Ang Malikot, Makulit na mga Loro ng Australia
ANG isang karaniwang bisita sa Australia ay mapagpapaumanhinan sa pag-iisip na ang kawan ng eksotikong tropikal na mga ibon ay nakawala mula sa lokal na zoo o sa kulungan ng mga ibon. Ang mga nilikhang makikita lamang sa mga hawla sa ibang bansa ay lumilipad sa palibot ng hardin. Lalo nang totoo ito kung tungkol sa loro ng Australia—at iyan ay nangangahulugan ng iba’t ibang pamilya ng maraming-kulay, maiingay na ibon.
May mga 330 uri ng loro, at ang mga ito’y masusumpungan sa lahat ng malalaking lupain maliban sa Antarctica, timog ng 20 digri hilagang latitud. Bagaman hindi lahat ng uri ay masusumpungan sa Australia, may sapat na uri ng ibon sa bansang iyon upang mapansin ang mga ito! Kabilang sa pamilya ng mga loro ang mga budgerigar (kilala ng ilan bilang mga paraket), cockatoo, at ang mga espesyalista sa nektar, ang mga lory. Sa Australia para bang kung minsan ang makulay na mga ibong ito ay nasa lahat ng dako.
Iyan nga ang aming impresyon sa isang pagdalaw sa New South Wales. Kung minsan maraming budgerigar na nanginginain sa damuhan, lalo na kung umagang-umaga at dakong huli ng hapon. Sa abalang mga lansangan, nakita namin ang rosas at abong mga galah, kilala rin bilang roseate cockatoo. Ang kanilang maingay na paghuni ay hindi magandang pakinggan. Sila ang isa sa madalas makitang mga loro sa Australia, at malaking kawan ang nasa mga bayan at mga lungsod. Sila’y dumadapo sa mga linya ng telepono at mga linya ng kuryente at nagiging dahilan ng mga pagkakasira ng komunikasyon sa bukid. Ang mga lalaki at mga babae ay nagsasama habang-buhay at magiting na ipinagtatanggol ang kanilang mga pugad sa mga guwang ng punungkahoy laban sa mga nanghihimasok. Nakalulungkot nga, “sila ay naging napakarami anupat sila’y naging mga salot sa agrikultura.”—The Cambridge Encyclopedia of Ornithology.
Sa isang parke ng bayan, muradong pula na mga rosella ang nanginginain sa aming mga kamay. Lubusang hindi natatakot sa maraming turista, maliwanag na alam nila kung saan kukuha ng makakain. Para bang isang tagpo sa paraiso na makita ang gayong maamong mga ibon sa palibot namin.
Marahil ang pinakamalaking sorpresa namin ay ang makita ang malaking kulay asupre ang tuktok na mga cockatoo na sumasalimbay sa itaas namin. Ang kanilang pagkakakilanlang dilaw na tuktok ay nagbibigay-katuwiran sa kanilang pangalan. Ang The Illustrated Encyclopedia of Birds ay nagsasabi: “Habang ang kawan ay nanginginain sa lupa, ang ilang ibon ay nagbabantay sa iba sa kalapit na mga punungkahoy at naghuhudyat ng panganib sa pamamagitan ng malakas, paos na mga sigaw.” Nalalaman mo agad kung may cockatoo sa paligid!
Ano ang gumagawa sa mga loro na lubhang kakaiba? Sa loob ng mga dantaon pinahalagahan sila ng tao sa kanilang kakayahang gayahin ang tinig ng tao. Subalit ginagaya rin ba nila ang ibang ibon? Ang nabanggit na Cambridge ensayklopidiya ay nagsasabi: “Bagaman ang kawan ng maiilap na loro ay maingay, hindi nila ginagaya ang ibang uri ng ibon kung kaya hindi maliwanag kung bakit ang mga loro ay may kakayahang ‘magsalita.’ ” Kung isasaalang-alang ang mga panggagaya ng ibon, kampeon pa rin ang mockingbird ng Hilagang Amerika.
Ang mga ibon ay halos masusumpungan sa buong daigdig—subalit napapansin mo ba ang mga ito? Minamasdan mo ba sila? Kilala mo ba ang mga ibon na madalas sa inyong lugar? Makikilala mo ba ang kanilang iba’t ibang disenyo ng kulay, mga huni, at awit? Napansin mo ba ang kanilang iba’t ibang mga paraan sa paglipad? Lahat ng ito ay tiyak na maaaring maging paksa ng isang kahali-halinang pag-aaral.
Palibhasa’y may mahigit na 9,300 uri ng ibon na pag-aaralan, gayundin ng lahat ng iba pang kababalaghan sa paligid natin, sino ang magsasabing ang buhay na walang-hanggan ay magiging nakababagot? Napakaraming pag-aaralan, napakaraming dahilan upang purihin ang Maylikha! Anong laki ng pasasalamat natin na minabuti ng Diyos na ilakip ang “lumilipad na mga kinapal” sa kaniyang mga gawa ng paglalang.—Genesis 1:20-23; Job 39:26, 27; Apocalipsis 4:11.
[Mga larawan sa pahina 15]
Galah at (itaas) rosella
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Affairs
[Larawan sa pahina 16]
Kulay asupreng-tuktok na cockatoo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Affairs