Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w01 6/1 p. 4-6
  • Kaninong mga Pamantayan Ka Makapagtitiwala?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaninong mga Pamantayan Ka Makapagtitiwala?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Aral Mula sa Kautusan
  • Bakit Bumababa ang mga Pamantayan sa Ngayon?
  • Pamumuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Diyos
  • Paglingkuran si Jehova Ayon sa Kaniyang Matataas na Pamantayan
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
  • Tama at Mali: Ang Basehan na Dapat Mong Piliin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2024
  • Mahal ng Bayan ni Jehova ang Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Mga Pamantayang Nagbago, Pagtitiwalang Nasira
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
w01 6/1 p. 4-6

Kaninong mga Pamantayan Ka Makapagtitiwala?

Napukaw ang pansin ng isang bumibisita sa Aprika sa kauna-unahang pagkakataon nang makita niya ang isang lalaki na nakatayong tuwid na tuwid sa tabi ng daan. Napansin niya na sa bawat ilang minuto, iniuusod ng lalaki ang kaniyang mga paa at kumikilos nang bahagyang-bahagya tungo sa isang panig samantalang nakatayo pa rin nang tuwid. Saka lamang nalaman ng bisita kung bakit kumikilos nang gayon ang lalaki. Ang totoo, sinisikap pala nitong manatiling nasa lilim ng isang poste ng telegrapo. Ang anino ay unti-unting pumapaling habang ang araw sa hapon ay nagbabago ng posisyon.

GAYA ng aninong iyan na likha ng araw, ang mga gawain at mga pamantayan ng tao ay laging paiba-iba at pabagu-bago. Sa kabaligtaran, ang Diyos na Jehova, ang “Ama ng makalangit na mga liwanag,” ay di-nagbabago. “Sa kaniya,” isinulat ng alagad na si Santiago, “ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Santiago 1:17) Iniulat ng Hebreong propeta na si Malakias ang sariling kapahayagan ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Sa bansang Israel noong kaarawan ni Isaias, sinabi ng Diyos: “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan. Ako ay kikilos nga.” (Isaias 46:4) Kaya naman, hindi binabago ng paglipas ng panahon ang pananalig na maaari nating taglayin sa mga pangako ng Makapangyarihan-sa-lahat.

Isang Aral Mula sa Kautusan

Kung paanong ang mga pangako ni Jehova ay mapananaligan at di-nagbabago, gayundin naman ang kaniyang mga pamantayan ng tama at mali. Magtitiwala ka ba sa isang mangangalakal na gumagamit ng dalawang uri ng panimbang, at isa lamang sa mga ito ang tumpak? Tiyak na hindi. Sa katulad na paraan, “ang madayang pares ng timbangan ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang hustong batong-panimbang ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Kawikaan 11:1; 20:10) Sa Kautusan na ibinigay niya sa mga Israelita, inilakip ni Jehova ang utos na ito: “Huwag kayong gagawa ng kawalang-katarungan sa paghatol, sa pagsukat, sa pagtimbang o sa pagtakal ng likido. Magkaroon kayo ng hustong timbangan, hustong mga panimbang, hustong epa at hustong hin. Ako ay si Jehova na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”​—Levitico 19:35, 36.

Ang pagsunod sa utos na iyan ay nagdulot sa mga Israelita ng lingap ng Diyos at gayundin ng maraming materyal na kapakinabangan. Sa katulad na paraan, ang pagsunod sa di-nagbabagong mga pamantayan ni Jehova, hindi lamang sa mga panimbang at mga panukat kundi sa lahat ng larangan ng buhay, ay nagdudulot ng mga pagpapala para sa mananamba na nagtitiwala sa kaniya. Inihayag ng Diyos: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”​—Isaias 48:17.

Bakit Bumababa ang mga Pamantayan sa Ngayon?

Binabanggit ng Bibliya ang dahilan sa pagbaba ng mga pamantayan sa ngayon. Inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, ang isang digmaan sa langit, na ang kinahinatnan ay nakaapekto sa lahat ng tao hanggang sa panahong ito. Sumulat si apostol Juan: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:7-9.

Ano ang kagyat na naging epekto ng digmaang iyon? Nagpatuloy si Juan: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”​—Apocalipsis 12:12.

Ang ‘kaabahan ng lupa’ ay sumapit nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914 at wakasan ang isang panahon ng mga pamantayan na ibang-iba sa mga pamantayan sa ngayon. “Ang Malaking Digmaan ng 1914-18 ay nagsisilbing isang hangganan na naghihiwalay sa panahong iyon mula sa ating panahon,” sabi ng istoryador na si Barbara Tuchman. “Sa pagkitil ng napakaraming buhay na maaari sanang naging kapaki-pakinabang at mabunga nang sumunod na mga taon, sa pagsira ng mga paniniwala, pagbago sa mga ideya, at pag-iwan ng di-malulunasang mga sugat dahil sa pag-aalinlangan, lumikha ito ng isang malaking agwat sa pisikal at gayundin sa sikolohikal sa pagitan ng dalawang panahon.” Ang kapuwa nito istoryador na si Eric Hobsbawm ay sumang-ayon: “Mula noong 1914, nagkaroon na ng kapansin-pansing pagbaba sa mga pamantayan na itinuturing noon na normal sa mauunlad na bansa . . . Hindi madaling maunawaan ang lawak ng pagbabalik, na sa kasawiang palad ay bumibilis, sa tinatawag ng ating mga ninuno noong ikalabinsiyam na siglo na mga pamantayan ng barbarismo.”

Sa kaniyang aklat na Humanity​—A Moral History of the Twentieth Century, sinabi ng awtor na si Jonathan Glover: “Ang isang tampok na bahagi ng ating panahon ay ang paglalaho ng kautusan sa moral.” Bagaman nag-aalinlangan siya hinggil sa isang kautusan sa moral buhat sa isang panlabas na pinagmumulan dahilan sa paghina ng relihiyon sa Kanluraning daigdig, nagbabala siya: “Sinuman sa atin na hindi naniniwala sa isang relihiyosong kautusan sa moral ay dapat pa ring mabahala sa paglalaho nito.”

Ang kasalukuyang-panahong pagsira ng pagtitiwala​—ito ma’y sa komersiyo, pulitika, o relihiyon o maging sa mga kaugnayang personal at pampamilya​—at ang kalunus-lunos na mga resulta nito ay bahagi ng balakyot na pakana ng Diyablo upang magdulot ng kaabahan sa mga naninirahan sa lupa. Desidido si Satanas na makipagdigma hanggang sa wakas at idamay sa kaniyang pagkapuksa ang lahat ng mga nagsisikap na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos.​—Apocalipsis 12:17.

Mayroon bang daang malalabasan, isang solusyon sa nangingibabaw na pagsira ng pagtitiwala? Sumasagot si apostol Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Mapagkakatiwalaan natin ang pangakong iyan sapagkat hindi lamang taglay ng Diyos ang kapangyarihan upang isakatuparan ang kaniyang layunin kundi ginagarantiyahan din niya ang katuparan nito. Hinggil sa anumang ‘salita na lumalabas sa kaniyang bibig’ ay inihahayag ni Jehova: “Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” Tunay ngang isang mapagkakatiwalaang pangako!​—Isaias 55:11; Apocalipsis 21:4, 5.

Pamumuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Diyos

Sa isang daigdig ng pabagu-bago at bumababang mga pamantayan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng paggawi na sinasabi ng Bibliya. Bunga nito, naiiba sila sa karamihan, at kadalasang naaakit nito ang pansin​—at panlilibak​—ng iba.

Sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa London, isang tagapagsalita ang tinanong ng isang reporter sa TV kung ang mga Saksi ni Jehova ba ay talaga ngang mga Kristiyano. Sumagot ito: “Oo, talagang-talaga sapagkat si Jesus ang aming huwaran. Palasak na palasak ang kaimbutan sa daigdig, at itinutuon namin ang aming pansin kay Jesu-Kristo bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Naniniwala kami na siya ang Anak ng Diyos at hindi bahagi ng isang Trinidad, kaya ang aming pagkaunawa sa Bibliya ay naiiba sa karaniwang relihiyon.”

Nang isahimpapawid ang panayam sa telebisyong BBC, tinapos ng reporter ang programa sa pagsasabing: “Marami akong natutuhan kung bakit kumakatok ang mga Saksi ni Jehova sa ating pintuan. At sa palagay ko’y hindi pa ako nakakita ng 25,000 katao na bihis na bihis at napakabuti ng paggawi na sama-sama sa isang lugar sa isang pagkakataon.” Tunay ngang isang mainam na patotoo sa katalinuhan ng pagtalima sa mga di-nagbabagong pamantayan ng Diyos mula sa isang nagmamasid na tagalabas!

Bagaman maaaring kinayayamutan ng ilan ang ideya ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan na hindi sila ang nagtakda, pinasisigla ka namin na basahin ang iyong Bibliya at pag-aralan kung ano ang mga pamantayan ng Diyos. Ngunit huwag kang masiyahan na lamang sa pahapyaw na pagsusuri. Sundin ang payo ni apostol Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Dumalaw sa Kingdom Hall sa iyong komunidad, at kilalanin ang mga Saksi roon. Makikita mo na sila’y mga ordinaryong tao na naglalagak ng kanilang tiwala sa mga pangako sa Bibliya at nagpapamalas ng kanilang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap na mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan.

Ang pagsunod sa di-nagbabago at mapagkakatiwalaang mga pamantayan ng Diyos sa iyong personal na buhay ay tiyak na magdudulot sa iyo ng mga pagpapala. Pakinggan ang mismong paanyaya ng Diyos: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”​—Isaias 48:18.

[Mga larawan sa pahina 5]

Sa ngayon, umiiral ang pagsira ng pagtitiwala sa komersiyo, pulitika, relihiyon, at sa mga kaugnayang pampamilya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share