Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 3/8 p. 17-20
  • Ang Nakatutulong na Likhang-Isip na mga Guhit na Iyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Nakatutulong na Likhang-Isip na mga Guhit na Iyon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtuturo Kung Nasaan Ka
  • Mga Guhit na May Kasaysayan
  • Mga Sona sa Paglalakbay at Oras
  • Kailangang-kailangan Pa Rin
  • Pagtawid sa Guhit
    Gumising!—2001
  • Ang Paghahanap ng Solusyon sa “Problema sa Longhitud”
    Gumising!—2010
  • Oras
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Gabi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 3/8 p. 17-20

Ang Nakatutulong na Likhang-Isip na mga Guhit na Iyon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

TINGNAN mo ang isang mapa o isang globo ng daigdig. Napansin mo ba ang kawing-kawing na patayo at pahalang na mga guhit sa palibot nito? Tiyak na agad mong makikilala ang isang guhit na pahalang sa gitna ng mapa bilang ang ekwador. Ngunit kumusta naman ang iba pang mga guhit? Ano ba ang mga ito?

Ang mga guhit na ito ay tinatawag na mga guhit ng látitúd at longhitúd. Ang mga guhit ng látitúd, o mga hilera, pahalang sa iyong mapa, ay nagdurugtong ng mga lugar sa ibabaw ng lupa na magkakasinlayo mula sa ekwador. Sa kabilang dako, ang mga guhit ng longhitúd, o mga meridyano, ay mula sa hilaga patimog, mula sa isang polo tungo sa kabilang polo. Marahil iyan ang natatandaan mo mula sa iyong mga leksiyon sa heograpya sa paaralan. Subalit ano ba ang layunin ng sistemang ito ng mga guhit? Paano ito gumagana? At paano ito nagsimula?

Pagtuturo Kung Nasaan Ka

Taglay ang gayong magkakaugnay na mga guhit ng látitúd at longhitúd, ang bawat dako sa ibabaw ng lupa ay maaaring eksaktong mahahanap sa pamamagitan ng dalawang panukat, tinatawag na mga coordinate. Halimbawa, matatagpuan mo ang Lungsod ng New York sa isang mapa sa pagtukoy na lat. 40°42’ N at long. 74°0’ W, ibig sabihin na ang lungsod ay matatagpuan 40 digri 42 minuto hilaga ng ekwador at 74 digri kanluran ng internasyonal na tinatanggap na pangunahing meridyano, ang guhit ng longhitúd na nagdaraan sa Greenwich, isang bayan sa London, Inglatera.a Kung idaragdag pa ang mga segundo sa mga coordinate na ito, matatagpuan kahit na ang mga gusali sa isang lungsod. Halimbawa, ang munisipyo sa Lungsod ng New York ay lat. 40°42’45” N at long. 74°0’23” W.

Ang mga distansiya ay maaari ring matantiya sa pamamagitan ng mga guhit na ito. Ang haba ng isang milya nautikal, halimbawa, ay isang minuto ng látitúd na sinusukat sa meridyano. Yamang ang isang polo ay nasa 90 digri, o 5,400 minuto (90 x 60 = 5,400), látitúd mula sa ekwador, ang isang milya nautikal ay 1/5,400 ang layo mula sa polo tungo sa ekwador. Kaya nga, ang katamtamang milya nautikal ay 1.8532 kilometro.

Ang kakayahang ituro nang eksakto ang anumang kinaroroonan ay tiyak na isang malaking ginhawa, lalo na sa mga nabigante. Gayunman, upang maging mabisa ang gayong sistema, ito ay kailangan na magkaroon ng tiyak na reperensiyang mga dako. Ang ekwador ang isang makatuwirang napili bilang ang saligang guhit kung saan ang mga sukatan ng látitúd ay ginagawa. Subalit bakit ba napili ang Greenwich bilang ang dako ng pangunahing meridyano, ang reperensiyang dako para sa silangan-kanluran na sukatan sa longhitúd? Sa katunayan, ano ba talaga ang pinagmulan ng ideang ito ng likhang-isip na mga guhit na inilagay ng tao sa kaniyang mga mapa?

Mga Guhit na May Kasaysayan

Kasing-aga ng ikalawang siglo B.C.E., ginamit ng Griegong astronomong si Hipparchus ang idea ng likhang-isip na mga guhit upang hanapin ang mga lugar sa ibabaw ng lupa. Pinili niya ang isang guhit sa islang Griego ng Rhodes bilang reperensiya na mula rito’y kakalkulahin ang mga puwesto sa silangan at kanluran. Ang Griegong astronomong si Claudius Ptolemy ng ikalawang siglo C.E. ay pangkalahatang binigyang kredito bilang ang kauna-unahang nakagawa ng isang sistema na kahawig ng ginagamit sa ngayon. Ang kaniyang mga guhit ng látitúd ay iginuhit na kahilera sa ekwador. Para sa longhitúd ang panimulang dako niya ay isang guhit sa dulo ng kanluraning daigdig noong panahon niya, ang Fortunate Isles, gaya ng tawag sa Canary Islands noon.

Noon lamang 1884 nagkaroon ng isang pambuong-daigdig na kasunduan tungkol sa pagpili ng isang pangunahing guhit na longhitúd na mula roo’y susukatin ang mga puwesto sa silangan at sa kanluran. Nang taóng iyon ang International Meridian Conference sa Washington, D.C., ay dinaluhan ng 41 delegado mula sa 25 bansa. Upang magawa ang mahalagang obserbasyong pang-astronomiya sa pangunahing meridyano, sinang-ayunan ng mga delegado ang isang guhit na dumaraan sa isang obserbatoryong nasasangkapang-mainam. Sa boto ng nakararami, pinili nila ang guhit na dumaraan sa Greenwich, Inglatera.

Mga Sona sa Paglalakbay at Oras

Ang pagkapili sa Greenwich bilang ang lugar ng pangunahing meridyano ay hindi nagkataon lamang. Mula noong ika-18 siglo, napapansin ng mga kapitan sa barko na habang sila’y naglalayag pakanluran sa Atlantiko, ang araw ay tirik na tirik sa dakong huli ng bawat araw. Talos nila na sapagkat ang lupa ay umiikot ng 360 digri sa bawat 24 na oras, ang diperensiyang panahon ng isang oras ay kumakatawan sa 15 digri ng longhitúd mula sa Greenwich. Kaya, gumagamit ng mga kronometro na itinakda ng pamantayang orasan sa obserbatoryo sa Greenwich, matatantiya nila ang kanilang puwesto sa karagatan sa pamamagitan lamang ng pagtatala ng diperensiya sa pagitan ng oras sa Greenwich sa kanilang lokal na oras. Halimbawa, kung sila’y nasa isang lugar kung saan tirik ang araw (alas 12:00 ng tanghali sa lokal na oras) sa ganap na alas 3:30 n.h. oras sa Greenwich, pagkatapos sa pamamagitan ng isang payak na kalkulasyon, maituturo nila ang kanilang puwesto bilang 52.5 digri (15 x 3.5) kanluran ng Greenwich, yaon ay, malapit sa silangang baybayin ng Newfoundland, basta sila’y nanatili sa látitúd ding iyon.

Ang pananatili sa látitúd ding iyon, o magkaagapay na paglalayag, ay isang madaling atas. Sa loob ng mga dantaon napansin ng mga marino sa Hilagang Hemispero na ang bituin sa polo, o Polaris, ay lumilitaw na talagang hindi kumikilos kung ihahambing sa gabi-gabing pagkilos ng karamihan ng ibang mga bituin. Sinimulan nilang kalkulahin kung gaano sila kalayo sa hilaga at sa timog sa pagsukat sa taas ng bituing iyon sa ibabaw ng abot-tanaw. Sa karagatan, batid nila na sila’y naglalayag pasilangan o pakanluran habang ang bituing iyon ay nakikita sa taas ding iyon.

Ang pagpili sa Greenwich bilang isang reperensiya ay may iba pang mga pakinabang para sa Inglatera. Sa pagdating doon ng paglalakbay sa pamamagitan ng tren, kinailangan ang paggawa ng pamantayan para sa isang sistema ng orasan sa buong bansa. Nakasisiphayo nga sa isang naglalakbay na pagdating sa istasyon ng tren sa Exeter upang habulin ang tren na aalis ng 11:33 ay masumpungang ito’y nakaalis na mga 14 na minuto na mas maaga! Ang problema? Ginamit niya ang oras sa Exeter; ginamit ng sistema sa daang-bakal ang oras sa London. Ang pagtanggap sa meridyanong oras ng Greenwich sa buong bansa ang nagwakas sa mga problemang iyon.

Mas malalaking problema pa nga ang umiiral sa Estados Unidos. Ang iba’t ibang daang-bakal ay sumusunod sa iba’t ibang oras. Ang kalagayang ito ay humantong sa isang General Time Convention ng mga daang-bakal, na ginanap noong 1883. Apat na sona ng oras, bawat isa’y sumasaklaw ng mga 15 digri ng longhitúd, o isang oras sa panahon, at sumasaklaw sa kontinental na Estados Unidos, ang ginamit. Lahat ng bayan sa loob ng isang sona ay gagamit ng pare-parehong oras.

Sa wakas ang kaayusang ito ng pagsosona ay tinanggap sa buong daigdig. Ang daigdig ay hinati sa 24 na sona ng oras. Ang gitna ng sistema ay Sona 0, sumasakop ng 7 1/2 digri sa magkabilang panig ng meridyano sa Greenwich. Habang ang isa’y naglalakbay pasilangan, iaatras niya ang kaniyang orasan ng isang oras habang siya’y nagdaraan sa bawat sona. Pakanluran naman ay iaabante niya ang kaniyang orasan ng isang oras.

Kalagitnaan ng paligid ng mundo mula sa Greenwich, isang kapansin-pansing situwasyon ang bumabangon. Dito, sa 180-digri meridyano, may diperensiyang 24-oras sa oras sa isang panig ng guhit kung ihahambing sa kabilang guhit. Dahil diyan, ang 180-digri meridyano, na may bahagyang pagkakaiba-iba upang mapagbigyan ang bansang mga hangganan, ang naging international date line. Sa pagtawid sa guhit na ito sa pakanlurang direksiyon, ang isang naglalakbay ay nawawalan ng isang araw. Sa kabaligtaran naman, kung tatawid naman ng guhit pasilangan, ang naglalakbay ay nadaragdagan ng isang araw.

Kailangang-kailangan Pa Rin

Ang mga araw ng pagtiyak sa kawastuan ng mga kronometro sa Greenwich at paggamit nito sa karagatan para kalkulahin ang longhitúd ay lumipas na. Pawang pinalitan na ito ng modernong teknolohiya. Ang mga radyong panghudyat, radar, at internasyonal na telekomunikasyon ay nagbibigay ng mas tamang impormasyon. Gayunman, ang pagtuturo ng iyong kinalalagyan sa isang tsart o mapa ay depende pa rin sa likhang-isip na mga guhit na iyon ng látitúd at longhitúd. Tayo’y makapagpapasalamat sa nakatutulong na likhang-isip na mga guhit na iyon.

[Mga talababa]

a Sa isang angular na panukat, ang isang digri (°) ay hinahati sa 60 minuto (’), at ang bawat minuto ay hinahati sa 60 segundo (”).

[Kahon/Mga larawan sa pahina 20]

“GREENWICH MEAN TIME”

Noong 1675, ipinag-utos ni Haring Charles II ng Inglatera na “isang maliit na obserbatoryo” ang itayo sa kung ano ngayon ang bayan ng Greenwich sa London “upang matantiya ang longhitúd ng mga lugar para mapagbuti ang nabigasyon at ang astronomiya.” Dalawang kaiimbentong orasan, na may mga pendula na 4 na metro ang haba, ay ikinabit upang gumawa ng tamang mga tantiya tungkol sa pag-ikot ng lupa.

Di-nagtagal natuklasan ng mga siyentipiko sa Royal Observatory na ang pag-ikot ng lupa ay hindi pare-pareho ang haba, o iisa ang bilis. Ito’y dahilan sa ang pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw ay hindi bilog na bilog at ang axis ng lupa ay nakahilig. Kaya nga, ang solar na araw​—ang pagitan mula tanghali hanggang sa susunod na tanghali​—ay iba-iba sa buong taon. Palibhasa’y gumagana ang mga orasan sa Greenwich, posibleng gumawa ng mga kalkulasyon para maitatag ang kainaman, o katamtaman, na haba ng araw.

Ang tanghali sa Greenwich Mean Time ay ang sandali kung kailan tirik na tirik ang araw sa anumang dako sa longhitúd na guhit sa Greenwich, o meridyano (Latin, meridianus, gitnang araw). Batay sa salitang Latin na ito, ang oras bago ang tanghali ay nakilala bilang ante meridiem (a.m.), o bago ang gitnang-araw; ang oras naman pagkatapos ng tanghali ay naging post meridiem (p.m.).

[Mga larawan]

Itaas: Greenwich Royal Observatory. Kanan: Guhit ng pangunahing meridyano sa “cobbled courtyard”

[Mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA SONA NG ORAS SA DAIGDIG

-11 4:00

-10 5:00

-9 6:00

-8 7:00

-7 8:00

-6 9:00

-5 10:00

-4 11:00

-3 12:00

-2 1:00

-1 2:00

0 3:00

+1 4:00

+2 5:00

+3 6:00

+4 7:00

+5 8:00

+6 9:00

+7 10:00

+8 11:00

+9 12:00

+10 1:00

+11 2:00

+12 3:00

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share