Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 3/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapabaya sa “Dakilang Gawain”
  • Kung Saan May Usok May Sunog
  • Sinurbey ang Karahasan sa TV
  • Malnutrisyon sa Buong Daigdig
  • Black Sea o “Dead” Sea?
  • Ang Marijuana at ang Pagkawala ng Memorya
  • Ang mga Tin-edyer at ang Pornograpikong mga Video
  • Himala o mga Mikrobyo?
  • AIDS Mula sa Dugo?
  • Isang Madalang na Bisita
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2000
  • Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • ‘Makasira Kaya sa Aking Kalusugan ang Paghitit ng Marijuana?’
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 3/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pagpapabaya sa “Dakilang Gawain”

Sa loob ng maraming taon itinuring ng Sangkakristiyanuhan ang utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa bilang ang “Dakilang Gawain.” Gayunman, ayon sa pinakahuling surbey na isinagawa ng Institute for Research in Social Science sa University of North Carolina, E.U.A., paunti nang paunting “mga Kristiyano” sa Estados Unidos ang kumikilala pa man din sa gawaing ito na totoong mahalaga. Sa labas ng mga estado sa Katimugan, na dati-rati’y higit na relihiyoso, tanging 32 porsiyento sa mga taong ipinapalagay ang kanilang sarili na Kristiyano ang nag-aakala na ang pangungumberti sa iba sa kanilang relihiyon ang “pinakamahalagang” pananagutan ng kanilang simbahan. Sa Timog, ang bilang na iyan ay 52 porsiyento lamang.

Kung Saan May Usok May Sunog

Sa karamihan ng kilalang mga panganib ng paninigarilyo, may isa na kalimitang nakaliligtaan: sunog. Ayon sa U.S. National Fire Protection Association, ang sinindihang mga produkto ng tabako ang sanhi ng 187,000 sunog sa Estados Unidos noong 1991 lamang, pumatay ng 951 katao (hindi pa kasama ang mga bumbero). Sa gayon, 25 porsiyento ng lahat ng namatay sa sunog sa mga bahay sa taóng iyon ay natunton dahil sa paninigarilyo​—mas maraming namatay kaysa bunga ng mga sunog na may ibang sanhi. Ang mga sunog na may kaugnayan sa paninigarilyo ay sanhi rin ng 3,381 kapinsalaan at $552 milyon na pinsala sa ari-arian sa loob ng taon ding iyon. Ang pinakakaraniwang nagsisilab na mga bagay sa bahay ay nasumpungang ang mga muwebles na may apholster, kutson, at mga gamit sa kama.

Sinurbey ang Karahasan sa TV

Isang pinag-uusapang bagong pagsusuri ang nagsabi na sa kabila ng lahat ng kaligaligan dahil sa karahasan sa TV sa Amerika​—at sa kabila ng maraming pangako ng mga kompaniya ng TV na supilin ito—​ang karahasan sa TV ay patuloy na sumidhi sa nakalipas na dalawang taon. Ang pagsusuri ay isinagawa ng Center for Media and Public Affairs at humantong ito sa mga pagpapasiya nito sa pamamagitan ng pagsubaybay sa isang araw na programa sa sampung istasyon at paghahambing sa palabas ng programa sa petsa ring iyon dalawang taon na ang nakalipas. Natuklasan na ang mga gawa ng karahasan, inilarawan bilang sadyang mga gawa ng pananakit na nagdulot ng pinsala sa katawan o pinsala sa ari-arian, ay tumaas nang 41 porsiyento sa loob ng dalawang taon. Ang malulubhang gawa ng karahasan ay inilarawan bilang nagsasapanganib ng buhay o malamang na sanhi ng malubhang pinsala, at ang bilang ng mga ito ay tumaas nang 67 porsiyento. “Ang katamtamang bilang ng mararahas na pangyayari ay tumaas mula 10 hanggang sa halos 15 tagpo sa bawat channel sa bawat oras,” ulat ng TV Guide.

Malnutrisyon sa Buong Daigdig

Sa buong daigdig, mayroon kapuwa mabuti at masamang balita tungkol sa malnutrisyon. Ayon sa Global Child Health News & Review, ang porsiyento ng lahat ng bata na wala pang limang taóng gulang na nakararanas ng malnutrisyon ay bumaba mula 42 porsiyento noong 1975 tungo sa 34 na porsiyento noong 1990. Gayunman, ang kabuuang bilang ng mga batang kulang sa pagkain ay dumami. Halos 193 milyong bata na wala pang limang taon sa nagpapaunlad na mga bansa ang bahagya o labis na kulang sa timbang, at halos sangkatlo sa mga ito ay labis na kulang sa masustansiyang pagkain. Sinabi ng pahayagan na kapag ang bata ay di-gaanong kulang sa masustansiyang pagkain, ang panganib na mamatay dahil sa sakit ay doble ang kahigitan. Ang panganib ay tatlong ulit ang kahigitan para sa mga batang bahagyang nakararanas ng malnutrisyon. Para sa bata na labis na nakararanas ng malnutrisyon, ang panganib na mamatay dahil sa sakit ay 11 ulit ang kahigitan. Sa mauunlad na bansa, ang ulat ng pahayagan, ang pinakakaraniwang anyo ng malnutrisyon sa mga bata ay sobrang katabaan. Sa Hilagang Amerika, halimbawa, ang mga bata ay nakakukuha ng 50 porsiyento na panustos nilang enerhiya mula sa taba​—na “doble kaysa inirekomendang dami.”

Black Sea o “Dead” Sea?

“Ang Black Sea ang naging pinakamaruming dagat sa daigdig at nakararanas ng kalunus-lunos na pagkamatay.” Gayon ang pag-uulat ng pahayagan sa Russia na Rossiiskaya Gazeta, na nagsabi na sa loob ng 30 taóng nakalipas, ang Black Sea “ang naging imburnal ng kalahati ng Europa​—isang lugar para tapunan ng pagkarami-raming phosphorus compound, asoge, DDT, langis, at ibang nakalalasong basura mula sa 160 milyong tao na nakatira sa tabing-baybay nito.” Ang polusyon ay nagdulot ng ilang nakababahalang sintoma. Mula sa 26 na iba’t ibang uri ng isda na dating nahuhuli ng mga mangingisda sa Black Sea noong mga taóng 1960, 5 na lamang ang natitira. Ang bilang ng dolphin (mamal) sa dagat, na minsa’y may malaking bilang na 1,000,000, ay bumaba sa 200,000. Marami sa nalalabing dolphin ay nahawahan ng swine fever dahil sa maraming babuyan ang nagtatapon ng dumi sa Delta ng Danube.

Ang Marijuana at ang Pagkawala ng Memorya

“Sa kauna-unahang pagkakataon,” ulat ng The Sydney Morning Herald ng Australia, “ipinakita ng mga mananaliksik sa Sydney ang matagal nang pinaghihinalaan ng maraming tao​—na ang pagkawala ng memorya at kawalan ng pagtutuon ng isip na sanhi ng paghitit ng marijuana ay nananatili nang matagal maging pagkatapos na huminto ng mga tao sa paggamit ng droga.” Ang pananaliksik, na isinagawa sa Macquarie University, ang tumiyak na ang pinsala na dulot ng marijuana ay katimbang ng dami ng hinitit at ng tagal ng paggamit. Ang balita ay mas malalâ pa: “Ang mga kapinsalaang ito ay maaaring di na maibabalik.” Ipinakita ng pagsusuri na ang dating mga gumagamit ay nakararanas ng katulad na “mga kapinsalaan sa pagkatuto at pag-unawa” na gaya ng mga humihitit pa rin ng marijuana. Higit pa sa memorya ang naaapektuhan, lalo na para sa mga taong gumamit ng droga sa loob ng limang taon o higit pa. Ang gayong mga indibiduwal ay natuklasang mas mabagal kumuha at maghinuha ng impormasyon at di-gaanong makapagtuon ng kanilang pansin at makaiwas sa mga pang-abala. Naghinuha ang ulat na, ayon sa pinagsamang katibayan, ang paghitit ng marijuana ay talagang nakapagpabago sa pisyolohiya ng utak.

Ang mga Tin-edyer at ang Pornograpikong mga Video

Ang nakagugulat na 77 porsiyento ng mga batang lalaki sa high-school at 24 na porsiyento ng mga batang babae sa high-school sa Hapón ay nakapanood ng pornograpikong mga video, ayon sa surbey na isinagawa ng Management and Coordination Agency sa Hapón. Maging ang mga batang lalaki sa junior-high-school na kasimbata ng 13 o 14 anyos, ang 25 porsiyento ay nakapanood ng gayong mga video. At ang mga epekto? “Ipinakikita ng mga surbey,” ulat ng Mainichi Daily News, “na ang mga estudyanteng nakapanood na ng pang-adultong mga video ay hindi gaanong nababagabag ang budhi may kinalaman sa mga krimen sa sekso at may mababang pagpapahalaga sa damdamin ng mga biktima ng gayong mga krimen.” May nalalaman ba ang mga magulang sa kalagayang ito? Isiniwalat ng surbey ring iyon na 12 porsiyento lamang ng mga magulang ng mga estudyanteng sinurbey ang nakaaalam o naghihinala na ang kanilang mga anak ay nanonood ng pornograpikong mga video.

Himala o mga Mikrobyo?

“Ang isa sa pinakabantog na himala ng simbahang Katoliko ay malamang na dahil sa mikrobyo kaysa banal na pangyayari,” ulat ng magasing New Scientist kamakailan. Ang ipinalalagay na “himala ng Bolsena” ay naganap noong 1263, nang abutin ng isang paring taga-Bohemia ang sagradong ostiya sa isang pagdaraos ng Misa. Ayon sa salaysay, siya’y nag-iisip kung ang ostiya ay totoong magiging katawan nga ni Kristo gaya ng itinuturo ng Iglesya Katolika. Pagkatapos, sa kaniyang pagkabigla, nakita niya na waring may lumalabas na dugo sa ostiya! Gayunman, matagal nang ipinalagay ng mga siyentipiko na ang pambihirang pangyayaring iyon ay sanhi ng matingkad-pula, tumutulong fungus na nabubuhay sa mga pagkaing mayaman sa starch sa mainit na klima. Kamakailan ay isinagawa muli ni Johanna Cullen mula sa George Mason University sa Virginia, E.U.A., ang katulad na pangyayari noong Edad Medya at nagparami ng pinaghihinalaang baktirya sa banal na ostiya. Di-nagtagal naging kulay dugo ito.

AIDS Mula sa Dugo?

Ano ang mga tsansa na magkaroon ng AIDS mula sa pagpapasalin ng dugo o mula sa mga produkto ng dugo? Ayon sa pahayagan na The Star sa Johannesburg, 600,000 katao sa buong daigdig​—o 15 porsiyento ng lahat ng nahawa​—ay nahawa ng virus ng AIDS mula sa dugo o mga produkto ng dugo sapol nang makilala ang AIDS. Sa kasalukuyan, ang pagsusuri sa dugo kung may HIV ay umuubos ng oras at magastos. Ang ilan ay naghinuha na ang dugo ay dapat na sumailalim ng di-kukulangin sa pitong iba’t ibang pagsusuri. Kalimitan, ang nagpapaunlad na mga bansa ay walang salapi o pagsasanay para gamitin sa mga pagsusuring ito. Maging sa mayayamang bansa, kung saan isinasagawa ang mga pagsusuri, ay may mga pagkakamali pa rin. Si Paul Strengers, ang pinuno sa paggamot sa Olandes na paglilingkuran sa pagsasalin ng dugo, ay umamin: “Hindi namin masasabi na ang anumang produkto ng dugo ay 100 porsiyentong ligtas may kinalaman sa virus ng HIV o hepatitis.”

Isang Madalang na Bisita

Isang kometa na nakita noong Marso 1993 ng mga astronomo sa Australia at Pransiya ang opisyal na kinilala ng International Astronomical Union nang sumunod na Enero at tinaguriang McNaught-Russel. Subalit ang mga astronomong Intsik ang malamang na unang nakakita nito​—mga 14 na dantaon na ang nakalilipas! Ayon sa magasing New Scientist, kinalkula ng isang astronomo na ang kometang ito ay gumugugol nang di-pangkaraniwang haba ng panahon upang umikot sa araw: 1,419 na taon. Kapuna-puna, ipinakikita ng sinaunang mga ulat na nakita ng mga astronomong Intsik ang isang gumagalang “bituin” na malamang na di-umano’y ang kometa ring ito. Iniulat nila ang kanilang pagkakita noong ikatlong taon ng yugto na tinatawag na Keen Tih, noong ikalawang buwan, sa araw na tinatawag na Woo Woo​—o Abril 4, 574 C.E. Ang kometa ay nakatakdang bumisitang muli sa kapaligiran ng ating sistemang solar sa mga taóng 3412.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share