Mga Manggagaya na Nanganganib Malipol
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Britanya
Ang mga loro ay “kabilang sa lubhang nanganganib malipol na mga ibon sa lupa,” ang sabi ni Dr. Timothy Wright ng University of Maryland, E.U.A. Nakalulungkot, ang kanilang balahibo na matitingkad ang kulay at ang kawili-wiling kakayahan nitong manggaya ng tinig ng tao ang nagsapanganib dito na malipol.
Kapansin-pansin, isinulat ng isang Griegong doktor noong ikalimang siglo B.C.E. ang kauna-unahang kilalang nasusulat na ulat hinggil sa isang alagang loro. Namangha siya nang nagsimulang magsalita ng Griego ang ibon bukod pa sa ilang salita sa isang wika ng lupang tinubuan nito, ang India.
Sa ngayon, ang pang-akit na kakayahan ng loro na manggaya ay lalo pang nagpabantog dito bilang isang alagang hayop at nagpalaki sa kalakalan ng ilegal na hinuhuling mga ibon. Ipinahihiwatig ng mga pagsusuri sa nakalipas na mahigit na 20 taon na sa 21 uri ng mga loro sa 14 na bansa, winasak ng ilegal na mga manghuhuli ng ibon ang 30 porsiyento ng mga pugad, at 70 porsiyento naman sa 4 na uri ng mga ibon. Ang mabagal na pagpaparami ng ibon, karaniwan nang isang pugad ng mga itlog sa bawat taon, pati na ang pagwasak sa likas na tirahan nito, ay nagpataas sa presyo nito—mientras mas bihira ang loro, mas mataas ang presyo.
Maliwanag na makikita ang banta ng lubhang pagkalipol mula sa mga ulat hinggil sa mababang bilang ng ilang uri ng ibon. Tinataya na sa Brazil, mas kaunti pa sa 200 ang mga Lear’s macaw. Mas masahol pa ang nangyayari sa mga loro sa Puerto Rico, na wala pang 50 ang namumuhay sa iláng. Sa kalakhang bahagi, ang konserbasyon ng Spix’s macaw, na dating ipinalalagay na lipol na sa iláng, ay dahil sa mga pagsisikap na paramihin ang mga ito nang nakakulong.
Hangga’t nabubuhay ang mga ito, ang kahanga-hanga at naggagandahang mga ibong ito ay nagpapatunay sa isang Maylalang na tiyak na nalulugod sa kanilang namumukod-tanging anyo at kamangha-manghang mga kakayahan. Malilipol kaya ang mga loro dahil sa kasakiman ng tao? Panahon lamang ang makapagsasabi. Samantala, patuloy na nanganganib ang mga manggagayang ito.
[Mga larawan sa pahina 31]
Mga loro sa Puerto Rico
Lear’s macaw
Mga Spix’s macaw
[Credit Lines]
Mga loro sa Puerto Rico: U.S. Geological Survey/Kuha ni James W. Wiley; Lear’s macaw: © Kjell B. Sandved/Visuals Unlimited; Spix’s macaws: Progenies of and courtesy of Birds International, Inc.