Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 6/8 p. 4-6
  • Milyun-Milyon ang Naging Alipin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Milyun-Milyon ang Naging Alipin
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tatsulok na Ruta
  • Ang Gitnang Daanan
  • Pagdating sa mga Bansa sa Amerika
  • Ang Trabaho at ang Latigo
  • Ipinagbili sa Pagkaalipin
    Gumising!—1995
  • Isang Relihiyosong Problema sa Kolonyang Brazil
    Gumising!—2002
  • Pagtahak sa Ruta ng mga Alipin
    Gumising!—2011
  • Ang Matagal Nang Pakikipaglaban sa Pang-aalipin
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 6/8 p. 4-6

Milyun-Milyon ang Naging Alipin

NANG isilang si Olaudah Equiano, ang mga bapor mula sa Europa ay nagdala na ng mga aliping Aprikano sa ibayo ng Karagatang Atlantiko sa loob ng dalawa at kalahating dantaon. Subalit mas matanda pa riyan ang pang-aalipin. Ang pang-aalipin ng mga tao, karaniwang bunga ng digmaan, ay malawakan nang ginagawa sa buong daigdig mula pa noong unang panahon.

Sa Aprika man, ang pang-aalipin ay palasak bago pa dumating ang mga bapor mula sa Europa. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga alipin ay naging pag-aari sa Aprika na binubuo ng pawang mga taong itim sa buong naitalang kasaysayan. . . . Ang pang-aalipin ay ginagawa sa lahat ng dako kahit na bago pa magsimula ang Islām, at ang mga aliping itim na iniluluwas mula sa Aprika ay malawakang ikinakalakal sa buong Islāmikong daigdig.”

Ang nagpangyari sa transatlantikong kalakalan ng alipin na kakaiba ay ang lawak at tagal nito. Ayon sa pinakatamang tantiya, ang bilang ng mga alipin na tumawid ng Karagatang Atlantiko mula noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo ay nasa pagitan ng 10 milyon at 12 milyon.

Ang Tatsulok na Ruta

Di-nagtagal pagkatapos ng paglalayag ni Christopher Columbus noong 1492, ang mga kolonistang Europeo ay nagtatag ng minahan at mga tubuhán sa mga bansa sa Amerika. Bukod sa pang-aalipin sa mga tagaroon, ang mga Europeo ay nagsimulang mag-angkat ng mga alipin mula sa Aprika.a Ang paghahatid ng mga alipin sakay ng bapor sa ibayo ng Atlantiko ay nagsimula na parang ga-patak noong kalagitnaan ng mga taon ng 1500, ngunit noong panahon ni Equiano, noong kalagitnaan ng mga taon ng 1700, ito ay naging isang baha​—halos 60,000 bihag taun-taon.

Ang mga bapor mula sa Europa ay karaniwang sumusunod sa isang tatsulok na ruta. Una’y naglalakbay sila patimog mula sa Europa tungo sa Aprika. Susunod sila ay naglalayag sa gitnang daanan (ang gitnang kawing sa tatsulok) tungo sa mga bansa sa Amerika. Sa wakas sila’y naglalayag pabalik sa Europa.

Sa bawat destinasyon sa tatsulok na rutang ito, ang mga kapitan ay nangalakal. Ang mga bapor ay umaalis mula sa mga daungan sa Europa na punô ng mga paninda​—tela, bakal, baril, at alak. Pagdating sa kanlurang baybayin ng Aprika, ipinagpapalit ng mga kapitan ang mga panindang iyon para sa mga alipin na itinutustos naman ng Aprikanong mga mangangalakal ng alipin. Ang mga alipin ay isinisiksik sa mga bapor, na saka naman naglalayag patungo sa mga bansa sa Amerika. Sa mga bansa sa Amerika, ipinagbibili ng mga kapitan ang mga alipin at saka magkakarga ng mga panindang gawa ng mga alipin​—asukal, rum, molases, tabako, bigas, at, mula noong mga dekada ng 1780, bulak. Ang mga bapor ay saka maglalayag pabalik sa Europa, ang pangwakas na yugto ng paglalakbay.

Para sa mga mangangalakal na Europeo at Aprikano, gayundin para sa mga kolonista sa mga bansa sa Amerika, ang kalakalan ng tinatawag nilang buháy na mga kargamento ay negosyo, isang paraan upang kumita ng salapi. Para sa mga naging alipin​—mga asawang lalaki at babae, mga ama at ina, mga anak na lalaki at babae​—ang kalakalan ay nangahulugan ng kalupitan at kakilabutan.

Saan nanggaling ang mga alipin? Ang ilan ay dinukot, gaya ni Olaudah Equiano, subalit ang karamihan ay nabihag sa mga digmaang ipinakipaglaban sa pagitan ng mga estado sa Aprika. Ang mga tagatustos ay mga Aprikano. Ang mananalaysay na si Philip Curtin, isang may kabatiran tungkol sa kalakalan ng mga alipin, ay sumulat: “Di-nagtagal ay nalaman ng mga Europeo na ang Aprika ay totoong mapanganib sa kanila mismong kalusugan upang personal na makibahagi sa posibleng pagsalakay sa mga alipin. Ang pang-aalipin ay naging isang gawain na isinasagawa lamang ng mga Aprikano . . . Karamihan ng mga taong ipinagbibili bilang mga alipin ay dating mga bihag sa digmaan.”

Ang Gitnang Daanan

Ang paglalakbay tungo sa mga bansa sa Amerika ay isang nakatatakot na karanasan. Nagmamartsa tungo sa baybayin na nakatanikala sa mga pangkat, ang mga Aprikano ay nanghina, kung minsan sa loob ng mga buwan, sa mga kutang bato o sa mas maliit na mga loobang nababakuran ng kahoy. Pagdating ng bapor na pinagsasakyan ng mga alipin patungo sa mga bansa sa Amerika, ang mga bihag ay kadalasang mahina na dahil sa pag-abuso na dinanas nila. Ngunit darating pa ang mas masahol na kalagayan nila.

Pagkatapos kaladkarin patungo sa bapor, hubaran, at suriin ng seruhano o kapitan ng bapor, ang mga lalaki ay kinakadena at dinadala sa kubyerta sa ibaba. Sinisiksik ng mga kapitan ng bapor ang maraming alipin hangga’t maaari sa lunas ng bapor upang lumaki ang kanilang tubò. Ang mga babae at mga bata ay binibigyan ng higit na kalayaan ng pagkilos, bagaman ito rin ay naglantad sa kanila sa seksuwal na pag-abuso mula sa mga tripulante.

Ang hangin sa lunas ng bapor ay mabaho, amoy bulók. Inilalarawan ni Equiano ang kaniyang mga nakita: “Ang kulóng na dako sa lunas at ang init ng panahon, idagdag pa ang dami ng tao sa bapor, na siksikan anupat ang bawat isa ay wala nang lugar para sa kaniyang sarili, halos hindi kami makahinga. Tagaktak ang pawis, anupat di-nagtagal ang hangin ay hindi na dapat langhapin dahil sa sarisaring karima-rimarim na amoy, at nagdulot ng sakit sa mga alipin, na ang marami ay namatay . . . Ang mga tilî ng mga babae at ang mga halinghing ng naghihingalo ay nagpangyari sa buong eksena ng kakilabutan na halos hindi maisip.” Kailangang batahin ng mga bihag ang gayong mga kalagayan sa buong paglalayag sa dagat, na inabot ng mga dalawang buwan, kung minsan ay mas matagal pa.

Sa kakila-kilabot na maruming mga kalagayan, nanagana ang sakit. Madalas ang mga epidemya ng disintirya at bulutong. Ang dami ng mga namamatay ay mataas. Ipinakikita ng mga rekord na hanggang noong mga taon ng 1750, 1 sa 5 Aprikano na sakay ng bapor ay namatay. Ang mga patay ay inihahagis sa dagat.

Pagdating sa mga Bansa sa Amerika

Kapag ang mga bapor ng mga alipin ay malapit na sa mga bansa sa Amerika, inihahanda na ng mga tripulante ang mga Aprikano para ipagbili. Pinakakawalan nila ang mga bihag mula sa kanilang mga tanikala, pinatataba sila, at pinapahiran sila ng langis ng palma upang sila’y magtinging malusog at upang ikubli ang mga pasâ at sugat.

Karaniwan nang ipinagbibili ng mga kapitan ang kanilang mga bihag sa pamamagitan ng subasta, subalit kung minsan sila’y nagsasaayos ng isang “agawan,” na humihiling sa mga mamimili na bayaran ang presyong piho nang patiuna. Ganito ang sulat ni Equiano: “Pagkabigay ng hudyat, (gaya halimbawa ng tambol ng drum) ang mga mamimili ay sabay-sabay na magdadagsaan sa bakuran kung saan nakakulong ang mga alipin, at pipiliin ang mga aliping naiibigan nila. Ang ingay at ang sigawan na kaagapay nito at ang kasabikan na makikita sa mukha ng mga mamimili ay nakadaragdag sa mga pangamba ng takót na takót na mga Aprikano.”

Sabi pa ni Equiano: “Walang alinlangan, sa ganitong paraan nagkahiwalay ang mga magkamag-anak at mga kaibigan, karamihan sa kanila ay hindi na kailanman nagkita pang muli.” Para sa mga pamilyang sa paano man ay nagawang manatiling sama-sama sa kakila-kilabot na karanasang ito sa nakalipas na mga buwan, ito ay lalo nang isang masaklap na dagok.

Ang Trabaho at ang Latigo

Ang mga aliping Aprikano ay nagtrabaho sa mga asyenda na nagtatanim ng kape, palay, tabako, bulak, at lalo na ng asukal. Ang iba ay nagtrabaho sa mga minahan. Ang ilan ay nagtrabaho bilang mga karpintero, manggagawa ng metal, relohero, panday ng baril, at mga marino. Ang iba pa ay mga katulong sa bahay​—mga katulong, nars, mananahi, at mga kusinero. Ang mga alipin ang nagkaingin sa lupa, gumawa ng mga daan at nagtayo ng mga gusali, at naghukay ng mga kanal.

Gayunman, sa kabila ng trabahong ginawa nila, ang mga alipin ay itinuturing bilang pag-aari, at ayon sa batas ang panginoon o amo ang may ganap na karapatan sa kaniyang pag-aari. Gayunman, ang pang-aalipin ay hindi nagpatuloy dahil sa pagkakait ng mga karapatan at kalayaan. Nagpatuloy ito dahil sa hagupit ng latigo. Ang awtoridad ng mga may-ari at ang kanilang mga superbisor ay depende sa kanilang kakayahang magpahirap. At maraming paghihirap ang ipinabata nila.

Upang hadlangan ang paghihimagsik at upang masupil ang kanilang mga alipin, ang mga may-ari ay nagsagawa ng humahamak na pisikal na parusa kahit sa maliliit na pagkakasala. Ganito ang sulat ni Equiano: “Napakakaraniwan na [sa West Indies] para sa mga alipin na herohan ng panimulang mga titik ng pangalan ng kanilang panginoon, at isang pasan ng mabigat na mga kawit na bakal ang nakabitin sa kanilang leeg. Tunay sa walang kakuwenta-kuwentang mga okasyon sila ay pinabibigatan ng mga kadena, at kadalasan ay idinaragdag pa ang mga kagamitan ng pagpapahirap. Ang busal na bakal, turnilyo de orehas, atb. . . . ay ginagamit kung minsan sa bahagyang pagkakamali. Nakita ko ang isang negro na pinalo hanggang sa ang ilan sa kaniyang mga buto ay nabali dahil lamang sa hinayaan niyang umawas ang pinakukuluan.”

Kung minsan pinipili ng mga alipin na maghimagsik. Gayunman, ang karamihan ng mga paghihimagsik ay hindi matagumpay at sila’y pinarusahan nang buong kabagsikan.

[Mga talababa]

a Ang pangunahing mga bansa sa Europa na tuwirang sangkot sa kalakalan sa transatlantiko ay ang Britanya, Denmark, Pransiya, ang Netherlands, Portugal, at Espanya.

[Larawan sa pahina 5]

Ang mga patay ay inihahagis sa dagat

[Credit Line]

Culver Pictures

[Larawan sa pahina 5]

Maraming alipin hangga’t maaari ang isinisiksik sa lunas ng bapor

[Credit Line]

Schomburg Center for Research in Black Culture / The New York Public Library / Astor, Lenox and Tilden Foundations

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share