Paano Mo Matutulungan ang mga Nagsosolong Magulang?
ANG mga nagsosolong magulang, lalaki man o babae, ay karapat-dapat sa konsiderasyon. Itinuturing ng mga social worker sa ngayon na napakahalaga ng alalay sa pamilyang may nagsosolong magulang.
“Ang umaalalay na mga grupo ng kaibigan, mga kamag-anak na nagmamalasakit, mga guro na may mainit at personal na interes, pantanging mga gawain sa pamayanan at sa relihiyon na dinisenyo taglay sa isipan ang gayong mga pamilya,” sabi ng mga sosyologong sina Letha at John Scanzoni, “ay malaking tulong sa emosyonal na kapakanan ng mga nagsosolong magulang at ng kanilang mga anak sa isang panahon sa kanilang buhay kung kailan lalo nang kailangan ang pampatibay-loob.” Kung gayon, paano ka makatutulong?
Alalayan Sila
Una, sikaping unawain kung paano minamalas ng mga nagsosolong magulang ang mga bagay-bagay. Ilagay mo ang iyong sarili sa kaniyang kalagayan. Kinapanayam ng Gumising! si Margaret, na may dalawang anak, edad 7 at 14. Siya’y nakipagdiborsiyo limang taon na ang nakalipas, at sa paano man ay matagumpay na nakakayanan niya ito. Tiyak na masusumpungan mo ang kaniyang mga komento na lubhang nakapagtuturo.
Gumising!: “Bilang isang nagsosolong magulang, anu-anong problema ang dapat mong harapin?”
Margaret: “Una sa lahat, nasumpungan kong napakahirap tanggapin ang bagay na ako’y naging isang nagsosolong magulang, isang bagay na hindi ko binalak. Nakaiinis sa akin na mabansagan bilang isang ‘nagsosolong magulang’ sapagkat minamalas ng marami ang mga pamilyang may nagsosolong magulang na nanlulumo at mukhang matamlay, na may mga anak na may masamang reputasyon. Sapagkat hindi ganiyan ang aking pangmalas, sa simula’y tumanggi akong tumanggap ng payo. Subalit natanto ko na ang pagiging isang nagsosolong magulang ay hindi pawang negatibo.”
Upang alalayan ang mga nagsosolong magulang, kailangang may kabatiran ka tungkol sa kanilang mga pangangailangan at mga damdamin. Magmatiyaga sa pagpapakita ng kabaitan sa kanila.
Gumising!: “Wala kang tinatanggap na sustento buhat sa iyong dating asawa. Paano ka nakararaos sa pinansiyal na paraan?”
Margaret: “Kailangan kong gumawa ng maraming sakripisyo. Dati-rati’y nasisiyahan ako sa pagbili ng bagong mga damit para sa mga salu-salo. Buweno, bumibili pa rin kami ng bagong mga bagay, ngunit hindi na kami maaaring gumastos na gaya nang dati. Mangyari pa, gusto ko namang maging mukhang presentable ang aking mga anak, kaya kailangan kong magbadyet nang husto. Nagsimula akong mag-impok ng kaunti sa bawat linggo, ipinakikitago ito sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, sapagkat alam kong kung ako ang magtatago nito ay baka magastos ko ito.”
Ikaw ba’y maaaring maging isang mapagkakatiwalaang kaibigan na tumutulong sa mga nagsosolong magulang na magbadyet ng kanilang pera?
Gumising!: “Paano mo nakayanan ang kalungkutan?”
Margaret: “Lagi akong abala sa araw. Sa gabi, kapag tulog na ang mga bata, nadarama ko ito nang husto. Tinatawagan ko ang isang kamag-anak o isang kaibigan sa telepono. Kung minsa’y nakikipag-usap ako nang umiiyak. Ipinakikipag-usap ko ang tungkol sa kung ano ang nangyari sa maghapon. Ang basta pagkakaroon ng makakausap na makikinig ay malaking tulong na.”
Marahil maaari kang manguna at tawagan mo ang isa na nalulumbay. Ang iyong pakikinig ay maaaring magbigay ng malaking kaaliwan.
Gumising!: “Ano ang nasumpungan mong pinakamahirap bilang isang nagsosolong magulang?”
Margaret: “Ang pagpapalaki sa mga bata sa moral at matuwid na paraan. Ang sumasamáng sosyal at moral na mga pamantayan ay nagpapangyari sa mga tao na pag-alinlanganan ang aking hangarin na ikintal ang mabubuting pamantayan sa aking mga anak.”
Ang pagpapakita mo ng halimbawa sa pagtataguyod ng maka-Diyos na mga pamantayan ay tiyak na magpapatibay-loob sa iba na gawin din ang gayon.
Gumising!: “Ang pagpapalaki ng dalawang kabataan ay umuubos ng marami sa iyong panahon. Paano ka nakasusumpong ng panahon na gawin ang nais mong gawin?”
Margaret: “Sinisikap kong maglaan ng ilang panahon para sa aking sarili. Halimbawa, kapag tinuturuan ng isang kaibigan ang mga bata ng mga leksiyon sa musika, iyan ay nagbibigay sa akin ng isang oras para sa aking sarili. Nauupo ako at hindi ko binubuksan ang TV. Basta tatahimik lamang ako, nag-iisip tungkol sa ginawa ko sa maghapon. Lagi akong palaisip sa kung ano ang tama o kung ano ang mali, kaya nais kong gunitain kung ano ang nagawa ko na upang makita ko kung mapabubuti ko pa ito.”
Kung aalagaan mo ang mga bata paminsan-minsan, ang nagsosolong magulang ay magkakaroon ng mahalagang mga sandali para sa gayong pagsasaalang-alang.
Mag-alok ng Praktikal na Tulong
Gumising!: “Anong tulong ang nasumpungan mong pinakapraktikal?”
Margaret: “Nasisiyahan akong maanyayahan sa tahanan ng ibang pamilya. Kapag natatalos mong ang iba ay nababahala sa iyo, malaki ang naitutulong niyan. Kung minsan naiisip mo na ikaw lamang ang may mga problema. Gayundin kapag may pumupuri sa akin sa paraan ng pagpapalaki ko sa aking mga anak, napakalaki ng nagagawa niyan! Nariyan din ang praktikal na mga bagay, gaya ng pag-aayos, paghahalaman, pamimili. . . . Oh, marami pa akong masasabi!”
Kapag may isa lamang magulang, ang mga bagay ay tila mas mahirap at mas matagal. Kaya huwag maliitin ang halaga ng kaloob mong panahon. Sa mga nagsosolong magulang ito ang pinakamahalagang kaloob sa lahat.
[Larawan sa pahina 9]
Upang talagang makatulong sa mga nagsosolong magulang, gumugol ng panahon na kasama nila