Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 10/8 p. 4-7
  • Ang Pagiging Matagumpay na Nagsosolong Magulang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagiging Matagumpay na Nagsosolong Magulang
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bilhin ang Panahon
  • Makontento sa mga Pangangailangan
  • Upang Magkaroon ng mga Kaibigan, Maging Palakaibigan
  • Pagganap Bilang Ina at Ama
  • Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Tulungan ang mga Nagsosolong Magulang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Paano Mo Matutulungan ang mga Nagsosolong Magulang?
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 10/8 p. 4-7

Ang Pagiging Matagumpay na Nagsosolong Magulang

“Ang isang bagay na hindi kailanman sapat na taglay ng lahat ng mga nagsosolong magulang ay ang panahon.”​—The Single Parent’s Survival Guide.

“Ang kawalan ng pera ang pinakamalubhang problema.”​—Times ng London.

‘Ang kalungkutan ang pangunahing pinagmumulan ng kaigtingan para sa nagsosolong magulang.’​—Give Us a Break, isang surbey ng mga pagkakataon sa paglilibang para sa mga nagsosolong magulang.

NAKAKAHARAP ng lahat ng magulang ang mga hamon, kagalakan, at mga problema. Subalit ginagawa iyon ng mga nagsosolong magulang nang walang katuwang. Dahil dito, ang panahon, salapi, at kalungkutan ay kadalasang malaking bahagi ng kanilang buhay.

Malupit man ang katotohanan ng kanilang buhay, ang mga nagsosolong magulang ay maaaring magtagumpay sa kanilang buhay pampamilya, at marami ang nagtatagumpay. Ang malaking bahagi nito ay depende sa kung anong mga pamantayan ang kanilang sinusunod at kung gaano katatag nilang tinutupad ito.

Kapansin-pansin, malaon nang inihula ng Bibliya ang kasalukuyang moral at sosyal na kaguluhan. Pansinin kung paano binabalaan ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang batang alagad na si Timoteo tungkol dito. “Subalit alamin mo ito,” babala niya, “na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan.”​—2 Timoteo 3:1-3.

Ang Bibliya ay hindi basta isang aklat na may katumpakang humula tungkol sa mga saloobin sa ngayon. Naglalaman ito ng mga simulain na, kung susundin, ay tumitiyak ng tagumpay sa buhay pampamilya. (2 Timoteo 3:16, 17) Isaalang-alang kung paanong ang ilan dito ay makatutulong upang maharap ng mga nagsosolong magulang ang mga problema tungkol sa panahon, salapi, at kalungkutan.

Bilhin ang Panahon

Gaano ka man kaorganisado, ang panahon ay isang mailap na bagay. Upang magamit nang mabuti ang iyong panahon, kailangan mo munang makilala kung ano talaga ang nangyayari rito. Kung gayon ay makapagpapasiya ka kung anong mga gawain ang pinakamahalaga sa iyo. “Mag-ingat ng isang ‘talaarawan ng panahon,’” mungkahi ng isang organisasyon ng nagsosolong magulang. “Sa ganitong paraan ay nakapag-iingat ka ng rekord ng lahat ng bagay na ginagawa mo sa maghapon o sa loob ng isang linggo, at nakikita mo kung gaano karaming panahon ang nagugugol mo rito. Pagkatapos niyan, tingnan mo kung saan ka maaaring makatipid ng panahon, o magamit nang mas mabuti ang panahon, sa pamamagitan ng pagbabago ng mga bagay-bagay o sa pamamagitan ng hindi paggawa ng ilang bagay.”

Ang gayong matinong payo ay nagpapabanaag ng maka-Kasulatang karunungan sa likod ng tagubilin ng apostol: “Kaya manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.”​—Efeso 5:15, 16.

Halimbawa, ang panonood ba ng TV ay mahalagang bahagi ng iyong pang-araw-araw na rutina? Ang pagbawas nito ay magbibigay sa iyo ng karagdagang panahon upang makipag-usap sa iyong mga anak at gawin ang mga bagay na magkasama. Iyan ay makatutulong upang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kanila.

‘Ang mga pagsisikap kong maupo at makipag-usap sa aking mga anak ay basta humahantong sa mahaba’t walang reaksiyon na katahimikan,’ maaaring sabihin mo. Maaari ngang gayon, ngunit huwag mong hayaang makahadlang iyan sa iyo. Ang mga tagapayo sa mga nagsosolong magulang ay nagmumungkahi na unawain mo ang mga damdamin sa araw-araw na mga pakikipag-usap ng iyong mga anak, gaya ng mga komento nila tungkol sa kanilang mga kaibigan sa paaralan o kung ano ang binabalak nilang gawin. Ngunit hindi mo magagawa iyan kung nakatutok ang iyong pansin sa TV, hindi ba? Kahit na kung nakabukas ito at hindi ka nanonood, maaaring dahil sa pang-abala ay hindi mo marinig ang mahalagang impormasyon tungkol sa kaloob-loobang kaisipan at damdamin ng iyong mga anak. Kaya gumugol ng panahon na kasama ng iyong mga anak. Gawin ang mga gawaing-bahay na magkasama, at habang ginagawa ninyo ito, makipag-usap sa kanila​—at makinig kapag sila’y nagsasalita!

Basahan din sila. Ipinakikita ng pananaliksik ang matibay na kaugnayan sa pagitan ng pagkatuto ng bata na bumasa’t sumulat sa gulang na lima at ng kaniyang tagumpay sa dakong huli. Isa pa nga itong dahilan upang bilhin ang panahon para sa pagbabasang magkasama. Mga ilang minuto bago matulog, o maaga sa gabi bago ka pa makadama ng labis na pagod, ang magiging panahong ginugol nang may katalinuhan.

Makontento sa mga Pangangailangan

Nasusumpungan ng maraming nagsosolong magulang ang kanilang mga sarili na nasilo sa isang masamang takbo ng pananalapi. Sa paano man ay kailangan nilang kumita ng sapat na pera upang may maibayad sa sapat na pabahay, pagkain, at pananamit. Subalit ang pagtatrabaho ay nagbabangon ng katanungan sa kung paano wastong mapangangalagaan ang mga bata.

Ang mga pasilidad sa pag-aalaga sa bata ay hindi laging madaling masumpungan, ni ito man ay mura. Ang ilang nagsosolong magulang ay nagtagumpay sa paghingi ng tulong sa kanilang mga kamag-anak​—mga lolo’t lola, mga tiya, at mga tiyo. Ang iba ay umaasa sa mga paaralan para sa mga bata, mga dakong palaruan, at mga pasilidad para sa pangangalaga sa bata na inilalaan ng kanilang mga maypatrabaho. Kung may makukuha, hindi laging nababayaran ng mga kaloob ng gobyerno ang mga bayarin na maaaring hingin ng gayong pangangalaga sa bata. Sa ilang bansa, maaaring piliin ng mga nagsosolong magulang na may mga sanggol na huwag nang humanap ng trabaho kundi manatili na lamang sa bahay at mabuhay sa pera na ibinibigay ng pamahalaan.

Palibhasa’y dumarami ang mga nagsosolong magulang na pangangalagaan, ang mga pamahalaan naman ay bumabaling sa mga may pananagutan. Sa Britanya ito ay humantong na sa paghihigpit sa mga amang nakakalimot na hindi naglalaan sa pinansiyal na paraan sa kanilang mga anak. Hinahabol ng mga ahensiya para sa suporta sa bata ang nagtaksil na mga ama na bayaran ang nakaligtaang mga bayarin. Kung ang mga nagsosolong ina ay tumangging makipagtulungan sa mga ahensiya na matunton ang ama, sila man ay malamang na mawalan ng ilang pinansiyal na mga pakinabang. “Sa Sweden tinatayang 40 porsiyento ng mga nagpapabaya ay nahuhuli sa pamamagitan ng lokal na mga ahensiya ng segurong panlipunan, at sa Pransiya ipinatutupad ng mga hukuman ang mga kautusan sa pagsuporta at paghahabol sa mga nagpapabaya,” ulat ng The Times ng London.

May utos man o wala buhat sa hukuman, may tulong man o wala mula sa pamahalaan, maraming nagsosolong magulang ang nakasusumpong ng mga paraan upang tulungan ang kanilang mga sarili na mabuhay sa mas kaunting pera kaysa dating taglay nila. Paano? Sa pamamagitan ng pagbabadyet sa ibang paraan.

Ang matutong magbadyet sa ibang paraan ay isang kasanayan. Ito’y karaniwang nangangahulugang pagbabago sa mga prayoridad sa paggasta​—halimbawa, ang pagtatabi muna ng pera para sa bahay at kuryente, pagkatapos ay yaong para sa pagbili ng pagkain, at saka yaong para sa pagbabayad ng mga utang. “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit,” sabi ni apostol Pablo, “tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”​—1 Timoteo 6:8.

Naisaalang-alang mo na ba ang pakikisama sa iba sa mga gastusin? Makatitipid ka ng pera sa pagbili ng pagkain at mga gamit sa bahay nang maramihan na kasama ng iba pang magulang. Anuman ang paraan mo ng pagbabadyet, tandaan na kailangan mong maupo at tantiyahin ang iyong mga gastos. (Ihambing ang Lucas 14:28.) Bakit hindi hingin ang tulong ng iyong mga anak sa paggawa ng badyet? Sa gayo’y ituturing nila itong isang pribilehiyo na tulungan kang manghawakan dito. Maaaring masumpungan mo pa nga na makapag-iimpok ka ng pera.

Upang Magkaroon ng mga Kaibigan, Maging Palakaibigan

“Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang payo ni Jesus. “Sa panukat na inyong ipinanunukat, ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.” (Lucas 6:38) Totoo rin ito sa personal na mga kaugnayan. Ang iyong interes sa iba ay maaaring magtamo ng palakaibigang tugon. Ang pinakamabuting paraan upang madaig ang kalungkutan ay manguna sa pakikipagkaibigan. Marahil ay makasusumpong ka ng maaasahang mga kaibigan na mag-aalaga sa iyong mga anak upang makapamasyal ka. Mas maigi pa, bakit hindi hilingin sa mga kaibigan na dumalaw sa iyo?

Ngunit dito ay kailangan ang pag-iingat. Tandaan, “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Ang kalungkutan ay matagumpay lamang na madaraig kung ang mga pakikipagkaibigan na ginagawa mo ay tunay na nakapagpapatibay at nagdudulot ng kasiyahan.

Pagganap Bilang Ina at Ama

Ang mga nagsosolong magulang ay kailangang maging ina at ama sa kanilang mga anak​—hindi madaling atas para sa sinuman. At huwag kaliligtaan, ang mga bata ay isinilang na mga manggagaya. Natututo silang maging responsableng mga adulto sa pamamagitan ng pagmamasid sa kung ano ang ginagawa ng responsableng mga adulto. Kaya nga, ang malaking bahagi ay depende sa kung anong uri ng huwaran ang ibinibigay mo sa iyong mga anak. Nagkokomento tungkol sa kawalan ng mga ama sa maraming batang lalaki na nagsisilaki sa mas matanda at mataong mga lungsod sa Amerika, ganito ang sabi ng The Sunday Times ng London: “Ang karahasan at kaguluhang panlipunan . . . ay nagsasabi sa atin kung paanong ang isang salinlahi ng mga lalaki ay kumikilos kapag ang halos kalahati sa kanila ay nagbibinata nang hindi naidiriin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang adultong lalaki.”

Kung ang mga bata ay pinalaki ng mga nagsosolong magulang, ang kanilang kalusugan at gawain sa paaralan at maging ang kanilang pag-asang pangkabuhayan ay maaaring lubhang maapektuhan, sabi ni Duncan Dormor sa The Relationship Revolution. Ang ibang mananaliksik ay tumututol sa mga tuklas na ito. Sinisisi nila ang karukhaan at ang kasamaan sa lipunan. Gayunpaman, marami ang sumasang-ayon sa pagtasa ng siyentipikong panlipunan na si Charles Murray: “Ang isang batang may ina at walang ama, na nakatira sa isang pook ng mga ina na walang ama, ay humahatol sa kaniyang nakikita. Makapagpapadala ka ng mga social worker at mga guro sa paaralan at mga klero upang sabihin sa isang batang lalaki na paglaki niya siya ay dapat na maging isang mabuting ama sa kaniyang mga anak. Ngunit hindi niya alam kung ano ang kahulugan niyan malibang makita niya ito.” Oo, kailangan ng mga batang lalaki kapuwa ang isang ina at isang ama, at gayundin ang mga batang babae.

Sa Awit 68:5, inilalarawan ng Bibliya ang Diyos na Jehova bilang “ama ng mga ulilang batang lalaki.” Ang mga inang umaasa sa Diyos para sa patnubay ay nakasusumpong sa kaniya ng pinakamabuting halimbawa para sa kanilang mga anak. Pinahahalagahan ng mga amang nagpapalaki sa kanilang mga anak na nag-iisa ang tulong mula sa responsable, maygulang na mga babae. Oo, kailangan ng mga nagsosolong magulang ang maibiging suporta. Dito ka marahil makatutulong.

[Kahon sa pahina 6]

Mga Ama na “mga Ina” Rin

Ang mga lalaking ulo ng mga pamilyang may nagsosolong magulang ay isang minorya. Subalit habang nasisira ang higit na mga pag-aasawa, parami nang paraming lalaki ang nagpapasiyang pangalagaan ang kanilang mga anak na nag-iisa. “Isa sa pinakamalaking problemang tila nakakaharap ng mga lalaki sa kalagayang ito ay yaong sa nagdadalagang anak na babae,” sabi ng The Single Parent’s Survival Guide. Ang pagkapahiya ay nagpapangyari sa ilang ama na iwasang talakayin ang mga bagay na tungkol sa sekso. Isinasaayos naman ng iba na isang mapagkakatiwalaang kamag-anak na babae ang makipag-usap sa kanilang mga anak na babae. Lahat ng nagsosolong magulang, lalaki gayundin ng mga babae, ay lubhang makikinabang sa pamamagitan ng pagbabasa na kasama ng kanilang mga anak ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.a Ang publikasyong ito ay naglalaman ng mga bahaging pinamagatang “Ang Sekso at Moralidad” at “Pakikipag-date, Pag-ibig, at ang Di-kasekso.” Ang bawat kabanata ay naglalaman ng isang bahagi ng tinatawag na Mga Tanong Para sa Talakayan, na dinisenyo upang ikintal sa isip ang wastong repaso maging ng napakapersonal na mga bagay.

[Mga talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Ang paggugol ng panahon na kasama ng iyong mga anak ay nagtatayo ng mabubuting kaugnayan

[Larawan sa pahina 7]

Anuman ang paraan mo ng pagbabadyet, maupo at tantiyahin ang iyong mga gastos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share