26.
Kinilala ni Job ang kataas-taasang kapangyarihan ng Maylikha nang sabihin niya ang tungkol sa kaniya: “Na siyang . . . lumikha sa konstelasyon ng Ash [malamang ang Ursa Major, o Malaking Oso], ang konstelasyon ng Kesil [malamang ang Orion, o mangangaso ng langit], at ang konstelasyon ng Kimah [malamang ang konstelasyon ng kumpol ng Pleyade sa Taurus, o Toro] at sa panloob na mga silid sa Timugan [ibig sabihin ay ang mga konstelasyon sa Timugang Hemispero].”—Job 9:7-9.
Tunay na magiging kahali-halina ang pag-aaral ng astronomiya kapag ipinagkaloob na ni Jehova ang buhay na walang-hanggan sa masunuring sangkatauhan! Sa panahong iyon ang mga palaisipan ng sansinukob ay unti-unting isisiwalat habang nauunawaan natin ang mga layunin ng Diyos may kaugnayan sa pagkalawak-lawak na sansinukob. Sa gayon, masasambit natin ang mga salita ni David taglay ang higit na damdamin: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?”—Awit 8:3, 4.
[Mga talababa]
a Ang salitang “eklipse” ay mula sa Griegong eʹklei·psis, na galing sa e·kleiʹpo, na nangangahulugang “hindi lumitaw.”—The Concise Oxford Dictionary.
b Nagkaroon ng ganap na eklipse ng araw noong Nobyembre 3, 1994, na nakita sa lahat ng bahagi ng Timog Amerika.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng NASA/Finley-Holiday Film Corporation