“Isang Holocaust sa Pananalapi”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
AYON sa report ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), ang bahagi ng Sahara sa Aprika ay dumaranas ng “isang holocaust sa pananalapi.” Halos kalahati ng populasyon—mga 220 milyon katao—ang nabubuhay sa ganap na karukhaan, hindi mapangalagaan ang kanilang pinakamahalagang pangangailangan. Ang katamtamang mamamayan ay 20 porsiyentong mas mahirap kaysa noong sampung taon ang nakalipas.
“Sa edukasyon,” sabi ng report, “ang dekada ng 1980 ay mailalarawan lamang bilang isang naluging dekada.” Ang gastos sa bawat estudyante ay bumaba nang sangkatlo, at ang pagpapatala sa mga paaralang primarya ay bumaba mula sa 79 tungo sa 67 porsiyento. Ang mga paglilingkod sa pangangalagang-pangkalusugan ay umuunti rin sa maraming bansa sa Aprika, ang maraming klinik ay nagsasara dahil sa kakulangan ng mga tauhan at medisina.
Itinatala ng report ang ilang dahilan ng krisis sa ekonomiya ng kontinente, pati na ang gastusing militar, humihinang kalakal, at pagkalaki-laking pagkakautang, na sinasabi ng mga dalubhasa na hindi kailanman mababayaran. “Ang Aprika ay hindi makababangon,” sabi ng report ng UNICEF, “kung walang internasyonal na pagsisikap sa isang malaking antas na hindi pa napag-iisipan.”
Ito kaya’y malamang na mangyari? Ang Bibliya ay makatotohanang nagsasabi: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” (Awit 146:3) Ang lunas sa malalim-ang-pagkakaugat na mga problema sa Aprika ay hindi nakasalalay sa mga pamahalaan ng tao. Ang Kaharian ng Diyos ang magdadala ng nagtatagal na ginhawa—hindi lamang sa Aprika kundi sa buong daigdig.—Mateo 6:10.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
WHO/OXFAM