Ang Parmasya Mula sa Karagatan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
SAAN galing ang likas na mga gamot? Walang alinlangan na ang mga halaman at mga damong-gamot ang agad na sasagi sa isip. Subalit, inilalarawan ni Dr. Michael Allen, na sumusulat sa The Medical Post, ang mga gamot na nakukuha mula sa totoong pambihirang pinagmumulan—ang karagatan.
Mangyari pa, hindi ito bago; sapagkat sa loob ng mga dantaon ginamit na ng mga Intsik ang mga nakukuha sa isda upang gamutin ang sakit. At ang cod-liver oil ay matagal nang gamit, gaya ng mapatutunayan ng matatanda. Subalit, kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kapangyarihang magpagaling ng mga nabubuhay sa dagat kung ihahambing sa nalalaman tungkol sa mga halaman at mga damong-gamot.
Gayunpaman, ang natuklasan ay kahali-halina. Halimbawa, isang kemikal na ginagawa ng mga butete ang maaaring gamitin upang gamutin ang hika. Ang pagkakaroon ng mga nucleoside sa mga espongha ay umakay sa paggawa ng vidarabine, isang gamot na panlaban sa virus. Isang kayumangging alga (halamang-dagat) ang naglalabas ng stypoldione, isang pumipigil sa paghahati ng selula na magagamit upang gamutin ang kanser. At simula pa lamang ito.
Subalit, ang ultimong gamot para sa mga karamdaman ay hindi masusumpungan sa parmasya mula sa karagatan. Bagkus, tanging ang Kaharian ng Diyos ang maaaring tumupad sa nakaaantig-damdaming hula na: “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24.