Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Laruan Katatapos ko lamang na basahin ang mahusay na artikulong “Mga Magulang—May Katalinuhang Piliin ang mga Laruan ng Inyong Anak.” (Setyembre 8, 1994) Bilang isang magulang, lubos kong pinahahalagahan ang impormasyon. Gayunman, ibig kong magdagdag ng mungkahi sa pag-iingat. Pakisuyong babalaan ang mga mambabasa tungkol sa potensiyal na ang maliliit na bata ay maaaring malunod sa mga timba kahit na ito’y may kakaunting laman na tubig.
E. V., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang paalaala.—ED.
Kami ng aking anak na lalaki ay nag-uusap hinggil sa kaniyang kagustuhan na ibili ko siya ng laruan na inaakala kong hindi makabubuti para sa kaniya. Dahil sa siya’y isang bata, napakahirap para sa kaniya na sumang-ayon sa aking pangangatuwiran. Habang kami’y nag-uusap, tiningnan namin ang koreo, kalakip doon ang pinakabagong Gumising! Pareho kaming nagulat na makita ang titulo na “Alam ba Ninyo ang Pinaglalaruan ng Inyong Anak?” Siya’y humanga sa mga artikulo at naunawaan niya ang aking pangangatuwiran.
W. F., Estados Unidos
Salamat sa mga artikulo. Ako’y halos 13 taóng gulang na at ako’y nasisiyahan sa mga gawain sa labas ng bahay, sa sining, at pagtugtog ng piyano. Nang ako’y bata pa, ako ang gumagawa ng sarili kong mga laruan. Mas gusto kong gawin ang mga ito kaysa mga laro sa video dahil sa nagdudulot ito ng kasiyahan sa akin. Inaasahan ko na ang mga artikulong ito ay makatutulong sa ibang bata na mabatid kung gaano kasiya-siya ang mga bagay na ito.
C. S., Estados Unidos
Hippopotamus Salamat sa inyong paglalathala ng tudling na “Pagliligtas ng Hippopotamus!” (Oktubre 8, 1994) Talagang naantig ang aking damdamin nang mabasa ko kung paano iniligtas ng hippopotamus ang impala na iyon. Hanggang sa ngayon, para sa akin ang isang hippo ay basta may malaking katawan na nasa tubig na nagbubuka ng pagkalaki-laking bibig nito upang ipakita ang pagkalalaking mga ngipin nito. Hindi ko sinasabi na gusto ko ang malalaking hayop na iyon, pero binago ng artikulong ito ang aking opinyon.
Y. H., Hapón
Salaysay ng Sundalong Israeli Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Sinanay Upang Pumatay, Ngayon Ako’y Nag-aalok ng Buhay.” (Setyembre 8, 1994) Maraming ulit akong naudyukan na sumulat sa inyo upang ipahayag ang aking pagpapahalaga, pero mas napakilos akong gawin ito ngayon higit kailanman. Malimit na pinag-iisipan ko ang tungkol sa pagtugon ng Judio sa mabuting balita ng Kaharian ni Jehova. Ngayon kayo ay naglaan ng totoong natatanging nakapagpapasigla sa puso na salaysay ni Rami Oved. Anong laking kagalakan nga na makabasa tungkol sa tagumpay ng Salita ng Diyos sa kabila ng mga hadlang!
J. S., Estados Unidos
Naantig ng salaysay ang damdamin ko, yayamang ang aking pamilya ay may Judiong pinagmulan din. Nagiging mahirap para sa maraming tao kapag pinili nila ang katotohanan ng Bibliya sa halip na ang kanilang mga pamilya, subalit waring lalong mahirap ito para sa mga Judio, yamang ituturing ka ng kanilang pamilya na para bang patay na para sa kanila. Subalit, ang pamilya ng aking mga magulang ay huminahon nang kanilang matanto na hindi isusuko ng aking mga magulang ang katotohanan para paluguran lamang ang sinuman!
F. K., Estados Unidos
Pag-opera sa Mata Ako’y lubos na nasiyahan na mabasa ang artikulong “Radial Keratotomy—Ano ba Ito?” (Setyembre 22, 1994) Yamang ako’y magpapaopera ilang buwan na lamang, pinahahalagahan ko nang lubos ang nagbibigay-liwanag na impormasyon. Mas maliwanag ito kaysa impormasyong ibinigay sa akin ng optalmologo.
G. C., Italya
Mga Batang Nagdurusa Ang inyong serye na “Anong Pag-asa Para sa mga Bata?” (Mayo 8, 1994) ay makatotohanan at napakahusay ang pagkasulat. Ang pagbabasa ng kagimbal-gimbal na mga karanasan at ng nakamamatay na mga sakit, gayundin ng kalunus-lunos na mga kalagayan ng maraming nagdurusang bata, ang dumurog sa aking puso. Subalit ako’y nasiyahan na mabasa ang tungkol sa tunay na pag-asa para sa mga bata na matutupad kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan.
D. G., Papua New Guinea