Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 10/8 p. 22-23
  • Napakahirap Bang Abutin ang mga Pamantayan ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Napakahirap Bang Abutin ang mga Pamantayan ng Diyos?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Diyos ay Nagbibigay ng Palugit
  • Huwag Sumuko
  • Paglingkuran si Jehova Ayon sa Kaniyang Matataas na Pamantayan
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
  • Tama at Mali: Ang Basehan na Dapat Mong Piliin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2024
  • Mahal ng Bayan ni Jehova ang Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Ang mga Kautusan ng Diyos ay Para sa Ating Kapakinabangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 10/8 p. 22-23

Ang Pangmalas ng Bibliya

Napakahirap Bang Abutin ang mga Pamantayan ng Diyos?

“HINDI SINUSUKAT NG DIYOS ANG MGA TAO SA PULGADA.”​—MATANDANG KASABIHAN NG MGA TAGA-SCOTLAND.

ANG mga pagsusulit sa paaralan, mga panayam sa trabaho, at mga pagsusuri sa medisina ay ilan lamang sa malalaking pagbabago sa buhay na doo’y sinusukat ang isang tao. Subalit pagdating sa araw-araw na pamumuhay sa mga pamantayan ng Diyos, maraming tao ang nag-aakala na maaaring hindi nila maabot ang mga ito. Iyan din ba ang paniwala mo? Maaabot mo ba ang mga pamantayan ng Diyos?

Upang masagot iyan, tingnan muna natin ang mga pamantayang inilagay ng Diyos para sa kaniyang mga mananamba. Ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano tayo dapat na lumakad sa buhay. (Awit 119:105) Ang matalinong manunulat ng Bibliya na si Haring Solomon ay naghinuha na ang “buong katungkulan” ng tao ay ang “matakot sa tunay na Diyos at sundin ang kaniyang mga utos.” (Eclesiastes 12:13) Ang propetang si Mikas ay nagsabi: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”​—Mikas 6:8.

Si Jesu-Kristo, ang Anak mismo ng Diyos, ay nagsabi na wala nang utos na hihigit pa kaysa “ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo” at “ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Marcos 12:30, 31) Bukod pa rito, naipakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kaniyang mga utos.​—1 Juan 5:3.

Sa payak na pananalita, dapat ibigin at igalang ng mga tao ang Diyos, sundin ang kaniyang mga utos, walang-kinikilingan, maging mabait sa lahat, at iwasan ang pagmamataas. Mahirap bang abutin ang mga pamantayang iyon?

Ang Diyos ay Nagbibigay ng Palugit

Makatuwiran lamang na asahan ng Diyos na abutin ng mga tao ang kaniyang mga pamantayan. Ngunit, sa totoo lamang, may kasakdalan bang nakasusunod ang sinumang tao sa mga pamantayang ito sa lahat ng panahon? Maliwanag na hindi, sapagkat tayo’y nagmana ng di-kasakdalan mula sa ating ninunong si Adan. (Roma 5:12) Kaya nga, tayo ay may hilig na magkamali. Subalit ito ay hindi nag-aalis sa atin ng karapatan na paglingkuran ang Diyos sa kanais-nais na paraan.

Upang ilarawan, isaalang-alang ang mga problema sa pag-aaral na magmaneho ng isang kotse. Nangangailangan ng palagiang pag-iingat at panahon na magmanehong mainam upang makapasa sa isang pagsubok sa pagmamaneho. Mangyari pa, kailangan pa rin nating magmaneho nang mainam kahit na pagkatapos nating makakuha ng lisensiya. Habang nagkakaroon tayo ng karanasan, nahahasa natin ang ating mga kasanayan. Subalit walang sakdal na mga tsuper!

Nakatutuwa naman, ang Diyos ay nagbibigay ng mga palugit sa ating mga pagkakamali. Siya’y makatuwiran, hindi niya hinihiling sa atin ang hindi natin magagawa, ni siya man ay patuloy na naghahanap ng pagkakamali. Nauunawaan niya ang ating mga pagkukulang at mga kahinaan. Si Haring David, na malubhang nagkasala, ay nagtapat: “Siya’y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan; ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.” Sa anong dahilan? “Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa, ang maibiging-awa [ng Diyos] ay higit na nakatataas sa kanila na natatakot sa kaniya.” Kahit na alam ni Jehova na tayo’y nagkakasala, handa niyang ilayo ang ating mga pagsalansang “kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran.”​—Awit 103:10-14.

Huwag Sumuko

“Kapag ako’y nanlulumo,” sabi ng isang taimtim na mananamba ng Diyos, “ako’y naghihinuha kung minsan na hindi ako kailanman makapamumuhay sa mga pamantayan ng Diyos. Subalit kapag ako’y nagkaroon ng mas positibong pangmalas, nadarama kong makakaya kong mamuhay sa paraan na nais ng Diyos. Ngunit hindi ganiyan kadali iyan!” Huwag kang masiraan ng loob kung ganito ang nadarama mo. Hindi ikaw ang una, ni ikaw man ang magiging huli, na makadarama ng gayon.

May katapatang inamin ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Kapag nais kong gawin ang tama, ang masama ang narito sa akin. Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan . . . Miserableng tao ako!” Subalit hindi siya naghinuha na napakahirap ng inaasahan ng Diyos, sapagkat isinusog niya: “Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon! Kung gayon nga, sa aking pag-iisip ako mismo ay isang alipin sa batas ng Diyos, ngunit sa aking laman ay sa batas ng kasalanan.” (Roma 7:21-25) Kaya nadama niya na nakalulugod siya sa Diyos bagaman siya ay isang makasalanan pa.

Si Jehova, ang ating maibiging Maylikha, ay nagpapatawad sa ating mga pagkakamali at mga pagkukulang sa pamamagitan ng halaga ng haing pantubos ng kaniyang mahal na Anak, si Jesus. “Kung ang sinuman ay makagawa ng kasalanan,” sulat ni apostol Juan, “tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob [pantakip] na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 2:1, 2) Ang hadlang na inilalagay ng kasalanan at na humahadlang sa atin na maabot ang pamantayan ng Diyos para sa pakikipagkaibigan ay inaalis o sinisira ng kapangyarihan ng hain ni Kristo. Sa gayon ang pakikisama sa Diyos ay naibabalik.

Ang mapakumbabang pagtanggap sa maibiging kaayusang ito ay nagdudulot ng kapatawaran, sapagkat ang Diyos ay tumatahang “kasama ng isang nagsisisi at mababang espiritu.” (Isaias 57:15) Makaaasa tayo sa Kaniya na pasisiglahin ang ating mga espiritu. Siya’y nangangakong ‘ibabangon ang dukha mula sa alabok.’ Hindi na natin kailangang manatiling nanlulumo kapag hindi tayo makasunod nang may kasakdalan sa Diyos. Bagkus, tayo’y makapagtitiwala na hindi kailanman wawaling-bahala ng Diyos ang mga pagsisikap na ginagawa natin upang mamuhay sa kaniyang mga pamantayan.​—Awit 113:7; Hebreo 6:10-12.

Bagaman ito ay isang pagpupunyagi, mapapansin mo na ikaw ay mas maligaya sa paggawa ng kung ano ang nakalulugod sa Diyos. Ang debosyon sa Diyos ay gumagawa sa ating buhay na higit na matitiis para sa iyo at sa mga nasa paligid mo. Isipin din ang hinaharap. Ang pagsisikap na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos ngayon ay nagdudulot ng pag-asang buhay na walang-hanggan sa ilalim ng paraisong mga kalagayan.​—Isaias 48:17; Roma 6:23; 1 Timoteo 4:8.

Ang may karanasang mga umaakyat ng bundok ay nakababatid na minsang sila’y nasa tuktok, sila’y nasa kalahati pa lamang. Kailangan pa nilang bumaba nang ligtas. Sa katulad na paraan, kailangang maabot ng mga natatakot sa Diyos kapuwa ang mga pamantayan ng Diyos at saka magmatiyaga sa pamumuhay rito.​—Lucas 21:19; Santiago 1:4.

Magkaroon ng kaaliwan mula sa kaalaman na ang mga pamantayan ng Diyos ay hindi naman napakahirap abutin. Kung ikaw paminsan-minsan ay hindi makasunod nang may kasakdalan sa mga ito, humingi ng kapatawaran. Umasa ka sa kaniyang maibiging tulong. (Awit 86:5) Samakatuwid, kasama si Jehova at ang kaniyang Anak bilang iyong mga Katulong, maaari mong abutin ang mga pamantayan ng Diyos at kamtin ang kaniyang pagsang-ayon.​—Kawikaan 12:2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share