Kapag Humampas ang Sakuna
ANG ika-20 siglo ay kakikitaan ng malalaking sakuna, at ang karamihan dito ay gawang-tao. Ang ilan, gayunman, ay hindi. Inihuhula ang ating mga araw, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:7) Totoo, ang tao ang masisisi sa mga digmaan at mga kakapusan ng pagkain, subalit wala siyang pananagutan sa mga lindol. Sa katulad na paraan, bagaman ang ilang kapaha-pahamak na mga baha ay pinangyari ng gawain ng tao, hindi siya masisisi sa mga lindol. Ni kasalanan man ng tao ang mga bagyo o mga pagputok ng bulkan.
Anuman ang kanilang dahilan, ang likas na mga sakuna ay nagpapakita ng kaliitan ng tao, ng kaniyang kawalang-kaya sa harap ng kasindak-sindak na mga puwersa ng kalikasan. Ang lupang ito, ang ating tahanan, ay karaniwang nakadarama na panatag na panatag at matatag. Subalit kapag ito’y niyanig ng isang lindol, apawan ng bumabahang tubig, o walang-awang hampasin ng pagkalakas-lakas na hangin na para bang may lakas ng isang pagsabog, ang damdamin ng kapanatagan ay naglalaho.
Ang likas na mga sakuna ay nagdulot ng pagkalaki-laking pinsala at kawalan ng buhay sa ika-20 siglo. Maaari kaya itong naiwasan? May magagawa ba upang bawasan ang kapaha-pahamak na mga epekto? Bilang mga indibiduwal, ano ang magagawa natin upang mabigyan ng proteksiyon ang ating mga sarili? Tayo ba’y lubusang walang-kaya kapag humampas ang sakuna? Ang sangkatauhan ba ay lagi na lamang mabibiktima sa ganitong paraan? Tatalakayin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.