Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 7/8 p. 3-4
  • Ano ang Nangyayari sa mga Lolo’t Lola?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nangyayari sa mga Lolo’t Lola?
  • Gumising!—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Ilan sa mga Problema?
    Gumising!—1995
  • Paano Ako Higit na Mapapalapít sa Aking mga Lolo’t Lola?
    Gumising!—2001
  • Pamumuhay na Magkasama sa Pag-ibig
    Gumising!—1995
  • Bakit Dapat Kong Makilala ang Aking mga Lolo’t Lola?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 7/8 p. 3-4

Ano ang Nangyayari sa mga Lolo’t Lola?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

“Hindi ako makapaniwala na bilang isang lolo ang aking mga apo ay maging magiliw sa akin. Sila’y kaloob​—mababait, walang-malay na mga embahador upang patibayin ang mga buklod ng pagmamahal.”​—Ettore, ang lolo.

SA KABILA ng nabanggit na kaayaayang kaugnayan, ang mga lolo’t lola, mga magulang, at mga apo ay hindi laging nagkakasundo sa mga panahong ito. Sa halip na nagtutulungan, ang tatlong salinlahi ay kadalasang nagbabanggaan. Taglay ang anong mga resulta? Higit at higit na pag-iisa at kalungkutan sa gitna ng mga matanda na, ang mga lolo’t lola​—mga miyembro ng pamilya na kadalasang pinakamahina at nabubukod, yaong matatakbuhan ng mga miyembro ng pamilya kapag sila’y may problema sa kabuhayan. Ano ang kalagayan sa inyong pamilya? Talaga bang pinahahalagahan ang mga lolo’t lola?

Noong nakaraang mga dekada, kapansin-pansing naapektuhan ng pambuong daigdig na mga pagbabagong panlipunan ang pamilya at ang mga kaugnayan sa loob nito, na nagbubunga ng halos lubusang paglaho ng patriyarkang pamilya. Sa Europa, 2 porsiyento na lamang ng mga matanda na ang nakikipisan sa kanilang mga anak. Magkagayon man, sa industriyalisadong mga bansa, dahil sa pagtaas ng katamtamang haba ng buhay at sa pagbaba ng mga pagsilang, ang katumbasan ng mga lolo’t lola sa populasyon sa pangkalahatan ay tumataas. Ang mga lola at lolo ay bumubuo ng 26 na porsiyento ng populasyon ng Europa, at ayon sa isang surbey na inilathala ng Unyong Europeo, ang bilang ay “nakataang dumami.” Ang Hapón, sabi ng Asahi Evening News, “ay ipinagmamalaki ang tradisyon nito na pangangalaga sa mga may edad nang mga mamamayan nito.” Subalit, lumalaganap ang kaugalian, lalo na sa mga lungsod, na iwan ang mga nuno sa mga ospital at mga klinika kahit na hindi naman kailangang maospital ang mga ito. Sa Timog Aprika rin, kung saan ang mga matanda na ay dating pinakikitunguhan nang may karangalan, may nakalulungkot na kaugalian ngayon na pagtanggi sa mga matanda na, ayon sa pahayagang The Cape Times ng Cape Town. Binabanggit ng ulat na nais ng mga pamilya na tamasahin “ang lahat ng makukuha sa buhay” at “nililinlang ang kanilang mga sarili na minsang ligtas na mailagay nila si lola sa isang tirahan, nagawa na nila ang lahat ng inaasahan sa kanila.”

Binabanggit din ng pahayagang iyon ang tungkol sa isang espesipikong kaso kung saan isang matanda nang lola ang inilagak ng kaniyang tatlong anak sa isang mahusay na tirahan para sa mga may edad na, “na nangangako ng suporta at regular na mga pagdalaw.” Subalit ano ang nangyari sa kaniya? “Sa simula ang mga pagdalaw ay araw-araw. Pagkaraan ng ilang linggo ito’y umunti sa tatlong beses isang linggo. Pagkatapos ito’y naging minsan sa isang linggo. Pagkalipas ng isang taon naging dalawa o tatlong beses na lamang sa isang buwan, hanggang sa naging lima o anim sa isang taon at sa wakas ay halos hindi na dumadalaw.” Paano pinalilipas ng lola ang kaniyang walang-katapusang mga araw? Ang makabagbag-damdaming paglalarawan ay nagsasabi: “Ang kaniyang silid ay may bintana na may natatanaw na isang puno, at ang kaniyang tanging buháy na mga kasama ay ang mga kalapati at mga pipit na dumarapo rito. Buong pananabik na hinihintay niya ang kanilang pagdating na para bang ang mga ito’y malapit na mga kamag-anak.”

Dahil sa Kanluraning impluwensiya sa mga istilo ng buhay sa Timog Aprika, na nag-uudyok sa marami na humanap ng trabaho sa mga lungsod, gayundin ang nangyayari sa mga pamilya sa tribo. Bukod pa sa pagbabago ng mga kalagayang panlipunan, ang iba pang dahilan ng pagpapabaya sa mga nuno ay ang paglaho ng makataong mga katangian na nagtataguyod ng maligayang panlipunan at pampamilyang pamumuhay​—kabutihan, paggalang sa kapuwa, pagmamahal sa pamilya​—at ang paglaganap ng hilig na kasakiman, hedonismo, pagmamataas, at paghihimagsik. Ayon sa Kasulatan, ang pagguho ng moral ay isang tanda na tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Kaya nga, sa halip na pahalagahan ang kanilang mga lolo’t lola bilang pinagmumulan ng tulong at katatagan, madalas na itinuturing sila ng mga anak at mga apo na nakasasagabal na hadlang, hindi makasabay sa mabilis na pagbabago sa lipunan.a

Ang agwat sa pagitan ng mga salinlahi ay higit at higit na tumitindi, at ito’y nagiging sanhi ng maraming tensiyon, lalo na kung ang mga may edad na ay nakatira sa kani-kanilang pamilya. Subalit, ang tulong ng mga lolo’t lola ay maaaring maging kapaki-pakinabang! Ano, kung gayon, ang ilan sa pangunahing mga problema sa pagitan ng mga salinlahi na nakahahadlang sa mapagmahal na mga kaugnayan sa pagitan ng mga lolo’t lola, mga anak, at mga apo? At paano muling maitatatag ng mga lolo’t lola ang kanilang mahalagang papel sa loob ng sambahayan?

[Mga talababa]

a Dapat kilalanin na sa ilang kaso ng pagkaulianin at grabeng mga suliranin sa kalusugan, ang isang nursing home na may propesyonal na mga kawani ay maaaring ang pinakamaibigin at praktikal na paglalaan para sa ilang matanda nang mga magulang.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share