Ang Iditarod—Sampung Siglong Ginawa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALASKA
IDINUDUNGHAL ang aming mga ulo, sumungaw kami sa ibaba sa pangunahing lansangan sa bayan. May pulutong ng mga tao roon, pati ng mga kamera at mga kagamitan ng media. Lahat kami ay tumingin sa dulo ng daan. Hinihintay namin ang unang sulyap sa nagwagi ng “Ang Iditarod—Ang Huling Malaking Karera” dito sa hangganang guhit sa Nome, Alaska.
Ang pinakabantog na sled dog race (karera ng aso na may hila-hilang paragos) sa daigdig, ng humigit-kumulang 1,800 kilometro, ay aktuwal na tumagal ng mahigit na sampung araw. Noong nakaraang taon ang oras ay itinala na mga ilang oras na mahigit sa siyam na araw. Yamang ang unang 24 na oras ng karera, isang seremonyal na pasimula, ay hindi kabilang sa opisyal na oras sa taóng ito, ang mga oras noong isang taon at sa ngayon ay hindi magkatulad. Maraming musher o nagpapatakbo sa mga aso mula sa iba’t ibang bansa ang lumahok, kasali na ang mga beterano ng ibang karera.
Isip-isipin ang paggugol ng mga sampung araw o higit pa, na karamihan ay nag-iisa, sa malupit na iláng. Kailangan mong tawirin ang mga daanan sa bundok; mayelong mga bangin; kapatagan; malawak, nagyeyelong haywey ng mga ilog; at baku-bakong dagat ng yelo at magbata ng napakalamig na temperatura habang palagi kang tumatakbo patungo sa iyong patutunguhan dito sa Nome.
Napansin namin ang katuwaan na nililikha ng pagtatanghal na ito ng tibay ng loob at pagtutulungan sa pagitan ng tao at ng aso, at kami’y nagtatanong, ‘Saan ba ito nagsimulang lahat?’
Ang Pamana ng Pagpapatakbo ng Aso
Saan nanggaling ang mga salitang “mushing” at “musher”? Ang mga katagang ito ay nagpasimula nang may manirahan sa Hilagang-kanluran ng Canada. Ang Pranses-Canadianong mga nagpapatakbo ng aso ay sumisigaw: “Ma-a-r-r-che!” Sa Ingles na mga maninirahan sa Canada, ang tunog ng salita ay parang “Mush!” Kaya ang nagpapatakbo ng aso ay nakilala bilang isang musher.
Samantalang ang makabagong karera ng sled dog ay isang bagong libangan, ang mga sled dog ay ginamit na sa loob ng di-kukulanging sanlibong taon. Dati-rati, ang mga aso at paragos ay pangunahin nang ginagamit upang maghatid ng mga paninda sa maniyebe, malawak na lupain ng iláng sa hilaga. Ang unang nasusulat na rekord ng mga aso na ginagamit upang hilahin ang mga paragos ay masusumpungan sa literaturang Arabe noon pang ikasampung siglo. Inaakala ng ilang awtoridad na ang mga taong Chukchi sa Siberia ang unang umasa sa mga aso at paragos sa anumang antas.
Ang ginto ang nagbukas ng daan sa orihinal na Iditarod Trail. Noong 1908 ang ginto ay nasumpungan sa isang dako kung saan nangangaso ang mga Athapaskan Indian ng caribou (isang uri ng usa). Tinawag nila ang dakong ito na Haiditarod, ang ibig sabihi’y “ang malayong lugar,” nang maglaon ay ginawang Ingles na Iditarod. Bunga nito, ang isang 1,800-kilometrong pagtugaygay patungong Nome ang nagawa, tumatakbo sa bayan ng Iditarod. Nang maglaon, ito ay nakilala bilang ang Iditarod Trail.
Noong panahon na unang matuklasan ang mga minahan ng ginto sa Alaska at Canada, ang mga dog sled ang nagdala ng mga kagamitan, koreo, at ginto sa malawak na iláng. Isang ulat ang nagsasabing noong dakong huli ng taóng 1911, mga pangkat ng apat na aso ang naghatid ng 1,200 kilo ng ginto sa isang pagkakargada sa kahabaan ng Iditarod Trail, dumarating sa Knik, Alaska, noong Enero 10, 1912.
Nagsimula ang Makabagong Karera ng Sled Dog
Noong panahon na matuklasan ang mga minahang ginto, na napakaraming pangkat ng mga aso ang kumikilos, karaniwan na para sa mga dog puncher, gaya ng tawag sa mga nangangasiwa, na maniwalang ang kanilang pangkat o nangungunang aso ang marahil siyang pinakamalakas, ang pinakamabilis, o ang pinakamatalino. Bunga nito, madalas ang paligsahan. Kaya, sa Nome, noong 1908, idinaos ang unang organisadong karera ng sled dog, ang All-Alaska Sweepstakes. Ang tagapagpaunang ito ng makabagong karera ng sled dog ay naghanda sa mga musher na iyon sa isa pang karera—hindi upang magwagi ng gantimpalang ginto kundi upang magligtas ng mga buhay.
Ang Nome Serum Run ng 1925
Ang makasaysayang Nome Serum Run ay isang karera ng sled dog laban sa kamatayan. Noong Enero 1925, nagkaroon ng epidemya ng dipterya sa Nome. Dahil sa banta ng isang epidemya, isang panustos ng serum ang kailangang makarating agad sa Nome. Isang relay (takbuhang abutan) ng 20 mga dog puncher at ng kani-kanilang pangkat ay inorganisa. Ang unang pangkat ay umalis ng Nenana na may temperaturang nagtatala ng minus 46 na digri Celsius, sa gayo’y sinisimulan ang isang relay ng mga pagtakbo sa pagitan ng mga nayon na karaniwang 50 hanggang 80 kilometro ang layo. Karamihan dito ay sa dilim, yamang ang liwanag ng araw sa Artiko sa panahong iyon ng taon ay tatlo hanggang apat na oras lamang ang haba.
Ang mahigit na 1,080 kilometro patungo sa Nome ay sinaklaw sa loob ng 5 1/3 araw—isang paglalakbay na karaniwang nangangailangan ng 25 araw. Ang mga musher ay nagpatakbo sa nagngangalit na mga bagyo ng niyebe na may napakalamig na temperatura na minus 57 digri Celsius o mas mababa pa. Napakadakila ng kahanga-hangang gawang ito anupat ang presidente ng E. U. na si Calvin Coolidge ay naglabas ng isang medalya at isang sertipiko sa bawat kalahok.
Mga Nangungunang Aso
Ang nangungunang aso ng isang pangkat ay napakahalaga. Kakaunting aso ang nagiging karapat-dapat bilang lider. Dapat mong tandaan na depende sa bilang ng mga aso sa isang pangkat, ang nangungunang aso ay maaaring mula 15 hanggang 20 metro o higit pa nga sa harap ng musher. Sa dilim o sa puting-puting mga kalagayan, o pagkurba sa mga kanto, ang nangungunang aso ay maaaring hindi nakikita ng musher. Kaya nga, nasa asong ito na amuyin ang landas at sundan ito o piliin ang pinakaligtas na ruta at gumawa ng iba pang pagpili sa pana-panahon, nang malaya sa panginoon nito.
Noong nakaraang taon, ang musher na si DeeDee Jonrowe mula sa Alaska, ang pumangalawa sa karera noong isang taon, ay hindi na ginamit si Barkley, ang kaniyang pinakamaaasahang nangungunang aso. Iyan ay isang matinding dagok sa kaniyang pangkat. Dalawang taon na ang nakalipas, si Lavon Barve, isang sampung-ulit na Iditarod musher, ay kinailangang umalis sa karera 369 na kilometro na lamang bago dumating sa Nome, na malát sa kasisigaw ng mga utos sa kaniyang pares ng walang-karanasang mga nangungunang aso.
Ang pagpuri sa nangungunang aso ay hindi nangangahulugan na ang musher ay walang gaanong ginagawa upang pangasiwaan ang kaniyang pangkat. Sa kabaligtaran, siya ang nagmamando, nag-uutos sa pamamagitan ng pagsigaw ng mga utos, “gee” (kanan), “haw” (kaliwa), o “whoa” (hinto). Ang “sigaw” noon ay pangkalahatang napalitan na ng karaniwang termino sa football na “hike” o basta “let’s go.” Ang mga ito o ang katulad na mga pananalita ang nagpapakilos sa pangkat at nangangasiwa sa mga kilos nito. Ang mga utos na iyon, na dinaragdagan pa ng kahanga-hangang kawit ng niyebe, isang uri ng angkla na ibinabaon sa niyebe upang hindi tumakbo ang sabik na sabik na mga aso bago pa ang oras ng pagtakbo, ang siyang karaniwang sumusupil sa pangkat.
Ang salitang “karaniwan” ay ginamit dito sapagkat ang musher na si Mark Nordman mula sa Minnesota ay maaaring tumutol sandali tungkol sa pagkamaaasahan ng nangungunang aso o sa pagtugon ng pangkat sa mga utos. Sa nakalipas na karera, bago pa dumating sa isang checkpoint, inihinto niya ang kaniyang pangkat upang ayusin ang ilang nagkabuhul-buhol na mga tali. Habang siya’y gumagawa, pinagbuhul-buhol ng mga aso ang mga tali, na kumalas sa gangline, ang metal na kableng nagkakabit sa paragos na pinagkakabitan ng bawat aso, at ang mga aso ay nagsimulang tumakbo. Habang lumalayo ang pangkat sa paragos, mabilis na tinalon ni Mark ang tali, nahuli ito sa likuran lamang ng huling aso. (Ang maiwala ang iyong pangkat sa iláng ay maaaring maging napakapanganib.) Sa susunod na kalahating kilometro, siya’y nagmistulang araro sa niyebe at nag-ski sa tubig habang siya ay kinakaladkad ng pangkat niya sa niyebe at sa ilog. Ang kaniyang parka ay sumalok ng tubig, at naipon ang yelo sa ilalim ng kaniyang baba habang siya ay dumadausdos sa likod ng kaniyang pangkat, sa lahat ng panahon ay sumisigaw ng utos na huminto. Sa wakas ay sumunod ang mga aso, at siya’y naglakad pabalik upang kunin ang kaniyang naiwang paragos. Bigung-bigo—nang mga sandaling iyon—sa hindi pagsunod ng nangungunang aso!
Subalit, umiiral ang mga kalagayan kung kailan nagkakaroon ng higit na maligayang mga resulta para sa pagkamaaasahan ng nangungunang aso. Noong panahon ng Iditarod, ang tulog ay mahalaga ngunit mahirap makuha. Kapag ang landas ay tuwid at patag, may mga panahong maaaring ipasa ng musher ang pangkat sa nangungunang aso habang naiidlip ang musher sa paragos. Sa buong panahon, ang mga aso ay nagpapatuloy sa masiglang bilis tungo sa kanilang patutunguhan, sa Nome.
Kung minsan, sa isang mabuting landas, ang pangkat ay maaaring magpatakbu-takbo sa pagitan ng 18 at 19 na kilometro sa bawat oras o bumilis sa 30 kilometro sa bawat oras sa mas maiikling panahon. Ang katamtamang bilis ay mas mabagal pa, ngunit kadalasang nasasaklaw nila ang 160 kilometro sa isang araw. Isang kampeong pangkat ay nagkaroon ng katamtamang bilis na 7 kilometro sa bawat oras sa buong sampung-araw na karera.
Ang Alaskan Sled Dog
Ang ilan ay nagtatanong kung ang mga sled dog ay baka minamaltrato, pinagsasamantalahan ng tao. Palibhasa’y nababatid ang pag-abuso na ibinubunton ng tao sa mga hayop, makatuwiran naman ang mga pagkabahalang ito.
Ang mga sled dog ay para bang gumagawa ng kanilang atas na may kasiglahan, habang ang mga ito ay tahulan nang tahulan sa guhit kung saan sila magsisimula—ipinakikilala ng bawat aso ang kaniyang pagnanais na mapunta sa tataluntuning daan. Gayon na lamang kasabik ang mga aso na umalis anupat hinila ng isang pangkat ng sampung aso ang kanilang gurnasyon taglay ang gayon na lamang lakas anupat nakaladkad nila ang trak na pickup na doon sila nakatali—at ang trak ay nakakambiyo at nakapreno!
Ang mga musher ay masyadong maalalahanin sa kapakanan ng kanilang mga hayop. Sa mga pahingahan, ang malaking bahagi ng panahon ay ginugugol sa paghahanda ng pagkain para sa mga aso at paglalatag ng dayami upang mainsula sila sa kanilang maniyebeng mga higaan, gayundin sa pagsisiyasat sa kanilang mga bootee (sapin sa paa), na nagsasanggalang sa kanilang mga paa, at pag-aasikaso sa anumang paang may sugat. Ang pahinga para sa musher sa Iditarod ay maaaring mga pag-idlip lamang ng isa at kalahati o dalawang oras sa isang panahon, bagaman may kahilingang 24-na oras na paghinto na doon ang mga musher ay maaaring magpahinga ng anim o pitong oras. Mabuti naman, ang mga aso ay nagkakaroon ng higit na pahinga kaysa musher.
Ang tuntunin ng musher batay sa karanasan ay na ang isang aso ay hindi dapat humila ng higit kaysa timbang nito. Ang katamtamang paragos sa Iditarod, pati na ang musher, ay tumitimbang sa pagitan ng 140 at 230 kilo. Kung ang isang kumakarera ay may pangkat ng 15 aso, ang bawat isa ay humihila ng halos 15 kilo o mas magaang pa rito, mababa sa timbang ng katamtamang aso na 25 kilo. Bukod pa rito, sa karamihan ng panahon, ang musher ay hindi sumasakay sa paragos. Sa halip, siya’y tumatakbo sa likod at tumutulak, marahil tumutulong sa isang pataas na pag-akyat o sa kalawakan ng baku-bakong landas.
Subalit, sa kabila ng pangangalaga ng mga musher sa kanilang mga aso, may mga nagsasabing napipinsala ng mga karera ang ilan sa kanila. Binanggit ng isang liham sa The New York Times na ang Humane Society ng Estados Unidos ay nagsasabing hindi matapos ng ilang aso ang takbuhin at na ang ilan ay namamatay pa nga dahil sa walang-awang pagpapatakbo. Sinasabing sa kalakhang bahagi, ang dahilan para dito ay ang malaking halaga ng premyong salapi na itinutustos ng sama-samang tagatangkilik.
Apat na Uri ng Aso
Anong uri ng aso ito na makapananatili sa bilis at wari bang nasisiyahan dito? Ang anumang aso na sinanay na humila ay maaaring maging isang sled dog. Ngunit ang pangkarerang sled dog sa Alaska ay karaniwang isa sa apat na pangunahing uri: ang Alaskan malamute, ang Siberian husky, ang Alaskan husky, o ang village, o Indian, dog, ayon sa awtor na si Lorna Coppinger, sa kaniyang aklat na The World of Sled Dogs.
1) Ang Alaskan malamute ay isang natatanging katutubong lahi ng aso sa Artiko. Nasumpungan ng mga Rusong manggagalugad ang malamute sa katutubong tribo ng Inuit sa Kotzebue Sound, isang bayan na kilala noon bilang Mahlemut o Malemiut. Ang asong ito ay may malaking katawan at napakalakas. Ito’y napatunayang mahusay sa pagbubuhat ng mabibigat na karga noong panahon ng pagkasumpong ng minahan ng ginto. Ang mas mabagal na takbo nito ay tinutumbasan naman ng matinding lakas at pagbabatá nito.
2) Ang Siberian husky, kadalasang may bughaw na mga mata, ay isa ring kilalang lahi. Ito ay maliit, matalino, at mabilis at may natatanging mga palatandaan. Una itong dinala sa Alaska noong 1909 ng isang Rusong mangangalakal ng balahibo ng hayop na inilahok ang kaniyang pangkat ng sampung Siberian husky sa ikalawang All-Alaska Sweepstakes.
3) Ang Alaskan husky ay hindi itinuturing na isang lahi kundi kinikilala bilang isang natatanging uri, na may ilang katangian. Ito’y pinaghalong mga aso sa hilaga at ang pangalan nito’y galing sa isang katutubong salita para sa Eskimo—Husky o Huski—na ang ibig sabihin, “mangangain ng sariwang laman.” Ang pangalan ay hindi angkop, yamang ang mga musher sa hilaga sa nakalipas na mga taon ay lubhang umasa sa pinatuyong isda upang pakanin ang kanilang mga pangkat.
4) Ang Indian, o village, dog, ang pinakakaraniwang pangkarerang Alaskan sled dog sa ngayon, ay kadalasang mahirap uriin. Produkto ito ng mga taon ng mapiling paglalahi ng koleksiyon ng makukuhang gene ng mga aso sa nayon kung saan ito ginagawa. Ang asong ito ay makapaglalakbay ng isang kilometro sa loob halos ng dalawang minuto at matatapos ang 30-kilometrong karera nang wala pang 27 kilometro sa bawat oras at gayunma’y magtaglay pa rin ng sapat na lakas upang asamin na may pananabik ang takbuhan sa kinabukasan. Bagaman hindi kagandahan sa ilan, kung tama ang paglalakad nito, ang aso ay maganda sa musher.
Ang Katapusan
Ang pagdating ng nanalo ay hindi nagwawakas sa Iditarod. Maaaring walo hanggang sampung araw pa bago opisyal na matapos ang karera at ang Gantimpalang Pulang Ilawan ay ipinagkakaloob sa kahuli-huling musher na tumawid sa hangganang guhit. Ang sagisag na pulang ilawan ay hinango noong panahon ng mga tren, kapag isang pulang ilawan ang isinasabit sa dulo, o sa caboose, ng tren.
Kung iisip-isipin ang Iditarod, kami’y humanga sa magkasamang pagtutulungan ng tao at aso na nagpapangyari sa kanila na maglakbay ng mahigit na 1,800 kilometro sa napakahirap na lupain sa napakasungit na panahon. Subalit ginagawa ito ng ilang pangkat sa loob ng sampu at kalahating araw. Humanga rin kami sa kamangha-manghang pisikal at mental na mga kakayahan na inilagay ng Maylikha sa tao at sa hayop na nagpapangyari sa kanila na magawa ang gayong kahanga-hangang gawa.
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Mga larawan: ©Jeff Schultz/ Alaska Stock Images