Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-asa Para sa mga Utal
  • Ang “Negosyo” ng Relihiyosong Turismo
  • Dumarami ang mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain
  • Nawawalang mga Tao sa Delhi
  • Mga Saksi ni Jehova sa Cuba
  • Antarctica​—Dating Mainit at Luntian
  • Pinakahuling Balita Tungkol sa “Radial Keratotomy”
  • Ginhawa Para sa Alerdyik
  • Pag-unawa sa Burukratikong Kalabuan sa Hapón
  • Ibinabasurang mga Gamot
  • Turismo—Isang Pangglobong Industriya
    Gumising!—2002
  • Bakit Isang Modernong-Panahong Salot?
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain—Ano ang Makatutulong?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pag-asa Para sa mga Utal

Isang inang taga-Australia na dumanas ng pagkapahiya dahil sa pagkautal noong siya’y isang bata ang lubhang nasiraan ng loob nang marinig niya ang kaniya mismong mga anak na nagsimulang magsalita nang pautal-utal sa maagang gulang. Kaya siya’y nasangkot sa isang programang magkasamang ginawa ng mga speech therapist sa isang ospital sa Sydney at ng Sydney University sa New South Wales. Ang sekreto ng tagumpay ay maliwanag na nasa paggamot sa mga bata hangga’t maaari sa pagkabata. Inaantala ng maraming magulang ang paglutas sa problema sa maling palagay na maihihinto rin ito ng bata paglaki nito. Gaya ng iniulat sa The Sydney Morning Herald, ang programa “ay lubhang matagumpay at nag-aalok ng unang pag-asa na ang pagiging utal ay maaaring lubusang mapagaling.” Binabanggit nito na ang mga therapist ay gumugugol lamang ng halos sampung oras upang gamutin ang mga bata, subalit daan-daang oras ang kinakailangan upang gamutin ang mga adulto at mas matandang mga bata, karagdagan pa sa mga oras na ginugugol ng mga magulang sa tahanan. “Sa 43 batang ginamot sa pagitan ng edad na dalawa at lima, nasumpungan ng nagpapatuloy na pag-aaral na walang isa man ang bumalik sa dating kalagayan nang suriing-muli ng mga mananaliksik sa pagitan ng isa at anim na taon pagkatapos ng paggamot,” sabi ng pahayagan.

Ang “Negosyo” ng Relihiyosong Turismo

“Ang relihiyosong turismo ay lumalakas kapuwa sa Italya at sa iba pang bahagi ng daigdig,” sulat ng La Repubblica. Tinataya ng mga dalubhasa na, kung tutuusin, “mahihigitan [ng 1994] ang lahat ng naunang rekord,” na may mula 35 milyon hanggang 37 milyong dumalaw sa Katolikong relihiyosong mga gusali sa Italya lamang. Ang tagumpay ng Italya, sabi ng pahayagan, ay dahil sa kaniyang “30,000 simbahan na nakatala bilang may artistikong halaga, 1,500 dambana, 700 museo ng diosesis, maraming monasteryo, abadia, at mga kumbento.” Ang relihiyosong turismo ay bumubuo ng isang “negosyo” na ang pasok ng salapi ay mahigit na 4,000 bilyong lire [$2.5 bilyon, U.S.], sabi pa ng pahayagan, “subalit sa ibang bansa rin, ang relihiyosong turismo ay nagtatamasa ng di karaniwang tagumpay.”

Dumarami ang mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain

Bakit dumarami ang bilang ng mga sakit na nauugnay sa pagkain na bulimia at anorexia? Dahil sa mga kaligaligan ng damdamin na nagiging sanhi ng matinding pagkabalisa sa isang daigdig na waring “nakatatakot at hindi masupil,” ulat ng magasing Your Family. Ang mga dahilan ng kanilang pagkabalisa ay masalimuot, gaya ng panggigipit ng magulang na magtagumpay, diborsiyo ng mga magulang, at pag-abuso. Karagdagan pa, paliwanag ni Dr. Danie le Grange, isang miyembro ng National Eating Disorders Committee, marami ang nagiging biktima ng mga sakit na ito dahil sa matagal at panayang pag-aaral sa mga magasin tungkol sa kausuhan at pag-aaral tungkol sa mga diyeta sa isang masidhing pagsisikap na maging balingkinitan o sa pamamagitan ng pagsunod sa napakagulong gawi sa pagkain. Ang mga kababaihan sa pagitan ng edad na 18 at 22 ang pinakamadaling matukso, bagaman ang mga pasyente na kasimbata ng 8 taóng gulang ay humingi ng propesyonal na tulong. Ang mga biktima ay maaaring matagumpay na magamot lamang kung nais nila, sabi ni Dr. le Grange, binabanggit na ang “ganap na paggaling ay posible.” Gayunman, ipinakikita ng mga estadistika na kasindami ng 18 porsiyento niyaong mga naging biktima ng mga sakit na nauugnay sa pagkain ang namamatay.

Nawawalang mga Tao sa Delhi

Mahigit na 10,000 katao ang iniuulat na nawawala sa Delhi, ang kabisera ng India, taun-taon. Sa mga ito, sangkatlo lamang ang kailanma’y natutunton. Limampung porsiyento ay mga bata na wala pang 18, at nahihigitan ng mga lalaki ang mga babae ng 2 sa 1. Gaya ng iniulat sa The Times of India, libu-libong batang babae ang nagwawakas sa mga bahay-aliwan. Ang mga batang lalaki ay pinipilit ng mga gang ng mga kriminal sa pamamalimos o pinagtatrabaho ng mahahabang oras para sa kaunting sahod sa maliliit na restauran.

Mga Saksi ni Jehova sa Cuba

Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng higit na kalayaan na isagawa ang kanilang ministeryo, na nagpangyari sa kanila na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga tao. Bagaman ang gawain ay hindi opisyal na kinikilala at legal, sila’y pinayagang gamitin ang kanilang dating mga tanggapan at mas malayang nagtipun-tipong magkakasama para sa pagsamba​—sa isang antas na sila’y nakapagdaos ng maliliit na mga asamblea. Sila’y binigyan ng pahintulot na mag-imprenta ng mga magasin. Lipos ng kagalakan at kasiglahan dahil sa mga pangyayaring ito kamakailan, ang mga Saksi ay nagpapatuloy sa kanilang gawain ng pangangaral, nagsisikap na ipakipag-usap ang mensahe ng pag-asa ng Bibliya.

Antarctica​—Dating Mainit at Luntian

Isang grupo ng Australiano at Amerikanong mga siyentipiko ang nakatuklas ng mga fossil ng “mga dahon, kahoy at polen pati ng lumot at mga itlog ng insekto . . . mga 500km [300 milya] lamang mula sa Timog Polo, na nagpapahiwatig ng isang klima na 20-25C [35-45° F.] na mas mainit kaysa ngayon,” ulat ng magasing The Australian. Ang pagkatuklas ng mga itlog ng uwang ay nagpapatunay na ang klima ay may sapat na init upang bumuhay sa mga insekto. Isa pa, ang tubig ay kailangang manatiling likido, at ang panahon ng pagsibol ay tumatagal ng may sapat na haba upang ang mga halaman ay mamulaklak at magkaroon ng binhi. Sa panahon ding iyon, susog pa ng ulat, may mga halamang tumutubo sa Tasmania (ang estadong isla ng Australia sa gawing timog nito) na ngayo’y hindi na tumutubo sa gawing dulo ng timog kundi sa kalagitnaan ng New South Wales, halos wala pang 1,600 kilometro sa hilaga ng Tasmania​—naglalaan ng di-tuwirang pagpapatunay na dati’y mayroong mas mainit na klima sa rehiyong iyon.

Pinakahuling Balita Tungkol sa “Radial Keratotomy”

Ang radial keratotomy, ang popular na operasyon upang iwasto ang myopia (mahinang paningin sa malayo) ay isinasagawa sa mahigit na sangkapat na milyong tao sa Estados Unidos sa bawat taon. Ang ikalawang operasyon upang pagbutihin ang unang operasyon ay kinakailangan sa mahigit na 30 porsiyento ng mga kaso. Ngayon, natiyak ng isang sampung-taóng pag-aaral na itinataguyod ng National Eye Institute “na ang pamamaraan ay makatuwirang ligtas at mabisa subalit ito’y maaaring humantong sa isang mabilis na paghina sa kakayahan na makita ang mga bagay na malapit,” ulat ng The New York Times. Ang detalyadong pag-aaral tungkol sa kinalabasan ng operasyon ay nagsiwalat ng dati’y bahagyang nalalamang resulta: unti-unting pagbabago sa mata na nagpapangyari sa malapitang paningin na unti-unting lumabo. Ang paghina ng paningin ay napansin sa 43 porsiyento niyaong sumailalim ng operasyon. Bagaman ang ilan nito ay dahil sa pagtanda, ang ilan ay “waring dahil sa pamamaraang radial keratotomy, na waring nagpangyari ng pagbabago sa ilang tao sa mas maagang gulang,” sabi ng artikulo. “Dapat mabatid ng mga tao na mayroon pang di-malutas na mga isyu,” sabi ni Dr. Peter J. McDonnell, kasamang tagapamanihala ng pag-aaral. “Walang garantiya ng sakdal na paningin.”

Ginhawa Para sa Alerdyik

Ayon sa World Health Organization, 20 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay may ilang uri ng alerdyi, ulat ng magasin sa Brazil na Globo Ciência. “Lahat ng mga pahiwatig ay nagsasabi na ang mga alerdyi ay isang sakit ng sibilisasyon,” sabi ng imyunologong si Júlio Croce. “Sa kapaligiran ay may mahigit na sampung libong nakapipinsalang mga bagay.” Karagdagan pa sa karaniwang mga sanhi ay, gaya ng mga napakaliit na mga hayop at polusyon, ang kaigtingan, labis-labis na paggamit ng medisina, at kemikal na mga produktong ginagamit sa pagkain, kosmetiks, at inumin. Kahit na ang labis na ehersisyo ng katawan ay maaari ring humantong sa o palalain ang hika. Gayunman, kung matutuhan ng mga tao ang wastong paghinga, “ang ehersisyo ay makatutulong upang bawasan ang tindi at dalas ng mga sumpong,” sabi ni Dr. Croce. Dapat panatilihing malinis ng mga alerdyik ang kanilang silid-tulugan at nahahanginang mabuti at iwasan ang paghipo sa mga alagang hayop, gaya ng mga aso, pusa, o ibon, gayundin ang mga pabango at iba pang matapang ang amoy na mga produkto. Dapat din nilang iwasan ang biglang pagbabago ng temperatura, paninigarilyo, at mga inuming de alkohol at uminom lamang ng iniresetang gamot.

Pag-unawa sa Burukratikong Kalabuan sa Hapón

Sa Tokyo, kapag sinasabi ng mga burukrata, “Ang opinyon mo ay mahalagang payo,” o, “Pag-iisipan naming maingat ang iyong mungkahi,” ito’y nangangahulugan na walang higit pang pagkilos ang malamang na gawin. Gayundin, ang mga pangakong “maingat na isasaalang-alang” o “isasaalang-alang mula sa maraming punto de vista” ay malamang na hindi rin magbunga ng nakikitang mga resulta. “Pag-aaralan namin ang iyong mga mungkahi” ay karaniwang nangangahulugan na walang magbabago sa malapit na hinaharap. Ang mga pangakong “isasaalang-alang” ay mas positibo nang kaunti kaysa “pag-aaralan,” at ang “lubusang isasaalang-alang” ay nangangahulugan na ang isang idea ay maaari pa ngang isagawa. Kaya ang isang matagal nang opisyal ng pamahalaan ay nagpaliwanag sa mga terminong karaniwang ginagamit kung panahon ng mga miting ng asamblea ng Lungsod ng Tokyo, sabi ng The Daily Yomiuri, bilang tugon sa mga reklamo ng mga mamamayan na “wala silang malinaw na idea kung baga ang pamahalaan ay panig o laban” sa isinumiting mga mungkahi. Ang dahilan ng kalabuan, sabi ng pahayagan, ay na “ang mga burukrata ay nag-iingat na huwag mapahiya ang mga miyembro ng asamblea sa pamamagitan ng tahasang pagtanggi sa kanilang mga mungkahi.”

Ibinabasurang mga Gamot

Ayon sa isang kompaniya sa segurong pangkalusugan sa Alemanya, ang dami ng mga gamot na ipinagbibili o inirereseta sa Alemanya ay napakataas anupat ang bawat lalaki, babae, at bata ay makaiinom ng 1,250 pildoras isang araw. Ano ang ginagawa ng mga tao sa lahat ng mga produktong ito? Ang marami ay hindi ginagamit, ulat ng Süddeutsche Zeitung, kundi basta itinatapon. “Hindi namin mapapayagan ang mga gamot na nagkakahalaga ng milyun-milyon na mauwi lamang sa basura taun-taon,” panangis ng pinuno ng isang samahan ng mga kompaniya sa segurong pangkalusugan. Ang mga ito ay humiling sa mga manggagamot at sa mga industriyang gumagawa ng gamot na bigyan ang mga pasyente ng higit na detalyadong impormasyon tungkol sa mga gamot na kanilang tinatanggap at gawin iyon sa “nauunawaang Aleman.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share