Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 4/8 p. 23-25
  • Ang Pinakamalungkot na Ibon sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakamalungkot na Ibon sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsisimula Na ang Pagkalipol
  • Sorpresa at Pag-asa
  • Pagpapalakas at Pakikipagkita
  • Guro at Ama  . . .
  • . . . At Mahalaga sa Kasaysayan
  • Mga Manggagaya na Nanganganib Malipol
    Gumising!—2002
  • Ang Kahanga-hangang Macaw
    Gumising!—2016
  • Pagmamasid-ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?
    Gumising!—1998
  • Ibon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 4/8 p. 23-25

Ang Pinakamalungkot na Ibon sa Daigdig

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL

KUNG inaakala mong ang batik-batik na kuwago at ang bald eagle ay nanganganib malipol, hindi mo pa naririnig ang kuwento tungkol sa lorong Spix. Ang ibong ito sa Brazil ay nagbibigay ng isang lubhang bagong kahulugan sa idea na “nanganganib malipol na uri.” Subalit, upang maunawaan mo ang buong kuwento tungkol sa pinakamalungkot na ibon sa daigdig, tayo’y magsimula sa ika-17 siglo.

Noon, itinala ni George Marc Grav, isang dayuhang Olandes na nakatira sa Brazil, sa unang pagkakataon ang pag-iral at paglalarawan sa ibong ito. Di-nagtagal, tinawag ito ng mga naninirahan doon na ararinha azul, o ang munting asul na loro​—isang payak subalit angkop na pangalan. Ang kulay ng ibon ay asul at bahagyang abo. Sumusukat ng 55 centimetro, pati na ang 35-centimetrong buntot nito, ito rin ang pinakamaliit sa mga asul na loro ng Brazil.

“Nang maglaon, noong 1819,” sabi ng biyologong si Carlos Yamashita, ang kilalang dalubhasa sa mga loro sa Brazil, “ibinigay ng mga siyentipiko ang opisyal na pangalan ng ibon: Cyanopsitta spixii.” Ang ibig sabihin ng cyano ay “asul” at ang psitta naman ay nangangahulugan ng “loro.” At ang spixii? Ang dagdag na iyan, sabi ng biyologo, ay nagbibigay kredito sa Alemang naturalist na si Johann Baptist Spix. Siya ang kauna-unahang nag-aral sa uring ito ng ibon sa likas nitong tirahan, sa ilang sapà na may mga punungkahoy sa magkabilang tabi sa gawing hilagang-silangan ng Brazil.

Nagsisimula Na ang Pagkalipol

Ipagpalagay na, ang mga kawan ng lorong Spix ay hindi kailanman nagpadilim sa langit. Kahit na noong mga panahon ni Spix, ang kanilang bilang ay tinatayang 180 lamang, subalit mula noon, ang kanilang kalagayan ay patuloy na lumubha. Sinira ng mga naninirahan ang napakaraming kakahuyan kung saan nakatira ang mga ibon anupat noong kalagitnaan ng mga taon ng 1970, mas kaunti pa sa 60 loro ang nabubuhay. Bagaman masama na ito, nagsisimula pa lamang ang pagkalipol.

Ang hindi nagawa ng mga naninirahan sa loob ng tatlong siglo ay nagawa ng mga mambibitag sa loob ng ilang taon​—talagang nilipol nila ang lahat ng lorong Spix. Noong 1984, mga 4 lamang sa 60 ibon ang nabubuhay pa sa iláng, subalit nang panahong iyon ang mga dalubhasa sa pangangalaga ng ibon ay handang magbayad ng “napakalaking halaga para sa malamang na ang kahuli-hulihang uri ng ibon”​—hanggang $50,000 para sa isang ibon. Hindi kataka-taka na noong Mayo 1989, ipinahayag ng magasing Animal Kingdom na isang taon na ang nakalipas mula nang makita ng mga mananaliksik ang kahuli-hulihang lumilipad na ibon. Pagkaraan ng ilang buwan, iniulat na nadagit ng mga mambibitag ang lahat ng natitirang mga ibon. Ang lorong Spix, panangis ng Animal Kingdom, ay “nagwakas.”

Sorpresa at Pag-asa

Subalit, hindi pa nga naisasara ng mga biyologo ang kabanata tungkol sa lorong Spix nang sabihin ng mga taong naninirahan malapit sa tirahan ng ibon na nakita nila ang isang ararinha azul. Higit pang mga ulat tungkol sa pagkakita nito ang sumunod. Mayroon pa nga kayang nabubuhay na ibon? Upang malaman ito, limang mananaliksik noong 1990 ang nag-impake ng kanilang kagamitan sa pagkakamping, mga largabista, at mga kuwaderno at nagtungo sa teritoryo ng lorong Spix.

Pagkatapos suyurin ang lugar sa loob ng dalawang buwan nang walang tagumpay, nakita ng mga mananaliksik ang isang kawan ng kulay-berdeng papagaios maracañas, o ang mga lorong Illinger, ngunit may napansin silang kakaibang bagay. Ang isa sa miyembro ng kawan ay naiiba​—mas malaki at asul. Ito ang kahuli-hulihan sa mga lorong Spix sa iláng! Inobserbahan nila ito sa loob ng isang linggo at nalaman nila na ang Spix, isa na likas na mahilig makisama sa grupo, ay susunud-sunod sa mga Illinger upang makayanan ang kaniyang pag-iisa at makasumpong ng isang kabiyak. Ngayon, tinatanggap naman ng berdeng mga ibon ang matiyagang asul na lorong ito bilang isang kaibigan​—subalit ang maging kabiyak nito? Mangyari pa, may mga hangganan sa magalang na lipunan ng lorong Illinger!

Kaya, palibhasa’y tinanggihan, ang lorong Spix ay humihiwalay sa kaniyang mga kasama sa tuwing paglubog ng araw at lumilipad sa puno kung saan siya at ang dati niyang kabiyak na lorong Spix ay humahapong magkasama sa loob ng mga taon​—iyan ay hanggang noong 1988, ang taon nang sunggaban ng mga mambibitag ang kaniyang habang-buhay na kapareha at ipinagbili ito sa pagkabihag. Mula noon, siya’y natutulog doon na mag-isa​—isang munti, nag-iisang bungkos ng mga balahibong asul na nakahapon sa isang mataas, walang dahong sanga. Ngayon, malibang magkaroon ng himala, malamang na mangyari na sa wakas ang kahuli-hulihang lorong Spix na nakaaalam kung paano mabuhay sa iláng ay matulad sa ibong dodo​—malibang hanapan siya ng isang kabiyak. Ang ideang iyan ay naging popular, at noong 1991 sinimulan ang Projeto Ararinha-Azul (Proyektong Lorong-Spix). Ano ang layon nito? Pangalagaan ang natitirang lalaking ibon, hanapan ito ng isang kabiyak, pagparisin ito, at umasang sila ay muling magpaparami sa lugar na iyon. Matagumpay ba ang plano?

Nagawa na ang pagsulong. Itinampok ng Tanggapan ng Koreo sa Brazil ang kapalaran ng pinakananganganib malipol na ibon sa planeta sa pamamagitan ng paglalabas ng isang selyo sa karangalan nito. Kasabay nito, matagumpay na tinipon ng mga biyologo ang 8,000 maninirahan ng Curaçá, isang bayan na malapit sa tirahan ng ibon sa gawing hilaga ng Bahia, upang tangkilikin ang natitirang lorong Spix. Palibhasa’y binabantayan ng mga taong bayan ang “kanilang” ibon, na binansagan nilang Severino, ang mga mambibitag ay nanganganib ngayong mahuli. Ang estratehiyang ito ay naging matagumpay. Si Severino ay lumilipad-lipad pa. Ang sumunod na hadlang ay hinarap din​—ang hikayatin ang mga nagpaparami na ipagbili ang isa sa anim na ibong nakakulong na nabubuhay pa sa Brazil. (Tingnan ang kahon.) Ang isang may-ari ay pumayag, at noong Agosto 1994 isang batang babaing ibon, na nahuli ng mga mambibitag bilang isang inakay, ay isinakay ng eruplano patungo sa Curaçá upang pakawalan at minsan pang mamuhay sa kaniyang likas na tirahan.

Pagpapalakas at Pakikipagkita

Ang babaing loro na ito ay inilagay sa isang malaking hawla doon mismo sa tirahan ng lalaking ibon at pinakain ng pagkaing normal na kinakain ng mga loro sa iláng. Upang palakasin siya para sa buhay sa kalikasan, inawat siya ng kaniyang mga tagapag-alaga mula sa pagkain ng mga buto ng sunflower​—ang kaniyang nakagawiang pagkain noong siya’y nakakulong​—at binigyan siya ng mga buto ng pino at ng lokal na matinik na mga prutas na tumutubo sa iláng. Nakibagay naman nang husto ang kaniyang tiyan.

Ang araw-araw na ehersisyo ay naging isa pang bahagi ng programa ng pagsasanay​—at sa mabuting dahilan. Ang asahan ang isang ibong lumaki sa isang hawla na makaagapay, sa araw-araw, na kasama ng isang kaparehang mahilig lumipad ng mga 50 kilometro sa isang araw ay katulad ng paghiling sa isang taong gumugugol ng maraming oras sa panonood ng TV na tumakbo sa marathon. Kaya upang palakasin ang kaniyang mga kalamnan, hinimok ng biyologong nag-aalaga sa nakakulong na ibon na ito na ito’y lumipad sa palibot ng malaking hawla hangga’t maaari.

Hindi nagtagal at natuklasan ni Severino ang malaking hawla. Pagkatapos makita ang babae, siya ay tumili, tinawag ito, at lumapit ng mga 30 metro sa malaking hawla. “Ang babae,” sabi ni Marcos Da-Ré, isang biyologong nagtatrabaho sa proyekto, ay tumugon at “nagpakita ng malaking katuwaan” nang mapansin niya ang kaniyang bisitang lalaki. Ang kaniyang katuwaan, sabi niya, “ay pumunô sa amin ng pag-asa.”

Guro at Ama  . . .

Sa wakas, dumating ang mahalagang araw: ang pinto ng malaking hawla ay bumukas. Pagkatapos mag-atubili ng kalahating oras, ang babae ay lumipad palabas at lumapag sa isang puno na mga 300 metro ang layo sa malaking hawla. Subalit nasaan si Severino? Siya ay nasa layong 30 kilometro, muling hinahabol ang mga lorong Illinger. Bakit siya umalis? Buweno, pagkatapos niyang maghintay sa loob ng mga buwan, nang sa wakas ay dumating ang panahon ng pagpaparami, ang kaniyang magiging kabiyak ay naroon pa rin sa loob ng malaking hawla. Marahil ay naisip niya, sabi ng biyologong si Da-Ré, na “ang malayang maracaña ay makapupong higit sa isang nakakulong na ararinha.” Sa pagkakataong ito, ang pagtitiyaga ni Severino ay nagbunga. Ang isang babaing lorong Illinger ay pumayag at tinanggap siya bilang isang kasama.

Gayunman, nang matapos na ang panahon ng pagpaparami, inaasahan ng mga biyologo na tatapusin na rin ni Severino ang kaniyang panliligaw, babalik sa kaniyang sariling tirahan, matutuklasan ang malayang lorong Spix, at kukunin ito bilang kaniyang kabiyak. Pagkatapos niyan, siya ay inaasahang gaganap ng isang dobleng papel​—guro at ama. Yamang siya lamang ang lorong Spix sa daigdig na marunong mamuhay sa iláng, kailangan niyang turuan ang kaniyang kapareha kung paano maghanap ng pagkain at tirahan at manatiling buháy sa isa sa pinakatigang na rehiyon sa Brazil.

. . . At Mahalaga sa Kasaysayan

Kaya kapag nagsimulang muli ang panahon ng pagpaparami, ang mga biyologo sa Proyektong Lorong-Spix ay umaasang hihintuan ni Severino ang paghahabol sa mga lorong Illinger at magtutuon ng pansin sa paghanap ng may-guwang na puno na magsisilbing isang pugad para sa kaniyang kapareha. Kung lahat ay lalabas nang maayos, ang babaing lorong-Spix ay mangingitlog ng dalawang maliliit na itlog, at pagkaraan ng ilang buwan, tuturuan ni Severino ang tatlo tungkol sa mga paraang pangkaligtasan. Humantong nga kaya sa ganoon ang mga bagay-bagay?

“Mangangailangan ng panahon upang malaman ang sagot diyan,” sabi ng biyologong si Yamashita, “subalit maaaring ang proyektong ito ang tanging paraan upang maiwasan ang pagiging isa pang lipol na ibon ng lorong Spix sa kasaysayan.” Nasa kay Severino na ngayon ang pagsunggab sa pagkakataon at pagsulat ng isang bagong kabanata. Kung magtagumpay ang pagsasamang ito, ang mga maibigin sa kalikasan​—at ang mga lorong Illinger​—ay magbubuntong-hininga dahil sa ginhawa.

[Kahon sa pahina 24]

Mga Ibong Nakakulong

Tinatayang 30 lorong Spix ang nabubuhay pa na nakakulong. Mahigit na isang dosena ng Brazilianong mga ibon na ito ay pinararami ng isang dalubhasa sa pag-aalaga ng mga ibon sa Pilipinas at nabubuhay pa rin sa bansang iyon sa Asia. Ang natitirang mga ibong nakakulong ay nakatira sa Brazil, Espanya, at Switzerland. Gayunman, lahat ng mga ibong ito na nakakulong ay walang katangian na si Severino lamang ang mayroon​—ang kaalaman kung paano mabubuhay sa iláng.

[Larawan sa pahina 25]

Naingatan​—sa paano man sa isang selyo

[Credit Line]

Empresa Brasileira de Correios e Telégrafos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share