Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/8 p. 20-22
  • Pagpapabukas-bukas—Ang Magnanakaw ng Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapabukas-bukas—Ang Magnanakaw ng Panahon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ito ba’y Pagpapabukas-bukas?
  • Paghuli sa Magnanakaw
  • Isipin ang mga Kahihinatnan
  • Ano ang Magagawa Ko?
  • Paano Ko Maiiwasan ang Pagpapaliban-liban?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Tulong Para Hindi Ipagpaliban ang Gawain
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2022
  • Paano Ko Mababadyet ang Oras Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Hindi Mo Ito Puwedeng Ipunin, Kaya Gamitin Itong Mabuti
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/8 p. 20-22

Pagpapabukas-bukas​—Ang Magnanakaw ng Panahon

“Ang pagpapabukas-bukas ang magnanakaw ng panahon.”​—Edward Young, c. 1742.

HUWAG! Huwag tumigil sa pagbabasa ng artikulong ito! Alam mo kung ano ang maaaring mangyari. Maaaring ilapag mo ito at sabihin: “Kawili-wiling pamagat iyan, subalit wala akong panahon na basahin ito ngayon. Babalikan ko na lamang ito mamaya.” Subalit ang mamaya ay maaaring hindi na dumating.

Huwag ipagpabukas-bukas ang tungkol sa pagbabasa ng isang artikulo tungkol sa pagpapabukas-bukas! Orasan mo ang iyong sarili. Malamang na mababasa mo ang artikulong ito sa loob ng mga limang minuto. Sa panahong iyon ay matatapos mo ang halos 10 porsiyento ng buong magasing ito! Tingnan mo ang iyong relos at simulan mong orasan ngayon. (Nabasa mo na ang 5 porsiyento ng artikulo!)

Ito ba’y Pagpapabukas-bukas?

Kung ipagpapaliban mo​—iaantala ang maaari o dapat mong gawin ngayon​— kung gayon ikaw ay nagpapabukas-bukas. Sa ibang salita, ipinagpapaliban mo para bukas ang magagawa mo ngayon, sa araw na ito. Inaantala ng isang nagpapabukas-bukas ang pagkilos kung kailan kinakailangan ang pagkilos.

Hinihiling ng isang superbisor ang isang ulat mula sa isang empleado; hinihiling ng mga magulang sa kanilang anak na linisin ang kaniyang silid; hinihiling ng isang asawang babae na ayusin ng kaniyang asawa ang gripo. “Abala ako” o, “Nakalimutan ko” o, “Wala akong panahon” ang mga dahilang ibinibigay sa hindi paggawa nito. Ang totoo ay, iilan sa atin ang nagnanais gumawa ng mga ulat o maglinis ng mga silid o mag-ayos ng instalasyon ng mga tubo kapag may higit na kasiya-siyang mga bagay na dapat gawin. Kaya ipinagpapaliban natin ito, inaantala natin ang paggawa nito.

Gayunman, alam mo ba na kung minsan hindi naman pagpapabukas-bukas ang pagpapaliban natin ng paggawa ng isang bagay? Isang babaing negosyante na tumanggap ng isang kahilingan at hindi nalalaman kung ano ang gagawin dito ang isinasalansan ito sa isang kahon na may tatak na “suspend” sa kaniyang mesa. Pagkatapos ng ilang linggo, nirerepaso niya ang mga bagay na ito at nasusumpungan niya na kalahati sa mga ito ay hindi nangangailangan ng pagkilos. Ang mga problema ay naparam o ang mga bagay na ito ay hindi na kailangan. Kung hindi mo matiyak kung iaantala o kikilos, subukin mong tiyakin kung ano ang mangyayari kung hindi mo kailanman gagawin ang iyong ipinagpapaliban. Ang kalalabasan kaya ay mas mabuti kung gagawin mo ito o magiging masahol pa?

Kung maaari at dapat tayong kumilos ngayon at kung ang pag-aantala ng pagkilos ay maaaring lumikha ng higit na problema sa dakong huli, kung gayon ang pag-aantala ay pagpapabukas-bukas. Halimbawa, ang paghuhugas ng mga pinggan pagkatapos na mapabayaan ito sa loob ng ilang panahon ay gagawa ritong mas mahirap linisin. Ang pagpapaliban sa mantensiyon ng kotse ay maaaring magbunga ng magastos na mga pagkukumpuni sa dakong huli. Ang pagiging huli sa pagbabayad ng utang ay maaaring magbunga ng mas malaking bayarin o pagkawala ng mga serbisyo. Tinantiya ng isang babae na ang kaniyang kabayaran sa mga multa sa paglabag sa trapiko, mga videotape, at mga aklat na hiniram sa aklatan na lampas na sa taning ay nagkahalaga ng kabuuang 46 na dolyar sa mga multang ipinatutupad dahil sa pagiging huli! Iyan ay sa loob lamang ng isang buwan!

Paghuli sa Magnanakaw

Unawain kung bakit ka nagpapabukas-bukas. Tingnan ang sumusunod na mga dahilan, at tingnan kung makikilala mo ang isa na angkop sa kasalukuyang proyekto na hindi mo pa nasisimulan o natatapos:

Gawi:

Kung maghihintay ako hanggang sa huling sandali, magkakaroon ako ng higit na pangganyak na tapusin ito.

Nasisiyahan ako sa katuwaan na nakukuha ko sa paggawa rito sa pinakahuling sandali.

Hihintayin ko hanggang sa ipaalaala sa akin ni boss nang ilang beses, kung gayon malalaman ko na ito ay isang bagay na talagang gusto niyang magawa.

Napakarami kong gagawin anupat ang kritikal lamang na mga bagay ang nakatatawag ng aking pansin.

Saloobin:

Wala akong pagnanais o pangganyak na gawin ang atas.

Ginagawa ko lamang ang mga bagay kapag gusto kong gawin ito.

Gusto kong gawin ang ibang bagay.

Wala akong disiplina-sa-sarili.

Takot:

Hindi ko tiyak kung magagawa ko ito.

Wala akong sapat na panahon upang gawin ito.

Napakalaking proyekto nito. Kailangan ko ng tulong.

Ano kung hindi ako magtagumpay o hindi ko matapos ito?

Kailangan kong kunin ang mga materyales upang matapos ang proyekto.

Nangangamba akong ako’y pipintasan o mapapahiya.

Ang iba’t ibang tao ay nagpapabukas-bukas sa iba’t ibang yugto. Ang ilan ay nagpapabukas-bukas bago magsimula sapagkat minamalas nila ang proyekto na napakalaki. Ang iba naman ay nagsisimula, subalit sa mga kalahatian ng atas, ang kasiglahan ay humihina, at ipinagpapaliban ang pagtapos dito. Ang iba naman ay malapit nang matapos ito subalit nagsisimula ng iba namang proyekto, iniiwan ang unang proyekto na hindi tapos. (Siyanga pala, mahusay ang ginagawa mo. Halos nangangalahati ka na sa artikulong ito.)

Ang iyong mga dahilan sa hindi pagsisimula o pagtatapos ng isang proyekto ay maaaring uriin sa tatlong klase. Sa aklat na The Now Habit, si Neil Fiore ay sumulat: “Ang tatlong pangunahing isyu na nasa ilalim ng karamihan sa mga problema ng pagpapabukas-bukas ay: pagkadama na parang isang biktima, nalilipos, at pangamba na mabigo.” Anuman ang mga dahilan, kung maituturo mo ang mga dahilan, malapit ka na sa lunas.

Kung ikaw ay hindi nakatitiyak kung bakit ka nagpapabukas-bukas, itala mo ang iyong mga gawain sa isang linggo na may kalahating-oras na mga pagitan. Tiyakin kung paano mo ginugugol ang panahon. Maaari itong maging isang tunay na tagapagbukas-ng-mata upang makita kung gaano karaming panahon ang ginugugol natin sa totoong hindi mahahalagang bagay sa pagitan ng mahahalagang atas. Ngunit ano ang susunod mong gagawin?

Isipin ang mga Kahihinatnan

Ang pag-asa na may magagawa nang wala namang pagsisikap dito ay maaaring magdulot ng di-kaayaayang pakiramdam. Habang papalapit ka sa inaasahang katapusang araw, nakadarama ka ng panggigipit at pagkabalisa. Habang tumitindi ang mga damdaming ito, ang iyong malikhaing kakayahan ay maaaring mahadlangan. Hindi mo masukat o matimbang ang iba’t ibang paraan upang matapos ang tunguhin kundi ikaw ay interesado lamang na matapos ito.

Halimbawa: Ikaw ay inatasang magbigay ng isang presentasyon. Noong gabi bago niyan, ikaw ay naupo upang isulat ang ilang pananalita sa papel. Hindi ka nakagugol ng sapat na panahon upang saliksikin ang iyong paksa, kaya kumatha ka lamang karaka-raka. Marahil sa pamamagitan lamang ng kaunti pang pagsisikap, maaari mo sanang nasamahan ito ng mga karanasan, umaalalay na impormasyon, o mga tsart upang matulungan ang iyong mga tagapakinig na mailarawan sa isip ang paksa.

Isa pang resulta na nangyayari kapag inantala natin ang isang proyekto ay na hindi tayo makarelaks kung mayroon tayong malayang panahon. Iyan ay dahilan sa mayroong kumukulit sa atin (o may laging nagpapaalaala sa atin) na iniwan natin ang isang proyekto na hindi tapos.

Ano ang Magagawa Ko?

Gumawa ng listahan. Gawin ito sa gabi. Ilista sa papel ang mga bagay na nais mong gawin kinabukasan. Sa ganitong paraan wala kang makalilimutan, at makikita mo ang iyong pagsulong habang minamarkahan mo ng tsek ang mga bagay na natapos. Sa gawing kanan ng bawat bagay, isulat kung gaano katagal tinatantiya mong matatapos ang atas. Kung gumagawa ka ng isang listahan ng ‘Gagawin’ para sa isang araw, isulat ang mga minuto na tinataya mong kakailanganin. Kung ikaw ay gumagawa ng isang listahan ng proyekto, isulat ang tinatayang oras na kakailanganin. Gawin ang listahang ito sa gabi. Gumugol ng ilang minuto upang ihanda ang iyong listahan para sa susunod na araw. Mag-ingat ng isang buwanang kalendaryo na madali mong makikita. Habang ikaw ay tumatanggap ng mga atas at mga appointment, isulat ito.

Kapag nirerepaso mo ang mga trabaho para sa susunod na araw, unahin mo ang mga bagay na dapat unahin sa iyong kalendaryo, nilalagyan ng A, B, C, at iba pa sa bawat bagay na dapat gawin. Ang ibang mga tao ay nakagagawa nang mas mabuti sa umaga, ang iba naman ay sa hapon o sa gabi. Iiskedyul ang pinakamalaki mong mga proyekto sa iyong pinakamainam na panahon. Ilagay ang hindi gaanong kasiya-siyang gawain na una sa kasiya-siyang mga gawain.

Pagtantiya ng oras. Kung ikaw ay laging huli, literal na tumatakbo dahil sa ikaw ay huli, matutong magtantiya ng oras. Yaon ay, gumawa ng tamang pagtantiya kung gaano katagal kailangan mong gawin ang isang atas. Dagdagan ng ilang minuto ang atas para sa di-inaasahang “sakuna” na maaaring mangyari. Huwag kalimutang magpalugit ng panahon sa pagitan ng mga appointment. Kailangan mong magdagdag ng panahon para sa pagbibiyahe. Hindi mo maaaring wakasan ang isang miting sa ika–10:00 n.u. at pumaroon sa isa pang miting sa ika-10:00 n.u. kahit na ito ay nasa susunod na silid, ano pa kaya kung ito ay nasa kabilang bayan. Magpalugit ng sapat na panahon sa pagitan ng mga miting.

Ipagkatiwala sa iba. Kadalasang sinisikap nating gawin ang lahat ng bagay sa ganang sarili bagaman maaari namang ipagkatiwala ito sa iba. Maaaring ihatid ng ibang tao ang isang pakete para sa atin kung alam natin na siya’y patungo sa tanggapan ng koreo.

Hatiin ito. Kung minsan hindi natin sinisimulan ang isang bagong proyekto dahil sa laki nito. Bakit hindi hatiin ang malalaking atas sa maliliit na atas? Habang natatapos natin ang maliliit na atas, makikita natin ang ating pagsulong at tayo’y mapatitibay na tapusin ang susunod na bahagi.

Maglaan para sa mga pag-abala. Laging may mga pag-abala sa ating araw ng trabaho​—mga tawag sa telepono, mga bisita, mga problema, sulat. Nais nating magtrabahong mahusay, kabilang dito ang pagtatrabahong kasama ng ibang tao na mayroon ding mga pangkatapusang araw. Kung tayo’y nababahala lamang sa pagtatrabahong mahusay, maiinis tayo kapag inabala ng iba ang ating mga gawain. Kaya, maglaan ng panahon para sa mga pag-abala. Maglaan ng panahon para sa hindi isinaplanong mga pangyayari. Kapag bumangon ito, maaasikaso mo ito, nalalaman mong ikaw ay naglaan ng ilang panahon para sa mga bagay na ito.

Gantimpala. Kapag ginagawa mo ang iyong mga iskedyul, dapat kang magplano para sa puspusan o nakatutok ang pansin na paggawa sa loob halos ng 90 minuto. Huwag kaliligtaang mag-iskedyul ng panahon para sa paghahanda sa trabaho. Pagkatapos na aktuwal na masimulan ang trabaho at ika’y nagtatrabaho na sa loob ng halos isang oras at kalahati, kailangan mong magpahinga nang kaunti. Kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang opisina, humintong sandali, mag-inat, at mag-isip. Kung ikaw ay nagtatrabaho sa labas, magmeryenda. Gantimpalaan ang iyong sarili dahil sa iyong paggawa.​—Eclesiastes 3:13.

Isipin lamang, natapos mo ang artikulong ito sa loob halos ng limang minuto pagkatapos mong basahin ang titulo. Maaaring ikaw ay patungo na sa landas ng paggaling!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share