Mula sa Aming mga Mambabasa
Tugon sa Salaysay ng Mismong Nagsalaysay Maraming salamat sa makabagbag-damdaming kuwento ni Larry Rubin na, “Hindi Na Isang Bato o Isang Pulo.” (Nobyembre 22, 1994) Kadalasang hindi isinasaalang-alang ng marami yaong mga nagdusa noong nakalipas. Minsan ay sinabi sa akin ng aking anak na lalaki na kung talagang may pananampalataya ako, hindi ako mababalisa! Subalit hindi basta nalilimutan ng lahat ang nakaraan. Pakisuyong patuloy na magtampok kayo ng mga karanasan ng ganitong uri ng tao. Ako’y nananalanging mapalalambot nito ang ilang puso.
M. L., Britanya
Nag-aapuhap ako ng mga salita upang ipahayag ang aking pasasalamat. Kadalasan nang nakakatagpo natin ang mga taong nasugatan ang damdamin ng nakalipas na mga pang-aabuso. Ang tulungan silang makakilos sa loob ng kongregasyon at magkaroon ng isang kaugnayan kay Jehova ay isang mahirap na hamon. Ipinakita ng artikulo na posibleng matutuhan nilang sila’y mahalin at pagkatiwalaan.
J. D., Canada
Ako’y isang Kristiyano sa loob ng 25 taon na. Ako’y may katapatang naglingkod sa Diyos taglay ang aking talino, subalit ang aking puso ay para bang bato. Ako’y lumaki sa isang alkoholikong pamilya at dumanas ng mga pambubugbog, seksuwal na pag-abuso, at iba pang masasaklap na karanasan. Napakarami ng ginawa ni Jehova para sa akin, subalit hindi ko siya maibig. Ang salaysay ni Larry Rubin ay nagbigay sa akin ng bahagyang pag-asa na marahil, baka sakali, balang araw ay magawa kong iyakan ang aking nakalipas at magkaroon ng damdamin. Marahil ay makakamit ko rin ang taglay ni Larry Rubin ngayon—pag-ibig, pagtitiwala, at pagtanggap.
A. F., Estados Unidos
Ang ilang kuwento sa buhay noon ay tungkol sa mga taong tila ba mga superman—walang-takot, walang panloob na mga alitan, walang kahinaan. Ang kuwento ni Larry Rubin ay inilahad sa ibang anggulo. Siya’y prangka at ipinahayag niya ang kaniyang napakapersonal na mga damdamin. Ang mga kuwento ng buhay na gaya nito ay tunay sa amin sapagkat ito’y tungkol sa mga bagay na nangyayari mismo sa ating buhay.
F. D. S., Brazil
Rh Factor Talagang kapuri-puri kung paano tinalakay ng Gumising! ang gayong kontrobersiyal na paksa. Sa artikulong “Ang Rh Factor at Ikaw” (Disyembre 8, 1994), ang paglalahad na ginawa ay hindi katulad ng isang relihiyosong panatiko. Ang paksa ay pinangasiwaan nang may siyentipikong kawastuan, ginagamit ang bagong medikal na mga katawagan, gayunman sa mga terminong maliwanag at nauunawaan. Pinasisinungalingan nito ang paratang na ang mga Saksi ni Jehova ay bulag na mga panatiko na hindi nagpapahalaga sa buhay ng tao.
I. R., Alemanya
Ako’y nagdadalang-tao, at ako’y sinabihan ng aking doktor na kailangan ko ng isang iniksiyon upang maiwasan kong gumawa ng mga antibody laban sa dugo ng aking sanggol. Wala akong kaalam-alam tungkol sa Rh factor at hindi ako tumutol. Nang malaman ko na ang iniksiyon ay produkto na galing sa dugo, ako’y natakot na bakâ nalabag ko ang batas ng Diyos tungkol sa dugo. Tinulungan ako ng inyong artikulo sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang pagpapainiksiyon nito ay isang bagay na depende sa budhi.
C. W., Estados Unidos
Pagsasalita Tungkol sa Relihiyon Bagaman ako’y pinalaki bilang isang Kristiyano, napakamahiyain ko kung tungkol sa lubusang pakikibahagi sa gawaing pangangaral sa madla, lalo na sa mga kaeskuwela. Ang payo na ibinigay ninyo sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Ipakipag-usap ang Tungkol sa Diyos?” (Setyembre 22, 1994) ang nagpaalaala sa akin ng kahalagahan ng gawaing ito. Isasapuso ko ang inyong paghimok na maging kuwalipikadong husto bilang isang guro ng Salita ng Diyos.
K. K., Nigeria
Ako’y 12 taóng gulang, at talagang nahihiya akong magsabi na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Inaasahan kong hindi ako makikita ng mga kaeskuwela ko sa paglilingkod sa larangan. Ang artikulo ay nakatulong sa akin na maunawaan na hindi lamang ako ang nagkakaroon ng problemang ito, at tinulungan ako nito na mapagtagumpayan ang mga damdaming ito ng hiya.
M. V. S., Brazil