Tama at Mali: Ang Basehan na Dapat Mong Piliin
Malaki ang epekto sa buhay natin ng pinipili nating basehan ng tama at mali. Alam iyan ng Diyos na Jehova kaya gusto niyang piliin natin ang mga pamantayan niya.
Gusto ni Jehova na maging panatag at masaya ang buhay natin.
“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka, ang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. Kung magbibigay-pansin ka lang sa mga utos ko, ang kapayapaan mo ay magiging gaya ng ilog at ang katuwiran mo ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
Dahil ang Diyos ang lumalang sa atin, alam niya ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. Gusto niyang sundin natin ang mga pamantayan niya dahil para iyon sa ikakabuti natin. Kapag sinunod natin ang mga utos niya, hindi na tayo magdududa kung magiging maganda ang resulta nito. Siguradong laging tama ang magiging desisyon natin at magiging masaya tayo at panatag.
Hindi mahirap sundin ang mga hinihiling ni Jehova.
“Ang utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin o napakalayo sa inyo.”—Deuteronomio 30:11.
Para masunod ang mga pamantayan ng Diyos, may mga pagbabago tayong kailangang gawin. Pero ang hinihiling sa atin ni Jehova ay ang kaya lang nating gawin. Dahil siya ang lumalang sa atin, alam niya na may mga limitasyon tayo. At habang nakikilala natin si Jehova, makikita natin na ang mga utos niya ay “hindi pabigat.”—1 Juan 5:3.
Tinutulungan ni Jehova ang mga sumusunod sa mga pamantayan niya.
“Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo, ang nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Tutulungan kita.’”—Isaias 41:13.
Magagawa natin ang mga gusto ng Diyos kasi tutulungan niya tayo. Ginagawa niya iyon gamit ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para bigyan tayo ng pag-asa.
Napatunayan ng milyon-milyon sa buong mundo na kapag sinusunod nila ang mga pamantayan ng Bibliya, napapabuti sila. Puwede mong pag-aralan ang mga payo ng Bibliya. At makakatulong sa iyo ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Available ito sa jw.org. Matututuhan mo sa brosyur na ito ang mga paksa na:
Paano Ka Matutulungan ng Bibliya?
Nagbibigay ng Pag-asa ang Bibliya
Makakapagtiwala Ka Ba sa Bibliya?
Habang pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos, makikita mong hindi ito nagbago sa paglipas ng panahon. “Laging maaasahan ang mga ito, ngayon at magpakailanman.” (Awit 111:8) Ang pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. Pero hindi tayo pipilitin ng Diyos na gawin iyan. (Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:15) Tayo mismo ang dapat magdesisyon kung susunod tayo sa mga pamantayan niya.