Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/22 p. 21-24
  • Nang Magdilim sa Katanghaliang-tapat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nang Magdilim sa Katanghaliang-tapat
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahanda Para sa Pangyayari
  • Dumating Na ang Kapana-panabik na Araw
  • Ang mga Aral Mula sa Eklipse
  • “Nang Maging Gabi ang Umaga”
    Gumising!—2008
  • Isang Eklipse ng Araw at ang Panghalina ng Astronomiya
    Gumising!—1995
  • Araw, I
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Isang Anino sa Buwan
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/22 p. 21-24

Nang Magdilim sa Katanghaliang-tapat

MULA SA MGA MANUNULAT NG GUMISING! SA ANGOLA AT ZAMBIA

‘TAKIPSILIM sa katanghaliang-tapat? Imposible!’ baka sabihin ng ilan. Hindi lamang ito posible kundi nangyayari ito nang ilang beses sa bawat dekada​—kailanma’t may ganap na eklipse ng araw. Ano ang dahilan ng eklipse ng araw, at bakit kagila-gilalas na tanawin ito? Ang sagot ay nagsisimula sa buwan.

Pamilyar ka ba sa pabagu-bagong anyo ng buwan habang umiinog ito sa palibot ng lupa? Kapag ang buwan at ang araw ay nasa magkabilang dulo ng kalangitan, nakikita natin ang tinatawag na pagsikat ng kabilugan ng buwan sa silangan habang papalubog ang araw sa kanluran. Habang lumilipas ang mga araw, naaantala nang naaantala ang pagsikat ng buwan sa bawat gabi, anupat makikita natin sa kalangitan na unti-unti itong lumalapit sa sikatan ng araw. Ang may liwanag na bahagi ng buwan ay paliit nang paliit, na sa kalaunan ay nagiging gasuklay na lamang. Kapag parehong nakikita ang buwan at araw sa kalangitan sa buong maghapon, maging ang gasuklay na hugis na iyon ay naglalaho at ang buwan, na ang madilim na bahagi ay nakaharap sa lupa, ay halos hindi na makita. Ito ay tinatawag na bagong buwan. Pagkatapos ay nababaligtad naman ang proseso, anupat unti-unting lumalayo ang buwan sa araw hanggang sa maging nasa kabilugan na naman ito. Ang siklong ito ay nauulit humigit-kumulang tuwing ika-28 araw.

Ang susi sa isang eklipse ng araw ay ang bagong buwan. Kadalasan ay basta lamang ito dumaraan sa harap ng araw kapag nagbubukang-liwayway nang hindi natin namamalayan sapagkat ang mga orbita ng mga ito ay hindi magkatapat. Gayunman, sa pana-panahon ang araw, buwan, at ang lupa ay nagtatapat-tapat nang eksakto. Pagkatapos, ang anino ng buwan ay makikita sa ibabaw ng lupa, anupat nagiging dahilan ng eklipse.

Ang eklipse ng araw ay bunga ng naiibang kaugnayan ng araw, buwan, at ng lupa. Ang araw ay pagkalaki-laki, na may diyametrong mga 400 beses ang laki kaysa sa buwan. Gayunman, kamangha-manghang malaman na ang araw ay mas malayo nang mga 400 beses mula sa atin kaysa sa buwan. Bunga nito, mula sa ating punto de vista ang araw at buwan ay parang magkasinlaki. Kaya, ang buwan kung minsan ay nakikitang tumatakip nang husto sa araw.

Upang mangyari ang gayong ganap na eklipse ng araw, ang araw, buwan, at lupa ay hindi lamang kailangang magtapat-tapat nang eksakto kundi kailangan ding magtapat-tapat ang mga ito kapag ang buwan ay nasa bahagi ng orbita nito na malapit sa lupa.a Sa mga pagkakataong ito ang dulo ng hugis-kono na anino ng buwan ay lumilikha ng kadiliman sa maliit na bahagi sa ibabaw ng lupa.

Sa kaso ng ganap na eklipse ng araw noong Hunyo 21, 2001, ang anino ay dapat na sumaklaw nang 200 kilometro ang lawak. Ang dilim ay nagsimula sa pagsikat ng araw sa may silangang baybayin ng Timog Amerika at bumagtas patungo sa Timog Atlantiko, kung saan halos limang minuto lamang ang maaaring itagal nito. Pagkaraang bagtasin ang Angola, Zambia, Zimbabwe, at Mozambique, nagtapos ito sa paglubog ng araw sa may silangang baybayin ng Madagascar. Tingnan natin kung paanong ang kamangha-manghang tanawing ito sa kalangitan ay nakita ng mga tagapagmasid sa Angola at Zambia.

Paghahanda Para sa Pangyayari

Umaasa nang malaki, ang propesyonal na mga mananaliksik, amatyur na mga astronomo, at maraming iba pa ay nagdagsaan sa Aprika para sa kauna-unahang ganap na eklipse ng araw sa bagong milenyo. Yamang ang Lusaka, Zambia, ang tanging kabiserang lunsod na daraanan ng eklipse, maraming bisita ang nagtungo roon upang panoorin ito.

Ito na marahil ang pangyayari na umakit ng napakaraming turista na naranasan kailanman ng Zambia. Ilang araw lamang bago ang eklipse, ang Lusaka ay dinagsa ng libu-libong bisita. Ang paghahanda para sa pangyayari ay ginawa maraming buwan patiuna. Ang mga otel, tuluyan, mga lugar para sa kamping, at pribadong mga tahanan ay nakareserba nang lahat, na magpapatulóy sa katakut-takot na bisita.

Kabilang sa mga lugar na makapagmamasid ang publiko ay ang paliparan sa Lusaka, kung saan maaaring dumating ang mga bisita sa umaga, panoorin ang pangyayari, at pagkatapos ay umalis sa gabi. Sa loob ng maraming linggo, ipinatalastas ng mga istasyon sa telebisyon at radyo ang nalalapit na kamangha-manghang pangyayari, anupat paulit-ulit na nagbababala sa mga panganib ng pagtitig sa araw. Hindi inaasahang gayon na lamang karami ang maibebentang pantanging salamin para sa pagmamasid sa araw, at maraming tindahan ang naubusan ng paninda.

Gayunman, ang eklipse ay unang makikita sa Angola sa kontinente ng Aprika, sa baybaying bayan ng Sumbe. Doon mararanasan ng mga tagapagmasid ang ganap na eklipse sa loob ng apat at kalahating minuto, ang pinakamahabang eklipse na makikita kung nasa lupa.

Mga ilang buwan bago ang eklipse, itinayo sa kabiserang lunsod ng Luanda, Angola, at sa iba pang malalaking bayan ang mga paskilan ng anunsiyo na nagbabalita sa eklipse at nagbababala sa mga panganib nito. Ang anino ng buwan ay daraan sa gitna ng bansa, kaya makikita sa Angola sa paanuman ang bahagya ngunit halos ganap na eklipse. Makikita sa Luanda ang 96 na porsiyento na pagkakatakip sa araw. Ang gobyerno, sa pakikipagtulungan ng pribadong mga kompanya, ay nagsaayos na mag-angkat ng milyun-milyong pantanging salamin para sa pagmamasid sa araw upang ibenta. Marami ang ibinigay nang libre sa mga walang maipambayad.

Ang pinakasentro ng mga gawain may kaugnayan sa eklipse sa Angola ay sa Sumbe, matatagpuan sa isang napakaganda at makitid na kapatagan sa baybayin sa pagitan ng Timog Atlantiko at ng sentral na talampas ng Angola. Hindi nadamay ang lugar ng Sumbe sa pinakamalulubhang digmaan na sumalanta sa Angola, kaya nasumpungan ng mga bisita ang isang di-nasirang bayan na may humigit-kumulang sa 25,000 residente, na masigla, palakaibigan, at masayahin. Upang mapatuloy ang lahat ng bisita, inihanda ang karagdagang mga pasilidad para sa mga turista, at ipinaayos ang lokal na sistema ng kuryente. Isang espesyal na maikli at puspusang programa ng edukasyon tungkol sa eklipse ang isinaayos para sa mga siyentipiko, ministro ng gobyerno, at mga manggagawa sa pagkakawanggawa mula sa Angola at ibang bansa. Isang malaking entablado ang itinayo sa dalampasigan para sa isang napakalaking programa ng pagtatanghal na hindi pa nakita kailanman sa Sumbe.

Dumating Na ang Kapana-panabik na Araw

Ang isa sa mga kapakinabangan ng pagmamasid sa eklipse mula sa Angola ay dahil sa talagang mainit ang panahon kung buwan ng Hunyo. Ngunit gunigunihin ang pagkadismaya nang maging maulap ang lugar ng Sumbe nang araw bago ang eklipse! Buong magdamag at hanggang sa kinaumagahan, ang bayan ay nalambungan ng makapal na ulap. Mabibigo kaya ang lahat ng inaasam na pagsaksi sa eklipse? Pagsapit ng kalagitnaan ng umaga, ang ulap ay nagsimulang mahawi, at bago magtanghali ang himpapawid ay naging asul at walang kaulap-ulap. Mabuti na lamang! Nag-aalala rin ang mga tao sa Zambia nang makita nila ang madilim at maulap na papawirin noong nagbubukang-liwayway. Ngunit kahit doon ay tamang-tama ang pag-aliwalas ng tanawin. Pakinggan natin habang inilalarawan ng mga nakasaksi ang sunud-sunod na mga pangyayari.

Angola: “Pinili naming panoorin ang eklipse mula sa isang mataas na dako na nakatunghay sa dagat. Habang papalapit na ang oras, nagtipon ang karamihan sa dalampasigan ng bayan at sa mga lugar na inilaan kung saan makapagmamasid upang panoorin ang pangyayari. Sa katanghaliang-tapat, nang magsisimula na ang eklipse, isinuot ng marami ang kanilang salamin na pamproteksiyon at sinimulang tingnan ang unang pagtabing ng buwan sa araw. Hindi nagtagal paglampas ng tanghaling-tapat nagsimula ang eklipse. Sa pamamagitan ng largabista o teleskopyo, makikita ang ilang sunspot​—maiitim na lugar sa pinakamukha ng araw. Nakita ng mga nanonood na ang mga lugar na ito ay unti-unting tinakpan ng anino. Habang nagpapatuloy ang eklipse, kapansin-pansin ang paglamig ng temperatura at ang liwanag ay nagsimulang magkaroon ng kakatwang kulay. Sa wakas, nang matakpan ang huling hugis-suklay na bahagi ng araw ng kumikilos na anino, nagdilim.”

Zambia: “Tamang-tama ang lugar ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia, na nasa Makeni, Lusaka, para mapanood ang ganap na eklipse ng araw. Sa ganap na alas 3:07 n.h., nagsimulang takpan ng buwan ang araw. Nagkaroon ng parihabang mga anino sa mga pader ng gusali, na para bang mga alon ng liwanag. Humupa ang hangin, at tumahimik ang mga ibon. Ang mga hayop sa iláng ay nagsimulang maghanda para matulog sa gabi. Sa ganap na alas 3:09 n.h., ilang segundo bago ang ganap na eklipse, ang naglalaho na tulad-singsing na liwanag ng araw ay naging ilang maliliit na kutitap na lamang ng liwanag, pagkatapos ay isa na lamang. Ang unang kababalaghang nabanggit ay kilalá bilang Baily’s beads at ang sumunod naman ay singsing na brilyante.b Pagkatapos ay sumunod ang isang tanawin ng chromosphere, isang kulay rosas na kislap ng liwanag, na sinusundan ng ganap na eklipse at kadiliman!”

Angola: “Napatigagal at napasigaw ang mga tao dahil sa para itong nakasisilaw na singsing na brilyante. Pagkatapos, sa ganap na ala 1:48 n.h. lokal na oras, nagsimula ang ganap na eklipse. Medyo magkakaiba ang reaksiyon. Ang ilan ay nahumaling sa pagkuha ng larawan. Ang ilan ay sabay-sabay na sumigaw nang, ‘Ang dilim na! Ang dilim na! Ang dilim na!’ Ang iba naman ay sumipol at humiyaw sa pagkamangha nang magdilim sa katanghaliang-tapat. Ang tila sumisiklab na liwanag, na tinatawag na corona, ay lumitaw sa palibot ng nagdilim na araw. Nakita namin ang mga arko ng nagliliyab na gas sa palibot ng madilim na gilid ng buwan. Walang anu-ano, para bang lumipad ang oras, ang ganap na eklipse ay tapos na at isang sinag ng liwanag ng araw ang sumikat mula sa kabilang gilid ng anino.

“Habang unti-unting lumilitaw ang mukha ng araw, nakita namin ang mga sunspot, na dating natatabingan, na isa-isang lumitaw mula sa kadiliman habang dahan-dahang bumabalik ang bilog na hugis ng araw.”

Zambia: “Ang haba ng ganap na eklipse rito ay tumagal nang 3 minuto at 14 na segundo, kaya may panahon upang masiyahan sa kagila-gilalas na pangyayari. Madilim, ngunit may liwanag ng takipsilim sa malayo. Bagaman asul pa rin, makikita sa kalangitan ang mga planeta na kadalasang natatabingan ng araw​—halimbawa, ang Jupiter at Saturn ay kitang-kita talaga. Marahil ang pinakakagila-gilalas na aspekto ng eklipse ay ang corona ng araw. Lumitaw ito na isang liwanag na malarosas na puti sa palibot ng isang itim na bilog. Palibhasa’y nabighani, inilarawan ito ng mga nanonood bilang ‘talagang kamangha-mangha, kahanga-hanga.’ Unti-unti, ang bilog ng buwan ay nahawi anupat lalong nalalantad ang pinakamukha ng araw at pinangyayari nitong tuluy-tuloy na umabot ang sikat ng araw sa lupa. Pagsapit ng alas 4:28 n.h., tapos na ang eklipse!”

Ang mga Aral Mula sa Eklipse

Pagkatapos, marami ang nagkomento tungkol sa nakaaantig-damdaming epekto ng karanasan nilang iyon. Sa Angola, isang babae ang nagsabi na halos maluha siya. Ang isa naman ay nagbulay-bulay sa napakagandang regalong iyon na inilaan ng Diyos. Isa pa ang nagsabi na isang maibiging Maylalang lamang ang makapaglalaan ng ganitong kahanga-hangang tanawin upang mapahalagahan ng mga tao ang kamangha-manghang kagandahan ng pinagmumulan ng enerhiya ng lupa.

Maliwanag na maraming tao sa Aprika ang may malaking paggalang sa Maylalang at sa Bibliya. Habang ipinakikipag-usap ng mga Saksi ni Jehova sa iba sa bayan ng Sumbe ang tungkol sa eklipse at binabanggit na isa lamang ito sa kamangha-manghang mga gawa ni Jehova, ang ating Maylalang, ang mga residente ay nagpakita ng tunay na interes sa pagtalakay sa bagay na iyon. Marami ang sabik na tumanggap ng mga kopya ng pinakabagong magasing Bantayan na tumatalakay sa kamangha-manghang mga bagay na ito.

Ang kaganapang ito sa kalangitan ay tumulong sa milyun-milyong tao na makalimutan ang kani-kanilang mga problema sa loob ng ilang minuto at magtuon ng pansin sa isang bagay na talagang nakapagpapatibay-loob at kasindak-sindak. Sa pagkakita ng maluwalhating mga katangian ng araw na karaniwan nang hindi nasisilayan, napag-isip-isip ng ilan ang tungkol sa di-nakikita ngunit mas kamangha-mangha pa ngang kaluwalhatian ng Maylalang nito, si Jehova.

[Mga talababa]

a Yamang ang mga orbita ng buwan at ng lupa ay hugis-elipse, ang maliwanag na laki ng araw at ng buwan ay medyo nag-iiba depende sa kung nasaan ang mga ito sa kani-kanilang orbita. Kapag ang buwan ay nasa bahagi ng orbita nito na pinakamalayo sa lupa, ang pinakamadilim na bahagi ng anino ng buwan ay maaaring hindi gaanong umaabot sa ibabaw ng lupa. Kapag nangyayari ito, ang mga tagapagmasid sa lupa na nakatapat sa aninong iyon ay nakararanas ng hugis-singsing na eklipse (annular eclipse), kung saan ang araw ay nakikita na parang maliwanag na singsing na nakapalibot sa madilim na anino.

b Ang epekto na kilalá bilang Baily’s beads ay dulot ng pagdaan ng liwanag ng araw sa mga libis ng buwan bago ang ganap na eklipse. Ang ekspresyong “singsing na brilyante” ay naglalarawan sa anyo ng araw bago ang ganap na eklipse, kapag ang maliit na bahagi ng araw ay nakikita pa rin, na nagiging tila isang puting singsing na may maliwanag na kislap, na katulad ng isang singsing na brilyante.

[Dayagram sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

→ →

Araw → Buwan ⇨ Madilim na bahagi ⇨ Lupa

→ →

[Credit Line]

© 1998 Visual Language

[Mga larawan sa pahina 23]

Baily’s beads

Ganap na kadiliman

Singsing na brilyante

[Credit Line]

Courtesy Juan Carlos Casado, www.skylook.net

[Larawan sa pahina 23]

Mga tagapagmasid ng eklipse sa Lusaka, Zambia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share