Ito ba ang Laro na Para sa Iyo?
“DEPENDE sa pangmalas ng isa, ang Doom ay alin sa nakakakabog-pusong laro ng baril anupat umaabot ang mga laro sa computer sa isang bagong antas ng makabagong teknolohiya o isang walang-habas na buháy na buháy na karahasan anupat umaabot ang mga laro sa computer sa isang bagong mababang pamantayang moral higit kailanman.” Gayon ang pagkasulat ni Peter Lewis sa “Personal Computers” sa tudling ng The New York Times. Mangyari pa, ang maraming laro sa computer ay pagbabalatkayo lamang ng karahasan, madugong pagpatay, o maging ng mahalay na pornograpya. Ang pinakahuling karagdagan pa—ang Doom II—ay inaasahang magiging mabili kahit ito’y nagkakahalaga ng $69.95. Ang uri ba ng larong ito ay angkop sa mga Kristiyanong maibigin sa kapayapaan? Ang patuloy na paglalarawan ni Lewis ay makatutulong sa inyong pagpapasiya.
“Ipinapalagay ng naglalaro sa kaniyang sarili na siya’y malupit na Marino na nakatalaga sa isa sa mga buwan ng Mars nang walang anu-ano’y isang aksidente sa industriya ang nagbukas ng pasilyo patungo sa Impiyerno. . . . Ang Marino ay kumikilos sa pasikut-sikot na mga pasilyo, . . . sinusuntok, binabaril, hinuhurno at nilalagare ang mga demonyo at dating mga tao sa halos bawat pagkilos. . . .
“Ang bagong mga bagay sa Doom II ay napakadaling buurin: Mas maraming demonyo, higit na nakasasakal na mga pasilyo, mas maraming armas at mas madugo.”
Nagkokomento sa isang kombensiyon sa computer sa Las Vegas, Nevada, ganito ang sabi ng The New York Times: “Ang pinakahantad na bagong bagay sa taóng ito ay ang multimedia na pornograpya . . . Inakit nito ang ilan sa pinakamalalaking grupo ng nagkomperensiya.”
Ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsabi: “Subalit ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga.” (Santiago 3:17) Mga magulang, sinuri na ba ninyo ang mga laro sa computer sa bahay na ginagamit ng iyong mga anak kamakailan? Kailangan pa ba naming sabihin ang higit pa?