Ang Kahanga-hangang “Puno ng Buhay” ng Aprika
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TANZANIA
“HINDI ako naniniwala na ang katulad nito ay makikita kailanman sa anumang bahagi ng daigdig.” Ano ba ang nakita ng Pranses na si Michel Adanson nang dumadalaw sa Senegal noong 1749? Ito ay isang puno! Halos 20 metro ang taas, na may napakalapad na katawan, 8 metro sa diyametro. Nang maglaon tinukoy ni David Livingstone ang puno bilang isang “carrot na itinanim nang pabaligtad.”
Ayon sa mga alamat “binunot ng diyablo [ang puno], itinusok ang mga sanga nito sa lupa, at iniwan ang mga ugat nito na nakataas.” Kaya, kilala ng marami ang puno bilang “ang punong tiwarik.” Sa Latin ito ay tinatawag na Adansonia digitata, ipinangalan sa nakatuklas nito, subalit ang karamihan sa amin ay tinatawag itong baobab, isa sa kilalang-kilalang puno sa silangang Aprika, bagaman ang mas matataas na kauri nito ay masusumpungan sa Madagascar at ang ilan ay sa Australia pa nga.
Ang Punong Tiwarik
Maraming oras ang aming ginugol sa paglalakbay sa lalawigan ng Tanzania. Nakatutuwang makita ang magandang mga nayon, mga bahay na dayami ang mga bubong, mga babaing sunong ang mga panggatong sa kanilang mga ulo, mga batang naglalaro sa ilalim ng mga punong mangga, at ilang pastol na nag-aalaga ng kanilang mga baka. Sa wakas ay nakita namin ang nakita ni Adanson noong ika-18 siglo.
“Hayun!” sigaw ni Margit. Malaki, maringal, ang baobab ay para bang nasa lahat ng dako sa mas tuyong mga bahagi ng tropikal na Aprika. Ito’y katutubo sa parang, sa kahabaan ng baybayin, at maging sa mga dalisdis ng Bundok Kilimanjaro. “Wala itong katulad sa anumang punong kailanma’y nakita ko,” dagdag pa ng isa sa aming mga kasama. Abuhin at napakalaki, ang baobab ay isang halaman na ang balat ay lima hanggang sampung centimetro ang kapal. “Para rin itong isang puno na itinanim nang pabaligtad!” Halos sa isang taon, sa loob ng anim hanggang pitong buwan ng tag-araw, ang puno ay walang kadahun-dahon. Paano nabubuhay ang puno? Bakit hindi natin tanungin ang isa na maaaring may kaalaman dito.
Naglalakbay patungo sa rehiyon kung saan tumutubo ang punong baobab, sa wakas ay nakausap namin si Shem, isang katutubo. “Alam ninyo,” sabi ng lalaki, “ito ay isang punong bote.” Isang punong bote? “Oo, sa panahon ng maikling tag-ulan, sinisipsip ng malaesponghang mga himaymay ng puno ang maraming tubig, na iniimbak sa katawan para sa tag-araw.” Ang publikasyong Baobab—Adansonia Digitata ay nagsasabi: “Ang tuktok ng katawan ay karaniwang hungkag, ang tubig-ulan at hamog ay nagtitipon doon at maaaring ang tanging tubig na makukuha mga milya sa palibot. . . . Ang katawan ay maraming lamang tubig. Tinatayang ang isang puno na mga 200 metro kubiko [7,000 talampakan kubiko] ay maglalaman ng hanggang 140,000 litrong [37,000 galong] tubig. . . . Ang maliliit na bloke ng katawan ay maaari ring putulin at pigain ang tubig para inumin.” Biro ni Shem: “Ito’y isang napakalaking puno, subalit malambot ang puso.” Sa ngayon higit pang mga taganayon ang lumapit at may pananabik na nakikinig sa usapan. “Alam ba ninyo na ang baobab ang puno ng buhay?” tanong ni Emmanuel.
Ang “Puno ng Buhay”
Sa maraming katutubo ang puno ay isang kaloob buhat sa Diyos. Bakit? “Una sa lahat ito ay maaaring mabuhay nang napakahaba. Marahil isang libong taon o higit pa,” patuloy ng isang taganayon. “Ito’y nagbibigay sa amin ng pagkain, tubig, pananamit, materyal na pambubong, pandikit, gamot, tirahan, kuwintas, at matamis pa nga para sa mga bata.” Kumusta naman ang tungkol sa panggatong? “Hindi, ang balat ay masyadong basa dahil sa tubig na iniimbak dito. Karaniwang humahanap kami ng ibang puno para sa layuning iyan.” Ganito ang sabi ng kabataang si Daniel: “Ngunit ginagamit namin ang balat para sa paggawa ng aming mga pisi at mga lubid.” Higit pa riyan, ito ay ginagamit sa mga lambat, banig, tela, sumbrero, bangka, trey, kahon, basket, at papel. Ang abo mula sa balat ay magagamit bilang abono, at ginagawa itong sabon ng marami. “Ang mga murang usbong at dahon ay kinakain,” susog ng isa sa mga batang ina, na pasan-pasan ang isang sanggol sa kaniyang likod. “Binubusa rin namin ang mga buto at ginagawa itong kape. Ang lamukot ng buto ay ginagamit sa paggawa ng serbesa, at maaari ring makakuha ng langis dito.”
Sa panahon ng maikling tag-ulan, ang puno ay nagsisibol ng magagandang puting bulaklak. Subalit ang bango nito ay hindi kasingganda ng hitsura nito! Ito ay namumukadkad sa dakong hapon paglubog ng araw at bukang-buka kinaumagahan. Sa gabi, ang mga paniking kumakain ng prutas ay inaanyayahan mag-pollinate. Hinahalo ng mga katutubo ang pollen ng bulaklak sa tubig at ginagamit ito bilang pandikit. Ang mahaba (40 centimetro) na bunga ay nakabitin sa mga tangkay. Hinipo namin ang berdeng bunga, at ito’y parang pelus. Para itong buntot ng unggoy. “Aha, iyan ang dahilan kung bakit ang puno ay tinatawag ding monkey-bread tree!” Gusto ba ninyong hiwain ko ang bunga at tingnan ninyo ang loob? Bakit hindi!
“Cream-of-Tartar Tree”
Ang bunga ay may maputi, maasim na lamukot sa palibot ng mga buto, mayaman sa bitamina C, bitamina B1, at kalsiyum. Sa paggawa ng tinapay, ang lamukot ay magagamit na kahalili ng cream of tartar. Iyan ang dahilan kung bakit ito ay tinatawag na “cream-of-tartar tree.” Sabi ni Shem: “Kung minsan ay gumagawa kami ng mga inumin mula sa mga lamukot. Ito’y lasang limón.” Iyan ang dahilan kung bakit tinatawag ito ng ibang tao na punong limón. Ano pa ba ang gamit nito?
Sagot ni Shem: “Ginagamit namin ang halos lahat ng bahagi ng puno. Ang balat ng bunga ay ginagamit namin na palutang sa pangingisda, tabo, at mangkok, at ginagamit din namin ito upang gumawa ng mahusay na panghuli ng daga. Kapag ang aming mga baka ay nililigalig ng mga insekto, basta sinusunog namin ang lamukot ng bunga, at ang usok ay nagsisilbing isang pantaboy ng insekto. Kung minsan ay inihahalo namin ang arina ng lamukot sa gatas at nakagagawa kami ng masarap na yogurt.” Kumusta naman ang tungkol sa gamot? “Mangyari pa, ang puno ang aming botika,” biro ni Shem.
Ang Botikang Baobab
Saan ninyo ito ginagamit? “Sa lahat ng bagay!” Dahil sa marami nitong gamit, hindi kataka-taka na iginagalang, kinatatakutan, oo, sinasamba pa nga ito ng maraming tagaroon. Nalaman namin na inihahalo ng mga inang nagpapasuso ang pinulbos na lamukot sa gatas at ipinakakain ito sa kanilang mga sanggol upang ang mga bata ay huwag magkaroon ng mapintog na mga tiyan, disentirya, at lagnat. Ang “gamot” mula sa puno ay ipinagbibili sa lokal na mga tindahan at sinasabing panggamot sa mga pamamaga, sakit ng ngipin, at iba pang karamdaman. Lokal na ginagamit ito upang gamutin ang anemia, diarrhea, trangkaso, hika, mga problema sa bató, mga problema sa palahingahan, at mga tumor pa nga.
Ang pambihirang punong ito ay natural na napalilibutan ng mga alamat. Inaakala ng ilan na “ang bukid kung saan nakatayo [ang baobab] ay hindi maaaring ipagbili, yamang ang pagkanaroroon nito ay inaakalang isang mabuting palatandaan. . . . Isa pang kuwento ay nagsasabi na lalamunin ng isang Leon ang sinumang mangahas na pumitas ng isang bulaklak mula sa puno. Ang mga bulaklak na ito ay pinaniniwalaang tinatahanan ng mga espiritu. Sinasabi ring ang tubig na pinagbabaran ng mga buto ng puno at hinalo ay nagsisilbing proteksiyon laban sa mga pagsalakay ng buwaya at siyang umiinom ng nilagang balat ng puno ay lálakí at lalakás.”—Indigenous Trees Training Series.
Matamis Para sa mga Bata
Marami kaming natutuhang bagong bagay mula sa mga katutubo sa lupain ng baobab. Ngayon, sa Dar es Salaam, nakita namin sina Navina, Suma, at Kevin. Hulaan ninyo kung ano ang nginunguya at sinisipsip nila? Mga buto ng baobab! Ang kulay-pulang mga buto ay ipinagbibili bilang mga matamis sa tabing-daan, at wari bang gustung-gusto ito ng mga batang ito. “Maasim ba ito?” “Medyo, pero gusto namin ito!” sabay-sabay na sabi ng mga bata. “Pakisuyong kumuha po kayo! Tikman po ninyo!” Oo, bakit hindi tikman ang isang bagay mula sa “puno ng buhay” ng Aprika?
[Larawan sa pahina 24]
Ang baobab, puno na maraming gamit
[Larawan sa pahina 24]
Mga buto, na ginagamit bilang matamis at binubusa bilang kape
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga bulaklak nito ay malaki
[Larawan sa pahina 25]
Walang kadahun-dahon kung panahon ng tag-araw