Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Kahulugan ng Buhay?
“ANG MGA DARWINISTA AY NANGANGATUWIRAN NA ANG NATURAL SELECTION AY ISANG SAPAT NA PALIWANAG SA ORGANIKONG BUHAY. GAYUNMAN WARING SENTIDO KUMON NA, KUNG ANG ISANG ORGANISMO AY SUMUSULONG TUNGO SA HIGIT NA KASALIMUUTAN, KABATIRAN-SA-SARILI AT TALINO, KUNG GAYON ITO’Y DAHIL SA ANG MGA KATANGIANG IYON AY HINAHANGAD.”—DYLAN THOMAS (1914-53, MAKATA AT AWTOR NA WELSH).
ANG paghahanap sa kahulugan ng buhay ay hindi bago. Pinag-isipan na ito ng mga mausisa sa loob ng mga dantaon. Ipinakikita ng isang surbey kamakailan na higit itong pinag-iisipan ng mga taga-New Zealand, ngayon kaysa noong nakalipas na sampung taon. Apatnapu’t siyam na porsiyento ng populasyon na mga edad 15 taon at pataas, sabi ng report na inilathala sa Listener, “ay madalas na nag-iisip tungkol sa kahulugan ng buhay,” isang pagsulong mula sa 32 porsiyento nang ang kahawig na surbey ay isagawa noong 1985.
Waring ipinahahayag ng mga taga-New Zealand ang mga damdamin ng mga tao sa ibang bansa. Sabi pa ng Listener: “Ang dumaraming hilig na tanungin ang kahulugan ng ating pag-iral ay maaaring magpahiwatig na tayo’y mas nababahala ngayon kaysa noong mga taon ng 1980, hindi gaanong nakatitiyak sa tamang landas na dapat tahakin.”
Maliwanag, ang mga sagot na ibinibigay ng mga ebolusyunista sa karaniwang tanong na, Bakit tayo naririto? ay hindi nakasisiya sa dumaraming bilang ng mga tao. Maibibigay kaya ng Bibliya ang kinakailangang moral na giya upang masumpungan ang kahulugan ng buhay?
“Pangunahing Puwersang Pangganyak”
Sa lahat ng nilalang sa lupa, ang tao lamang ang nag-iisip tungkol sa layunin ng buhay. Alam mo ba kung bakit? Ang Bibliya ay nagbibigay ng isang dahilan sa Eclesiastes 3:11. Tungkol sa Maylikha, sabi nito: “Binigyan niya ang tao ng isang diwa ng panahon, ang nakaraan at ang hinaharap.” (The New English Bible) Bagaman ang lahat ng nabubuhay na bagay ay tila nanghahawakan sa buhay, waring ang tao ay natatangi sa pagkakaroon ng idea tungkol sa panahon—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Ang tao ay makapagbubulay-bulay sa nakaraan at tanawin ang hinaharap, pinagpaplanuhan ito, oo, masidhing ninanais pa ngang makabahagi rito. At maaari siyang masiphayo kapag hindi natupad ang kaniyang mga pangarap tungkol sa hinaharap dahil sa pansamantalang kalikasan ng kaniyang maikling buhay.
Kaya, ang tao lamang ang nagtatanong, Bakit ako naririto? Saan ako patungo? Ang saykayatris na si Viktor Frankl ay sumulat: “Ang paghahangad na masumpungan ang kahulugan sa buhay ang pangunahing puwersang pangganyak sa tao . . . Walang anumang bagay sa daigdig, ang masasabi ko, na totoong mabisang makatutulong sa isa na makaligtas sa isang pinakamasamang kalagayan, na katulad ng pagkaalam na mayroong layunin ang buhay.”
Pinatunayan ni Jesus ang Natuklasan ni Solomon
Ang pangangailangang masumpungan ang kahulugan ng buhay ay nakatawag ng pansin ng mga sinaunang tao. Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan tatlong libong taon sa kaharian ng Israel sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. Tungkol sa kaniya, ang Reyna ng Sheba ay nagsabi: “Totoo ang balitang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa at tungkol sa iyong karunungan. At hindi ko pinaniwalaan ang mga salita hanggang sa ako’y dumating at nakita ng aking mga mata; at, narito! ang kalahati ay hindi naisaysay sa akin. Ang iyong karunungan at kaunlaran ay higit kaysa kabantugan na aking narinig.”—1 Hari 10:6, 7.
Sa pagsulat sa aklat ng Bibliya na Eclesiastes, ipinabatid ni Haring Solomon sa kaniyang mga mambabasa ang mga resulta ng isang eksperimento na isinagawa niya upang bigyan-liwanag ang layunin ng buhay. Isa itong eksperimento sa mga pagkakataon upang tamasahin ang buhay na angkop sa isang karaniwang hari ng sinaunang Silangan. Sa Ecles kabanata 2, mga talatang 1-10, detalyadong inilarawan niya ang buhay ng kaluguran na mahirap gunigunihin sa ngayon. Sinubok niya ang lahat ng bagay na iniaalok ng buhay tungkol sa materyal na mga kayamanan at makalamang mga kaluguran. Ano ang kaniyang nahinuha tungkol sa kawalang-saysay ng gayong paghahangad? Ang kaniyang sagot ay dapat na makagulat sa labis na nagtitiwala rito.
Nang bulay-bulayin niya ang lahat ng mga bagay na ito, ang kaniyang palagay ay kadalasang negatibo. Ito’y walang kabuluhan, isang pag-aaksaya ng panahon. Siya’y sumulat: “Ako, ako nga, aking minasdan ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapapakinabangan sa silong ng araw.”—Eclesiastes 2:11.
Siya’y naghinuha na, sa pinakamabuti, ang makalupang mga kaluguran ay nagdudulot lamang ng panandaliang kasiyahan. Kahit na ang karunungan ng tao ay hindi makapagliligtas sa tao mula sa kirot at dalamhati ng buhay.
Gayundin ang hinuha ni Jesu-Kristo nang, bilang sagot sa labis na pagkabahala ng isang tao sa materyal na mana, sinabi niya sa nakikinig na pulutong: “Panatilihin ninyong nakadilat ang inyong mga mata at magbantay laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
Ang Diyos na Jehova lamang ang lubusang makadaraig sa kawalan ng kakayahan ng tao sa araw-araw na buhay at makapagbibigay ng matalinong layunin sa mga kilos ng tao. Kaya nga, ang buhay na walang Diyos ay walang kabuluhan. Gaya ng nakatala sa Eclesiastes 12:13, ganito ang sabi ni Solomon: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”
Pagtuklas sa Kahulugan ng Buhay
Ang palagay ni Solomon na ang kahulugan ng buhay ay hindi maaaring hiwalay mula sa kaayaayang pagkatakot sa Diyos ay paulit-ulit na pinatunayan ni Jesu-Kristo. “Nasusulat,” sabi ni Jesus, sinisipi ang Salita ng Diyos, “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4; Deuteronomio 8:3) Oo, upang ang buhay ay maging makabuluhan, ang espirituwal na mga aspekto ay hindi maaaring kaligtaan. Tungkol sa kaniyang sarili, sinabi pa ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Ang masunuring paglilingkod sa kaniyang makalangit na Ama ay isang pinagmumulan ng kagalakan at kasiyahan. Nagpalakas ito sa kaniya. Nagbigay ito ng layunin sa kaniyang buhay.
Samakatuwid, mararating ba ng buhay ang ganap na potensiyal nito nang walang Diyos? Hindi! Kapansin-pansin, ang mananalaysay na si Arnold Toynbee ay minsang sumulat: “Ang tunay na layunin ng isang nakatataas na relihiyon ay ipalaganap ang espirituwal na mga payo at mga katotohanan sa pinakadiwa nito sa pinakamaraming kaluluwang mapararatingan nito, upang ang bawat isa sa mga kaluluwang ito ay masangkapang tuparin ang tunay na layunin ng Tao. Ang tunay na layunin ng tao ay luwalhatiin ang Diyos at masiyahang kasama Niya magpakailanman.” Ipinahayag ni propeta Malakias ang pangmalas ng Diyos: “Tiyak na makikita ninyong muli bayan ang pagkakaiba sa pagitan ng isang matuwid at ng isang balakyot, sa pagitan ng isang naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18.
[Larawan sa pahina 26]
“Ang Nag-iisip,” ni Rodin
[Credit Line]
Scala/Art Resource, N.Y.