Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 7/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naaksayang Pagkain ng Brazil
  • “Monday Morning Syndrome”
  • “Nangungunang Nagsusugal na Bansa sa Daigdig”
  • Apektado ng Daluyong ng Krimen ang mga Simbahan
  • Maraming Alam na Papa
  • Dugo​—Isang Mapanganib na “Gamot”
  • Ingatan ang Inyong mga Sanggol Mula sa Ingay
  • “Emosyonal na Pangunang Lunas”
  • “Ang Mumunting ‘Beast of Burden’ ng India”
  • Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?
    Gumising!—2002
  • Talaga Bang Napakasama ng Pagsusugal?
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1988
  • Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 7/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Naaksayang Pagkain ng Brazil

Ayon sa Ministri ng Agrikultura ng Brazil, “ang bansa ay nagtatapon taun-taon ng $2.34 na bilyong (U.S.) halaga ng bigas, balatong, mais, soya, trigo, gulay, at mga prutas,” sabi ng O Estado de S. Paulo. “Tinatantiya ang mga pagkalugi ng iba pang mga produkto [sa bukid] at pag-aaksaya ng mamimili, ang halaga ay umaabot ng hanggang $4 na bilyon (U.S.).” Ngunit bakit naaaksaya ang 20 porsiyento ng agrikultural na ani at 30 porsiyento ng produksiyon ng prutas? Kabilang sa mga dahilan na ibinigay ay ‘mahinang kakayahan ng pag-iimbak sa mga sakahan, hindi sapat na teknolohiya tungkol sa produksiyon, mapanganib na mga haywey, at mahinang pangangasiwa sa mga ani.’ Palibhasa’y idinaraing ang kakulangan ng pagsupil sa pag-aaksaya, si Benedito Rosa ng Ministri ng Agrikultura ay sinipi na nagsasabing: “Maaaring pakanin ng naaaksayang pagkaing iyon ang mga taong nangangailangan nito.”

“Monday Morning Syndrome”

“Ang kaigtingan ng pagbabalik sa trabaho kung Lunes ng umaga ay nagdaragdag sa panganib ng isang atake sa puso nang 33 porsiyento,” ulat ng Jornal do Brasil. Isang pag-aaral sa Alemanya ng 2,636 na kaso “ay nagsisiwalat na ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso ay iba-iba ayon sa araw ng linggo at sa oras.” Subalit, nasumpungan na ang mga araw ng Lunes ang lalo nang mapanganib at na ang mga atake sa puso ay tatlong ulit na malamang na mangyari sa umaga kaysa iba pang bahagi ng araw. Ang mga manggagawa sa pabrika ay mas apektado ng Monday-morning syndrome kaysa mga propesyonal at mga nag-oopisina. “May hinala kami na ang pagbabago sa mas matinding pagkilos, pagkatapos ng pagpapahingalay kung dulo ng sanlinggo, ang nagpapangyari ng mga atake [sa puso],” sabi ni Propesor Stefan Willich, na nangasiwa sa pananaliksik. Iminungkahi na dapat simulan ng mga taong may sakit sa puso ang kanilang linggo ng trabaho sa mahinahong paraan.

“Nangungunang Nagsusugal na Bansa sa Daigdig”

“Ang Hapón ay naging ang nangungunang nagsusugal na bansa sa daigdig,” sabi ng Asahi Evening News. Ang karamihan ng pera (65 porsiyento) ay isinusugal sa pachinko, ginagamit ang pinball na mga makina. Ang mga Hapones ay gumugugol din ng higit kaysa anumang ibang bansa sa lokal na pagtaya sa karera ng kabayo. Ang benta noong 1992 ay higit sa doble niyaong sa Estados Unidos at mahigit na apat na beses niyaong sa Hong Kong, Britanya, at Pransiya. Upang lumakas ang benta, ang mga kabataang babae ngayon ang pinupuntirya. Ganito ang sabi ng isa mula sa Nagoya: “Nagrereklamo ang aking mga magulang subalit lagi kong sinasabi sa kanila, ‘Ang pambansa at lokal na mga pamahalaan ang nag-oorganisa nito. Paano ito magiging masama?’ ” Sa katunayan, ipinagbabawal ng batas sa Hapón ang pagsusugal sa simulain, ngunit ang pagsusugal pampubliko ay umiiral bilang isang “de facto na ekonomiya,” sabi ng mananaliksik na si Hiroshi Takeuchi. Inaakala niyang kapag ang mga napagbilhan sa pagsusugal ay mahigit sa 4 na porsiyento ng gross national product (pangkabuuang produktong pambansa) ng bansa, ito ay nagiging isang problemang panlipunan. Ang Hapón ngayon ay nasa 5.7 porsiyento.

Apektado ng Daluyong ng Krimen ang mga Simbahan

Nito lamang nakalipas na mga taon, ang mga simbahan sa Australia ay karaniwang iniiwang walang kandado, kahit na walang mga serbisyo ang isinasagawa. Subalit nagbago na ang mga bagay-bagay ngayon, ulat ng pahayagang The Weekend Australian, dahil sa mga pagnanakaw, panloloob, bandalismo sa mga gusaling simbahan, at maraming pangyayari na doon ang mga pari ay sinalakay. “Ako’y nangangambang ang karamihan ng aming mga parokya ay nagkakandado na ngayon ng kanilang mga simbahan. Totoong nakalulungkot naman iyan,” sabi ng arsobispong Katoliko na si John Bathersby. “Sa palagay ko’y nanghina na ang pagpipitagan sa relihiyon. Sa palagay ko ang ganap na pagiging sekular ng lipunan ang lumikha ng isang kapaligiran na doon hindi napag-uunawa ng maraming tao ang Simbahan na kakaiba sa anumang iba pang institusyon sa lipunan, at samakatuwid ang pantanging pagpipitagan na taglay nito ay naglaho. Nakikita ng ilang tao ang isang simbahan bilang isa lamang gusali.”

Maraming Alam na Papa

Si Papa John Paul II ay hindi lamang espirituwal na pinuno ng Iglesya Romana Katolika kundi isa ring dramaturgo, awtor, at recording artist. Ang kaniyang bagong aklat, ang Crossing the Threshold of Hope, ay nasa listahan ng pinakamabiling aklat sa loob ng maraming linggo. Ang dula, isang musikal na dramang tinatawag na The Jeweler’s Shop, ay itinanghal noong nakaraang Disyembre sa New York City para sa limitadong pagtatanghal. Ito’y isinulat ng papa noong 1960 sa ilalim ng sagisag-panulat na Andrzej Jawien. “Ang papa ay isang dramaturgo, isang artista, isang direktor, isang tagasalin at isang kritiko sa drama para sa lokal na pahayagan sa Cracow,” sabi ng prodyuser ng dula. Nariyan din ang mabiling dobleng CD rekording ng papa na bumibigkas ng Rosaryo. At ang papa ay isang kilalang manlalakbay sa daigdig, na may mga planong dumalaw sa limang kontinente sa taóng ito. Ang kaniyang ika-63 biyahe, noong Enero, ay inilarawan ng The New York Times bilang “isang pagsisikap ng 74-anyos na Papa upang isaisang-tabi ang idea ng humihinang pápadó at upang iharap ang idea na ang kaniyang kalusugan o ang kaniyang edad ay hindi hahadlang sa kaniya upang ipakilala ang kaniyang moral na pangitain sa negosyo ng daigdig.”

Dugo​—Isang Mapanganib na “Gamot”

“Maaari kayang tama ang mga Saksi ni Jehova sa pagtangging pasalin ng dugo?” tanong ng Sunday Telegraph ng Inglatera. Ang mga takot kamakailan sa pagsasalin ay nagsasangkot ng dugong nahawahan ng virus ng hepatitis C at AIDS. “Ngunit ang impeksiyon ay isa lamang sa maraming panganib na inilarawan sa propesyonal na mga babasahin,” sabi ng Telegraph. “Kaunti lamang ang nalalaman ng publiko tungkol sa mga pag-aaral na gaya niyaong isa na tumataya sa mga tsansa ng isang masamang reaksiyon sa isang pagsasalin ng dugo na kasintaas ng 20 porsiyento. Hindi rin pamilyar ang mga pag-aaral na nakasumpong na ang pagpapasalin ng dugo ang pinakamahusay na tagapagsabi ng mabagal na paggaling pagkatapos ng isang operasyon sa tiyan o sa kolón.” Ipinakikita rin ng mga pag-aaral na isang mataas na porsiyento ng mga pagsasalin ng dugo ang ibinibigay bagaman hindi naman kinakailangan at na ang pagsasalin ng dugo ay iba-iba at mas malamang na salig sa nakaugalian lamang kaysa siyentipikong impormasyon. Tinatawag ang dugo na “isang malakas na gamot” na doon “ang karamihan ng mga seruhano ay totoong kabalyero,” si Tom Lennard, kasangguning seruhano sa Royal Victoria Infirmary, ay nagkomento: “Kung ang dugo ay isang bagong gamot, hindi ito tatanggap ng lisensiya para sa produkto.”

Ingatan ang Inyong mga Sanggol Mula sa Ingay

“Ang sobrang ingay ay maaaring maging mapanganib sa hindi pa isinisilang at bagong silang na mga sanggol,” sabi ng isang balita ng Radio France Internationale. Ang isang sanggol na nasa bahay-bata ng ina nito ay lalo nang madaling maligalig ng anumang malakas na ingay na nahantad sa ina nito. Yamang ang pinaka-dingding sa tiyan ng ina at ang amniotic fluid ay nagbibigay ng kakaunting proteksiyon mula sa ingay sa labas, ang isang bata ay maaaring magkaroon ng kapansanan bago pa isilang. Halimbawa, ang panganib na mabingi dahil sa ingay ay tatlong ulit na mas malaki sa mga batang ang ina ay nalantad sa antas ng ingay sa pagitan ng 85 at 95 na mga decibel​—antas ng ingay na karaniwan sa maraming konsiyertong rock at mga discotheque. Bukod pa sa maaaring mapinsala ang pandinig, ang ilang mananaliksik ay nagbabala, ang madalas na pagkalantad sa malalakas na ingay, lalo na sa mga huling buwan ng pagdadalang-tao ng ina, ay maaari ring magpabilis sa tibok ng puso ng sanggol.

“Emosyonal na Pangunang Lunas”

Dapat na kasali sa pangunang lunas sa tagpo ng aksidente ang higit pa sa pagbibigay-pansin sa mga pinsala sa katawan. Ang mga taong nasugatan ay nangangailangan din ng emosyonal na tulong, ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Anong uri ng tulong? Iminumungkahi ng Professional Association of German Psychologists ang apat na simpleng mga hakbang sa pagbibigay ng “emosyonal na pangunang lunas.” Ang mga mungkahi ay resulta ng mga panayam sa mga biktima ng aksidente at mga propesyonal. Ang mga mungkahi ay: “Sabihin mong ikaw ay naroroon. Tabingan mo ang taong nasugatan mula sa mga pang-abala. Makipagtalastasan sa pamamagitan ng paghawak. Magsalita at makinig.” Ang mga pagsisikap ay isinasagawa upang itaguyod ang mga hakbang sa pamamagitan ng mga doktor at ng mga paaralan na nagtuturo ng pagmamaneho at udyukan sila na ilakip ito sa mga kurso sa pangunang lunas.

“Ang Mumunting ‘Beast of Burden’ ng India”

Iyan ang itinawag ng ulat ng Times of India sa 17 milyon hanggang 44 na milyong manggagawang bata. Sa kabila ng may 23 milyong matitipunong adultong walang trabaho, kadalasang pinipili ng mga may-ari ng pabrika na mag-empleo ng mga bata, na nagtatrabaho nang hindi nagpoprotesta na kalahati lamang ng suweldo ng adulto at bihirang usisain ang mga panganib sa kalusugan ng kanilang mga trabaho. Nang tanggihan lamang ng ilang bansa sa Kanluran na mag-angkat ng mga panindang gawa ng mga bata, saka lang pinalitan ng ilang maypagawaan ang mga bata ng mga adulto. Ang pamahalaan ng India ay nangako ng mas mahigpit na mga batas upang iwasan ang gayong mga pang-aabuso at upang pilitin ang mga magulang na bigyan ng saligang edukasyon ang kanilang mga anak. Ganito ang sabi ng pangulo ng India, si Dr. Shankar Dayal Sharma: “Hindi maaaring bigyang-matuwid alin ng tradisyon o ng pangangailangan sa kabuhayan ang pagtatrabaho ng mga bata at ang pag-alis ng pagsasamantalang iyon ang isa sa mahalagang hamon sa ngayon.” Gayunman, binibigyang-matuwid ng marami ang gawaing ito anupat ang kahabag-habag na karukhaan ay isang “masaklap na katotohanan” at na ang mga suweldong kinikita ng isang bata ay nagbibigay ng lubhang kinakailangang suporta sa pamilya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share