Pagmamasid sa Daigdig
Polusyon at Kanser sa mga Bata
Matapos analisahin ang 27-taóng pag-aaral sa 22,400 batang Britano, natuklasan ng isang grupo ng mga epidemiologo na ang mga batang ipinanganak na sakop ng limang kilometro sa pinagmumulan ng polusyon ay 20 porsiyentong mas may panganib na mamatay habang mga bata pa dahil sa leukemia at iba pang kanser sa mga bata kaysa sa iba. Ang pagkalantad sa polusyong dala ng hangin ang “pinakamalamang na siyang mekanismo” na nagiging dahilan ng kanser sa mga bata, iniulat ng The Times ng London. Ang polusyon na nagiging dahilan ay maliwanag na ang usok ng gasolina o iba pang madaling matuyong organikong kemikal na inilalabas ng mga plantang industriyal gaya ng gawaan ng langis, gawaan ng mga sasakyan, mga nonnuclear power station, gawaan ng bakal, at gawaan ng semento. Iniulat din ng pag-aaral na mas maraming batang ipinanganak na sakop ng apat na kilometro sa daanan ng sasakyan at riles ng tren ay namamatay dahil sa kanser. Ang gasolina at diesel ang dapat sisihin, sabi ng mga gumawa ng ulat.
Relihiyon sa Brazil
Ipinakikita ng isang surbey kamakailan na “99 na porsiyento ng mga taga-Brazil ang naniniwala sa Diyos,” iniulat ng ENI Bulletin. Ayon sa ginawang surbey sa 2,000 katao, 72 porsiyento ang nag-aangking Katoliko, 11 porsiyento ang nagsasabing sila’y mga Protestante, at 9 na porsiyento ang walang sinabing partikular na relihiyon. Ang natitira ay sumusunod sa mga relihiyon ng mga taga-Brazil at taga-Afro-Brazil. “Nang tanungin kung sila’y pumunta sa simbahan o panrelihiyong gusali nitong nakaraang dulo ng sanlinggo, 57 porsiyento ang nagsabi ng hindi,” sabi ng ENI. Apatnapu’t apat na porsiyento lamang ang naniniwala sa walang-hanggang pagpaparusa. Bagaman 69 na porsiyento ng mga taga-Brazil ang naniniwala sa langit, 32 porsiyento lamang ang umaasang pupunta roon.
Sino ang May Hawak ng “Remote Control”?
Inilathala kamakailan ng mga mananaliksik sa EURISPES (Institute for Political, Economic and Social Studies), sa Italya, ang resulta ng isang pag-aaral sa mga paggawi sa panonood ng TV. Halos 2,000 pamilyang Italyano ang kinapanayam. Kabilang sa mga tanong ay, kung sino sa pamilya ang palaging may hawak at gumagamit ng remote control ng TV, na binansagan ng isang artikulo sa pahayagan bilang modernong-panahong setro ng kapangyarihan sa pamilya. Kadalasan nang nababanggit ang ama bilang siyang may kontrol. Pangalawa ang mga anak bilang ang mga nasusunod kung tungkol sa paglilipat ng mga istasyon. Pinakahuli ang ina sa pakikipag-agawan sa kapangyarihan na mahawakan ang remote control sa pamilya.
Sekso sa mga Tin-edyer
Ayon sa pahayagang Weekend Concord ng Nigeria, natuklasan ng isang pag-aaral kamakailan na “ang mga nagbibinata’t nagdadalaga sa Nigeria ay kabilang sa pinakamahilig sa sekso sa daigdig.” Mga 68 porsiyento ng mga batang lalaki at 43 porsiyento ng mga batang babae sa pagitan ng mga edad 14 at 19 ang umamin na sila’y nakipagtalik na “bago pa lamang sila nagsisimulang magbinata’t magdalaga.” Ito’y humantong sa maraming labag-sa-kagustuhang pagdadalang-tao. Ipinakikita ng hiwalay na pag-aaral na “ang 71 porsiyento ng lahat ng pagkamatay ng mga kabataang babae na wala pang 19 na taon [ang gulang] sa Nigeria ay may kinalaman sa mga komplikasyong bunga ng aborsiyon,” sabi ng Concord.
Krisis sa Paghuhugas ng Kamay
Itinampok ng isang artikulo kamakailan sa pahayagang ukol sa medisina na Le Quotidien du Médecin ng Pransiya ang isang nakababahalang kausuhan na wari’y lalong lumalago—ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain o matapos gumamit ng palikuran. Ayon kay Dr. Frédéric Saldmann, ang simpleng kawalan ng kalinisang ito sa katawan ay isang pangunahing dahilan ng panganib may kinalaman sa pagkain at sa malas ay magiging isang laganap na problema. Tinukoy ng artikulo ang isang pag-aaral kung saan ang mga mangkok ng manî sa mga English pub ay natuklasang may bahid ng ihi mula sa 12 iba’t ibang tao. Isa pang pag-aaral sa isang paaralang Amerikano ang nagbunyag na ang regular na paghuhugas ng kamay na pinangangasiwaan ng isang guro ay nakabawas sa bilang ng mga batang lumiliban sa klase dahil sa problema sa panunaw nang 51 porsiyento at yaong lumiliban dahil sa problema sa daanan ng paghinga nang 23 porsiyento. Nagtapos ang artikulo sa pagdiriin ng kahalagahan ng pagtuturo sa mga bata ng gayong pangunahing mga alituntunin ng kalinisan mula sa pagkasanggol.
Lumalagong Kabuhayan at Karalitaan
Bagaman ang kabuhayan sa daigdig ay lumago ng 40 porsiyento mula 1975 hanggang 1985, “ang bilang naman ng mahihirap na tao sa buong daigdig ay tumaas ng 17%,” sabi ng HCHR News, isang pag-uulat ng Office of the High Commissioner for Human Rights. Sa ngayon, ang mga tao sa 89 na bansa ay nasa malalang kalagayan sa ekonomiya kaysa noong nakalipas na sampu o higit pang mga taon. Sa 70 nagpapaunlad na mga bansa, ang antas ng kinikita ay mababa pa kaysa noon sa nakalipas na 20, at sa ilang kaso, 30 taon. Sa paglago ng ekonomiya, pagtatapos ng HCHR News, ang nakinabang lamang ay “isang minorya ng mga bansa.”
Di-Ligtas na mga Gusali sa Italya
Noong nakalipas na siglo, mahigit na 120,000 biktima ang namatay bunga ng lindol sa Italya. Gayunman, mga 25 milyong Italyano ang nakatira sa mga lugar na “64 na porsiyento ng mga gusali ay hindi ligtas sa lindol,” ayon sa ulat ng Corriere della Sera. Kabilang sa di-ligtas na mga gusali ay ang mga ospital, istasyon ng pamatay-sunog, at iba pang gusali na dapat sana’y mga sentro para sa biglang pangangailangan kapag nagkaroon ng mga kalamidad. Gumugugol ng isang aberids na 7,000 bilyong lira ($4 bilyon, U.S.) taun-taon sa Italya upang kumpunihin ang nasira ng mga heolohiko at industriyal na mga kalamidad. Isang eksperto ang nagpaliwanag na “madalas na ang napakalalaking halagang ginugol pagkaraan ng sakuna . . . ay ginamit upang muling itayo [ang mga gusali] sa gayunding maling paraan at doon din sa mapanganib na mga lugar na iyon.”
Dugo at Impeksiyon ng HIV
Sa halos 22 milyon katao sa buong daigdig na may HIV⁄AIDS, mahigit na 90 porsiyento ang nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa. “Hanggang 10 porsiyento ng mga bagong impeksiyon ng HIV sa nagpapaunlad na mga bansa ay dahil sa pagsasalin ng dugo,” pag-uulat ng Panos, isang organisasyong pang-impormasyon na nakabase sa London. Sa maraming bansa, ang mga suplay ng dugo ay hindi ligtas sapagkat ang mga laboratoryo para sa pagsusuri ng HIV ay hindi lubusang maaasahan. Halimbawa, sa Pakistan, wala pang kalahati sa lahat ng mga imbakan ng dugo ang may kagamitan upang masuri kung ito’y may HIV. Bilang resulta, 12 porsiyento ng lahat ng bagong impeksiyon ng HIV doon ay dahil sa pagsasalin ng dugo. Mula nang iulat ang unang mga kaso ng AIDS mahigit na 15 taon na ang nakalilipas, halos 30 milyon katao na sa buong daigdig ang nahawahan ng HIV, ang virus na nagiging dahilan ng sakit.
Isang May Kalabisang Pagkatakot sa Diyos
Sa isang kamakailang pag-aaral, gumawa ng pakikipanayam sa mga batang taga-Brazil na dumaranas ng igting. Natuklasan, ayon sa ENI Bulletin, na ang malaking porsiyento ng mga bata ay dumaranas ng panggigipuspos may kaugnayan sa kalabisang pagkatakot sa Diyos. Bagaman ang 25 porsiyento ng mga bata ay dumaranas ng tensiyon may kaugnayan sa mga problema sa pamilya o sa pagkamatay ng isang kamag-anak, 75 porsiyento naman ang nagpapakita ng mga tanda ng panggigipuspos dahil sa ang tingin nila sa Diyos ay isang mapaghiganting persona na ang intensiyon ay ang magparusa. “Hinimok [ng pag-aaral na ito] ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak na sila’y tutulungan at mauunawaan ng Diyos,” pag-uulat ng ENI.
Komunikasyon ng Elepante
Napakalaki ng mga vocal cord ng isang elepante anupat ang basic frequency ng tunog na nagagawa nila ay 20 cycle bawat segundo o wala pa—na mababang-mababa sa saklaw ng pandinig ng tao. Ang gayong mababang dagundong ay malayo ang naaabot, at nakikilala ito ng mga elepante sa layong 1.5 kilometro. Alam din nila kahit 150 iba’t ibang ungal, anupat sumusunod sa mga hudyat ng mga miyembro ng pamilya at niyaong mga kaisa ng kanilang grupo. Karaniwan nang hindi pinapansin ng mga elepante ang ungal ng mga di-kilalang elepante o kaya’y nababalisa sila kapag naririnig ang mga ito. Matapos ang ginawang pananaliksik sa Amboseli National Park, sa Kenya, ang eksperto sa mga paggawi ng hayop na si Dr. Karen McComb, ng University of Sussex sa Britanya, ay nagpaliwanag na “ang gayong kalawak na network ng komunikasyon ng tinig ay hindi pa nakikita sa iba pang mamal,” pag-uulat ng The Times ng London.