Pagtawid sa Guhit
MATAGAL NANG PINANGARAP NG TAO NA MAKAPAGLAKBAY sa panahon upang muling makita ang nakaraan o makita ang kinabukasan. Kaya magugulat ka bang malaman na sa diwa, ang mga tao ay naglalakbay sa panahon araw-araw? Isaalang-alang ang negosyante mula sa Tokyo na sumakay ng eroplano patungo sa New York para daluhan ang isang pulong. Kung ang kaniyang eroplano ay umalis nang tanghali, pagkatapos ay lumipad sa halos kalahati ng palibot ng daigdig nang walang hinto, darating siya sa kaniyang paroroonan sa umaga ring iyon, na tila mas maaga pa kaysa sa noong siya’y umalis.
Posible ba talagang maglakbay nang malayo gayunma’y makarating sa panahong bago ka umalis? Hindi naman talaga. Ngunit ang malalayong lunsod ay nasa magkakaibang sona ng oras. Sa katunayan, ang pagtawid sa international date line, isang di-nakikitang guhit sa globo, ay nangangahulugan ng pagtawid sa isang pinagkasunduang hangganan na naghahati sa mga araw ng kalendaryo. Talaga nga namang isang nakalilitong karanasan! Depende sa kung anong direksiyon ka maglalakbay, ito’y parang nadagdagan ka o nabawasan ng isang araw sa isang saglit.
Ipagpalagay na sa kaniyang pagbalik, ang negosyanteng taga-Tokyo ay umalis sa New York nang gabing-gabi ng Martes. Kapag bumaba siya sa eroplano pagkalipas ng mga 14 na oras, magiging Huwebes na sa Hapon. Talagang kakatwang madama na malampasan ang isang buong araw! Inamin ng isang sanáy na manlalakbay nang gunitain niya ang kaniyang unang biyahe patawid sa international date line: “Hindi ko maunawaan kung saan napunta ang nawalang araw. Talagang kakatwa ito.”
Dahil ang date line ay maaaring makalito sa mga manlalakbay, maaaring magtaka ang ilan kung bakit ginawa pa ang gayong paghahati.
May Natuklasan ang mga Magdaragat
Ang pangangailangang magkaroon ng isang date line ay mapapansin kung magbabalik-tanaw tayo sa taóng 1522, nang unang maikot ng mga tauhan ni Ferdinand Magellan ang lupa. Pagkatapos ng tatlong taon sa laot, narating nila ang Espanya noong Linggo, Setyembre 7. Gayunman, ayon sa talaan ng kanilang barko, ang petsa ay Sabado, Setyembre 6. Bakit may pagkakaiba? Yamang sila’y naglayag nang paikot sa daigdig sa iisang direksiyon batay sa araw, lamáng ang mga mamamayan ng Espanya ng isang pagsikat ng araw.
Ginamit ng awtor na si Jules Verne ang kabaligtaran ng kaganapang ito bilang saligan sa kakaibang banghay ng kaniyang nobelang Around the World in Eighty Days. Upang mapanalunan ang malaking halaga ng pera, kailangang maikot ng pangunahing tauhan sa aklat ang buong lupa sa loob ng 80 araw. Sa katapusan ng kaniyang abentura, dumating siya sa pinanggalingan niya na nadismaya, yamang nahulí siya nang isang araw lamang upang makuha ang kaniyang malaking gantimpala. O iyon ang akala niya. Namangha siya nang malaman niyang, sa katunayan, nakatugon siya sa itinakdang oras na ibinigay sa kaniya. Gaya ng ipinaliwanag ng aklat, “Hindi namalayan ni Phileas Fogg na nadagdagan ng isang araw ang kaniyang paglalakbay, at ito’y dahil lamang sa patuloy siyang naglakbay nang pasilangan.”
Bagaman tila ang international date line ay nagbigay ng isang magandang wakas sa kuwento ni Ginoong Verne, hindi pa talaga umiral ang guhit nang ilathala ang kilaláng nobela noong 1873. Ang mga kapitan ng mga barko noong panahong iyon ay regular na gumagawa ng isang-araw na pag-aayos sa kalendaryo kapag bumabagtas sa Karagatang Pasipiko, ngunit ang kasalukuyang date line ay hindi pa lumitaw sa kanilang mga mapa. Ito’y bago pormal na tanggapin ang isang pandaigdig na sistema ng mga sona ng oras. Kaya noong ang Alaska ay pag-aari pa ng Russia, sinusunod ng mga tao roon ang kaparehong araw sa kalendaryo ng mga residente ng Moscow. Ngunit noong 1867, nang binili ng Estados Unidos ang teritoryo, ginamit na ng Alaska ang petsa ng kalendaryo ng Estados Unidos.
Makasaysayang mga Pangyayari sa Pagtatatag ng Date Line
Noong 1884, sa kabila ng kaguluhang ito sa pag-ooras, nagpulong ang mga kinatawan mula sa 25 bansa sa Washington, D.C., para sa Internasyonal na Komperensiya Hinggil sa Pangunahing Meridyano. Itinatag nila ang isang pandaigdig na sistema ng 24 na sona ng oras at pinagkasunduan ang isang pangunahing meridyano (prime meridian)—ang linyang longhitud na bumabagtas sa Greenwich, Inglatera.a Ito ang naging panimulang dako para sa pagsukat ng mga posisyong silangan at kanluran sa globo.
Ang kalagitnaan sa palibot ng lupa mula sa Greenwich—12 sona ng oras na pasilangan o kaya’y pakanluran—ay tila isang makatuwirang lugar para sa isang international date line. Bagaman hindi opisyal na tinanggap ng komperensiya noong 1884, ang 180-digring meridyano ay sinang-ayunan bilang isang higit na naaangkop na lokasyon dahil tinitiyak nito na walang madaraanang kontinente ang date line. Maguguniguni mo ba ang ibubungang kalituhan kung Linggo sa isang panig ng bansang iyong tinitirhan at Lunes naman sa kabilang panig?
Kung titingnan mo ang isang atlas o globo ng daigdig, ang 180-digring meridyano ay masusumpungan sa kanluran ng Hawaii. Mapapansin mo kaagad na hindi eksaktong sinusundan ng international date line ang meridyano. Ito’y paliku-liko sa Karagatang Pasipiko upang lubusang maiwasan ang lupain. At yamang ang date line ay itinatag ng pangkalahatang kasunduan, hindi ng isang internasyonal na tratado, ito’y maaaring baguhin sa kagustuhan ng anumang bansa. Halimbawa, noong 1995, idineklara ng Kiribati na pasimula sa taóng iyon, ang international date line, na bumabagtas sa kawing-kawing na mga isla, ay daraan sa pinaka-silangang bahagi ng isla. Kaya ipinakikita ng mga pinakabagong mapa sa ngayon ang lahat ng isla ng Kiribati sa parehong panig ng guhit. Kaya, pare-pareho na ang araw nila sa kalendaryo.
Kung Paano Ito Ginagamit
Upang ilarawan kung bakit nababawasan o nadaragdagan ng isang araw kapag tumatawid sa date line, gunigunihin na ikaw ay naglalayag nang paikot sa daigdig. At sabihin natin na patungo ka sa silangan. Hindi mo man ito napapansin, ngunit masasabing nagkakaroon ka ng isang karagdagang oras para sa bawat sona ng oras na nadaanan mo. Kapag iyong natapos sa wakas ang paglalakbay mo sa palibot ng daigdig, nakapaglakbay ka sa 24 na sona ng oras. Kung wala ang international date line, mauuna ka ng isang araw sa panahon ng iyong lugar. Itinutuwid ng international date line ang pagkakaibang ito. Medyo nakalilito, hindi ba? Hindi kataka-taka na ang mga tauhan ni Magellan at ang kathang-isip na si Phileas Fogg ay nagkamali sa pagkalkula sa petsang naikot nila ang buong daigdig!
Batid niyaong mga nakatawid sa guhit ang kakaibang pakiramdam ng biglang pagkawala o pagkakaroon ng isang araw. Ngunit higit na nakalilito ang paglalakbay kung hindi dahil sa international date line.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga sona ng oras at linyang longhitud, tingnan ang Marso 8, 1995, artikulo ng Gumising! na “Ang Nakatutulong na Likhang-Isip na mga Guhit na Iyon.”
[Dayagram/Mapa sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Marso | Marso
2 | 1
[Mga larawan sa pahina 14]
Sa itaas: Greenwich Royal Observatory
Sa kanan: Ang guhit na ito na nilatagan ng mga lapád na bato ang nagmamarka sa pangunahing meridyano